|| Kuya Vincent ||

1475 Words
Isang taon na ang nakararaan simula nang isugod namin si Kuya sa ospital dahil sa bigla niyang pagkahimatay. Nalaman namin na may stage 1 lung cancer si Kuya Vincent dahilan para magkaroon ito ng maintenance sa gamot at therapy para hindi lumala ang cancer sa katawan niya. Nagtataka rin kami kung bakit siya nagkaroon ng lung cancer gayoong hindi naman siya naninigarilyo. Ang sabi ng doktor ay marahil dahil sa nakakalanghap si Kuya Vincent ng usok galing sa nagsisigarilyo. Mahilig si Tatay manigarilyo at buong araw tuwing nasa bahay siya ay halos maubos niya ang isang box kakahithit. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit lagi silang nag-aaway ni Nanay. Ngayon naman ay nasa ospital lang kami. Hindi na nakaakyat ng stage si Kuya last year para kunin ang diploma niya dahil kailangan niyang obserbahan sa ospital. Kaya naman ngayon ay nakahiga lang siya sa hospital bed para sa sumunod niyang check-up. “You’re doing good, Vincent. Just be extra careful with your health. Hangga’t maaari sana ay iwasan mo ang mapagod. May chemotheraphy ka bukas ‘di ba?” sabi ng doctor habang pabalik-balik ang tingin nito kay Kuya Vincent at sa hawak nitong patient tab. “Opo,” sagot ni Kuya. Tinitigan ko nang mabuti si Kuya. Hindi na siya ‘yong tulad nang dati na palaging malakas. Mabilis siyang nangayayat at halos nababawasan na rin ang buhok niya dahil sa kalahating buwan niyang nagki-chemotheraphy. Nahirapan kami noon kung saan kami kukuha ng pera. Hindi naman ganoon kalaki ang kita ni Tatay. Hindi rin naman ganoon karami ang bumibili sa tindahan. Kaya hindi ko alam kung paano nakakuha sila Tatay ng ganoon kalaking halaga. Halos aabutin din kasi kami nang mahigit 40, 000 sa buong session. May kalahati pa kaming kailangan bayaran sa hospital bills. Ngunit ang mahalaga na lang sa amin ngayon ay ang gumaling si Kuya. Sa bawat araw rin na dumaraan ay mas lalong lumalaki ang away nina Nanay at Tatay. Umuwi ako sa bahay dala ang mga lago ni Kuya. Halos doon na kasi siya tumira tuwing nagpapa-chemo siya para lagi siyang nababantayan. Nang makarating sa bahay ay sigawan na naman nila Nanay ang unang-una kong naririnig. Gusto kong umatras at huwag na umuwi sa tuwing nag-aaway sila. Napakabigat sa pakiramdam sa tuwing may maririnig akong sigawan sa loob ng bahay. Para bang binubuhol-buhol nito ang utak ko. “Nasaan na ang pambayad natin sa ospital? Akala ko ba ngayong araw mo ibibigay?” tanong ni Nanay. “Nakauwi na po ako,” sabi ko sa kanila pero mukhang hindi nila ako napansin. Dumiretso ako sa kusina para uminom ng tubig. Samantalang sina Nanay at Tatay ay nasa sala at nakaupo. Naninigarilyo na naman si Tatay. “Ipapadala na nga lang daw nila rito. Kahapon ko pa sila pinipilit na ibigay na,” saad ni Tatay sabay hithit sa sigarilyo. “Pwede ba tigilan mo muna ‘yang paninigarilyo mo! Hindi ka ba talaga nadadala? Nagkasakit na ang ang anak mo dahil d’yan tapos tinutuloy mo pa rin. Anong gusto mong mangyari? Sumunod si Veronica kay Vincent?” masama ang tingin ni Nanay kay Tatay. “Manahimik ka nga, Vanessa. Alam mo naman na ito lang ang nagpapakalma sa akin tapos idadamay mo pa ang mga anak mo,” umiiling na sabi ni Tatay sabay hithit ulit sa sigarilyo. “G@go ka talaga, Jaime. Wala kang pakialam sa mga anak mo,” dismayadong sabi ni Nanay. Habang tumatagal ang away nila ay mas lalong sumisikip ang dibdib ko. Para akong pinipiga at hindi makakilos. Sa bawat pagsikip ng dibdib ko ay ang pagbilis din ng t***k ng puso ko. Huminga ako nang malalim bago umalis sa kusina pero mahigpit akong napahawak sa gilid ng lamesa dahil sa nanghihina kong tuhod. “Huwag mo nga ako minumura, Vanessa. Kung alam ko lang na ganyan ang ugali mo e ‘di sana--” “E ‘di sana hindi na tayo nagpakasal?!” pagtapos ni Nanay sa gustong sabihin ni Tatay. “Oo! Kung masyado kang mukhang pera e ‘di sana nag-asawa ka ng mayaman. Hindi ‘yong halos gipitin mo ako,” pagalit na saad ni tatay. “Para sa anak mo ang pera, Jaime! Para sa anak mo! Hindi para sa akin!” “Para sa anak ko pero lagi kang dapat may parte! Ni hindi na nga kita pinapakialam sa pera ng tindahan, eh. Tapos ngayon---” “Alam mo, napakawalang kwenta ng usapan na ‘to. Kung ayaw mong magbigay. Ako ang gagawa ng paraan,” tumayo si Nanay pagkasabi niya no’n kay Tatay. “O marunong ka naman pala gumawa ng paraan. E ‘di tulungan mo ako. Hindi ‘yong nanunumbat ka pa,” turan ni Tatay nang nakalahad pa ang mga kamay. “Anong panunumbat ang pinagsasabi mo?” litong usisa naman ni Nanay. “Bakit hindi ba?” may panghahamon na sabi ni Tatay. Napailing na lang si Nanay dahil sa pinagdidiskusyunan nila. Hindi pa rin ako makaalis sa kinatatayuan ko hanggang sa makita ko si Nanay na dumaan sa kusina para umakyat papuntang kwarto. Mariin akong napapikit saka huminga nang malalim. Naglakad ako palabas ng kusina at naabutan ko si Tatay na magkasalubong ang kilay habang nakakuyom ang mga kamao. Maya-maya lang ay hinampas niya ang lamesa dahilan para mapatalon ako sa gulat. Umalis siya sa sala at dire-diretso lang na lumabas. Hinawakan ko ang dibdib ko. Para akong mamamatay dahil sa pag-aaway nila. Ilang taon pa ang lumipas na araw-araw na ganoon ang nangyayari. Minsan ay hindi na umuuwi si Tatay at nakikitulog na lang sa kapitbahay para lang hindi sila mag-away ni Nanay. Mas lalo ring lumala ang sakit ni Kuya. Hindi naagapan ng chemotherapy ang sakit niya kaya naman kinailangan niya nang manatili sa ospital. Wala akong kasama sa bahay sa tuwing mag-aaway sila Nanay. Wala si Kuya Vincent na lagi akong pinapaalis sa tuwing may sigawan sa bahay para lamang hindi ko marinig. Wala si Kuya Vincent para tulungan sila Nanay na mapakalma. Pagdating kasi sa kanila ay hindi ako makapagsalita, at para akong napipipi. Dahil sa tuwing sinasabihan ko sila, ang lagi lang nilang sinasabi sa akin, “Huwag kang makialam sa away ng matatanda, Veronica. Manahimik ka riyan. Pumunta ka sa kwarto at magbasa ng mga aralin mo.” Hindi na rin ako makapag-focus sa pag-aaral ko. Malapit na ang entrance exam sa gusto kong pasukan na university pero hindi ako makapag-review dahil sa sunod-sunod na pagpunta ko sa ospital para tulungan si Kuya Vincent. Hindi rin kasi araw-araw nakakabisita sila Nanay gawa na marami raw silang inaasikaso para makahanap ng pambayad sa ospital. Kaya ako na lang din ang pumupunta para kahit papaano ay may kasama si Kuya. Nang makita ko na tuluyan nang nakakalbo si Kuya Vincent ay parang paulit-ulit na sinasaksak ang puso ko. Hinawakan ko ang kamay niya habang nakaupo siya sa kama niya at ang isang kamay ay may hawak ng binabasa niyang libro. “Kuya,” tawag ko sa kaniya. “Hmm?” Isinara niya ang libro na hawak at tumingin sa akin. Hinilot-hilot ko ang kamay niya. “Gusto kong maging doctor para ako na mismo ang gagamot sayo,” sambit ko matapos ang ilang segundong katahimikan. Iniangat ko ang tingin sa kaniya at nakita ko siyang ngumiti. Iniangat niya ang isang kamay para lang guluhin ang buhok ko. “Kaya galingan mo sa entrance exam mo. Sa susunod na linggo na ‘yon ‘di ba?” “Opo. Kahit mahirap pero ayoko sayangin ang scholarship na nakuha ko. Bawas na rin sa gastusin natin,” malungkot akong ngumiti sa kaniya. “Ang pangit mo ngumiti. Dalaga ka na kaya dapat naghahanap ka na ng boyfriend para naman kahit hindi mo naaalagaan ang sarili mo ay may nag-aalaga sayo,” natatawang sabi nito. “Heh! Saka na. Kapag magaling ka na, hahanap ako ng pogi sa med school. Marami ro’n mas gwapo pa sayo,” taas-kilay kong sabi. “E ‘di inamin mo rin na gwapo ako,” malawak siyang ngumiti sa akin. “Oo na. Gwapo ka pero hanggang sa gumaling ka lang,” asar ko pa sa kaniya na ikinatawa niya lang. “Parang dati lang may uhog ka pa sa ilong pagkatapos maglaro, pero ngayon marunong ka na mag-ayos,” puna niya sa akin na nakapagpaalala rin nang mga panahon na adik pa ako sa paglalaro sa labas at kailangan pang tawagin sa tuwing kakain ng tanghalian. “Maganda kasi ako,” parehas kaming natawa sa sinabi ko. Gusto kong huminto ang mga oras na iyon. Masaya ako sa tuwing nakikita ko ang masayang mukha ni Kuya Vincent. Sana lagi ko pa siyang makitang nakangiti. Siya na lang kasi ang dahilan kaya gusto ko pang lumaban sa buhay. Habang nilalabanan ni Kuya Vincent ang sakit nya, nabubuhayan din ako para lumaban sa buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD