chapter 2

1871 Words
Si Lawrence ay ang head security ng Buencamino Island na pagmamay-ari ng asawa ng kapatid ni Fhel Ashley na si Ate Evie. Halos ilang taon na naming crush ang lalaki pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami pinapansin! Hinintay ko nga na magbago na ng crush itong si Ashley kaya kuntodo support ako sa bagong pinagkakabalahan nitong dating app kahit na picture ko iyong ginamit niya! Malay ko bang pinlano niya pala lahat upang mawala ako sa landas niya at tuluyan niyang masolo si Lawrence. "Akin si Lawrence," matigas kong pahayag. "Hindi mo siya pagmamay-ari," hindi natinag niyang buwelta. "Sa'kin siya magkakagusto." "Hindi ako papayag," hindi nagpapatalo kong sagot. "Hindi niya kayo gusto pareho kaya tumigil na kayo," bigla ay singit ng isang boses. Sabay kaming napalingon ni Fhel sa pinanggalingan niyon at bumungad sa'min ang babeng may rainbow colored na buhok, si Lecia... ang nakababatang kapatid ni Fhel at pinsan ko. "Walang bilang ang opinyon ng babaeng rainbow," paingos na wika ni Fhel. "Anong ginagawa mo rito?" sita pa nito sa kapatid. "I'm just here to check on you," balewalang sagot ni Lecia bago confident na naglakad palapit sa aming dalawa ni Fhel. Kahit mas bata ito sa amin ay taglay nito ang nakakaintimidang awra ni Ate Evie. Kakasama nito sa ice queen ay nahahawa na ito sa kalamigan, buti na lang at summer vibes pa rin ang rainbow colored nitong buhok. Nakakabawas sa pagiging intimidating nito ang kakaibang fashion statement. May something wrong talaga sa mga anak ni Tito Krino. Kung hindi ko lang mga pinsan ang mga ito ay hindi ako pahuhuli ng buhay kasama sila. "Bakit naman?" nakangusong tanong ni Fhel sa kapatid. "Nag-alala si Mommy," sagot ni Lecia. "Bigla ka ba namang mag-alsa-balutan matapos ideklarang lilipad ka ng Freglio." Pinamaywangan nito ang nakatatandang kapatid. "Matanda na ako, Lecia, huwag na siyang masyadong ma-worry sa'kin," maarteng tugon ni Fhel. "Iyon nga ang problema," nayayamot na sagot ni Lecia. "Matanda ka na, pero wala ka pa ring pinagkatandaan! Syempre mag-alala sa'yo si Mommy dahil talo mo pa ang eight years old kung umasta!" sermon pa nito. Habang nakatingin sa kanilang dalawa ay mukhang si Lecia pa iyong ate. "Kapag magkasama kayong dalawa ay kadalasan talaga ay nasasangkot kayo sa gulo," pagpapatuloy ni Lecia habang nagpalipat-lipat ng tingin sa aming dalawa ni Fhel. "Teka lang! Excuse me! Bakit ako nasali riyan?" mabilis kong reklamo. "Huy, Lecia! Mas matanda ako sa'yo, umayos ka!" saad naman ni Fhel. Magkasabay pa talaga kaming magsalita, pero walang effect iyon sa rainbow girl naming kausap. Pareho lang kaming sinamaan ng tingin bago ito tumalikod at tumungo na sa direksiyon ng dining area. "Dito pa yata makikain sa'min ang kapatid mong iyon!" maang kong bulalas. Matapos akong isali sa panenermon kay Fhel ay makikikain pa sa'min. "Kapatid ko nga, pero pinsan mo naman," paingos na paalala sa'kin ni Fhel. "Okay lang makikain, huwag lang iyang sumama sa'tin hanggang sa Freglio." "Ano?!" nanggilalas kong bulalas. "Hindi pwede!" Sobrang gulo na nga gayong siya lang ang makakasama ko, paano na lang kung makikisali pa iyong si Lecia? Malabong maisasabay ko ang pleasure sa lakad kong ito! "Tama ka," tumango-tangong sang-ayon ni Fhel. "Kaya tawagan mo na si Ate Evie, at sabihan mong bigyan ng ibang gagawin si Lecia," utos pa niya sa'kin. "Bakit ako?" nanlaki ang butas ng ilong kong tanong. "Kasi hindi pwedeng ako," katwiran niya. Bago pa ako makapag-react ay bigla niyang nilagay sa kamay ko ang cellphone niya. Namilog ang mga mata ko nang makita ang mukha ni Ate Evie sa screen, kasabay ng paulit-ulit na pagtunog niyon habang naghihintay na may sumagot sa kabilang linya. Mabilis akong kumalabit ng gatilyo ng baril pero parang na-freeze ang mga daliri ko at hindi agad nakagalaw. Nang mahimasmasan ako ay umalingawngaw na ang boses ni Ate Evie na sumagot sa kabilang linya. "Fhel Ashley...." Iyon pa lang ang bungad ni Ate Evie ay sabay na kaming napalunok ni Fhel. Matapang ako, pero nanginginig pa rin kapag kausap ang pinakamatanda kong pinsan. "Hello?" Napapiksi kaming dalawa ni Fhel nang muling magsalita si Ate Evie sa kabilang linya. "Ate Evie, hello," kabado kong tugon. Hindi pwedeng patagalin ang pagtugon dahil hindi mahaba ang pasensya ni Ate Evie. Naka-loud speaker ang cellphone kaya hindi na kailangang ilapit sa tainga ko. Ni hindi ko na nga magalaw ang kamay kong nakahawak dito. Wala sa sariling napakapit ako sa braso ni Fhel at ang bruha ay mahigpit ding kumapit pabalik. Hindi man namin kaharap si Ate Evie ay pareho naming ramdam ang biglang paglamig ng paligid. "Kylie? Where's Fhel?" tanong ni Ate Evie sa kabilang linya. "Nandito po siya!" mabilis kong tugon. "Siya po talaga iyong tumawag!"Kailangan kong maghugas-kamay agad! Pinandilatan ako ng mga mata ni Fhel at walang takot ko siyang ginantihan. Mas takot ako rito kay Ate Evie kaysa kanya! "Fhel, ano naman ang balak mong gawin?" tanong ni Ate Evie sa kapatid. "Sabi ni Mommy ay pupunta ka raw sa Freglio." Namutla pa ang gaga, mabuti na lang talaga at hindi namin ngayon kaharap si Ate Evie. Dahil tiyak na parehong manginig ang mga tuhod namin. "Ate, gusto ko lang mag-unwind," sagot ni Fhel habang pilit na pinasaya ang boses pero halata namang kinakabahan. "Bakit sa Freglio?" walang emosyong tanong ni Ate Evie. "K-kasi... Kasi papunta rin doon si Kylie!" Ang babaeng OA! Dinamay pa ako! Ang sarap sabunutan ng bangs niya! Nailigtas ko na nga ang sarili ko tapos hinila pa ulit niya ako pabalik sa danger zone! "Kylie? Anong gagawin mo sa Freglio?" tanong sa'kin ni Ate Evie. Kinurot ko nang pino si Fhel dahil sa inis ko. Nakatakas na ako, eh, tapos ginamit pa akong dahilan ng gaga. "May pinapaasikaso sa'kin si Daddy na shipment," totoo kong sagot. Mabuti na lang at hindi pumiyok ang boses ko. Ang sarap talagang pektusan nitong si Fhel Ashley! Nanggigigil ako... hay naku! Kung hindi ko lang talaga ito pinsan. "Okay lang ba kay Tito Brenon na isasama mo si Fhel?" usisa ni Ate Evie. "Oo naman, Ate! Okay na okay kay Tito!" si Fhel ang mabilis na sumagot bago pa ako makapagsalita. Sinamaan ko siya ng tingin, pero matamis lang akong nginitian ng gaga. Balak ko pa naman sanang sabihin na hindi pero inunahan na niya ko. "Ang problema, Ate, ay nandito si Lecia," pagpapatuloy pa ni Fhel. Kahit takot sa kapatid ay balak pa rin talagang ituloy ang kalokohang naisip at pag-alis kay Lecia sa landas namin. "Baka sasama siya. Nakakahiya na kay Tito Brenon dahil dalawa na kaming titingnan-tingnan ni Kylie." Ang gaga, nahihiya sa tatay ko pero hindi sa'kin! "Don't worry, hindi pwedeng sumama sa inyo si Lecia," saad ni Ate Evie sa kabilang linya. "Kailangan siya sa kompanya." Napasuntok sa hangin si Fhel dahil sa narinig. Tuwang-tuwa dahil tagumpay ang balak niya. "Sige, Ate... ba-bye na," tugon nito sa kapatid ko. "Tumawag lang naman ako upang hindi ka mag-alala." "I'm not worried about you," malamig na sagot ni Ate Evie. "Mas nag-alala ako sa panibagong problemang hatid nitong unwind na gagawin mo. Ayokong mag-alala na naman sina Mommy at Daddy." Nginisihan ko si Fhel upang ipakitang pinagtatawanan ko ang pambabara sa kanya ng kanyang kapatid. "You two, don't get yourselves killed out there ." Iyon ang huling sinabi ni Ate Evie bago pinatay ang tawag. Nagkatinginan naman kami ni Fhel, bago parehong napahaplos sa mga braso naming piannayuan ng balahibo. "Ano iyon? Pinag-iingat tayo o sinumpa?" usal ni Fhel. "Kasalanan mo, eh!" paninisi ko sa kanya. "Hindi niya naman sasabihin iyon kung hindi ka sasama sa'kin." "Dapat nga ay be thankful ka sa'kin," humalukipkip niyang tugon. "Dahil sa'kin ay makakilala ka ng katulad ni Cupid—" "Ikaw iyong kakilala niya," maagap kong sansala sa kanya. "At lalong ikaw iyong gusto siyang ma-meet," paglilinaw ko pa. Habang tumatagal ay patindi nang patindi ang pagdududa ko sa katauhan ng Cupid na iyon. Duda akong may matinong taong makilala sa mga dating app na iyan. Kahit nga itong pinsan ko, sobrang layo sa pagiging matino! "Dinner is ready!" maya-maya ay narinig naming anunsiyo ni Mommy mula sa dining area. "Tara na kain na tayo," aya sa'kin ni Fhel na para bang bahay niya ito at ako iyong bisita. Naiiling na lang akong sumunod nang akbayan niya ako. Pasimple kong inilagay sa drawer nang nadaanan naming console table. Normal na ang gano'n dito sa pamamahay namin kaya hindi na nagkomento ni nagulat si Fhel. Bata pa lang kami ay halos hindi na kami mapaghiwalay kaya alam niya ang tungkol sa ibang negosyo ng ama ko at koneksiyon ng pamilya namin sa malaking organisasyon. Hindi naman talaga lihim iyon sa mga pamilya namin, pero hindi rin napag-uusapan. Basta na lang tanggap ng lahat ang tungkol sa Daddy ko. Sa mga kapatid ni Daddy ay si Tito Krino lang talaga iyong nasa tamang landas at hindi konektado sa kahit anong illegal. Mabait ang Tito kong iyon na ama naman nitong si Fhel Ashley. Hindi naman sa malas si Tito sa mga anak, pero parang gano'n na nga! Mas maswerte si Daddy dahil nag-iisa lang akong anak na babae, si Tito Krino kasi ay anim iyong anak at maliban sa parehong babae ay purong may mali rin sa pag-iisip! Natigil sa paglalakbay ang diwa ko nang marating na namin ni Fhel ang dining area. Sabay kaming napahinto nang unang umagaw sa atensiyon namin ay ang rainbow niyang kapatid na nakaupo sa mahaba naming dining table kasama ang mga magulang ko at kapatid. "Maupo na kayong dalawa," untag ni Mommy sa'ming dalawa ni Fhel. Nahuli ko naman ang pagbungisngis ng kapatid ko habang pasulyap-sulyap sa'min ni Fhel at sa katabi nitong si Lecia. "Lecia, bakit pala rainbow ang kulay ng buhok mo?" Muntikan na akong masamid sa tanong ni Daddy habang tuluyan namang napahagikhik si Alec. "Alec..." mahinang saway ni Mommy sa kapatid ko. Agad namang nanahimik ang kapatid ko at tinuon na ang atensiyon sa sariling plato, pero halatang nagpipigil pa rin ng ngiti. "Ayoko pong pumunta sa business convention," balewalang sagot ni Lecia. "Ito iyong paraan upang hindi ako mapilit ni Ate Evie." "Oh my God! Natuto ka nang lumaban kay Ate Evie?!" maang na bulalas ni Fhel Ashley. Bilog na bilog ang mga mata nitong napatitig kay Lecia. "Mahal ko ang buhay ko," matabang na sagot ni Lecia. "Huwag kang gumawa-gawa ng kwento." "Pero, kumukontra ka na sa gusto niya," giit ni Fhel. "Hindi ako kumontra, kinulayan ko lang ang buhok ko," kibit-balikat na sagot ni Lecia. "Malay ko bang bawal palang humarap sa mga seryosong matatandang naroon sa convention ang may ganito kulay ng buhok." Kakasabi niya lang kanina na ayaw niyang dumalo sa convention kaya imposibleng totoo ang huli niyang pahayag. "Iyong kapatid mo, nagiging nakakatakot na habang tumatagal," bulong ko kay Fhel nang pareho na kaming nakaupo. "Kaya nga parang mas gusto ko na lang tumira dito sa bahay ni'yo," sagot pa niya. "Basta bawal ka sa kwarto ko," saad ko. "Sa katabi ako, bakante naman iyon," mabilis niyang sang-ayon. At dahil nagkaintindihan na ay tahimik na kaming kumain. Mamaya na ulit namin pagtalunan ang tungkol sa balak niyang pakikipag-meet sa Cupid na iyon. Pwede ko naman siyang isama sa Freglio kung gusto niya, pero doon sa balak niyang gawin lang talaga ako kontra!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD