"Iyan ba iyong famous Freglio Castle?" bulalas ni Fhel habang nakatanaw sa nadadaanan ng sinasakyan namin.
Kakalapag pa lang namin sa Freglio at kasalukuyang papunta sa hotel na tutuluyan namin habang nandito kami.
"Sobrang majestic pala talagang tingnan kahit mula rito sa malayo!" pagpapatuloy niya pa. "Alam mo bang ayon sa research ko ay may Pinay na naging asawa ng isang royalty rito sa Freglio?" excited pa niyang tanong sa'kin.
"At crown prince ng Freglio ang naging asawa niya!" pagpapatuloy pa niya.
Mukhang hindi ko na pala kailangang sagutin ang tanong niya kaya nanatili na lang akong tahimik na nakapikit sa tabi niya. Ilang ulit na akong nakapunta rito sa Freglio kaya hindi na ako kasing-ignotante niya. Isang monarchy country ang Freglio at katapat lang ito ng bansang Austramica kung saan nagmula ang angkan ng mga Carson na kilala sa Pinas.
Mas maliit na bansa ang Freglio kaysa Austramica pero hindi pahuhuli kaunlaran ng ekonomiya at modernisasyon nito. Ngunit ang hindi alam ng karamihan, sa likod ng kapayapaan at kahanga-hangang ganda ng bansang ito ay nakatayo ang matitibay na pundasyon ng mga naglalakihang mafia, mga imperyong kumikilos sa dilim at hindi abot ng batas na s'yang tunay na nagmamay-ari ng Freglio sa halip na ang mga maharlikang kilala ng publiko.
Sa katunayan, nananatili lamang na matatag ang pamumuno ng mga royalty dahil sa lihim na kapit at proteksyon ng mga mafia. Ang alam kong pinakamalakas sa mga maharlika ay iyong konektado sa Austramica.
Naputol ang pagmuni-muni ko at agad akong napadilat ng mga mata nang marinig ang pagtunog ng cellphone ko. Nang sulyapan ko ang pinsang si Fhel Ashley ay abala ito sa pagkuha ng video sa nadadaanan naming magagandang atraksiyon.
Ni hindi nga nito pinansin ang malakas na tunog ng cellphone ko, kaya inabot ko na iyon.
Nakita kong si Sloan na kinakapatid ko ang tumatawag. Ito ang kasalukuyang head ng mafia na anak ng ninong ko. Mas matanda ito sa'kin ng limang taon, pero minsan ay mas bata pa kung umasta. Pero kahit gano'n ay ito ang tinuturing na pinakamalupit sa mga nagdaang namuno sa mafia, hindi ko lang makita kung saang banda.
Ni hindi ko nga narinig na nagtaas ito ng boses tuwing nagagalit, puro lang ito papogi na para bang ikabagsak ng buong pamilya kapag magkaroon ng konting gusot ang suot nitong customized tuxedo.
"Kylieeeee! My princess!" malakas nitong bungad nang sagutin ko ang tawag.
Biglang nagising na nang tuluyan ang inaantok kong diwa dahil sa pagiging energetic nito. Bahagya kong inilayo sa'king tainga ang cellphone upang patapusin muna ang masaya nitong pagbati sa'kin.
"Sino iyan?" pabulong na tanong ni Fhel Ashley. Inihinto na nito ang ginagawa at ngayon ay curious nang nakatingin sa'kin at sa hawak kong cellphone.
Sa halip na sagutin ang tanong ni Kylie ay sinenyasan ko siyang huwag maingay.
At dahil pinsan ko siya at likas na tsismosa ay kinuha niya sa'kin ang cellphone ko at pinindot ang loudspeaker bago binalik sa'kin.
Agad umalingawngaw sa loob ng sasakyan ang animated na pagsasalita ni Sloan sa kabilang linya.
"— Nasa hotel ka na ba? Kumusta? Okay ba ang accomodations? Kung gusto mo ay rito ka na sa bahay tumuloy."
Hindi pa nga ako nakapagsalita pero isang buong chapter na ang narating ng opening speech nito.
Tinaasan ako ng kilay ni Fhel Ashley, maging ang mga mata nito ay tila sinusumbatan ako. Narinig lang niya na lalaki ang tumatawag sa'kin ay iba na afad ang tinakbo ng malikot niyang imahenasyon.
"Papunta pa lang ako," pahinamad kong sagot kay Sloan.
"Bakit natagalan?" nagtataka pa nitong tanong. "Sabi ng mga tauhan ko ay kanina pa lumapag ang sinasakyan mo at—"
"May dinaanan pa kasi ako kanina," putol ko sa kanya. "Kasama ko ang pinsan ko kaya hindi kami pwedeng manuluyan sa bahay mo," makahulugan kong dugtong.
Ang pagbanggit ko sa pinsan ko ay pasimple paalala kay Sloan na hindi lahat ng mga kamag-anak ko pwede kong isama sa mundong ginagalawan namin. At higit sa lahat ay ayokong mauwi ang binabalak kong business with pleasure sa ilang araw na fashion show kung saan ako ang biktima.
Puro kasi lalaki ang mga kapatid ni Sloan, at bihira lang talaga ang babae sa mga kamag-anak niya. Walo silang magkakapatid na puro lalaki, at dahil doon ay wala man lang kahit isang babae na pwedeng damitan o ayusan ng Ninong ko at ng asawa nito. Kaya nang ipanganak ako, para silang nakakita ng buhay na Barbie doll at namana naman ni Sloan ang pinakamatinding obsession sa pagiging personal stylist ko.
"Ah... kasama mo nga pala si Fhel," parang tsaka lang nito naalala ang tungkol doon gayong una ko na iyong nabanggit sa kanya bago pa ako pumarito. Bahagya pang nagbago ang tono ng boses nito mula sa pagiging overly excited patungo sa bahagyang pormal— na hindi rin naman nagtagal. "Pero Princess, sinong magsusuot ng mga binili kong damit para sa 'yo? Nagpa-import pa ako ng bagong collection ng Chanel at Dior diretso mula Paris para lang sa bakasyon mo rito! Nakasabit na silang lahat sa walk-in closet ng guest room ko!" Excited na naman ulit ito.
Napasapo na lang ako sa sarili kong noo habang si Fhel Ashley naman ay lalong naging curious sa takbo ng usapan.
"Sinong Princess?!" gulat at pabulong na hiyaw ni Fhel sa mukha ko. "May ibang pangalan ka bang ginagamit kapag pumupunta rito?!"
Hindi ko pinansin ang pinsan ko at ibinalik ang atensyon sa kausap ko sa cellphone.
"Sloan, sinabi ko na sa 'yo, na hindi bakasyon ang pinunta ko rito kundi ay trabaho," pahayag ko. "Kaya tigilan mo ako sa mga damit na iyan!"
Mahilig akong mag-ganda-gandahan, pero on my own pace, at hindi iyong kulang na lang ay lagyan ako ng korona.
"Pero Princess! You need to look radiant! Ako ang tutuklap sa mukha ng sinumang titingin sa 'yo nang masama rito sa Freglio, kaya dapat nakatrending ang outfit mo habang nangyayari 'yon!" hirit pa ng gago.
Napapailing na lang talaga ako. Ito ba ang sinasabi nilang pinakamalupit at kinatatakutang Mafia Lord sa buong bansa? Sa halip ang taong kinatatakutan maging ng mga maharlika, ang nakikita ko lang kasi ngayon ay isang lalaking mas problemado pa sa OOTD ko kaysa sa mga illegal na kontrata niya.
Minsan nga ay naiisip ko kung papatayin ba niya ang mga kaaway niya sa pamamagitan ng baril o sa pamamagitan ng panlalait sa fashion sense ng mga ito.
"Makinig ka sa akin, Sloan," seryoso kong banta sa kaniya. "Kapag may sumulpot na delivery truck ng mga damit sa hotel lobby namin, ipapamigay ko 'yang lahat sa mga kalsada ng Freglio. I swear."
Narinig ko ang mabilis na pagsinghap ni Sloan sa kabilang linya na para bang sinaksak ang puso niya sa matinding sakit.
"How could you be so cruel to Paris fashion, Kylie?!" madrama nitong hiyaw. "Hindi ka man lang naawa sa mga designer!"
"Bye, Sloan. Magkikita na lang tayo sa dinner," mabilis kong sabi bago ko pinatay ang tawag nang walang alinlangan.
Pahagis kong ibinalik sa'king bag ang cellphone ko. Napahilot ako sa noo ko, bigla itong sumakit hindi dahil sa jetlagged kundi ay dahil kay Sloan.
"Kylie..." tawag sa'kin ni Fhel na katabi ko. Nakalimutan kong may kasama pala ako ngayong isa pang sakit sa ulo. "Sino 'yon? At bakit 'Princess' ang tawag sa 'yo?"
"Koneksiyon ni Daddy rito sa Freglio," balewala kong sagot. Unang beses niya rito kaya hindi pa niya nakilala si Sloan. Mamayang gabi ay isasama ko siya sa dinner na obligado kong daluhan bilang pormal na pagbibigay galang sa mafia.
Kahit pa sabihing hindi na gano'n ka-on-hands ang Daddy ko, bilang anak ay kailangan ko pa ring sumunod sa ilang mga alituntunin ng mafia. Para din naman iyon sarili kong proteksiyon habang nandito ako sa Freglio.
"Huwag mong sabihing isa ka sa long lost princes ng bansang ito?" pahayag pa ni Fhel na para bang hindi narinig ang sagot ko. "Baka madamay pa ako riyan sa modus mo! Nagpapanggap kang dugong bughaw! Alam mo bang may death penalty sila rito?" Bilog na bilog ang mga mata ng lukaret na para bang paniwalang-paniwala na agad na may ginawa akong kalokohan.
"Tumigil ka, pagod ako sa biyahe," nandidilat kong sagot. "Nickname lang sa'kin ni Sloan iyong Princess, dahil kita mo naman mala-prinsesa ang ganda ko."
Hindi nagbago ang nagdududang tingin ni Fhel. Hindi yata bumilib sa ganda ng lahi naming mga Garcia! Palibhasa, iyong magandang genes ng mga Garcia ay walang panama sa saltik na meron siya at ang mga kapatid niya!
Sa tingin ko nga ay ako lang iyong natitirang matino sa amin, dahil kahit iyong kapatid kong si Alec ay nagpapakita na ng senyales na katulad kay Fhel at sa mga kapatid niya.
"Miss Kylie, nandito na po tayo," anunsiyo ng driver na kumuha sa atensiyon ni Fhel kaya tinantanan na ako nito.
"Wow! Ito ba iyong Quinn Hotel?" mangha nitong bulalas habang nakatingala sa magarang establishment na nasa harapan namin.
"Yes po," sagot ng driver. "Isa lang po ito sa ilang mga hotel nilang nagkalat sa iba't ibang panig ng bansang Freglio."
"Hindi ba ang may-ari nito ay isang royalty?" usisa ni Fhel. Local na taga-rito ang driver namin na nagtatrabaho rin sa pamilya ni Sloan.
"Yes po, isa sila sa pinakamayamang maharlika na namumuno sa Freglio," sagot ng driver.
Tsaka ko rin naalala na ang mga Quinn ang royalty na may koneksiyon sa Austramica. Nabanggit minsan ni Sloan na ang Quinn ang pinaka-untouchable sa lahat ng mga royal family.
Iyon nga lang, mukhang walang interes sa crown ang mga ito. Hindi rin naman ako gano'n ka-interesado sa pamamalakad sa bansang ito kaya hindi ko na inalam ang hierarchy ng monarchy nila rito.
"Malayo ba rito ang Apex Club?" patuloy na pagtatanong ni Fhel sa driver habang pababa na kami nf sasakyan.
"Pwede pong lakarin, Miss," sagot ng driver sabay turo sa isang gusali na tanaw mula sa kinahihintuan ng sasakyan namin. "Iyon ang Apex Club."
"Diyan natin ime-meet si Cupid," nakangiting sabi sa'kin ni Fhel.
"Tsk! Siguraduhin mo lang na hindi naka-diaper iyang Cubid mo," paismid kong sagot sa kanya. "Dahil dalawa kayong pagbubuhulin ko," banta ko pa.
Nagpatiuna na akong naglakad at nilampasan ang welcoming commitee na sumalubong sa'min sa bungad ng hotel.
Gusto ko nang magpahinga kaya wala akong ganang makipagngitian muna sa kahit na sino. Buong biyahe akong dinaldal ni Fhel kaya ubos na ang energy ko.
Unlimited naman iyong kay Fhel kaya hinayaan ko na siyang magligalig sa lugar ko. Siya ang humarap maging sa mga in-disguise na tauhan ni Sloan na ipinuslit niya rito sa hotel bilang karagdagan kong proteksiyon.
Hindi ko masabi kung overprotective lang ba talaga itong si Sloan, o mas dumarami lang talaga ang kaaway ng mafia kaya nangangamba siyang malagay ako sa panganib kahit nandito kami sa mismong teritoryo niya.
Kailangan kong mag-ipon ng lakas at mahaba-habang pasensya para sa pakikiharap ko sa kanila mamaya. Ito talaga ang pinakaayaw ko tuwing overseas ang transaction o ang shipment na kailangan kong i-handle, daming chichiburichi lalo na at may kinalaman sa mafia.