Nikolai unbuttoned his long-sleeves. Kaya nanglaki ang aking mga mata habang nakatingin sa kaniyang dibdib dahil bahagyang lumitaw ang kaniyang malapad at matigas na dibdib.
Medyo nataranta pa ako kaya bigla kong inilihis ang aking mga mata, at piniling titigan ang gintong upuan na medyo malapit lamang sa akin.
Bahagya ring humahagod ang kaniyang titig sa aking gawi na halos magpanginig sa aking mga hita sa gulat. Hindi ko kasi inaasahan iyon. Base sa kaniyang pagtitig kanina, malalim lamang at parang binabasa ako pero ngayon, bakit biglang uminit?
Hindi ko maintindihan kung bakit nadadala rin ang aking puso. Kabog nang kabog ito na para bang natatakot sa presensya niya. May kaunting kiliti rin sa aking puson. Ang problema ko lang ay bakit ganito ang nararamdaman ko?
May nararamdaman kasi akong parang pamilyar sa akin si Nikolai. Hindi ko lang tanda kung sana ba kami nagkita o rito talaga kami unang nagkakilala?
“Hyacinth.”
Nanigas naman ako nang biglang may sumagi sa isip ko. Isang pamilyar na boses pero nang lingunin ko si Nikolai, tahimik lang siya at seryosong nakatingin sa akin.
Malalim din ang paraan ng kaniyang pagtitig. Ngunit hindi ko lamang sigurado kung ano ba talaga ang kaniyang binabalak. Hindi ko naman kasi mabasa ang kaniyang nasa isip, eh.
“Who are you?” tanong ko bigla dahil sa narinig kong boses. Ang paraan ng pagbundol ng puso ko ay ibang-iba sa tuwing ninenerbyos ako.
May alam ba siyang hindi ko alam?
“Nikolai Louvent Vanderhart—”
“Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Nikolai!” pasigaw na sagot ko sa kaniya.
Alam ko ang buong pangalan niya. Iyon naman ang sinabi niya kanina sa hapag, hindi ba? Pero alam naman niya na iba ang gusto kong sabihin, hindi ganito.
“Tinatanong ko kung sino ka sa buhay ko,” paliwanag ko sa kaniya nang hindi man lang magbago ang kaniyang expression.
Hindi ko kasi alam kung bakit pakiramdam ko na parang kilala ko siya. Impossible naman siguro iyon, hindi ba? Never ko pa siyang nakita o nakilala. Ngayon pa lang. Wala naman kaming past sa pagkakatanda ko, kaya paano nangyari iyon?
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong nito at bahagyang tinanggal pa ang kaniyang suot na long-sleeves.
Napaawang naman ang aking labi sa gulat dahil hindi ko inaasahan na tatanggalin niya ang kaniyang damit. Nasilayan ko tuloy nang wala sa oras ang kaniyang katawan.
Magmula sa kaniyang biceps, pumuputok iyon. Hulmadong-hulmado na parang hindi talaga nagpapaawat sa pagwo-workout niya. Malapad din ang kaniyang balikat at may iilang muscle rin ang halata roon. Ang kaniyang dibdib naman ay halatang matigas. Ultimo ang kaniyang tiyan, may abs din, walo.
Paano ako makikipag-usap sa kaniya nang maayos kung pinipilit naman niya akong i-distract? Hindi ko talaga alam kung sinadya ba talaga ni Nikolai ito o sadyang trip niya lamang?
“Ano ba ang nasa isip mo?” tanong niyang muli para kunin ang aking atensyon.
Bahagya namang namula ang aking pisngi dahil sa hiya. Hindi ko kasi namalayan na nakatitig na pala ako sa katawan niya. Ang buong akala ko pa man din ay hindi ko iyon gagawin, pero nagkamali ako.
Ang lakas kasi talaga ng appeal ni Nikolai. Mula sa kaniyang mga mata hanggang sa kaniyang katawan, parang may nararamdaman akong kakaiba. Hindi naman siguro ito lust, hindi ba? Never ko namang naramdaman iyon sa tuwing humahanga ako. Pero bakit halos manuyo ang aking lalamunan nang makita ko siya?
Ang tanging suot na lamang ni Nikolai ngayon ay ang kaniyang pang-ibaba. Pinipilit ko ngang huwag lingunin ang kaniyang ibabang katawan para hindi ako ma-distract nang tuluyan.
Baka kasi mamaya, mapunta ang mata ko sa gitna ng kaniyang mga hita. Hindi ko pa man din kayang itago ang mga emosyon sa aking mukha o sa aking mga mata.
“Hindi ko alam,” ninenerbyos na sagot ko. “Pakiramdam ko lang, pamilyar ka.”
Totoo iyon. Iyon naman talaga ang nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko kasi ay kilala ko siya pero paano ko siya makikilala kung ngayon lang kami nagkita? Sobrang gulo. Wala akong maintindihan na kahit ano. Kaya napalihis na lamang ako ng aking mga mata at piniling huminga nang malalim.
“Paanong pamilyar? Linawin mo, Hyacinth.”
“Hindi mo ba maintindihan?” naiinis na tanong ko sa kaniya at naglakad papunta sa gintong upuan. Hindi ko lang sigurado kung ginto ba talaga ito dahil kapag purong ginto, mabilis iyon matunaw lalo na kung mainit. Pero ang problema, hindi naman mainit dito sa palasyo nila. Ang lamig nga kung tutuusin. Para umuulan ng yelo pero hindi naman.
“Magtatanong ba ako kung hindi?” giit naman nito na nagpairap naman sa akin.
Tama naman siya. Hindi naman siya magtatanong sa akin kung naiintindihan niya. Ngunit bakit ba kailangan kong ulitin kung pati rin naman ako ay naguguluhan?
“Hindi ko alam. Pamilyar ang presensya mo,” sagot ko at umupo sa silya. “Iyong boses mo rin parang pamilyar.”
Matagal siyang nanahimik. Kaya medyo nailang ako. Napilitan tuloy ang mag-angat ng aking ulo para silipin siya ngunit natigilan ako. Naninigas kasi ang kaniyang mga mata na nakatingin sa akin. Kagaya ng nakita ko kanina, ginto ang kaniyang mga mata. Hindi na ito basta-basta guni-guni dahil kitang-kita ko na ito nang malapitan.
Bigla naman akong napahawak sa aking dibdib nang parang sumuntok na lang ang puso ko. Hindi ko alam kung bakit bigla kong naramdaman iyon. Bukod sa pinagpapawisan na rin ang aking mga palad, nanginginig din ang aking katawan at parang napapalibutan pa ako ng apoy.
Sobrang init. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Pilit ko ring hinahabol ang aking hininga habang nakatitig sa mga gintong mata ni Nikolai.
Ano ba talaga ang nangyayari sa akin? f**k hell! It’s driving me crazy!
“Gusto mo bang ipaalala ko kung paano tayo nagkita?” tanong niya sa akin.
Bahagya namang napaawang ang aking labi pero pinili ko pa rin itong itikom, at mapalunok na lamang ng aking laway. Sinubukan ko ring ilihis ang aking mga mata pero hindi ko man lang magawa.
Unti-unti namang lumapit si Nikolai sa akin, at hindi ko alam kung bakit pilit kong nilalabanan ang nakatutunaw niyang titig. Umiigting pa ang kaniyang panga habang nakatingin sa akin. Halatang nagpipigil o naubusan na talaga ng pasensya.
“What?” paos na tanong ko sa kaniya.
Bigla naman siyang tumigil sa aking harapan, at ipinatong ang kaniyang palad sa mismong sandalan ng silya. Yumuko pa nga siya nang kaunti para ilapit ang kaniyang mukha sa akin.
Tila natuod naman ako sa aking kinauupuan habang nakatitig sa mga mata ni Nikolai. Pigil-hininga ang aking ginagawa habang siya naman ay nagawa pang ngumisi.
“Akala ko ba, gusto mong malaman kung sino ako? Kung bakit pamilyar ako, Hyacinth?” tanong nito sa akin at napasulyap pa saglit sa aking labi. “Ipapaalala ko sa iyo.”
“Paano mo naman gagawin iyon?” pabulong kong tanong sa kaniya.
Ikinuyom ko pa ang aking mga palad para pigilan ang panginginig ng aking kamay, pero wala itong silbi. Mas lalo lang kasi akong ninerbyos sa kaniyang ikinikilos ngayon.
“Iyan ang dapat kong ilihim. Ang tanging gusto ko lang naman malaman, Hyacinth, ay kung papayag ka,” paliwanag niya sa akin gamit ang kaniyang mababa at mapang-akit na boses.
Para naman akong na-hypnotize sa kaniyang sinabi. Sa paraan kasi ng kaniyang pagsasalita, para akong hinehele. Posible pala iyon, ano? Akala ko, sabi-sabi lang o exaggerated lang ang pagkukuwento ng mga author sa libro pero mali pala ako.
“Kasi kung papayag ka, baka maalala mo lahat.”