Chapter 3

1546 Words
***Irene POV*** "SALAMAT po," nakangiting wika ko nang iabot sa customer ang item na binili nya pati ang sukli. "Sa susunod dito ulit ako bibili. May maganda na palang tindera dito, e," ngiting-ngiti na saad pa ng customer na may edad na lalaki na medyo chubby at maliit. Ngumisi naman ako. "Kayo po ang bahala. Basta meron po kami nang hinahanap nyo." "Sige, miss. Salamat," anang customer at kinindatan pa ako bago tumalikod at lumabas ng store. "Ang galing mo ring mambola, no?" Nilingon ko si Valerie. May ngisi sa kanyang labi at nang uuyam na tingin sa akin. "Syempre naman. Kailangan iyon para bumalik-balik ang mga customer," nakangiting sabi ko. Tumaas ang kilay nya. "Ang sabihin mo bida-bida ka lang." Hindi ko sya pinansin at inayos ko na lang ang mga items na nasa estante. Expect ko nang pag iinitan nya ako dahil sa sinabi ni Mamang Abeng kanina. "O, mag-mop ka." Napatigil ako nang tumama sa braso ko ang kahoy na hawakan ng mop na binitawan ni Velerie. Tumingin ako sa kanya. Nakangisi sya at tumatawa naman si Ellen na gumagawa ng resibo. Nasa storage naman si Jenna at binibilang ang mga bagong dating na mga items. "Bakit ako ang mag-mo-mop?" nakataas ang kilay na tanong ko. "Dahil pa-bida ka at ikaw ang favorite ni mamang. Kaya lubusin mo na. Ikaw ang mag-mop," nakangising turan nya at humalukipkip. Ngumisi rin ako at tinulak ang hawakan ng mop pabalik sa kanya na ikina-gulat nya. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ni mamang kanina sa inyong dalawa ni Ellen?" saad ko at tiningnan si Ellen na nakatingin na rin sa akin. "Ang sabi ni mamang, kung gusto nyong maging favorite nya ay dapat maging masipag kayo. Kaya dapat ikaw ang mag-mop, Valerie. Para naman matuwa rin sayo si mamang," dugtong ko pa. Umawang ang labi ni Ellen at si Valerie naman ay namula ang mukha sa inis. "Ang kapal ng mukha mong pagsalitaan kami ni Ellen ng ganyan. Hoy babae, baguhan ka lang dito, ha. Nakakailang buwan ka pa lang rito kaya huwag kang umastang mayabang!" asik na turan ni Valerie na matalim na ang tingin sa akin. "Oo nga. Baguhan ka lang kaya wala kang karapatang magyabang. Porke't sinabi lang ni mamang na ikaw ang favorite na empleyado nya ganyan ka na umasta. Ang kapal ng mukha mo, ha," segunda pa ni Ellen sabay ismid. Tumaas pa lalo ang kilay ko. "Ibig nyo bang sabihin may karapatan lang akong magyabang kapag matagal na ako dito gaya nyo? E sa pagkakaalala ko pare-parehas lang tayong mga tauhan dito na sinuswelduhan. Maliban na lang kung na-promote kayong dalawa ni mamang bilang manager. Kaya wala rin kayong karapatan dalawa na yabangan ako at utusan. Ang mabuti pa gawin nyo na lang ng maayos ang trabaho nyo para hindi kayo napapagalitan ni mamang at maging favorite na nya kayo para di kayo naiinggit sa akin," saad ko sabay ngiting mapang-asar. Gumuhit ang galit sa mukha nilang dalawa na parang gusto na akong sugurin. "Miss ganda, pabili nga ng pako." Inirapan ako ni Ellen at nilapitan ang customer na bagong dating. "Hindi ikaw, ate. Yong tinderang tisay. Yong naka-kulay itim na t-shirt," wika ng customer na ikina-pula ng mukha ni Ellen. "Ang arte mo, kuya ha! Hindi ka ka-pogian!" pagtataray ni Ellen sabay tingin sa akin at irap muli. Nginisihan ko lang sya at binalingan ang customer. "Dito na lang, kuya," tawag ko sa kanya. Lumapit naman sa pwesto ko ang customer. "Hindi pa tayo tapos, Rina," ani Valerie sa tonong nagbabanta bago ako tinalikuran. Nagkibit balikat lang ako. Hindi ako natatakot sa kanya. Mas nakakatakot pa ang mga tauhan ni Ka Serbio. Hinarap ko na ang customer para asikasuhin ang binibili nya.. . . "Mamang Abeng, uuwi na po ako," paalam ko sa amo ko na nasa harapan ng kaha at nag ku-kwenta. Kasama naman nya si Jena na nakatoka sa kaha. "Mag iingat ka." "Opo." Tinanguan ko naman si Jena at sinabing mauuna na. Tumango lang din sya sa akin. Sinukbit ko na ang bag sa likod at sinuot ang baseball cap. Lumabas na ako ng store na nakababa na ang kalahati ng shutter door. Na-una nang umuwi ang dalawang bruha na Valerie at Ellen. Simula nang makasagutan kami kanina at hindi na nila ako pinapansin at panay pa ang bulungan nila sabay tawa. Alam ko namang ako ang pinagbubulungan nila at hindi ako apektado dahil hindi naman nila ako lubos na kilala. Humugot ako nang malalim na hininga at naglakad na patungo sa sakayan ng jeep. Hanggang 5:30 lang bukas ang hardware store pero siguradong gabi na ako makakauwi sa apartment dahil kapag weekdays ay matrapik. Muli akong nagpalinga-linga at binaba ko pa ang visor. Nilakihan ko na ang paghakbang at sumabay sa mga naglalakad sa gilid ng kalsada. Pagdating sa sakayan ay may humintong jeep. Mabilis akong nakipag-sabayan sa pagsakay.. Pagpasok ko sa eskinita ay agad akong gumilid nang makita ang isang lalaking tumatakbo pasalubong sa akin. Hubad baro sya at naka-short. "Tangina mo ka, Ruben! Bumalik ka rito! Papatayin kitang hayop ka!" sigaw naman ng isa pang lalaki na syang humahabol sa unang lalaking tumakbo palabas ng eskinita. Namumula sa galit ang kanyang mukha at may hawak pa syang mahabang kutsilyo. Mas lalo naman akong gumilid hanggang sa makalampas na sa akin ang lalaki. Pamilyar sa akin ang lalaking humahabol na galit na galit. Nakatira sya sa looban pero hindi ko alam ang pangalan. Ang lalaking hinahabol naman ay mukhang dayo lang. Napabuntong hininga ako at naglakad na sa eskinita papasok. Nadaanan ko pa ang mga kapitbahay kong nag uumpukan at umuusyoso habang nag tsi-tsismisan. "Mata lang talaga ni Ruben ang walang latay kapag naabutan sya ni Paeng. Siguradong todas sya." "Kuh! Ke-kati-kati naman kasi ni Geline. Pati kumpare ng asawa ay pinatulan tapos gumawa pa ng kababalaghan sa bahay nila. Hayan, nahuli ni Paeng. Gaga rin kasi. May asawa na nagpapakamot pa sa iba." "Kahit sino namang asawang lalaki ay magdidilim ang paningin kapag naabutan may kinakalantaring ibang lalaki ang asawa nya sa bahay pa mismo nila." Sa limang taon ko na rito sa Manila ay sanay na ako sa mga ganitong eksena sa paligid ko. Mga naghahabulan ng taga, nagsusuntukan at nagtututukan ng baril. Pero hindi lahat ng lugar dito sa Manila ay ganito ang eksena. Pero sa mga squatter area na gaya nitong lugar na tinitirhan ko ay normal na lang ang mga ganitong eksena. Noong una ay takot na takot ako at gusto ko nang umalis dito sa Manila at bumalik na lang sa Bicol. Pero nangako ako kay tatay na hindi na ako babalik doon dahil siguradong papatayin ako ni Ka Serbio kapag nakita ako. Hindi ko sasayangin ang pagsasakripisyo ni tatay makaligtas lang ako para mabuhay. Kaya nagtiis na lang ako dito sa Manila at unti-unti ay nasanay. Naging maingat na lang ako at hindi ako nawawalan ng patalim sa bag. Dito sa Manila ay wala akong kakampi kundi ang sarili ko na lang. Wala na sa tabi ko si tatay na laging nagtatanggol sa akin. Pumait ang panlasa ko at kumirot ang aking dibdib nang maalala ang aking ama. Kung may susunod na buhay pa gusto ko ay sya pa rin ang tatay ko kahit istrikto sya. Pagpasok ko sa apartment ay ni-lock ko agad ang pinto. Nilapag ko sa maliit na mesa ang binili kong lutong pagkain sa kanto. Nagbihis muna ako bago kumain.. Panay ang tulo ng luha ko habang tinitingnan ko ang mga picture namin ni tatay sa photo gallery ng dating account ko. Mabuti na lang at hindi ko ito ni-set ng private kaya malaya kong nakikita ang mga pictures namin sa ginawa kong dummy account. May access pa naman ako sa dati kong account pero hindi ako nagtangkang buksan ito dahil natatakot akong ma-trace ang kinaroroonan ko. Sa huling post ko nga ay may mga comment doon ang mga kaibigan ko na hinahanap ako. Nag aalala sila sa akin. May mga post nga rin sila sa kanilang account noon na missing kaming dalawa ni tatay. Hindi ako naglakas loob na kontakin sila dahil ayoko silang madamay. Sobrang namimiss ko na si tatay. Sya na ang nagpalaki sa akin dahil maagang namatay si nanay. Namatay sya noong elementary pa lang ako dahil sa isang aksidente. Nahulog sa bangin ang sinasakyan nyang bus habang pauwi. Kasama sya sa mga nasawing pasahero. Pinahid ko ang luha sa aking pisngi habang pinagmamasdan ang picture namin ni tatay noong 17th birthday ko. Kuha ito nang kumain kami sa labas sa isang sikat na fast-food chain. Bumiyahe pa kami ng isang oras para makapunta sa bayan dahil doon lang may mga fast food chain. Malayo kasi ang bahay namin sa bayan. Nasa dulong bahagi na ng probinsya iyon sa isang malawak na lupain na pag aari ng demonyong si Ka Serbio. Caretaker si tatay ng lupain at malaking bahay nito. Dati ay hangang hanga ako kay Ka Serbio dahil mabait ito sa pamilya namin at galante rin ito. Pero iyon pala ay isa itong demonyo, mamamatay tao at ilegal ang hanapbuhay at mga negosyo nito. Lumunok ako at bumuntong hininga. Bumibigat ang dibdib ko kapag naalala ko ang bangungot ng nakaraan. "Miss na miss na po kita, tatay.." bulong ko at idinikit sa dibdib ang cellphone sabay pikit.. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD