SAMAR’S POV
"Samar… May sasabihin ako sayo." Saad nito at inakbayan ako habang naglalakad kami papasok sa room.
"Bakit?" Tanong ko at umupo sa upuan ko tsaka tumabi naman siya sa akin.
"May babae akong nakita kanina sa may gate. Ang ganda!" Sambit niya kaya napangiwi naman ako.
Inayos ko ang bag ko at tinignan siya. Nagtama ang mga mata namin at kitang-kita ko ang ngiti sa kanyang mga mata at labi.
"Di diskartehan mo." Labag sa loob kong saad dahil hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Marahan akong napalunok at tinatanong ang sarili ko, crush ba talaga ako ni Eliaz o biro lang lahat ng sinabi niya?
"Ginawan ko na nga ng paraan kanina. Nakausap ko at classmate pala natin siya." Natigilan ako sa sinabi ni Eliazar dahil ito ang unang pagkakataon na may nagustuhan o natipuhan siya. Hindi ko alam kung seryoso ba siya sa babaeng yun. Pero bakit iba ang nararamdaman ko? May kirot sa aking dibdib at hindi nagustuhan ang sinabi niya?
"Di ayos." Ngiting pilit ang pinakita ko sa kanya at umiwas ng tingin tsaka humanap ng pagkakaabalahan.
"Talagang ayos." Masayang dagdag niya. Kahit hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ay hinayaan ko na lang ito.
Bawat estudyanteng pumapasok sa loob ng room namin ay tinitignan ko lalo na mga kababaihan. Hanggang sa may pumasok na isang babaeng nakaponytail at may dimple. Impossibleng ito yun, kasi hindi naman niya type yung mga cute na babae.
Maya-maya ay may dalawang babaeng pumasok, yung isa ay morena kaya for sure hindi yan yung babaeng tinutukoy niya. Bumaling naman ako sa isa na nakabackpack, hindi din yan kasi hindi niya type ang maiksing buhok. Nilibot ko ang buong room at wala namang pumasa sa paningin ko. Nakuha ang atensyon ko ng isang grupo ng mga kababaehan na malalakas ang tawanan papasok sa room namin.
Sa grupo ng mga babae na yun ay isang babae ang nangibabaw sa kagandahan at lakas ng s*x appeal nito. She has a white skin and pinky cheeks, sa sobrang puti nito ay hindi ko alam kung natural pa ba yung rosy cheeks niya.
"Siya yun. Yung maputing babae na nakashoulder bag." Bulong ni Eliaz sa akin habang pinaglalaruan ang ballpen na hawak niya at titig na titig din sa babaeng yun. Sa di ko malamang dahilan ay bigla kong kinumpara ang sarili ko sa kanya.
Hindi nga ako nagkamali, ganyan ang tipong babae ni Eliaz. Sobrang layo sa akin, isang babaeng feminine na feminine ang dating at demure kung gumalaw.
"Siya nga. Mga tipo mong babae." Bulong ko at hindi ko alam kung narinig niya ba yun dahil titig na titig siya sa babaeng yun. Napaiwas na lang ako ng tingin at kinuha ang libro ko tsaka doon tinuon ang pansin.
Kinalaunan ay dumating na din sina Tyron, Devin at Trice. Umupo sila sa likod namin at si Tyron naman ay sa unahan namin.
"Crush ko." Masayang saad ni Eliaz kay Tyron at tinuro yung babae gamit ang mga mata niya.
"Wow! Gandang babae." Manghang na saad ni Tyron at sigurado akong agad niyang natipuhan iyun. "Teka! Akala ko ba si Samar ang crush mo?" Biglang tanong pa ni Tyron na nagtataka kaya bigla akong napayuko at nagkunwaring hindi naririnig ang pinag-uusapan nila. Naramdaman ko na lang sa sarili ko na hinihintay ang sagot ni Eliaz. Bakit biglang bumilis ang t***k ng puso ko? Bakit ako kinakabahan?
"Ano ba kayo! Alam niyo naman na biro ko lang lahat ng yun." Walang pag-aalinlangan na sagot ni Eliaz na nagpaguho ng mundo ko. Hindi ko alam kung bakit ako biglang nasaktan sa sinabi niya at bigla akong naiinis sa kanya sa di malamang dahilan.
Hindi ko alam pero pakiramdam ko pinaasa niya ako sa simpleng biro na yun. Pakiramdam ko niloko niya ako dahil sa pesteng biro niya. Sana hindi na lang niya sinabi ang mga salitang yun kung biro lang naman pala. O kaya sana sinabi niya agad na huwag seryosohin ang mga sinabi niya dahil nagbibiro lang siya.
"Andiyan na yung adviser natin." Bulong ni Trice sa likod ko. Hindi na ako umimik at ilang segundo lang ay dumating na nga ang adviser namin na ginang.
Naging close nga si Eliaz doon sa babaeng natitipuhan niya na si Morgan, half American at half pinay. Popular din siya sa school namin kasi nga galing sa ibang bansa at galing din sa mayamang pamilya. Hindi naman nakakapagtaka kung magiging malapit sila sa isa’t-isa dahil pareho silang may itsura at maipagmamalaki.
Hanggang sa niligawan ni Eliaz, halos lahat ng babae ay naiinggit sa kanila. Gwapo, matalino at crush ng mga babae si Eliazar samantalang si Morgan naman ay mayaman, maganda at popular lalo na sa mga lalaki. Kung may lamang man ako sa kanya ay yung talino, yun na lang siguro ang kaya kong maipagmayabang.
"Gusto mo pa? Kumuha ka lang. Ako na ang bahala sa bayad." Sabi ni Eliaz sa akin kaya lumapad ang ngiti ko. Nandito kami sa dating tambayan ng tindahan ng mga street foods na paborito naming lima. Nung una hindi ko matanggap na may ibang gusto si Eliaz at may kaagaw kami sa oras niya pero kinalaunan ay naging okay na din naman sa akin. Siguro ganun talaga, tinanggap ko na magkakaroon talaga ng ibang babae sa buhay ni Eliazar at hindi lang ako. Hindi din naman nagbago si Eliaz sa amin kaya ayos lang. Hindi ko maipagkakaila na minsan ay naiisip ko si Eliaz pero mas pinagtutuunan ko ang pag-aaral ko ngayon.
"Totoo? Libre mo?" Paninigurado ko.
"Basta talaga libre, yang mga mata mo kumikislap." Iling na saad nito at ngumuso.
"Trice, ikuha mo din ako ng benteng kikiam. Tutal libre naman ni Eliaz." Isa ding masayang sambit ni Tyron.
"Sino nagsabi na pati kayo ililibre ko? Yung pera ko, hanggang sa amin lang ni Samar." Mabilis na saad ni Eliazar at tinanguan ako.
"Yieeeeeee. Iba din 'tong dalawang 'to eh. Kunwari magbestfriend pero may lihim na nararamdaman sa isa't-isa." Buwelta naman ni Devin.
"Sus! Kilala naman natin 'to si Eliaz. Laging may special treatment pagdating kay Samar." Saad ni Trice na parang kinikilig din kaya pati ako ay napangiti na. Si Eliaz naman ay nakatingin lang sa akin at nalilibang panuorin ako.
"Kami ni Samar na magpinsan ay hindi naman ganyan kasweet diba?" Iling ni Tyron.
"Bagay sila diba? Perfect match!" Amazed naman na saad ni Trice habang tinitignan kaming dalawa.
"Tama na nga. Hindi na nakakatuwa." Napatigil silang lahat. Kahit si Eliaz na ngingiti-ngiti din ay natigilan. "May nililigawan na si Eliaz kaya hindi maganda kung patuloy niyo kaming inaasar at pinapartner. Kung sakaling marinig yan ni Morgan ay hindi yun maganda sa kanyang side." Seryosong saad ko. Kahit ayaw ko man iputol ang kanilang katuwaan ay ayoko ng ganito, dahil sa biruan ay nasasaktan ako. Nagsimula sa lahat sa biruan at biglang nagkatotoo. Dapat ng itigil at baka umabot yung oras na hindi na ako makaahon sa pagkalubog ko sa kanya.
“Ito naman si Samar. Biruan lang yun, alam naman nating lahat-- Alam naman ng buong tao sa lugar natin na magbestfriend lang kayo. Alam yan ni Morgan." Si Tyron at kinain ang natitirang fishball sa stick niya. Tinapon niya ito at tinignan kami. "Tsaka impossible naman na magkagusto ka dito kay Eliaz diba? Alam ng lahat kung gaano katayog yang pangarap mo." Dagdag nito kaya bigla silang natigilan at tumahimik. Nakita ko din ang pag-iwas ng tingin ni Eliaz. Tama siya!
"Kung ako ang girlfriend ni Eliaz ay magagalit ako kapag aasarin niyo siya sa ibang babae." Saad ko na lamang. Hindi ko alam pero umangat ang gilid ng labi ni Eliaz at lumapit sa akin.
"Noted Baby." Biro ni Eliaz na ikinamula ko. Nakakinis naman kasi eh! Hindi nga kasi pwedi Samar! Bawal!
"Eto naman kasi si Eliaz, pa'no kami titigil kung siya ayaw naman paawat." Iling na saad ni Trice at tumango din si Devin bilang pagsang-ayon.
"Hala! Time na. Tara na! Bilis!" Takot na sambit ni Devin at mabilis na kinuha ang bag niya at nilagay sa balikat nito. Napatingin din ako sa mumurahing relo ko at agad sinubo ang natitirang fishballs tsaka nagmamadaling tinapon ang stick sa basurahan. Si Eliazar naman ay agad kinuha ang bag ko at sinabit niya sa kanang balikat niya tsaka kami nagsitakbuhan.
Pagdating naming sa room ay hindi nakatakas sa mga mata ko ang pagsulyap ni Morgan kay Eliaz na hawak ang bag ko. Agad kong kinuha kay Eliaz ang bag ko dahil baka kung ano ang isipin pa ni Morgan at pag-awayan na naman nila ito.
Date: November 22, 2007
Time: 4:55 PM
Grade 8 high school na kami
Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong umirap dahil hanggang ngayon ay hindi nila magawa ng maayos ang acting nila. Tumayo ako sa pagkakaupo at napakamot sa pisngi ko.
"Kanina ko pa sinasabi na mali yung expressions ng mga mata mo Kaylee. Ilang beses ko bang uulitin na sa scene na 'to ang mga titig mo ay dapat punong-puno ng pagmamahal. Bakit hiya ang nakikita ko?" Dismayadong saad ko. Kahit lines na binibitawan niya ay hindi niya masaulo ng maayos kaya paano namin matatapos 'to.
"Pano ba namang hindi mahiya si Kaylee? Eh May gusto yan kay Eliaz eh." Biro ni Jonard at tumawa ng mahina. Nakita kong sinamaan ng tingin ni Kaylee si Jonard. Inayos ko ang script na hawak ko.
"Kaya nga siya ang pinili ko. 2 years mo na ngang classmate itong si Eliaz at hanggang ngayon nahihiya ka pa sa kanya." Sabi ko sa kaharap kong si Kaylee na kanina pa namumula. Hindi ko gustong mainis sa kanya pero dala na din ng pagod ay hindi ko na maitago ang kanina pang inis. Magsasalita pa sana ako pero naramdaman ko ang mahinang paghawak ni Eliaz sa likod ko.
"Tama na yan. Grade conscious ka talaga." Napapaos na sambit nito.
"Oo nga. Hindi naman tayo babagsak sa roleplay natin. Ang hirap kayang mag-acting dito, ikaw kasi tagapagsalaysay lang." Reklamo ni Tyron na nakaupo sa stage at kanina pa pinaglalaruan ang hawak niyang bola. Napasimangot ako at binatukan si Tyron.
“Hoy! Mahiya ka nga! Ako na ang gumawa ng script tapos magsasalaysay, palibhasa ang gagawin mo lang itulak si Kaylee kay Eliaz. Ang galing mo eh.” Simangot kong saad kay Tyron pero ngumiti lang siya ng malapad at tumawa ng mahina.
"Di ikaw ang gumanap ng role ni Kaylee. Tutal halata namang mahal na mahal niyo ang isa't-isa ni Eliaz. Hindi na nga mapaghiwalay eh." Nang-aasar na saad ni Tyron. Tinignan ko ang mga groupmates ko at bakas sa mukha nila ang pagsang-ayon.
"No! I've already decided and it won't change." That's final. Magugulo lang kung babaguhin pa namin, tsaka wala na ding oras para dito.
"O-okay lang sa akin. Kaya ko na. Ba-basta idemo lang ni Samar." Nahihiyang saad ni Kaylee kaya napatingin ako sa kanya.
"Halika na. Idemo mo na para matapos na. Magbabasketball pa kami nila Tyron." Naiinip na sambit ni Eliaz. Hinila niya ang kamay ko kaya wala na akong nagawa kundi ang magpatianod.
Wala akong nagawa kundi ang idemo kay Kaylee ang dapat niyang gawin.
Nakita ko ang pag-angat ng gilid ng labi niya at tila pinipigilan na ngumiti at maya-maya lang ay bigla na itong sumeryoso. "Gumuho man ang mundo, bumaha man ng tubig, dumaan man ang malalakas na bagyo at magbago man ang lahat, isa lang ang masisiguro ko. Pagmamahal ko sayo ay mananatiling totoo at kailanma’y hindi magbabago.” Naging malambot ang boses ni Eliaz habang seryosong nakatingin sa mga mata ko.
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Alam ko na nasa script ito na ginawa ko, para sa akin ay may ibang kahulugan ang sinabi niya. Ang sarap pakinggan na sabihin niya yun sa akin habang nakatingin ng seryoso sa aking mga mata, ang sarap isipin na para sa akin yun, na sana totoo na lang ito at hindi palabas, hindi scripted.
"Mahal kita." Wala sa sariling sambit ko kasabay nun ang pagsikip ng dibdib ko at mabilis nitong kabog. Tsaka lang bumalik ang diwa ko nang makitang nakakunot na ang nuo ni Eliazar.
Parang tumigil ang oras at lahat ng nasa paligid namin ay biglang tumigil ngunit kami ay nananatiling buhay na buhay. Hindi ganun kalalim ang nararamdaman ko kay Eliaz dahil kaya ko pang pigilan ang nararamdaman ko kapag wala siya, pero kapag ganito kami kalapit ay para bang gusto ko na lang sumabog at sabihin sa kanya ang totoo.
"Kita niyo, pati script-witer hindi saulo ang linya. Hindi pa yan yung linya diyan." Biglang saad ni Tyron kaya napatigil ako at nagkunwaring hindi naapektuhan pero ng sulyapan ko si Eliazar ay malalim ang mga mata niyang nakatitig sa akin.
Napalunok ako ng maharan at iniwas ang aking mga mata sa kanya. Tinuon ko na lang ang pansin ko sa pag-aayos ng mga gamit.
"Okay na yan, kita na lang tayo sa Friday para sa final practice." Nakayukong saad ko, pilit na iniiwasan ang mga titig ni Eliaz at mabilis na lumabas. Alam kong napansin niya ang kakaibang kilos ko, sa tagal na naming magkasama ay hindi ito ang unang beses na naramdaman ko 'to.
Nang makalabas ako sa room na pinagpapraktisan namin ay sinalubong ako nina Trice at Devin.
“Hooooy Samar! Alam mo na ba yung balitang kumakalat ngayon kina Eliazar at Morgan?” Yun ang unang salubong sa akin ni Devin.
Morgan at Eliazar, ang couple na sikat sa school namin na ngayon ay break na.
“Oo.” Tipid kong sagot sa kanila at nagpatuloy na sa paglalakad.
“Canteen tayo.” Saad ni Trice at alam ko na ang gagawin doon maliban sa kumain.
Nandito nga kami sa canteen at habang kumakain ay kanina pa ako kinukulit ng dalawa sa nangyaring break up nina Morgan at Eliazar. Hindi ko alam na hindi pa pala nasasabi ni Eliaz sa kanila o baka ayaw niyang sabihin pero sigurado ako na alam na ni Tyron ito.
“Nakakainis naman kasi si Eliaz eh! Ayaw magshare.” Maktol ni Trice
“Nagtext sa akin si Tyron, hinahanap tayo.” Saad naman ni Devin.
“Wag mo ireply, magkuwento ka muna Samar, paniguradong papupuntahin lang tayo niyan sa gym eh ang init-init doon.” sabi ni Trice.
“Ano ba kasing nangyari?” Dahil nagtanong na naman ulit si Devin ay sinabi ko na sa kanila ang alam ko. Kinuwento ko lahat ng sinabi sa akin ni Eliazar.