Kinagabihan ay nahirapan akong makatulog. Hanggang ngayon kasi ay pilit na inaalala ko pa rin ang mga nangyari kanina. Pero sa tuwing sinusubukan ko itong gawin ay nananakit lang ang ulo ko.
Bigla akong napahawak sa mga labi ko. Ang isa pa sa dahilan kung bakit mulat na mulat pa rin ako hanggang ngayon ay dahil tila nararamdaman ko pa rin ang malalambot niyang mga labi na nakalapat sa ’kin. Para tuloy akong naiihi na hindi ko maintindihan.
Ipinilig ko ang ulo at malalim na napabuntonghininga. Maigi siguro na magtimpla at uminom na lang ako ng mainit na gatas. Hindi ko rin kasi mawari kung bakit nananakit ang buong katawan ko at tila pagod na pagod ito. Halos maghapon lang tuloy akong nakahiga.
Sa paglabas ko ng pinto ay inaasahan kong maabutan na nakabantay roon si Caleb. Pero sa pagtataka ko ay wala siya roon.
Naramdaman ko ang pamumula ng pisngi ko nang muling maalala ang nangyari kanina sa pagitan naming dalawa. Ayos na rin na wala siya ngayon dito. Dahil sa totoo lang ay wala akong mukha na maihaharap sa kanya.
Tahimik ang buong mansyon habang bumababa ako ng hagdan. Karamihan din kasi sa mga tauhan namin ay sa labas nagbabantay.
Sa pagdating ko sa kusina ay naabutan ko roon si Manang Gloria na mayroong hinuhugasan.
“Manang?” tawag ko sa kanya.
Napalingon naman siya sa ’kin. “Oh, Kylie. Bakit gising ka pa? May kailangan ka?” Ipinunas muna niya ang basang kamay sa suot na pang-ibabang apron.
“Magtitimpla lang po sana ako ng gatas.”
“Ganoon ba? Umupo ka na lang diyan at ako na ang magtitimpla. Dapat ay pinindot mo na lang ang intercom para hindi ka na bumaba pa,” wika niya bago mabilis na nag-asikaso.
Napangiti ako. “Ayoko na po kasi kayong abalahin pa. Saka kaya ko naman po.” Akmang pipigilan ko siya pero hinila niya ako patungo sa stool ng island counter bago pinaupo.
“Ikaw talagang bata ka. Ako na ang bahala. Saglit lang naman ito.”
Hindi na ako nakipagtalo pa at pinanood na lang siya sa ginagawa.
“Bakit gising pa rin po kayo?”
“Nagpadala kasi ng pagkain si Don Kairo sa opisina niya. Mukhang marami pa rin siyang ginagawa hanggang ngayon.”
Napasimangot ako. Maaga nga umuwi si Papa kanina, pero kahit ganoon ay inuwi rin niya sa bahay ang mga trabaho niya.
“Heto na ang gatas mo. Mainit-init pa ’yan, hah.”
Maingat na inabot ko naman ang baso. “Salamat po. Babalik na po ako sa kuwarto ko. Matulog na rin po kayo, hah.”
Tinanguan at nginitian lang ako ni Manang Gloria.
Habang naglalakad ako pabalik sa kuwarto ko ay hindi ko maiwasang isipin kung nasaan ba ang magaling kong bodyguard. Ngunit nasagot ang katanungan ko sa sarili nang biglang bumukas ang pinto sa katabing kuwarto ng akin.
Napahigpit ang hawak ko sa baso dahil muntikan ko na itong mabitiwan nang dahil sa nakita. Tila napako ako sa kinatatayuan ko nang magtama ang paningin naming dalawa. Pilit ko mang panatilihin ang mga mata ko na ituon lang ang atensyon sa kanyang mukha ay hindi ko naman magawa.
Sinundan ng mga mata ko ang tumutulo pang patak ng tubig mula sa kanyang buhok, pababa sa kanyang mukha, hanggang sa bumagsak ito sa lantad niyang katawan. Napalunok ako nang mapansin na tanging ang maselan na parte lang ng katawan niya ang natatakpan ng tuwalya.
“Like what you’re seeing? I’m glad that you’re enjoying the view.”
Napakurap ako nang bigla siyang nagsalita at muling napaangat ng tingin sa kanya. He’s smirking like an idiot.
“Do I look like I am enjoying the view? Dream on, jerk. Actually, I’m disappointed by what I see. That’s why.”
Hindi ko alam kung bakit biglang nanginig ang mga tuhod ko, pero kahit ganoon ay pinilit ko pa rin ang sarili na maihakbang ang mga paa ko hanggang sa tumigil ako sa tapat ng kuwarto ko.
Akmang bubuksan ko na ito nang muli siyang nagsalita.
“Really? Kaya pala tumutulo ang laway mo.”
Awtomatikong napapunas naman ako sa gilid ng labi ko. Pero nang mapagtanto ko na wala namang laway roon ay matalim ko siyang tiningnan.
“You conceited jerk! Bakit ka ba kasi bigla-biglang lumalabas ng nakahubad?” asik ko sa kanya para pagtakpan ang pagkapahiya ko.
Sa isang iglap ay naging blangko ang kanyang ekspresyon.
“Oh, that. It’s because we have an unwanted guest that I wanted to greet with a warm welcome.”
Magtatanong pa sana ako nang sa isang iglap ay nasa harapan ko na agad siya bago ako itinulak. Sa pagkakataong ’yon ay tuluyan ko ng nabitiwan ang hawak na baso.
Kasabay ng pagkabasag nito ay ang sunod-sunod na pagputok ng baril na biglang umalingawngaw sa buong paligid.
“Get your head down!” utos niya sa ’kin.
I was caught off guard. What the hell is happening now?