Una at Huli
Hawak ko ang patalim-- kutsilyong matulis, matalim, hangad ay ang pagtarak nito sa aking litid.
Handa na ang pagtalon sa malalim na bangin-- matarik, makipot at walang iniiwang bakas ng buhay kahit isang hibla ng hininga'y isasablay.
Konting udyok nalang ni Satanas, pipilas na ito sa aking laman. Tatalsik ang dugo mula sa aking ugat, mahihiwa ang balat na parang manipis na lihang sinusulatan.
Mga buto ko'y unti-unting nababaluktot, tila nasanibin ng hiwaga na sadyang kabilang mundo lamang ang makakaunawa.
Ikaw ba'y nais maranasan taglay kong kalungkutan?
Kung nais mong sumali sa akin, maaari bang ako’y iyong samahan?
“Constavo!” naulinigan ko ang pagtawag sa aking pangalan. Ang tinig ay puno ng galit at hinanakit na hindi ko malaman kung saang parte ng pagkatao niya ito nanggaling. Ako’y nagising mula sa isang panaginip na tila hindi mahagip.
Marahas ibinukas aking mga mata. Pinagmasdan ang babaeng kunot ng noo at gigil ang panga. Ngunit ako’y napapikit na ikalawang sandali sapagkat isang hampas mula sa hita ang ramdam hanggang sa aking kaloob-looban. Balat ko’y tila napunit, buto ko’y nais humiwalay sa aking laman. Bumalik ang sakit ng aking katawan, pati ang hapdi ng aking mga sugat.
Kita ko ang hawak niyang pamalo na mas malaki kaysa aking inaakala. Buhat niya iyon sa kanyang kanang kamay, dakot ang mga palad at nanginginig na hindi mawari sa kung anong dahilan.
“Bumangon ka na riyan! Hindi mo ba ako naririnig?! Walang hiya ka talaga. Putang inang bata ka! Pasakit ka sa buhay ko!” palahaw niya sa aking tainga.
Tila ba dinurog nito ang aking pagkatao. Na para bang isa akong nilalang na puno ng kasalanan at itinapon ng Diyos sa mundong puno ng kawalanghiyaan. Masama na bang maituturing ang pagnanasang maging pantay ang tingin ng mga taong nakapaligid sa akin? Hindi ba makatarungang maghangad ako ng pansariling kasiyahan?
Labing walong taon kong tiniis ang kanyang mga pananakit. Labing walong taon kong pinakiramdaman ang sarili sa mga pasakit sa hindi ko malamang dahilan.
Walang nais may magsabi. Tila walang nais may magpaalam ng tunay kong kasalanan? Ano nga ba talaga iyon? Bakit siya ganito sa akin? Anong ginawa ko para danasin ang kalupitan ng buhay na hindi ko pinangarap para sa aking sarili?
Dumilat nang tuluyan aking mga mata kasabay ang pagbalikwas sa kinahihigaan. Ano nga ba ang mas masakit sa mga maaanghang na pananalita kaysa sa bugbog ng katawan na iyong nararamdaman?
Wala. Ni hindi niyon maiaalis kahit katiting sa lahat nang inabot simula nang pagsilang sa mundong ito.
“Anak ka talaga ng demonyo! Tumayo ka riyan kung ayaw mong masaktan na naman!”
Unti-unti kong ginalaw ang mga paa kasabay ang paghagilap ng kasuotang daig pa ang mga hampaslupang pulubi na gumagala sa lansangan. Wala akong binatbat sa kanilang mga mas presentable pang pananamit kaysa sa aking butas-butas na kamison, marungis na salawal, umaalingasaw na amoy, at ang kumakalam na sikmura. Wala! Mas kaawa-awa pa nga ang aking itsura sa pag-aakalang may kaunti siyang konsenysa upang ako’y bihisan ng magara, linisin at paliguan, punan ang kumukurumbang tiyan, o kaya’y kahit tingnan man lang sa mata maliban sa mga galit at poot na masasalamin ko mula sa kanya.
“Ma,” tawag ko. Hindi ko mapigilang hindi masaktan. Hindi ko mapigilang hindi magdamdam. Bakit siya ganito kalupit sa akin?
Nais kong pag-ulit-ulitin ang pangalan niyang iyon sa matigas kong dila—na nagnanasang mapalambot niyon ng mga letrang magsasabi sa kanya kung gaano ko kagusto ang pagtawag ng salitang Mama, ina o kahit man lang sa tunay niyang pangalan, Estrelita.
“Huwag mo akong tawaging Ina dahil anak ka ng demonyo!”
Gumuho ang mga haliging itinayo ko sa tuwing makaririnig ng mga salitang iyon mula sa kanya. Sinubukang kong maging matatag at masanay sa kanyang pagtrato ngunit sadyang masakit, nakakahiwa at mahapdi ang mga mapapait at matatalim na letrang patuloy na lumalabas sa kanyang malalim na bibig.
May ina bang kayang tiisin ang kanyang anak? May ina bang kulang na lamang ay tarakan ng kutsilyo ang kalong niyang sanggol sa kanyang mga bisig?
Sa palagay ko’y kaisa-isa ang babaeng nakatayo sa aking harapan, na nanlilisik ang mga mata at isinusumpang may isang tulad ko na sumibol pa sa mundong ginagalawan niya.
Ganyan na siya simula pagkamulat ng aking murang isipan. Galit sa mundo, poot ang nasa puso at tanging paghihiganti ang sumusupot sa kanyang pagkatao.
Ni kahit sulyap ay hindi ko nakitaan ang kanyang mga labi ng isang tipid na ngiti. Palagi siyang nakasumalmal. Kausapin nga lang ako nang may lambing o kahit man lang hindi ako pagtaasan ng tinig ay hindi niya magawa.
Iba siya. Ibang-iba sa mga inang nakasalamuha ko na sa itinagal ko sa daigdig na ito. Ang lugar kung saan pinaghalo ang mabuti at masama. Ang maitim at maputi. Ang may isip at wala. Ang may buhay at walang buhay. Lahat sila ay malayang nakikihalubilo sa bawat isa.
“Sumama ka kay Inang. Ipadadala ka nila sa pamilihan upang magtrabaho.”
Maagang binatak ang aking katawan sa paghahanap ng ikabubuhay niya. Sa murang isipan, naranasan ko na ang maghanap ng pangtustos sa mga gastusin ng aming tahanan. Ako ang tila kabayong walang humpay at tigil sa pagkilos upang punan ang tumutunog niyang sikmura.
May karapatan nga ba akong umangal sa kanyang kagustuhan? May kahahantungan nga ba ang pagsasabi ng aking saloobin sa kanyang sarado at makitid na isipan?
Sa tingin ko’y wala. Ilang beses ko na nga ba siyang tinanong kung bakit, pero wala. Ni pag-imik yata’y nakalimutan na rin niya.
“Ma,” tawag kong muli sa kanya. Gusto kong makitang nakatingin siya diretso sa aking mga mata. Kahit sulyap lang sana niya’y akin nang lubos na ikatutuwa. Pero mukhang wala akong makukuha. Wala ni kahit isa.
Marahas niyang pinihit ang kanyang katawan paharap sa akin. Gulat ang namutawi sa aking mga mata. Nanginig ang aking tuhod at nanlambot ang aking mga paa. Hindi ko inaasahan ang kanyang paglingon kasabay ang paghakbang papalapit sa akin.
Ngunit agad bumalikwas pakanan ang aking mukha nang maramdaman ang pagdapo ng kanyang malapad na palad. Mabilis na umigkas ang kanyang kamay na siyang nakapagparamdam ng yanig sa aking buong katawan. Isang hagupit na sampal ang kanyang binigay. Isang sakit na nakapanghina sa aking sistema. Nais kong umiyak. Nais kong magwala at ipakitang nasaktan ako sa ginawa niya. Gusto kong gumanti. Na para bang naglalaro sa aking isipan ang mga handa kong gawin sa kanya.
Tanaw ko sa aking kinatatayuan ang matulis na panghiwang iyon na kung tatarak sa kanyang dibdib ay tiyak na ang daloy ng dulo’y walang humpay. Ibabaon ko ang patalim hanggang sa ang hininga niya’y tila sinok na lamang at pawalan na ng hangin. Nais kong kuhanin ang pambambo niyang ginamit kanina lang upang sa kanya gamitin at iparamdam ang hapdi ng paglapat nito sa aking marupok na kutis. Ibibitin ko siya patiwarik hanggang sa marinig ko ang mga katagang gusto kong maulinigan mula sa kanya.
Pero hindi. Hindi kaya ng aking konsensya na gawin ang mga bagay na iyon sa kanya. Sadyang duwag nga lang ba ako at sa kadahilang may pinaniniwalaan akong Diyos na nakikita ang mga balak ko? O talagang may natitira pang pagmamahal sa aking pagkatao?
Naipilig ko ang aking ulo. Pinalis ang masamang elementong maaaring sumanib sa akin at gawin ang mga bagay na nasa isip.
“Huwag mo akong tawagin!” bulyaw niya. Talsik ng laway niya ay humampas sa aking mukha pagkat wala pang isang metro ang lapit namin sa isa’t-isa.
Kumunot ang aking noo kasabay ang malayang pagdaloy ng taksil na luhang patuloy na pinapakita ang aking kahinaan. Mabilis na pinalis ko ang mga butil ng tubig na iyon at tumayo nang tuwid. Maaari lang sana ay kunin na ako at huwag na pahirapan pa ng ganito.
Umiwas ako ng titig upang hindi salubungin ang mga matutulis niyang paningin. Nakakatakot. Nakakalambot ng tuhod. Nakakadagdag ng pawis sa noo. Nakakangilabot. Makita ko palang ang kanyang presensya, nag-uumapaw na sa kaba ang aking dibdib. Tila hindi pa rin ako manhid sa tagal na ng pakikisama sa kanya.
Tumalikod siya at nagsalitang muli. “Bilisan mo na,” iyon lamang ang lumabas sa kanyang bibig.
Ang laki ng aking pagtataka sa kanyang inasta. Hindi siya nagdagdag ng mas masasakit na salita at sa halip ay tumalikod na lamang at hinayaan ang nangyari.
Dapat na ba akong matakot? Marahil ay nag-iipon lamang siya ng sama ng loob upang sa oras na sumabog na iyon ay tiyak na ang katapusan ko.
Pinilig kong muli ang aking ulo. Hindi naman niya siguro gagawin sa akin iyon. Kay tagal ko na sa kanyang puder at kahit kailan ay hindi humantong sa ganoong punto ang kanyang mga ginagawa. Masakit siyang magsalita, na tila ba matalim na kusilyo itong tumutusok sa aking puso.
“Puntahan mo si Nanay sa loob ng kwarto at samahan mo siya sa palengke. Huwag kang gagawa ng ikapapahiya ko, Constavo. Alalahanin mong wala kang karapatang gawin iyon.” Tuluyan na siyang umalis. Ni hindi man lang niya ako sinulyapan kung umayon o tumango man lang sa kanyang sinabi. Mabilis ang mga lakad niya na tila ba nakikipaghabulan sa mga mababangis na hayop sa kagubatan.
Aking tiningala ang ulo upang palisin ang namumuong tubig na nagbabadyang bumagsak na naman sa aking mga mata. Sadyang masakit. Tila pinupunit ang aking dibdib kasabay ang pagtibok nang matulin ng aking puso sa tuwing makaririnig ng mga salitang hindi ko pinangarap.
Dapat sanay na ako. Dapat kaya ko na tiisin ang mga pangugngutya niya sa aking pagkatao. Pero sa bawat letrang lumalabas sa kanyang bibig, panay tila tinutusok naman ang aking dibdib. Mahirap. Sobrang hirap sa pakiramdam na nais ko na lamang wakasan ang aking buhay. Kay tagal kong pinangarap na sana’y bumaling man lang ang kanyang mukha na puno ng saya at ngiting aking inaasam. Ngunit sadyang kay hirap humiling sa Diyos ng imahinasyong kahit kailan ay hindi ko matatanggap sa mundo ng realidad na aking ginagalawan.
Kay hapdi sa paninging ang aking sariling ina ang pinakauna sa lahat ng mga naghahangad ng kapahamakan sa aking buhay. Maaari na ba akong mamatay? Pakisaksak naman ang aking dibdib upang ang pagtibok nito’y unti-unti na ang pagkalumo.
Patang-pata na ang aking buong katawan, mas lalo ang aking isipan sa pag-iisip kung anong mabuting paraan upang kahit isang tipid na ngiti’y sumilay sa kanyang makipot na labi.
“Apo,” naputol ang aking magmumuni-muni nang makarinig ng tinig ng isang anghel na bumaba mula sa langit. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang aking magaspang na pisngi. “Umiiyak ka na naman.”
Ako’y nagulat sa kanyang tinuran. Pagka’t ang kanyang sinabi’y aking lubos na hindi kayang pinaniwalaan. Pinahid ko aking mga pisngi. Wari’y naging tuod ako panandalian.
Aking mga pisngi’y inulan ng mapait na tubig. Hindi mula sa mabigat na ulap sa langit, ngunit sa pagod na mga matang hindi na kayang dumilat pa.
“Hindi ko maiwasan Inang,” sagot ko na lamang upang usapa’y hindi na lumawig pa.
“Hindi mo alam ang kanyang kwento apo,” malungkot niyang pahayag.
Alam ko na ang mga linyang iyan. Ilang beses ko na nga bang narinig ang parehong mga salitang lumabas sa kanyang mga bibig? Ilang beses na rin bang nasaktan ang aking pandama sa tuwing hindi nila kayang ipagtapat ang kanilang nais sabihin?
Masakit na. Pwede bang tama na? Labis na akong nahihirapan. Puro kasinungaling nalang. Hindi ba maaaring ipagtapat ang katotohanan sa likod ng aking tunay na pinagmulan? Demonyo nga pa ako? Anak ba ako ng masamang anghel na si Sanatas?
Yumuko aking Inang at inakay akong lumabas ng tahanan. Kami raw ay tutungo sa pamilihan upang ako’y maging kargador ng bayan.
Palabas na sana kami ng tahanan nang isang tinig ang umagaw ng aming atensyon. Si Ka Pedring na tanod ng barangay, humahangos na tila may humahabol. Tinig niya’y narinig sa aming pintuan, puno ng pag-aalala at hindi makapaniwala. Kanyang mga tuhod ay tila nababagbag na semento, tinutubig ang kanyang noo.
“Inang Berta!” palahaw niya sa aming pintuan, halos kalampagin ang aming tahanan.
Nagmamadaling pumaroon ang aking Inang, akay ko ang kanyang tagiliran. Gulat ang namutawi sa kanyang mga mata. Takot na hindi ko maipaliwanag.
“Bakit Pedring?” agad tanong ni Inang na halata ang mabilis na tahip ng kanyang kalooban.
“Si Lita, ang inyong anak…” pamumutol ng sasabihin ni Ka Pedring.
Dibdib ko’y tumahip. Mga bagang ko’y nagtangis. Tila ba unti-unti akong inilulubog sa malalim na kumunoy. Paghinga ko’y naging mabilis. Paglunok ko’y huminto sa kalagitnaan.
“Anong nangyari sa aking anak?”
“Natagpuan namin siya sa tabi ng dagat, sa puno ng Acacia. Nagbigti siya Inang Berta. Nagpakamatay ang iyong anak.”
Matapos bitiwan ni Ka Perding ang mga huling salita, napaupo ang aking Inang na hilam na sa pag-iyak. Kanyang paghinga’y hindi na tama dahil sa labis na pagkawala ng nararamdaman. Nanginginig kanyang mga kamay at paa, at tila ang mga panga’y nagkandado na.
“Ang aking anak!” hagulgol niya.
Hindi na nagdalawang isip pa, aking nilandas ang daan papunta sa puno ng Acacia sa tabi ng dagat. Nais kong makita, nais kong mapatunayan kung ang tinuran ni Ka Pedring na may halong katotohanan.
Habang naglalakad, aking mga paa’y tila unti-unting nauupod naman. Kasabay ang mabilis na pagtibok ng aking puso, dugong nagsisirkulo, at ulong nahihilo.
Narating ko ang tinutukoy ng matandang lalaki, sa maraming taong nakapalibot. Aking tinanaw kung saan sila nakatitig, laking gulat ng mga mata pagka’t ang babaeng iyon, si Estrelita ang aking ina ay nakasabit sa punong Acacia.
Pero bakit? Nakaramdam ng matinding saya ang aking puso sa kaganapang ito. Labis akong natuwa sa kanyang kalagayan. Pati ang pagsilay ng isang ngiti mula sa aking mga labi ay hindi ko na ipinagtaka pa. Hindi ba’t nararapat lamang sa kanya ang nakamit? Bagay lang sa isang katulad niya na walang puso na mamatay sa ganyang pamamaraan.
Napahagalpak na ako sa aking nakikita. Ganti ba ito ng Diyos sa kanya? Ito ba ang paraan Niya upang matapos na ang aking paghihirap sa kamay ng isang malupit na nilalang na katulad niya?
“Ang aking ina,” napangiti akong muli. Nararapat lang sa kanya ang ganito.
Ngunit isang tinig ang bumasag sa aking katuwaan. Isang babaeng may mahabang buhok ang hinablot ang aking suot na damit at kinaladkad sa mismong pwesto ng bangkay ni Estrelita, ang aking ina. Kung pagmamasdan ko ay maaaring magkasing tanda sila ni Ina.
“Natutuwa ka ba sa iyong nakikita?!” bulyaw niya. Galit ang namutawi sa kanyang mga mata kasabay ang pagpapakita niya ng matigas na mga panga. Hindi rin ba siya natutuwa sa nakikita? Iginanti ako ng Diyos sa kalupitan ng taong iyan!
“Ina mo siya!” dagdag pa niya.
Labis na akong nagtataka sa kanyang mga inaasta. Sino ba siya? Ni hindi ko nga siya nakikilala ngunit kung ipagduldulan niya sa aking mukha na ang nakasabit sa punong ito ay ang aking ina, ay ganoon nalang. Anong karapatan niya?
“Anong pakialam ko?”
Singhap ng mga tao’y rinig sa buong paligid. Nakikinuod sila ng isang palabas na sa mga telebisyon lang makikita. Realidad nga ba itong aking kinatatayuan?
“Hindi mo alam ang nangyari sa kanya, hindi ba?”
Napayuko ako. Ito na naman. Paano ko malalaman kung ang lahat ng taong nakapaligid sa akin ay tila mga nagtatago sa kuwebang ayaw lumabas?
“Ginahasa ang iyong ina,” nakatitig siya sa akin habang sinasabi iyon na parang dapat ko siyang paniwalaan.
Tila nabasag ang aking mga tainga sa narinig. Nariyan na naman ang pakiramdam na ito. Nahihilo ako na para bang nais kong maglabas ng dumi sa aking katawan gamit ang aking bibig.
“Kilala mo ba ang iyong ama? Ama rin niya ang nakabuntis sa kanya,” mahina nitong sabi ngunit tila isang malakas na busina ng sasakyan ang bumandera sa aking harapan. Niyanig nito ang aking buong pagkatao.
Totoo ba ang aking narinig? O marahil kasinungalingan lamang ito sapagkat nais nilang umiyak ako sa harap nila na para bang nagmamakaawa?
Si Tatang ang aking ama? Si Tatang na siyang naging kakampi ko noong nabubuhay pa? Si Tatang na kabiyak ni Inang?
Tinahak ko ang malalim na pag-iisip kasabay ang pagbagsak ng luhang aking kinimkim.
Kaya ba hindi niya masabi sa akin ang totoo? Na nilihim nila sa akin at sa buong mundo ang tunay kong pagkatao?
Tila pinukpok ang aking dibdib dahil sa mga naisip. Hilam na ako at hindi makita kung sino pa ang nasa aking paligid.
Ngunit isang mainit na yakap ang sumagip sa akin. Kilala ko ang amoy na iyon. Siya ang taong kay lapit na sa akin ngunit kahit kailan ay hindi ko pa rin makamit. Siya ang babaeng nais kong gawan ng kasamaan sa pag-aakalang nais niyang sirain at sayangin ang buhay na kapag naubos ay hindi ko na maibabalik pa. Siya ang taong pinagkatuwaan ko nang makitang napatid na ang pisi ng kanyang buhay. At ang nag-iisang taong hanggang sa kahuli-hulihan ng kanyang hininga’y patuloy kong iniyakan. Kahit kailan pala ay hindi ako magiging manhid pagdating sa kanya.
“Apo.”
Napamulat ang aking mga mata nang ibang tinig ang lumabas mula sa taong nakayakap sa akin.
“Inang?” Nagtataka ko pang tawag sa kanya.
“Totoo ang mga sinabi ni Barbara,” patungkol niya sa babaeng kausap ko kanina. “Kaibigan siya ng iyong ina. Alam niya ang lahat. At alam naming mahal na mahal ka ng iyong ina sapagkat kahit masakit sa kanya ang nangyari, ikaw pa rin ang pinakamagandang dumating sa kanyang buhay. Ang ipanganak ka sa mundong ito ang tanging pinangarap niya.”
Ngunit naguguluhan ako. Bakit siya naging malupit sa akin? Bakit winakasan niya ang kanyang buhay? Akala ko ba masaya siya? Pero hindi iyon ang nakita ko.
“Maniwala ka, apo. Ikaw ang pinaka-importanteng tao sa buhay niya. Nagawa lang niya iyon upang protektahan ka sa mga pangungutya ng tao. Masakit ang mga nangyari, ngunit bakit kailan mong intindihin ang sinasabi ng iba? Ang ina mo, inintindi ang sasabihin ng iba kung kaya’t nagawa niya iyan. Intindihin natin siya.” Nanggigilid ang mga luha ni Inang na nakatingin sa labi ng aking ina na ngayo’y nakahandusay na sa lupa.
Sa pinakasulok ng aking dibdib, may isang espasyo pa roon na patuloy na tumitibok para sa taong nagdulot sa akin ng hapdi. Si Estrelita, ang aking ina. Mahal na mahal ko siya.