HALOS ISUMPA ko ang buong mundo nang kunin sa akin ng Diyos si Kristof. Ilang buwan din akong nalugmok, nagluksa at nagdusa dahil ang dating kasama kong sumumpa nang walang hanggan sa harap ng altar, suot ang puting bestida at barong, ay siya rin palang ihahanapan at pasusukatan ko ng kabaong sa huli. Sobrang hirap at halos mabaliw ako sa pagkawala niya.
Ang hirap gumising kung alam mong wala na iyong taong dati ay nasa tabi mo lang. Ngunit sa tuwing mamamasdan ko ang mukha ng anak ko, napapawi ang lahat ng sakit na nararamdaman ko dahil sa pagkawala ng kaniyang ama.
Naisip ko, na hindi pa katapusan ng mundo dahil may isang bagong buhay na umaasa sa akin ngayon.
Marahas akong nagpakawala ng malalim na buntonghininga, saka tumingala sa bughaw na langit. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang banayad na pag-ihip ng hangin na animo’y yumayakap sa akin at humahaplos sa aking mga pisngi. Pakiramdam ko tuloy ay narito lang sa aking tabi si Kristof ngayon.
Hindi ko napigilan ang sariling makaramdam na naman ng kalungkutan. Hanggang ngayon ay nangungulila pa rin ako sa pagkawala ng aking asawa.
Sira ang mga CCTV camera sa paligid kung saan nangyari ang aksidente noon kaya walang lead na maaaring makapagturo kung sino ang nakabangga sa kaniya. Wala rin namang nakakuha ng plate number ng sasakyan ng taong iyon kaya ipinagpasa-Diyos ko na lang siya at ipinalangin na sana isang araw, usigin siya ng konsensya niya.
Sa ngayon, ang dapat kong isipin ay ang ikabubuti ng anak ko dahil siya na lang ang tanging buhay na alaala na iniwan sa akin ng kaniyang ama.
“Mama!” Mabilis kong pinahid ang luhang lumandas sa aking mga pisngi nang marinig ang boses ni Kristofer. As much as possible ay ayokong nakikita niya akong malungkot.
“Oh, dahan-dahan lang sa pagtakbo, Anak,” turan ko, saka mabilis siyang nilapitan.
Kaagad siyang humawak sa libreng kamay ko, saka magkahawak-kamay kaming naglakad patungo sa puntod ng kaniyang ama.
Agad na bumitiw si Kristofer sa aking kamay at naunang naupo sa bermuda grass katapat ng puntod. Ako naman ay nanatili lang na nakatayo habang matamang nakatitig sa lapida na kinasusulatan ng pangalan ng aking asawa. Humugot ako nang isang malalim na hininga, saka ito pinakawalan.
Yumuko ako para ibaba ang kumpol ng bulaklak at box na may lamang cake. Baby’s breath ang madalas kong dalhin dito dahil ayon sa Victorian Times, sinisimbolo nito ang everlasting love. Para kasi sa akin, katawan lang niya ang nawala rito sa mundo, pero ang pagmamahal ko sa kaniya kailanman ay hindi mawawala.
“Happy birthday, Mahal,” ani ko matapos ibaba ang bulaklak. Umupo na rin ako at nakitabi sa anak ko bago sinindihan ang kandila na nakatusok sa cake.
Nasa gitna kami ng paghaharutan na mag-ina nang biglang tumunog ang cell phone na nasa aking bulsa. Agad ko itong kinuha saka mabilis na sinagot nang makitang si Monina ang tumatawag.
“Oh, ano? Istorbo ka kahit kailan, alam mo iyon? Kung may irereto ka na naman sa akin, utang na loob, sa ’yo na lang dahil hindi ako interesado,” irita kong bungad sa kaniya. Baka kasi may ireto na naman itong ka-blind date sa akin.
“Gaga, wala! Nakalimutan mo na ba? Interview mo ngayon!”
Bigla akong natigilan. Interview ko nga pala sa opisina na pinapasukan ni Monina ngayon. Mabilis kong sinipat ang relong suot para tingnan ang oras. Alas-onse kasi ang schedule ng interview ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang alas-nuwebe y media na pala. Paulit-ulit akong nagpakawala ng malulutong na mura sa aking isipan saka mabilis na dinampot ang mga pinagkainan naming mag-ina.
“Mama, bakit po?” inosenteng tanong sa akin ni Kristofer.
“Anak, kailangan na nating umalis, ha? Balik na lang ulit tayo rito kay papa sa linggo. May interview kasi si mama ngayon sa trabaho,” mahinahong paliwanag ko saka nagkumahog sa ginagawang pagliligpit.
“Okay po, Mama,” sagot niya saka tumayo na. Sakto namang natapos ako kaya mabilis kaming nagpaalam sa puntod ng kaniyang ama.
*
*
*
HALOS hingalin ako sa pagtakbo makaabot lang sa interview ko. Ilang galaw na lang kasi ng kamay ng orasan ay sasapit na ang alas-onse. At kung sinusuwerte pa ay nataon pang under maintenance ang nag-iisang elevator nitong building. Napilitan tuloy akong gumamit ng hagdan papunta sa sixth floor kung saan naka-assign na department si Monina.
“Mama, pagod na po ako,” daing ni Kristofer, dahilan para matigil ako sa paghakbang paakyat sa hagdan.
Nahabag ako sa hitsura niya nang lingunin ko siya. Ako nga’y pagod na pagod na, paano pa kaya siya? Kung ihahatid ko kasi siya sa bahay kanina ay mas lalo pa akong hindi aabot sa interview ko kaya napagpasyahan kong isama na lang. Tutal ay narito lang naman si Monina kaya puwede kong ipasuyo na bantayan muna siya.
“Sorry, Anak, ha? Kailangan ko lang talaga ang interview na 'to para may trabaho na si mama. ’Di bale, kapag natapos ako, kakain tayo sa Jollibee. Gusto mo ’yon?” nakangiti kong wika sa kaniya.
Agad namang nagliwanag ang kaniyang mukha saka mabilis na tumango.
Binuhat ko na lang siya saka muli kaming umakyat hanggang sa sixth floor. Nang marating namin ang floor ay agad kong nakita ang naghihintay na si Monina.
“Bilisan mo, girl! Mukhang wala pa naman sa mood si Hitler ngayon kaya ayaw niya ng late. Marami rin daw aplikante kaya bilisan mo!” salubong nito nang makita kami.
“Sige, ikaw muna ang bahala kay Kristofer, ha?” bilin ko sa kaniya.
“Oo, huwag kang mag-alala. Ako ang bahala rito sa inaanak ko.”
Bumaling ako kay Kristofer, saka siya hinalikan sa noo. “Behave ka kay ninang, ha? Mabilis lang ako, okay?”
“Opo, Mama.”
Inayos ko muna ang nagusot kong damit saka pinasadahan ng aking kamay ang buhok ko. Hindi ko alam kung ano ang hitsura ko ngayon, pero sana hindi naman makaapekto sa magiging resulta ng interview ko. Kahit papaano naman ay nakapag-retouch ako kanina habang nasa sasakyan kaya siguro ay presentable naman akong haharap sa HR Manager na siyang mag-iinterview.
Nasa 8th floor pa ang HR department kaya tumakbo akong muli patungo roon.
“Ay, kabayo!” Napasigaw ako nang matapilok sa hagdan. Yumuko ako para hilutin ang paa ko pero halos manlumo ako nang makitang natanggal ang takong ng isang sapatos ko.
“Kung minamalas ka nga naman, oh! Bakit ngayon ka pa bumigay? Hindi ka masarap ka-bonding, lintik ka!” kausap ko sa sapatos ko. Ang sarap ihagis!
Tiningnan ko ang relo sa aking kamay para i-check ang oras. Tatlong minuto na lang pala ay alas-onse na. No choice kung ’di putulin din ang isang takong ng sapatos ko.
Nang maputol ay muli akong tumakbo paakyat sa 8th floor kahit iika-ika ako dahil sa pagkakatapilok ko kanina. Pagkarating ay agad kong nakita ang isang babaeng nakaupo sa isang mesa sa labas lang mismo ng pinto ng HR department.
Huminga muna ako nang malalim bago lumapit at magsalita. “Good afternoon, miss. May interview po ako ng alas-onse,” nakangiti kong usal.
“Ay, sorry, Miss, cut off na kasi namin, eh.”
“Pero alas-onse po ang sinabing oras para sa interview. Saktong alas-onse pa lang naman po, oh.” Pinakita ko pa ang relo ko sa kaniya pero umiling lang siya.
“Pasensiya na talaga, miss. Sana mas inagahan mo pa kasi ang daming aplikante kanina kaya napilitan na kaming mag-cut off. Saka may nakuha na rin kasi kami para sa posisyon.”
Gusto kong hambalusin ng hawak kong resume ang babaeng kaharap ko. Pagod na pagod ako tapos ito lang pala ang mapapala ko? Pero wala akong magagawa, gano’n talaga ang buhay, eh. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay suwerte ka. Minsan papaburan ka ng langit, minsan naman ay hindi. Iisipin ko na lang na hindi para sa akin ang trabahong ’to at may mas magandang oportunidad pang naghihintay para sa akin.
“Ayos lang, Sunshine. Ayos lang,” anas ko saka umupo sa pangalawang baitang ng hagdan para magpahinga. Ngayon ko mas naramdaman ang pagod ko sa pagtakbo kanina. Huminga ako nang malalim saka humilig sa pader.
“Ang aga mo naman kasi akong iniwan, Kristof. Kung narito ka lang sana. . .” bulong ko habang nakatingin sa kawalan.
*
*
*
MAAGA akong gumising. Mas maaga pa kaysa sa dating oras. Kailangan kong magdoble kayod dahil limang araw na lang ay back to school na.
Kasalukuyan akong nagtutuhog ng marinated na karne para sa paninda kong barbeque mamayang hapon habang nagch-check ng pa-order ko sa online at paminsan-minsang tinutungo ang likuran para pihitin ang timer ng washing machine. Basang-basa ang suot kong damit pero keribels lang. Gusto kong matapos agad ang mga gawain ko para may oras pa akong makipaglaro sa anak ko.
Natigilan ako sa pagtutuhog ng karne sa stick nang makitang may pumasok na mensahe sa cell phone ko. Galing iyon sa isang unregistered number at parang nahagip ng mata ko na sa rider ng Lazapee nanggaling ang message.
Para makasigurado, dali-dali kong tinanggal ang suot kong disposable gloves bago kinuha ang cellphone na nakalagay sa phone stand. Agad akong nagtungo sa inbox para makumpirma at baka namali lang ako ng tingin.
Wala naman kasi akong matandaan na may in-order ako sa Lazapee na darating ngayon. Iyong iba ay kahapon pa dumating tapos yung iba naman ay two-three days pa bago dumating dahil kaka-ship lang ng mga iyon kanina.
“The package 711-143-KEMECHURVA is out for delivery today. Please prepare the exact amount of P600,” basa ko sa naka-flash na message mula sa screen.
“Wrong send lang siguro ’to,” anas ko. Baka nagkamali ng isang numero na napindot yung rider. May gano’n naman, e. O maaaring sadya rin.
Napairap nalang ako. Ibinaba ko ang cell phone sa lamesa at ipinunas ang kamay sa harapan ng suot kong short. Tumigil sa pag-ikot iyong washing machine kaya kailangang pihitin ulit.
Napailing-iling na lang ako. Hindi pa man ako nakakaisang tuhog, biglang na lamang pumasok si Kristofer.
“Mama!” sigaw niya sa may bungad ng pinto. Muntik tuloy akong mapahiyaw dahil sa gulat.
Nasapo ko ang dibdib. Napapikit ako at napahugot nang malalim na hininga.
“Diyos mio kang bata ka. Bakit mo ba ginugulat si mama?” ani ko at tuluyang tinanggal ang disposal gloves sa aking kamay.
“Naku, pawis na pawis ka na naman. Amoy araw ka, Anak.” Nag-squat ako at pinunasan gamit ang bimpo na nakasampay sa aking balikat ang kaniyang mukha na tagaktak sa pawis.
“Mama, may naghahanap sa ’yo sa labas,” sagot niya sabay turo sa labas ng bahay.
Napatingin naman ako sa itinuturo niya habang patuloy pa rin sa pagpupunas ng kaniyang pawis sa likod.
“Sino?”
“Lazapee, Mama.”
Anak ng teteng!
“Sige, manood ka na muna. Dito ka lang, ha? Huwag kang lalabas,” bilin ko sa kaniya. Isinaksak ko muna at isinindi ang electric fan bago mabilis na tinungo ang rider na naghihintay sa labas.
Pagkalabas ay nakita ko na kaagad ang rider na nagbababa na ng mga parcel. Kahit hindi pa man ako nakalalapit ay alam kong hindi siya yung dating nagde-deliver ng orders ko. Mukhang bago ang isang ’to.
Tumikhim ako. “Excuse me, kuya. Ano po ’yan?” Kuha ko sa atensyon niya. Pero parang hindi ako narinig dahil patuloy lang siya sa ginagawa.
“Kuya!” ulit kong tawag sa kaniya. Mas malakas ang pagkalabigkas ko.
“Delivery po para kay Ma’am Sunshine Andrada,” usal niya habang nakatingin sa isang parcel na hawak niya.
Umusbong ang inis ko. Biglang bumulusok yung dugo ko patungo sa ulo ko. Wala akong matandaan na may order ako na darating ngayon. Uso sa online shopping ngayon ang ganiyang modus, e. Yung papadalhan ka ng supplier kahit wala ka namang in-order sa kanila.
Pinuno ko ng maraming hangin ang aking dibdib. Pilit kong kinakalamay ang sarili kahit gustong-gusto ko nang ipahabol sa aso itong rider na nasa harap ko.
“Kanino galing?” tanong ko.
“Ritchie Castro po,” sagot niya. Ramdam ko na pumihit na siya paharap sa akin.
Ibinaba ko ang hawak kong karton na pag-aari ng ibang tao. Nag-angat ako ng tingin at hinarap siya. Pagkaharap ko ay parang nalulon ko ang dila ko at hindi agad napakawalan ang boses ko. My lips parted. Parang napuno ng maraming laway ang loob ng bibig ko kaya sunod-sunod ang ginawa kong paglunok.
Damn! Ang guwapo naman ng delivery rider na ’to. Yung totoo? Rider ba ito, o siya ang may-ari ng Lazapee?
“Ma’am 600 po lahat. Exact amount lang po, ha? Wala pa po kasi akong panukli. Kuhanan ko rin po kayo ng picture for proof.”
“Hindi akin ’yan,” deretsa kong sagot.
Kita kong natigilan ang rider. Napangisi siya na nakadagdag pa sa kagwapuhang taglay niya. Hindi nga lang siya mapakali. Kung saan-saan bumabaling ang tingin niya. Hindi makatingin ng diretso sa akin.
“Pero kayo po si Sunshine Andrada, hindi ba?” tanong niya. Ngayon ay sa bahay naman namin nakatingin. Gusto ko nang kutuban ng masama. What if magnanakaw pala ito at naniniktik lang? Kumukuha ng inpormasyon bago umakyat ng ligaw— Este, bahay. Ano ba!
Muli kong ipinilig ang aking ulo. Sarap kutusan ng sarili ko!
“Oo ako nga. Pero wala nga akong in-order. May in-order nga ako pero kahapon pa dumating. Iyong iba kaka-order ko lang kanina kaya sa susunod na mga araw pa ang dating ng mga ’yon,” irita kong sagot.
“Kung wala po kayong in-order, paano maipapangalan sa inyo ang mga ’to?”
“Aba malay ko sa ’yo? Bakit mo ako tatanungin, e, hindi ko nga alam ang tungkol diyan.” Napairap ako. Hindi ko maiwasang makaramdam ng inis sa lalaking ’to. Guwapo nga pero mahina naman ang kokote! Tsk!
“Ibalik mo nalang iyan sa seller. I-cancel mo! Scam iyan, e,” muli kong turan.
“Naka-note po na no cancellation of order policy sila, Ma’am. Kung wala kayong pambayad ngayon, pwede naman sanang i-reschedule ang delivery.
“May pambayad ako pero hindi ko kukunin iyan kasi hindi ko naman in-order iyan,” sikmat ko sa kaniya. Pigil na pigil ko pa ang sarili kong mapasigaw dahil baka marinig ng anak ko’t gayahin pa.
Nagkamot ng ulo ang rider. Umiiling-iling habang nakangisi. Pero bigla ring binawi ang tingin sa akin at bumaling na naman sa ibang direksiyon.
“I-cancel mo iyan kung ayaw mong ireklamo kita sa branch niyo!”
“Ma’am, may note nga po na no cancellation of order dito. Ayan, miss, o. Nababasa mo naman siguro. Ang laki ng pagkakasulat.”
Lalong uminit ang ulo ko sa sinabi niya. Walang modo itong scammer na ’to, a! Nanginginig na ang may ko. Pati ang tíbok ng puso ko, hindi na normal dahil sa inis na nararamdaman ko.
“Ano ang pangalan mo, Mister chinito rider?” nakangisi kong tanong.
“Rain po,” kalmado niyang sagot. Hindi pa rin makatingin sa akin.
Rain, huh? I smirked. Ginagawa ba niya akong gago? Dahil Sunshine ang pangalan ko, ginawa niya namang ulan ang pangalan niya?
“Rain, bakit hindi ka makatingin sa akin? ’Di ba gano’n kapag may itinatagong kasinungalingan ang isang tao, hindi makatingin sa kausap? Iyong totoo, budol-budol ka ano?” Itinagilid ko pa ang aking ulo para masilip ang mukha niyang nakabaling sa gilid.
Nakita ko ang bahagya niya pag-iling. May sumungaw na maliit na ngiti sa kaniyang mga labi. Nakita ko tuloy yung dimples niya. Shemay! Weakness ko ang dimples.
“Wala akong itinatagong kasinungalingan, miss. Hindi rin ako miyembro ng budol-budol,” sagot niya. Nagpamulsa siya at tumingala sa second floor ng apartment namin.
“Kung gano’n, bakit hindi ka makatingin sa akin?”
Lumunok siya. Nakita ko ang pag-alon ng adam’s apple niya.
“K-Kasi ano . . .” utal niyang turan. Napahilamos pa ng mukha.
“Kasi?”
Saglit siyang natahimik. Tila tinitimbang kung magsasalitang muli.
“Umamin ka na lang na kasabwat mo yung seller. Scammer ka!”
“Hindi ako scammer, miss. ’Yang — ay tangina naman.”
“Aba’t nagmumura ka pa!”
“Eh, kasi nga, ma’am . . .” Huminga siya nang malalim bago muling magsalita. “’Yang bra mo kasi. . . nakabakat. Kita na iyang ano mo.”
Mabilis na bumaba ang tingin ko sa dibdib ko. Halos kita na pala ang kaluluwa ko sa damit ko. Naglalaba nga pala ako kanina at basang-basa ang ako. Ilang beses akong umusal ng mura sa isip ko.
Pinag-krus ko ang mga kamay sa harap nh dibdib ko at tatakbo na sana papasok sa loob ng bahay pero natigil ako nang hawakan ng rider ang kamay ko. Pakiramdam ko ay may kuryenteng tumakbo sa ugat ko dahil sa simpleng hawak niyang iyon.
Nilingon ko siya at matalim na tiningnan. Tila napaso naman siya at agad akong binitiwan.
“Bayaran mo muna ang parcel mo, miss.”
“Hindi nga akin iyan!” bulyaw ko sa kaniya. Naghahalo ang ang inis at pagkapahiyang nararamdaman ko.
Nakita niya ang bra ko! Bakit hindi niya agad sinabi kanina?!
Sakto ang pagtigil ng tricycle sa tapat namin. Bumaba ang nakangiting si Monina.
“Uy, ano iyan?” turan niya nang makalapit sa akin.Tiningnan ko nang masama ang rider.
Binalingan kong muli si Monina na pangiti-ngiti habang pinaglilipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ng lalaking nasa harap ko.
“Monina, pumasok ka sa loob. Kunin mo iyong itak!”