Chapter 2

1691 Words
***Irene POV*** NAPAHINTO ako sa paghahalo ng sinangag ng may kumatok sa pinto. Hindi ako kumibo at nakiramdam. "Rina. Rina." Napabuntong hininga ako nang marinig ang boses ng landlady nitong maliit na apartment na inuupahan ko. Pinatay ko ang superkalan at lumapit sa bintana na malapit sa pinto. Hinawi ko ang kurtina at sumilip. Nakita ko sa harapan ng pinto si Aling Corazon. Binuksan ko na ang pinto para harapin sya. "Magandang umaga po, Aling Corazon." "Aba'y magandang umaga din, Rina. Mabuti naman at gising ka na," turan nya habang nagpapaypay nang hawak nyang abaniko na kulay pula. "Ano pong sadya nyo?" "Ano pa nga ba? E di maniningil na ng upa ng bahay, kuryente at tubig." Kumunot ang noo ko. "Wala pa naman po ang due date ko. Sa susunod na linggo pa po," saad ko. Tumaas ang kilay nya. "Aba'y bakit hihintayin pa ang susunod na linggo kung pwede ka namang magbayad na ng advance." Bumuntong hininga ako at kumamot sa batok. Nakita ko pa ang ilan kong kapitbahay na nakatingin sa amin at nakikiusyo dahil sa mataas na boses ni Aling Corazon. Mukhang nasa mood itong tumalak ngayong umaga at ako ang bunot nya. "Aling Corazon, baka pwede pong next week na lang. Wala po akong pera ngayon, e." Namaywang sya at lalong tumaas ang kanyang kilay. "Hindi naman ako naniniwalang wala kang pera, Rina. May trabaho ka at ikaw lang ang mag isa dito sa bahay mo. Wala kang masyadong pinagkakagastusan kaya imposibleng wala kang pera." "E yon nga po ang concern ko, Aling Corazon. Mag isa lang naman po ako rito sa bahay at tuwing gabi lang naman ako narito. Pero bakit naman po ang laki ng singil nyo sa kuryente at tubig ko." Nagsalubong ang kilay nya at tumalim ang tingin sa akin. "Sinasabi mo bang dinadaya kita sa singilan?" "Hindi ko po sinabi yan. Ang sa akin lang ay sana patas kayong maningil." "Aba'y parang ganon na rin iyon! Para na rin sinasabi mong dinadaya kita sa singilan. Kung nag re-reklamo ka e di umalis ka. Hindi ko kailangan ng tenant na reklamador!" "Sige po. Basta ibabalik nyo sa akin ang 2 months deposit at 1 month advance ko. Aalis po ako ngayon din," saad ko sa mahinahong boses kahit naiinis na. Natigilan naman si Aling Corazon at unti-unting naging mahinahon ang bukas ng mukha. Kumurap-kurap sya at nag iwas ng tingin. "W-Wala akong pera ngayon, Rina. Kaya wala akong maibibigay sayo." Ngumiti ako. "Parehas lang po tayo, Aling Corazon. Kaya kung maaari sana ay sa susunod na linggo na ako magbabayad ng upa. Yung ibang tenant po muna ang singilin nyo. Sigurado namang ang iba riyan ay lampas na sa due date o kaya may utang pa." Bumuntong hininga sya at kumamot sa ulo. "Oo na, sige na. Sa susunod na linggo ka na magbayad ng upad. Basta huwag kang lalampas sa due date." "Opo naman. Kelan ba ako lumampas sa due date. Lagi po akong nauuna ng dalawang araw." "O sya, sa iba na lang ako maniningil." Tumalikod na si Aling Corazon habang bumubulong-bulong pa. Ngumisi naman ako at sinarado na ang pinto sabay lock. Akala siguro nya ay makakaisa sya sa akin. Masyado na syang abusada. Bumuntong hininga ako at inikot ang mata. Ang totoo ay may pera ako. Ayoko lang magbigay kay Aling Corazon dahil malayo pa ako sa due date. Isa pa ay dinadaya nya ako sa bayarin. Nalaman ko rin sa ibang mga kapitbahay na ang ibang tenant ay laging pumapalya ng bayad sa kanya sa upa tapos ako ay lagi nyang sinisingil ng maaga. Ang mahal pa ng singil nya sa kuryente at tubig samantalang mag isa lang naman ako. Namaywang ako at inikot ang mata sa kabuuan ng apartment. Napakaliit lang nito pero ang mahal ng upa. Hindi rin maayos dahil may bitak na ang pader at sahig, siguradong guguho ito kapag lumindol. Hindi rin maganda ang lugar dahil nasa loob ng squatter area. Masikip, mainit, mabaho at maingay. Pero nasanay na ako at dito rin ako nagtagal sa limang taon kong pagtatago rito sa Manila. Isang taon mahigit na ako rito at sa kabutihang palad ay hindi pa ako natatagpuan ng mga naghahanap sa akin. Sa mga nauna kong tinirhan ay hindi ako nagtatagal dahil may sumusunod sa akin. Alam kong ang mga tauhan ni Ka Serbio iyon. Nasundan nila ako rito sa Manila at alam kong hindi sila titigil hangga't hindi ako nakikita. Pero hindi naman maaaring tumigil ang mundo ko sa pagtatago. Kailangan ko ring maghanapbuhay para mabuhay ako. Hindi sasapat ang perang binigay sa akin ni tatay kung iyon lang ang aasahan ko habang nabubuhay ako. Muli akong bumuntong hininga at lumapit na sa maliit na kusina para mag-almusal na. Kaunti lang ang gamit ko rito sa apartment at bilang lang sa daliri. Hindi ko kailangan ng maraming gamit dahil wala namang kasiguraduhan kung hanggang kelan ako rito. Pagkatapos kong mag almusal ay naligo na ako.. Nilock ko ang pinto paglabas ko ng bahay. Maraming kawatan dito sa squatter area. Pero kahit naman looban nila ang bahay ko ay wala silang makukuha dahil lagi kong dala ang lahat ng importanteng gamit ko sa bag. "Hi, Rina." Nilingon ko ang bumati sa akin. Sya si Balong na asawa ng isa sa kapitbahay ko, kasama nya ang mga barkada nya at may nakakalokong ngisi sa kanilang mga labi. Alas otso pa lang ng umaga ay alak na agad ang kaharap nila. Hindi ko sila pinansin at nilampasan lang. Hindi ko na rin sila nilingon nang sipulan nila ako at dire-diretso akong naglakad sa makitid na eskinita palabas. Kilala si Balong at mga barkada nya na mga adik at tulak. Magulo rin sila kapag nakakainom. Nag-aamok sila sa mga tao. Minsan nga ay sila-sila pang magbabarkada ang nagbabanatan. Kawawa rin ang asawa ni Balong dahil battered wife. Kapag high ito ay sya ang pinag-ti-tripan. Magulo sa loob ng squatter area. Narito na yata ang lahat ng klase ng tao na may masasamang gawain. Nakakatakot man pero mas gugustuhin ko na ang lugar na ito kesa mahuli ako ng mga tauhan ni Ka Serbio. Lagi naman akong handa lalo na sa gabi na oras ng tulog ko. Naka-triple lock ang pinto ng apartment ko. Mabuti na lang ang bintanang jalousie ay may grill. Lagi din may nakasuksok na punyal sa ilalim ng unan ko. Punyal ito ni tatay na pinakaiingatan ko at lagi kong dala. Paglabas ko ng eskinita ay humugot ako ng malalim na hininga. Medyo nakahinga ako ng maluwag dahil hindi na masangsang ang amoy rito hindi kagaya sa loob. Naglakad pa ako sa makitid na kalsada palabas ng main road para doon sumakay. "Good morning, Mamang Abeng," nakangiting bati ko sa amo ko na syang may ari ng malaking hardware store na ilang buwan ko nang pinapasukan. "Dumating na pala ang paborito kong empleyado. Medyo na-late ka yata ngayon, Rina." "Pasensya na po, mamang. Naipit po sa trapik iyong jeep na sinasakyan ko dahil sa banggaan," paliwanag ko. Late nga ako ng three minutes lang naman. "Ayos lang. Ngayon ka lang naman na-late." "Salamat po," sabi ko at nilapag ang bag at baseball cap ko sa ilalim ng drawer ng kaha. "Talagang pinamukha nyo pa po sa amin na favorite nyo si Rina, mamang, a," sarkastikong wika ni Valerie na ikinatigil ko. Isa sya sa mga kasamahan ko rito sa hardware store. Apat kaming babaeng tauhan rito. "Oo nga. Paano naman po kami? Matagal nyo na kaming tauhan dito," sabat pa ni Ellen. Napabuntong hininga ako at tumingin sa mga kasama. Pero inirapan ako ni Valerie at Ellen. Si Jena naman ay sinenyasan ako ng mata na huwag na silang pansinin. "Gusto nyong maging favorite ko rin kayo?" tanong naman ni Mamang Abeng. "Syempre naman po, mamang," sabay na tugon ni Valerie at Ellen. "Kung ganon dapat sipagan nyo sa trabaho. Hindi iyong panay kayo absent at palagi pang late. Kapag walang customer imbes na maglinis ng mga items ay puro cellphone at tsismisan. Tapos mag susungit pa kayo sa ibang customer. Lalo ka na, Valerie. Akala mo ba hindi nakarating sa akin na sinungitan mo ang tauhan ni foreman kahapon." "E kasi naman po, wala pa sa one hundred yong binibili nyang item tapos isang libo pa ang pera nya. Halatang nagpapabarya lang po sya, mamang," katwiran ni Valerie. "Kahit na. Pagbentahan mo pa rin at customer din iyon. Sa atin bumibili ng mga gamit si foreman. At ikaw naman, Ellen, noong isang araw pinag-dabugan mo rin ang tauhan ni Engr. Santos dahil na-istorbo ka lang sa pag ce-cellphone." Hindi nakaimik si Ellen at napayuko na lang habang kumakamot sa leeg. May attitude talaga silang dalawa ni Valerie. Unang pasok ko pa nga lang dito ay nakatikim na ako nang pagtataray nilang dalawa. Hindi ko lang sila pinapansin para walang gulo. Kasundo ko naman ang iba pang mga tauhan dito sa hardware lalo na si Jena na naging kaibigan ko na. Pero ang dalawa ay kilala talagang may attitude sa ibang mga customer. Kapag hindi nila gusto ang mga ito ay sinusungitan nila lalo na ang sa tingin nila ay pangit ang mga hitsura. Pero kapag may mga hitsura o kaya mayayaman ay todo ngiti sila at asikaso. "Kapag palaging ganyan ang pakikitungo nyo sa mga customer ay hindi na sila babalik dito at lilipat sa ibang store. Kaya ayos-ayosin nyo ang pakikiharap nyo sa mga customer," patuloy na sermon pa ni Mamang Abeng. "Hindi porke't ipinasok kayo ng mga magulang nyo rito na kakilala ko ay hindi ko kayo kayang tanggalin. Aba'y kayang kaya ko. Nagpapasensya lang ako. Pero huwag nyong hintayin na maubos ang pasensya mo. Kapag may narinig pa akong reklamo sa inyong dalawa mula sa mga customer ay paaalisin ko na kayo. Naiintindihan nyo?" "Opo, Mamang Abeng," sabay na tugon ni Valerie at Ellen habang mga nakayuko pero kitang kita ko naman ang pagsimangot nila at pag ikot ng mata. "O sya, mag trabaho na kayo. Hayan na ang mga customer," ani Mamang Abeng at tumalikod na. Pumasok na sya sa kanyang opisina. Ako naman ay hinarap ang customer na bagong dating na lumapit sa direksyon ko. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD