1
HAIDEE pouted her lips.
Bagong lagay sa mga labi niya ang lipstick na bago rin, halos umabot sa rate niya sa trabaho niya bilang wedding emcee. At hindi siya agad umalis sa harap ng salamin.
Pinakatitigan pa niya nang husto ang mga labing sa paniniwala niya ay best asset niya. Kung kaya naman parang investment na rin niya ang mga mamahaling lipstick at lip gloss na ginagamit niya. Ang katwiran niya, hindi niya dapat na tipirin ang sarili lalo at para sa lalong ikagaganda ng mga malalambot niyang labi.
Kung hindi pa tumunog ang kanyang cellphone ay hindi maaalis ang pagkakatitig niya sa sariling repleksyon. And yet, nang sagutin iyon ay muli siyang sumulyap sa salamin.
"Ready ka na, Haidz?" tanong agad sa kanya ni Sydney. Sa mga wedding girls ay ito ang naging pinakamatalik niyang kaibigan. Dahil na rin siguro sa kailangan nila ng teamwork, siya bilang wedding emcee at wedding singer naman ito.
"I'm ready. Nasaan ka na?" sagot niya dito. "Bakit ang tagal mo?"
"On the way na. Ang bagal ng nag-car wash ng sasakyan ko, eh," tila reklamo nito.
"Okay. Lalabas na ako para sasakay na lang ako pagdaan mo dito."
"Sige." At pinutol na nito ang linya.
Dinampot na ni Haidee ang dalawang bag. Ang isa ay ang pinaglalagyan ng personal niyang gamit habang ang isang mas malaki ay ang baon niya damit at sapatos para sa pag-e-emcee sa kasalang pupuntahan nila.
Big time ang kliyente ng Perfect Wedding na ikakasal ngayon. Talagang ni-request nito na ang lahat ng dadalo sa kasalan, wedding supplier man o staff ay dapat na naka-pormal na bihis.
At wala namang problema iyon sa kanya. Marami siyang gown para sa ganoong okasyon. Palabas na siya nang muling tumunog ang kanyang cellphone. Si Jenna naman ang caller this time.
"Nasaan ka na? Tapos na ang wedding march. Mga twenty minutes lang naman ang ceremony at picture-taking na ang kasunod. Dapat nasa Fernwoods na kayo by this time para hindi kayo gahulin sa oras sa preparasyon ninyo ni Sydney."
"Papunta na kami sa reception," cool na sagot niya. "Ikaw naman, parang hindi ka na nasanay sa mga ikinakasal. Mabilis nga ang ceremony pero super-tagal naman sa picture-taking. Baka nga humulas na ang make-up ko pero wala pa rin ang mga bagong kasal sa reception."
"I'm just reminding you, guys," ani Jenna.
"I know. At wala kang dapat ipag-alala. Kahit naman kailan, on time ako sa trabaho, di ba?"
"Yeah. See you later."
At hindi pa man niya naipapamulsa sa designer label niyang pantalong maong ang cellphone ay muling tumunog iyon.
Bahagyang umikom ang kanyang mga labi nang makita kung sino ang caller. Si Tita Lucille niya, ang kanyang madrasta.
"Yes, Tita?" kaswal na sagot niya dito nang muling dalhin sa tapat ng tenga ang cellphone.
"Ire-remind lang kita sa dinner natin tonight. Baka makalimutan mo," sabi nito.
Napaarko ang kanyang kilay.
Paano niya makakalimutan ang dinner na iyon kung bukod dito ay maya't maya sa pagte-text sa kanya ang stepsister niyang si Louise tungkol din sa naturang dinner.
"Hindi ko nakakalimutan, Tita," walang tonong sabi niya.
"Sa New World Hotel, Haidee. Eight pm," sabi pa rin nito.
"Yes, Tita."
"Be on time. Alam mo naman ang papa mo, mainipin iyon."
"I know, Tita," sagot niyang kulang na lang ay magtagis ang bagang. Talaga yatang sinusubukan ng kanyang madrasta ang pasensya niya.
"Puwede mong isama ang boyfriend mo, Haidee. Family dinner naman iyon. Mabuti nga at nang makilala na namin ang lalaking sinasabi mo."
Mariing naglapat ang kanyang mga labi. Tila talagang sinisira ni Lucille ang araw niya.
"I'll see," gayunman ay mahinahon pa ring sagot niya. "I have to go, Tita. May trabaho pa ako."
"Emceeing?" sa wari ay nagulat pang tanong nito. "Iyan pa rin ba ang trabaho mo?"
"Dito ako nag-e-enjoy," aniyang mauubos na talaga ang pasensya. At bago pa ito magkomento ng tungkol sa trabaho niya na hindi naman niya ikatutuwang marinig ay nagpaaalam na siyang muli. "Sige, Tita, bye."
"HINDI yata maipinta ang mukha mo?" pansin sa kanya ni Sydney nang sumakay siya sa kotse nito.
"Naiinis ako kay Tita Lucille," at ikinuwento naman agad niya ang ginawang pagtawag ng madrasta.
"Naiinis ka o namomroblema?" nakangiting sabi nito matapos siyang marinig. "Bakit kasi nag-fabricate ka ng istorya tungkol sa boyfriend mo kuno?"
"Dahil hindi rin nila ako titigilan. Worst, iisipin nilang hanggang ngayon ay affected pa rin ako kay Dennis. At habang naniniwala silang affected ako kay Dennis, aarte na naman si Louise na para bang tunay na guilty. In the end, iyong concern nila kunwari sa akin ay lilitaw ding hindi naman talaga totoong concern kundi sa akin nila ibabaling ang sisi na hindi magawa ni Louise na maging ganap na maligaya sa married life nila ni Dennis."
"Well, magtiis ang Louise na iyan. Kung iyon ba namang ibang lalaki ang pinagtuunan niya ng pansin at hindi ang Dennis mo, di wala sana siyang guilt feeling," mataray na sabi ni Sydney.
"Dennis ko?" react naman niya.
"Hindi ba't ikaw na rin ang may kuwento sa akin, kayo talaga ng Dennis na iyan ang mag-boyfriend. It so happened na nakilala siya ni Louise at naging matindi ang pagkagusto ng stepsister mo sa lalaking iyon. At ang kapal din naman ng Dennis na iyon. Tinuhog kayong dalawa."
"What a word!" bulalas niya. "Huwag namang tinuhog. In fairness to Dennis, break na kami nang ligawan niya si Louise."
Nilingon siya ni Sydney at tinaasan ng kilay. "But the truth is, kaya kayo nag-break ay dahil din sa stepsister mo."
Napabuntong-hininga siya.
Oo nga naman.
Nakipag-break siya kay Dennis dahil nahalata niyang nanlalamig na ito sa kanya. Nagsimula iyon nang maipakilala niya ang kanyang stepsister sa lalaki. At hindi rin naman manhid si Haideer para hindi mahalatang sa tuwing magkasama sila, kahit ano ang pag-usapan nila ay nauuwi tungkol kay Louise ang paksa. At interesadong-interesado si Dennis sa anumang bagay na tungkol sa stepsister niya.
At nang mag-break nga sila, isang linggo lang yata ang lumipas at nanligaw na si Dennis kay Louise. Isang linggo pa uli ang lumipas at nabalitaan niyang sinagot na ni Louise ang lalaki.
Hindi na siya nagulat pero aaminin niyang nasaktan pa rin siya. And then she realized, mas nasaktan ang ego niya. Mabuti na lang at nang mga panahong iyon ay naideklara na niya sa kanyang papa ang kanyang kalayaang bumukod ng tirahan.
She was living alone. Hindi siya nakikita ng mga ito araw-araw kaya higit naging madali para sa kanya ang pangyayaring iyon.
But Lucille and Louise thought otherwise.
Sa tuwing kay Dennis mauuwi ang paksa ay umaastang guilty'ng guilty ang mag-ina. Na kesyo inagawan siya ng kaligayahan lalo at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang ipinapakilalang boyfriend sa mga ito pagkatapos ng relasyon niya kay Dennis mahigit isang taon na ang nakakaraan.
At higit na madrama si Tita Lucille. Na kinunsinti daw kasi nito ang sariling anak kaya siya ang nagdurusa ngayon.
Naka-recover na siya sa bagay na iyon kaya paano siyang magdurusa?
Nagkataon lang na hindi pa siya nakakahanap ng karapat-dapat na boyfriend kaya wala siyang lovelife ngayon.
Ang totoo ay kaya lang siya nagiging apektado ay dahil na rin sa kauungkat ng mag-ina sa paksang iyon.
At dahil sumagad na ang pagkapikon niya, nang ikasal sina Dennis at Louise noong isang buwan ay sinabi niyang wala namang dapat alalahanin sa kanya dahil may boyfriend naman siya.
Of course nagulat ang lahat—lalo na ang kanyang papa.
Nagulat din naman siya.
Nasabi na niya ang bagay na iyon nang maisip niya ang kaakibat na kumplikasyon. Pero hindi na niya iyon magagawang bawiin dahil siya rin ang lalabas na katawa-tawa.
At ngayon, pagkatapos ng halos isang buwan ding honeymoon nina Dennis at Louise ay isang welcome back dinner ang pinlano ng Tita Lucille niya. She was still a part of the family kaya naman imbitado siya.
Pero may palagay din siyang gusto rin ng mga itong makilala ang sinasabi niyang boyfriend kaya mahigpit ang imbitasyon nito para sa nasabing dinner.
At malaking problema iyon sa kanya.
Saan siya hahanap ng lalaking ipapakilala sa mga ito bilang boyfriend niya?
*****