Alice
“Hay naku, kayo na lang,” maarteng turan ni Shirley habang umiikot ang mga mata niya, sabay pilantik ng daliri. “Hindi ko pinangarap na maging third wheel, ano!”
Kakarating lang ni Javier sa labas ng gate kung saan namin siya hinintay. Fresh pa ang ngiti, bitbit ang presensya niyang palaging kalmado pero comforting. Lumapit siya sa amin at natural lang na inabot ang kamay ko, parang automatic na reflex.
“Hindi ka naman third wheel,” sabi niya, sabay lingon kay Shirley. “Best friend ka ni Alice, so kaibigan na rin kita. Kasama ka talaga.”
Napangiti si Shirley, yung tipong alam mong kinikilig kahit ayaw umamin. “Ay grabe ka, Javier. Ang sweet mo talaga. Kaya naman botong-boto ako sa’yo eh.” Pa-cute pa niyang kunyari boboksingin ang aking boyfriend na akala mo ay nagpapa-cute sa kdrama.
Masaya ako. Totoo.
Sino ba naman ang hindi makakadama ng ganon?
Mahigpit pa ang hawak ni Javier sa kamay ko, parang sinasabi niyang nandito lang ako. Ramdam ko ang init ng palad niya, ang banayad na haplos ng hinlalaki niya sa likod ng kamay ko. Mga simpleng bagay na sa kanya, parang laging may assurance.
Pero doon din nagsisimula ang guilt.
Alam kong alam niya, kahit hindi namin direktang pinag-uusapan na hindi siya ganap na tanggap ni Mommy. Ramdam ko ang pag-iingat niya tuwing nababanggit ang pangalan ng Mommy ko, ang pagpili niya ng salita, ang sobrang paggalang na minsan, pakiramdam ko, nasasakal na siya.
Pero hindi siya nagrereklamo.
Hindi siya nagagalit.
Patient siya. Sobrang patient.
Bilang babae, nasa kanya na ang lahat ng hinahanap ko. Maalaga. Mature. May respeto. Hindi takot magpakita ng affection kahit sa simpleng hawak lang ng kamay o tingin na puno ng lambing. Kaya ko nga siya sinagot, hindi ba? Dahil sigurado ako sa kanya.
At doon ako mas lalong nasasaktan.
Because my contract with Lance…
It’s something I can’t control anymore.
Alam ko, hindi ako dapat pumayag. Alam ko, mali. Pero sa moment na ‘yon, ang nasa isip ko lang ay ayokong madismaya si Mommy. Ayokong makita ‘yung malamig niyang tingin, ‘yong pakiramdam na wala akong utang na loob.
So I said yes.
Even if it meant selling a part of myself.
At ngayon, habang hawak ako ni Javier, habang ngumingiti siya na parang walang bahid ng duda, para akong nilalamon ng konsensya.
Damn.
Sa lahat ng nangyari, siya ang nasasaktan ko ngayon. At ang pinakamasakit, hindi niya man lang alam.
“O siya, gora na ako. Mag-date na kayo,” pabirong sabi ni Shirley habang umaatras na siya palayo sa amin.
Pero bago tuluyang tumalikod, sinulyapan niya ako. Hindi ‘yong ordinaryong ngiti. May ibig sabihin. May paalala.
Isang ngiting parang nagsasabing, ‘Alice, this is it. Be honest. Huwag mo nang patagalin.’
She’s smiling, but instead of comfort, mas lalo lang akong nilamon ng guilt. Para akong nahubaran ng dahilan para umiwas.
Hindi na siya lumingon pa. Iniwan niya kami roon. Ako at ang konsensya kong biglang sobrang ingay.
Hinawakan ni Javier ang kamay ko at marahan akong inalalayan palabas. Tahimik lang siya, pero ramdam ko ang excitement niya. Parang may plano.
Sa restaurant niya ako dinala. At doon pa lang, nagulat na ako.
Hindi ito ‘yong usual na kinakainan namin. Mas tahimik. Mas intimate. May warm lights, may soft music sa background, at may atmosphere na parang sinadya para sa something special.
Parang hindi ito date lang.
Parang effort.
Hindi ako nagreklamo. Hindi rin ako nagtanong. Pero sa bawat hakbang papasok, mas lalo akong kinakabahan.
Dito ko ba talaga gagawin ‘to?
Bigla akong nagdalawang-isip.
Bigla, parang gusto kong umatras.
Paano ko sasabihin sa kanya ang balak ko kung ganito siya ka-considerate? Kung heto siya, all smiles, proud na proud pang kasama ako?
Ang makipaghiwalay ng tuluyan.
Paano ko ‘yon gagawin gayong halatang pinag-isipan niya ang gabi na ‘to? Na nag-effort pa talaga siya para mapasaya ako. Samantalang ako, dala ko lang ay isang desisyong makakasakit sa kanya.
Nakaupo na kami sa table na inireserba niya. Tahimik kaming naghihintay sa waiter, pero sa loob ko, parang may nagwawala.
Ang dibdib ko, parang hinihigpitan.
Ang lalamunan ko, parang may nakabara.
Kailangan ko na talagang gawin ang tama, paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko.
Kahit masakit.
Kahit ayaw ko.
“Okay ka lang, love?” tanong niya, biglang hinawakan ang kamay kong nakapatong sa mesa.
Bahagya niya pa iyong pinisil—gentle, reassuring. Isang simpleng haplos na parang sinasabi, ‘You can tell me anything. Nandito lang ako.’
At doon ako muntik ng mapaiyak. Mabuti na lamang at napigilan ko. Bagay na hindi ko alam ay kaya ko pa lang gawin.
Ngumiti ako sa kanya, pilit. Pilit na pilit. Nilalabanan ko ang lungkot na unti-unti nang bumabalot sa dibdib ko, ‘yong tipong kahit ngumiti ka, ramdam pa rin ang bigat sa mata.
Kung alam lang niya ang dahilan kung bakit ako pumayag sa date na ‘to.
Hindi para mag-enjoy.
Hindi para kiligin.
Kundi para tapusin na ang lahat.
Para tuluyan nang wakasan ang relasyon namin, bago pa ako tuluyang malunod sa kasinungalingan.
Sana lang, sa huling pagkakataon, hindi kami parehong mahirapan.
“Wala,” sabi ko agad, sabay pilit na ngiti. “Napaisip lang ako. Parang… ang effort naman ng kain natin na ’to.”
Pinilit kong pinakaswal ang tono ko, parang wala lang, parang hindi ako nanginginig sa loob. Ginawa ko lahat para mabawasan ang pag-aalala niya—kahit ako mismo, nagpa-panic na.
Ngumiti siya pabalik. Yung ngiting alam mong proud siya sa ginagawa niya.
“Well,” sabi niya, bahagyang yumuko palapit sa akin, “nag-effort talaga ako. And sana ’wag kang magugulat later.”
Kumunot agad ang noo ko.
Later?
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Is he planning something?
May iba pa bang mangyayari bukod sa pagkain namin?
Bago pa ako makapagtanong, lumapit na ang waiter. Inabot sa amin ang menu, may kasamang professional na ngiti, parang sanay na sanay sa mga couple na may pinagdadaanan kahit hindi niya alam kung gaano kabigat ang nasa mesa namin.
Hindi na ako nag-abala pang tumingin nang matagal. Hinayaan ko na lang si Javier ang umorder. Pero kahit ganon, every now and then, lumilingon siya sa akin.
“Gusto mo ba nito?”
“Oy, okay ba ’to sa’yo?”
“Hindi ka allergic dito, ’di ba?”
Tumango lang ako. “Okay lang.”
“Yes.”
“Kahit alin.”
Pero hindi sa lahat. May ilang beses na umiling ako. Hindi dahil maarte—kundi dahil ayokong gumastos siya nang sobra para sa akin. Ayokong dagdagan pa ang bigat ng konsensya ko.
Pero kahit ganon, ramdam kong parang… sobra pa rin.
Habang nagsusulat ang waiter, napansin kong humahaba nang humahaba ang listahan. Isang tingin lang, alam kong hindi na ‘to pang-dalawang tao lang.
Tatlo? Apat? Lima?
“Wag kang magtaka,” biglang sabi ni Javier, parang nabasa niya ang nasa isip ko.
Tumingin ako sa kanya, pilit pinakalma ang sarili ko. Pero ramdam ko na parang naninikip na ang dibdib ko sa kaba.
“My mom is going to be here,” dagdag niya, diretsong tumingin sa mga mata ko. “Gusto kong ipakilala ka na sa kanya. Para malaman mo kung gaano ako kaseryoso para sa ating dalawa.”
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa.
Biglang nag-ingay ang paligid, pero parang hindi ko na marinig nang maayos. Ang t***k ng puso ko, parang gusto nang kumawala sa dibdib ko.
Ina niya?
Dito?
Ngayon?
Nandito ako para makipag-break.
Para tapusin na ang lahat.
Pero paano ko gagawin ’yon… sa harap mismo ng sarili niyang ina?
Paano ko sasabihin na ayaw ko na, natapos na sa amin ang lahat habang siya naman, mas lalo pang lumalapit?