Kapitulo 7: Drama Queen Moment

1811 Words
Mag-aalas onse na ng gabi nang makauwi si Uno. Tanggap na niya na baka natutulog na si Alfa kaya bukas na niya ito matuturuang magluto ng adobo. Gayunpaman ay nakaramdam siya ng panghihinayang dahil nais talaga niya itong makasabay sana na maghapunan. Pagpasok niya sa bahay ay nakita niya kaagad ang dalaga na mahimbing na natutulog at nakapamaluktot sa sofa. Tahimik siyang lumapit at sinipat kung tulog na nga ang kasambahay. Nang masiguro na malalim ang paghimlay nito ay dahan-dahan na siyang naglakad upang hindi ito magambala pa. Ngunit, nakakailang hakbang pa lang ay natukso na siyang bumalik at mapagmasdan si Alfa. Maingat siyang umupo sa tabi ng sofa at tinitigan ito. "Napakayapa ng kanyang mukha," tahimik na napansin niya habang mataimtim na pinagmamasdan ang babaeng kinatutuwaan. "Tila ba isa siyang prinsesa na naligaw lamang sa kanyang kinaroroonan. Marahil, isang diwata pa nga siya nagpapanggap lamang na tao..." "Kahit ano pa man siya o saan man nanggaling, wala naman problema sa akin. Pero, posible kaya na mapamahal ang alien sa akin na Earthling?" Natigilan siya nang mapagtantong tila ba kakaiba na ang mga naiisip niya. "Nafo-fall na ba ako sa kanya?" naitanong na niya sa sarili. "Iba na ang nararamdaman ko. Kakaiba siya sa mga naging exes ko na ang habol lang ay kung ano ang mayroon ako. Napakasimple niyang babae at masayahin pa kaya masarap kasama." "Ay, Boss! Kanina ka pa na riyan?" paggambala na ni Alfa sa malalim niyang iniisip. Tila ba naalimpungatan pa ito at nagulat nang mapansin na nakaupo sa may harapan niya ang amo. Tumayo at lumayo kaagad si Uno upang hindi mapag-isipan na may pinaplano itong masama. "H-Hindi naman. A-Ano kasi, kadarating ko nga lang," may halong kaba na pinaliwanag na ng binata bago pa man magtaka ang kausap kung bakit malapit siya sa kimahihigan nito. "Tinignan ko lang kung gising ka pa. Pasensya na kung naabala pa kita." "Ako nga ang dapat mag-sorry. Hindi kita narinig at napagbuksan sa garahe. Parang mantika raw kasi ako kapag tulog kaya siguro hindi ko napansin na nariyan ka na pala." Kinusot niya muna ang mga mata bago umupo. Antok na antok pa man ay hinanap niya ang tsinelas at isinuot iyon upang mapagsilbihan na ang amo. "Kumain ka na ba?" pagtatanong naman niya. "Nagluto ako ng kaunting ulam baka kasi gutom at pagod ka na pagka-uwi." Nakunsensya si Uno sa pag-uwi ng late dahil hinintay pa pala siya ni Alfa at pinagluto. Ganoon pa man ay lihim siyang kinilig sapagkat ramdam niya ay ang tender loving care nito na hindi pa niya naranasan sa ibang babae. "Hindi pa," tugon niya kahit na kagagaling lamang niya mula sa palpak na dinner date. Naisip niya na baka ito na ang tamang pagkakataon para magpa-sweet at magpapansin sa dalaga. "Maari mo ba akong samahan na kumain, kahit sandali lang?" "Oo naman! Tara!" mabilis na pagpayag naman nito. "Nagluto ako ng pink salmon steak at buttered mushroom. Pasensya na at di ko talaga makuha ang timpla ng adobo kaya ginawa ko na lang na steak. Lutong-toyo rin naman. Sana magustuhan mo." "Pink salmon steak? Paborito ko 'yun," masuyong sinabi niya. "Huling-huli mo talaga ang panlasa ko!" "Talaga, Boss?" nakangiting napabulalas ni Alfa. "Mabuti naman!" Inihanda niya ang hapag-kainan upang sila ay mag-late dinner. Ininit niya ang kanin at ulam at masayang inilapag ang mga pagkain sa harapan ni Uno. "Thank you," pagpapasalamat ng binata. "Walang anuman, Sir Uno." "Uno na lang," kaagad na pagtatama niya sa pagtawag nito sa kanya. "Ano 'yun, Sir?" paniniguro ng kausap sa narinig. "Call me 'Uno'," pag-uulit naman niya. "U-Uno?" "Yes. From now on, call me by my first name," panuto niya habang kumukuha ng steak. "Kumain ka na rin," pag-aya na rin niya kay Alfa. "Sige. Salamat..." Imbis na kumain ay nanatili siyang tahimik upang panoorin ang binata na kumakain. Kahit sa simpleng pamamaraan nito ng pagsubo at pagnguya ay lihim na siyang natutuwa sapagkat batid niya na nagustuhan nito ang ulam. "Masarap ang timpla mo sa steak." pagpuri na ni Uno nang makahalatang napapatagal na ang pagtitig niya. Kumuha ito ng isang malaking piraso ng isda at nilagay sa plato niya. "Huwag mo akong panoorin. Kumain ka." Namula pa ang mga pisngi niya dahil pinag-serve pa siya ng pagkain ng loves niya. Feeling tuloy niya ay ang haba-haba ng hair niya at hihigit pa sa mayroon ni Rapunzel. "Matanong ko lang. Taga-Cebu ka, hindi ba?" paninimula ni Uno na mag-usisa. "Yes, korek!" mabilis niyang tugon para hindi makahalata na gawa-gawa lamang niya ang address. Dahil may koneksyon pa siya sa ilang mga kaibigan na matagal nang naninirahan sa Earth, nagawan nila ng paraan na magkaroon siya ng identity sa Pilipinas. Pinalitaw nila na half-American siya ngunit iniwan na ng ama, at ang ina naman ay pumanaw na. Sa records niya ay pinalitan nila ang tunay na apelyido na Buenavista. Sa Earth ay siya na si Alfa Starr at kumuha ng vocational course ng hotel at house keeping. Ang totoo ay hindi naman siya mestisahin sa planeta nila at isa siyang purong Bow-wowian. Imbis na vocational course nakapagtapos siya ng Hotel at Room Management sa planetang pinanggalingan kaya bongga ang mga alam niyang room arrangements at nilulutong mga pagkain. "Nakakapagtaka. Iba ang punto mo kumpara sa inaasahan ko na Cebuano," napuna ng binata. "Parang may foreign accent." "May pagka-American accent nga raw ako," ninenerbiyos na pagpapaliwanag naman ni Alfa. "Kung minsan naman, British. Ewan ko ba. Depende yata sa mood ng dila ko!" "Napansin ko rin," pagsang-ayon naman ng kausap. "Don't get me wrong, OK? Gusto ko nga ang pamamaraan ng pagtatagalog mo kaya nasabi ko 'yun." "T-Talaga?" hindi makapaniwalang natanong ng babaeng kinikilatis. "Na-flatter naman ako, hahaha!" Nasa gitna sila ng masayang kuwentuhan nang may lumipad na ipis sa may mesa. Napatili si Alfa sapagkat nakyutan siya sa maitim at mabahong insekto. Dadamputin na sana niya iyon upang i-pamper subalit biglang hinampas ni Uno ng tsinelas. "Sa lahat ng pupuntahan mo, dito pa!" nayayamot na pinagalitan pa niya ang naghihingalong ipis. Tumayo siya upang kunin ang walis at dustpan. Pagkakuha sa insekto ay tinapon lang niya iyon sa trash can at naghugas na ng kamay. Nakangiti siyang bumalik kay Alfa, na shookt na shookt na pala dahil sa karahasan na nasaksihan. "Natakot ka ba ng ipis?" pag-aalala ni Uno nang mapansin na tulala ang kasama. Inakala tuloy niya na kaya biglang nabahimik ito ay dahil ayaw nito ng mga ipis. "Wala na, patay na. Deads na. Tigok na..." Umalingawngaw sa tainga ni Alfa ang nakaririmarim na mga salita. Nang mapagtantong napisat nga ang insekto sa kamay ng binata, napahagulgol na siya ng iyak. Naalala kasi niya ang alagang ipis na si Fifi na kailanman ay hindi niya nagawang saktan. "Uno, bakit mo nagawa iyon?" panunumbat niya. Hindi siya makapaniwala na ang lalaking pinakamamahal ay kaya palang pumatay ng walang laban na ipis. Sa planeta pa naman nila ay inaalagaan ang mga iyon na katulad ng mga aso't pusa kaya hindi niya matanggap na naging witness pa sa animal a***e. "Ang alin?" takang-taka na naitanong ng sinusumbatan. "Bakit ka umiiyak?" Hindi na nito nagawang sumagot pa. Walang kibo na tumayo si Alfa at tumakbo patungo sa kwarto upang tumangis. Kahit na nakasara ang pinto ay dinig na dinig ni Uno ang paghikbi nito. Nais man niya itong damayan ay hindi niya talaga maintindihan kung ano ang iniiyakan nito. "Ang mga babae talaga, kung minsan, mahirap intindihin," pailing-iling na naisip na lang niya dahil sa naging kakatwang reaksyon ni Miss Alien. Mga tatlong araw rin na nanatiling tahimik si Alfa. Masama pa rin ang loob niya dahil sa walang-pusong pagpaslang ng amo sa insektong nais lamang humingi ng pagkain kaya lumipad sa may mesa. "Napakasama mo, Uno," pagtatampo niya habang gigil na nagmo-mop ng sahig. "Hindi muna tayo bati, nakakainis ka! Napaka-merciless mo! Inhumane!" "Alfa," pagtawag sa kanya ng lalaking kinapopootan. Sa lalim ng iniisip niya ay nagulat pa siya sa biglaang pagpaparamdam nito at inakala pa na nababasa nito ang kanyang isipan. "Ano 'yun?" tipid niyang tugon habang umiiwas ng tingin. Iniabot nito sa kanya ang isang kahon ng mamahaling mga tsokolate at isang plastic bag na may nilalamang bote. Nasiyahan man ay pinigil niyang mapangiti dahil naaalala pa rin niya ang patay na katawan ng kawawang ipis. "Galit ka ba sa akin?" pag-uusisa nito sa kanya. "Kung ano man 'yun, sorry na." "Hindi," pigil sa inis na pagde-deny niya. "Ano naman ang ikakagalit ko, hindi ba?" Panandalian na nakiramdam si Uno sa sumpong ng kausap. Hindi man niya alam ang dahilan kung bakit ito nagtatampo, siya na mismo ang nagpakumbaba upang hindi na lumaki ang g**o. "Humihingi pa rin ako ng paumanhin dahil sa nangyari noong isang gabi. Bumili pala ako nito para hindi ka na matakot pa." Nilabas naman ni Alfa mula sa sisidlan ang isang spray can na kulay green at may nakaguhit na malaking ipis. "Ano ito, pabango?" pagtatanong niya habang binabasa ang mga nakasulat doon. Ilang sandali lang ay namutla siya nang mapagtantong insecticide pala ang produkto. At, formulated pa para pumatay ng mga ipis! "Gamitin mo kapag may nakita ka sa paligid. May phobia ka pala sa ipis. Sana sinabi mo kaagad para nagawan ko ng paraan," panuto ni Uno habang nagsusumikap na maging masuyo ang kanyang tono upang hindi na magdamdam pa ang kausap. "Hindi bale, ipapa-pest control ko na ang bahay para siguradong wala ng gagambala pa na ipis sa iyo." Nabitawan ni Alfa ang hawak na tsokolate at insecticide dahil sa nakaka-trauma na mga salita. "I-Ipis...kawawang ipis..." sinisinok na sinambit niya. "Paano mo nagagawang saktan ako nang paulit-ulit? May galit ka ba sa akin?" "H-Ha?" Napakamot na ng ulo si Uno sa kakatwang hugot niya. "Bakit naman kawawa ang ipis? Hindi ba, ayaw mo nga sila?" "Halika nga muna at mag-usap tayo," pag-aya na niya sa dalaga na nangingilid na ang luha. Akmang hahawakan na sana niya ito sa braso pero nataranta na siya nang napaiyak na ito at dali-daling tinalikuran siya. Malaki ang tampo ni Alfa dahil sa pakiramdam na pinagtitripan at binu-bully pa siya ng binata. "I don't feel good," humahagulgol na inamin na niya bago nagkulong muli sa silid. "I'm so sorry, na-trauma kasi ako sa nangyari sa ipis! Pasensya na sa nagiging asal ko! Ang sakit-sakit lang kasi, e! Huhuhu..." Naiwan si Uno na gulong-g**o sa Drama Queen moment nito. Hindi talaga niya ma-gets kung bakit naging iyakin ito simula noong nakakita ng ipis. Pilit niyang inintindi na lang ang unpredictable mood nito sapagkat sa pagkakaalam niya, ninety-nine percent ng mga babae ay takot nga sa ipis. Marahil, naisip niya, sobra itong affected kaya hindi nito mapigilan ang damdamin. "Baka extreme ang phobia niya," pag-aalala niya habang pinupulot ang nahulog na insecticide sa sahig. Panandalian niyang tinitigan ang litrato sa harap na malaking ipis, at pagkatapos ay itinuon naman ang paningin sa maid's quarters, kung saan kasulukuyang tumatangis si Alfa. "Kawawa naman..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD