Chapter 1 - Ziya

1551 Words
San Pascual, Ilocos Norte “Nakausap mo na ba si Uncle June?” tanong ni Marianne kay Papa Norman. Nakikinig lang ko sa pag-uusap nila dahil nagagalit si Ate Marianne kapag sumasabat ako. Nagkunwari akong nagbabasa ng libro kahit ang totoo'y nabuhay ang kuryusidad ko nang marinig na mag-aaral si Ate Marianne sa Maynila. Gusto ko rin kasing makapag-aral at matapos ang kolehiyo. "Oo, Marianne. Ang sabi ng Uncle mo, kaya ka niyang ipasok sa mamahaling eskwelahan doon dahil mayaman ang amo niya at may kakilala sa loob ng University." "Papa, pwede din po ba akong mag-aral doon?" hindi ko napigilang sumingit sa usapan nila. Alam ko naman ang sagot. Nagbakasakali lang ako na mapagbigyan kahit malimit ay hindi. Hindi naman talaga pantay ang turing ni Uncle Norman sa aming dalawa dahil tunay nitong anak si Ate Marianne habang ako ay anak daw ni Mama Bea sa ibang lalaki. "Huwag na! Magiging asungot lang kita doon eh!" agad na sagot ni Ate Marianne. "Sige na po, Papa. Kahit ako na lang po ang maglalaba ng damit ni Ate Marianne at mag-aasikaso sa kanya doon." Tila naman nakumbinsi ko si Papa June dahil sandali itong nag-isip. Alam niya kung gaano ko naman laging inaasikaso si Ate Marianne kapag nasa bahay. Mula nang mamatay ang Mama Bea dalawang taon na ang nakalipas, tila ako katulong ng dalawa ngayon. Ako ang tagalaba at tagaluto sa bahay. Abala kasi si Ate Marianne sa extracurricular activities sa school habang ako ay lagi lang nasa bahay para magbasa ng libro. Gusto ko kasing makatapos ng kursong medisina na malabo namang mangyari. "Sige, ipapakiusap ko sa Uncle June niyo na dalawa kayong makikitira sa kanila. Makikisama kayo doon ha? Huwag niyo akong bibigyan ng sakit ng ulo, lalo ka na Ziya." "Talaga po?" namilog ang mata ko sa tuwa. "Aasikasuhin ko talaga si Ate Marianne doon, Papa! Hindi po kayo magsisisi. At pagbubutihin ko ang pag-aaral ko." Sumimangot man si Ate Marianne ay hindi ko na pinansin. Mas nanaig ang tuwa sa dibdib ko dahil may pag-asa akong makatapos. Sayang lang dahil hindi ko makukuha ang kursong gusto ko. Pero bahala na. Ang importante ay pumayag na si Papa na ipagpatuloy ko ang kolehiyo. "Maghugas ka na ng pinggan kaysa ngingiti-ngiti ka riyan," inis na wika ni Ate Marianne sa akin. Sanay naman na ako sa pagsusungit niya. Tumayo ako mula sa upuang kahoy at tinungo ang banggera kung saan naroon ang poso at ang pinagkainan namin. "Ako na rin ho ang magluluto ng almusal bukas ng umaga, Papa," suhestyon ko para paluguran ulit ang dalawa. Sa umaga kasi ay maagang umaalis si Papa para pumunta sa bukid na may tanimang gulay. Minsan ay nagluluto na rin ito ng almusal kapag may inuuwi itong gulay at isda sa palengke. Pero madalas ay hindi. "Nagpapalapad ng papel..." bulong ni Ate Marianne kay Papa na umabot pa sa pandinig ko. Lihim na lang akong napangiti. Sa isang maliit na bayan sa San Pascual kami nakatira at sa gitna pa iyon ng bukid. Ang susunod naming kapitbahay ay may kalayuan din. May kuryente naman sa bayan namin pero ang tubig ay nanggagaling pa sa poso. Mahirap kami kung maituturing dahil pagtatanim lang ng gulay ang trabaho ni Papa. Pero kung mayroon man akong gustong hilingin ngayon bukod sa makatapos ng pag-aaral, iyon ay sana'y buhay pa si Mama Bea. Mag-asawa sina Papa Norman at Mama Bea na parehong may-anak sa iba. Dati daw sa Maynila nakatira ang dalawa pero piniling umuwi sa San Pascual para sa mas simpleng buhay. Bininyagan ako kasabay ng pagpapakasal nilang dalawa kaya't naging legal akong Madrigal. Pinagkakamalan tuloy kaming kambal ni Ate Marianne na parehong Madrigal dahil sabay kaming pumapasok sa eskwelahan. Nahinto daw siya ng dalawang taon kaya't nagkasabay na kami hanggang sa high school. Mabait naman si Ate Marianne sa akin noon mga bata pa kami. Parati kaming magkasama sa eskwelahan dahil ilang kilometro pa ang lalakarin namin bago marating 'yon. Pero nang tumuntong kami sa high school, sa mas mataas na section ako napunta na labis niyang ikinainggit. Karamihan din ng crush niya ay sa akin nagpapalipad hangin. Kaya lumalim ang inis niya sa 'kin hanggang nakasanayan niya nang sungitan ako. Doon niya na laging ipinapaalala na inampon lang naman ako ni Papa Norman. Wala naman akong pakialam sa mga lalaking gusto niya. Wala pa sa isip ko ang pagkakaroon ng kasintahan. Marami akong gustong marating. May mga pangarap akong gustong matupad. Balak ko talaga ang maging isang surgeon kung bibigyan ako ng himala ng Diyos. Pagkatapos kong maglinis sa kusina ay tumuloy na ako sa maliit na silid na siyang tulugan ko. Naroon ang mga inipon kong libro galing sa library na hindi ko pa naisauli. Katatapos pa lang ng graduation namin sa high school. Kukunin ko pa ang clearance sa school para makalipat ako sa kolehiyo. Inipon ko muna ang mga gamit ko para sa paghahanda sa susunod na enrollment. Hindi ko alam kung ano ang itsura ng Maynila. Minsan lang ako nakarating sa bayan at hindi ko pa napuntahan ni minsan ang Vigan sa Ilocos Sur o ang Bangui Windmill na dinadayo ng turista sa Ilocos Norte. Sa loob ng ilang taon ay nanatili lang kami sa bukid kahit noong nagkasakit na ang Mama Bea. Ang katwiran niya ay wala naman kaming ipanggagastos sa ospital. Kinuha ko sa drawer ang birth certificate ko na alam kong kakailanganin ko sa school, pati ilang dokumento tulad ng baptismal at graduation certificate ko noong elementarya. Late register ang nakagalagay sa birth certificate ko dahil hindi naman daw ako naiparehistro kaagad. Bernadeth Ziya ang buo kong pangalan. Sa bahay lang daw ako ipinanganak sa pamamagitan ng hilot o kumadrona. Ganoon naman ang karamihan sa amin sa bukid dahil malayo kami sa mga pampublikong ospital. Kapag tinatanong ko kung sino ang tunay kong ama, nagagalit si Mama dahil hindi niya gustong ungkatin pa ang nakaraan. Nanatiling blanko ang parteng iyon ng pagkatao ko. Gustuhin ko mang alamin ay hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Isa pa, sa palagay ko'y paglapastangan iyon sa alaala ni Mama Bea dahil ipinangako kong hindi ko na pagtatangkaan pang alamin kung nasaan ang aking ama. Matuto daw akong makuntento at magpasalamat kay Papa Norman. Kinabukasan ay maaga akong gumising para magluto ng almusal. Nagkakape na si Papa Norman at handa nang magpunta sa bukid. "Ziya..." mahinang tawag niya sa akin. "Bakit po, Papa?" Hindi ko alam kung bakit tila malalim ang iniisip niya. Nabanaag ko din ng lungkot sa mga mata niya. "Kaybilis ng panahon, ano?" "Opo. Nami-miss niyo ho ba si Mama? Ako rin eh, palagi ko siyang naiisip." "Sana nga'y nandito pa siya para sabihin sa akin kung ano ang dapat kong gawin." "May problema ho ba, Papa?" "Wala naman, anak... Nami-miss ko lang ang Mama mo. Kapag umalis kayo ni Marianne wala na akong kasama dito sa bukid..." Naantig naman ang puso ko sa lungkot na nakikita ko kay Papa. Hindi ko man siya tunay na ama, naging maayos naman ang pakikitungo niya sa akin. Hindi nga lang siguro katulad ng pagmamahal nito kay Ate Marianne na laging may kasamang yakap. Sinisikap din nitong bilhin kapag may nagustuhang bagay si Marianne. Pero sapat na sa akin na pinag-aaral niya ako at ipinagamit ang apelyido nito para hindi ako maging anak sa labas. Hindi naman ito nananakit at nakita ko kung gaano nito kamahal si Mama Bea. Hindi na ako maghahangad na mahalin din niya ako katulad ng pagmamahal niya kay Ate Marianne. Hindi ako putok sa buho sa mata ng mga kakilala namin, iyon na lang ang mahalaga. "Bakit ho ayaw niyong sumama na lang sa amin? Baka ho mabigyan kayo ng trabaho doon ni Uncle June?" tanong ko baka sakaling pumayag siya. Pero mabilis itong umiling. "Matanda na ako, anak. Ilang panahon pa ay susunod na rin ako sa Mama Bea niyo. Sana lang ay mapatawad niyo kami sa naging pagkakamali namin. Kung kaya ko lang itama ang lahat..." "Ano ho ang ibig niyong sabihin?" Hindi naman na ito muling nagsalita na pinunasan na ang luha sa mata at nagpaalam. Hindi na nito hinintay ang lulutuin kong almusal. Nagtataka naman akong sinundan na lang ng tingin si Papa Norman. Puti na ang buhok dahil halos nasa seventy years old na ito. Ang Mama Bea ay nasa sisenta anyos na rin nang mamatay. Iginupo ito ng karamdaman na hindi namin alam kung anong karamdaman iyon dahil sa bahay lang ito nagpapagamot sa isang albularyo. Pero noong bata ako, madalas kong makita ang Mama na nanginginig ang katawan at pawis na pawis. Ang sabi ni Papa, sakit na raw iyon ng Mama niya mula ng maliit pa ito. Kaya siguro noon pa man ay labis na ang kagustuhan kong maging doktor. Matapos ang pagluluto ng almusal, lumabas ako sa kubo naming gawa lang sa pawid. Ganoon naman ang mga bahay sa baryo namin. Madalas ay nasisira ng malakas na bagyo, pagkatapos ay itatayong muli. Tulad ng buhay, kapag dinaanan ng suliranin, kailangan lang bumangon muli. Iyon ang madalas pangaral ni Mama sa akin. Pasikat na ang araw sa silangan. Hindi ko alam kung ganito rin kaganda sa Maynila na pupuntahan namin ni Ate Marianne. May takot akong nararamdaman pero naroon din ang nabuhay na pag-asa sa dibdib ko. Pag-asa na matutupad ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD