---
Ilang araw na din ang nakakalipas nang dumalo ang pamilya ni Carlotta sa pagpupulong ng mga kilala at mayayamang pamilya ng San Leoncio. Pati na din ang Gobernador na si Don Kanor ay hindi mawawala sa mga pagpupulong.
Napag usapan ng mga matatanda sa pagpupulong ang kasunduan sa mga kastila na panatilihin ang kapayapaan sa pagitan ng bawat isa. Napagkasunduan ng lahat na sabihin kay Don Alejandro na isang Duke sa Espanya na sabihin sa hari nila ang mga napagpulungan. May tiwala ang mga mamamayan ng San Leoncio sa kakayahan at kapangyarihan ng duke. Kaya lang naman nagpulong ang bawat isa sa mansion ng mga Salazar ay dahil may nangangambang panganib na maaaring mangyari sa mga Leonciano. May isang makapangyarihang tao ang pinaplanong sakupin ang isla ng San Leoncio at paslangin ang lahat ng mga naninirahan dito. Sa ngayon ay iniimbistigahan pa kung sino ang nasa likod ng lahat ng pangamba ng mga Leonciano.
Alas singko na ng hapon, naglalakad lakad si Carlotta sa may dalampasigan. Gaya nang nakasanayan, pinupulot niya ang madadaanan at makikitang mga kabibeng nagkalat sa buhanginan. Dinig na dinig ang hampas ng alon at ang ingay ng mga ibong nagliliparan. Maririnig mo din ang lagaslas ng mga dahon ng bawat puno’t halaman dahil sa ihip ng hangin.
Nagpapagaan sa kalooban ng dalagita ang katahimikang nadarama niya. Nakatulong ang sariwang simoy ng hangin upang liparin ang mga iniisip at bumabagabag sa kaniyang kalooban. Lalo na’t nalaman niyang hindi din pala magtatagal nang taon ang kanyang ama na manatili dito sa San Leoncio. Sa isang araw din ay maglalayag nanaman ito patungo sa kung saan nito gusto. Hahanap – hanapin nanaman niya ang presensya ng isang ama sa loob nang napakalaking mansion. Lagi ding napapaisip si Carlotta na aanhin pa nila ang karangyaan kung ang isa naman sa pamilya nila ay hindi nila kasama? Mas pipiliin pa niya na magpaka dukha na lamang kaysa mayaman nga ngunit hindi naman kasama ang padre de pamilya.
Minsan na din niyang nabanggit sa kaniyang ina ang mga bumabagabag sa kaniya. Lahat ng maisipan niya, lahat ng sikreto niya ay sa kanyang ina nya nasasabi. Lalo na kung siya ay may sama ng loob. Ang kaniyang inang Martha ay para na rin niyang kaibigan. Nang minsan ay maikwento nya sa kanyang ina na mas pipiliin pa niyang maging dukha kaysa sa mayaman ka nga ngunit di naman nila kasama ang kanyang ama. Sumang ayon sa kanya ang kanyang ina ngunit sinabi din sa kaniya, “Kung titingnan mo naman sa ibang anggulo anak, mapalad pa rin tayo. Sobrang palad, dahil biniyayaan tayo ng yaman, malusog at inirerespeto ng mga tao. Ang mga maralita, bukod sa di na nga sila pinagkalooban ng yaman ay pinagmamalupitan pa sila ng ibang mga tao at kinukutya. Nais mo bang mangyari sa atin yaon? Magpasalamat na lamang tayo ‘pagkat ginagawa ng iyong ama ang lahat mabigyan lamang tayo ng magandang buhay. Magpasalamat nalang tayo’t nakikita at nakakasama natin kahit minsan ang iyong ama. Kung tutuusin ay mas nahihirapan ako nang wala sa tabi ko ang iyong ama dahil asawa ko siya. Nang ipagbuntis kita at nang manganak ako sayo ay hindi ko siya kapiling, alam mo ba kung gaano kahirap iyon para sa akin? Ang ibang mga asawa pag nanganganak ay kasama ang kanilang mga asawa upang umalalay sa kanila ngunit nung panahong iyon ay wala si Carlos at wala akong magagawa kaya’t tinatagan ko na lamang ang aking loob at nanalangin sa Diyos. Sobrang hirap, nahihirapan din ako sa tuwing wala akong katuwang na asawa.”
Nang maalala ni Carlotta ang sinabi ng Ina ay hindi na siya pinanghinaan ng loob. Alam niyang mas nahihirapan ang kaniyang ina pagkat ito ang asawa. Ano pa nga ba siya upang mag drama? Bagkus ay naisip niyang gagamitin na lamang niya ang mga nalalabing oras ng kaniyang ama dito sa San Leoncio upang makasama ito at mag saya.
Kinuha ni Carlotta ang panyo sa bulsa ng kanyang saya upang doon ilagay ang mga nakuha niyang kabibe. Palubog na rin ang araw kaya’t napagpasiyahan niyang umuwi na sa mansion. Nang makauwi sa mansion ay binati siya ng ilang mga kasambahay na madaanan niya. Kaagad siyang luminga linga upang hanapin si Chuchay nang maalala niyang nagpaalam nga pala ito dahil may inihandang sorpresa ang nobyo nitong si Tonio para sa kanya.
‘Oo tama kayo, nobyo na ni Chuchay si Tonio.’
Nung isang araw pa sinagot ni Chuchay si Tonio at inaming may gusto ito sa kaniya. Agad agad naman itong sinagot ni Chuchay hindi pa man ito nanliligaw kaya’t tuwang tuwa ang lahat ng manggagawa na nakaalam sa ginawa ni Chuchay. Natutuwa din si Carlotta para sa kanila dahil bukod sa kaniya ay may masasandalan na ito pag may problema.
Umakyat si Carlotta at pumaroon sa kaniyang silid, kumuha ng masusuot sa kaniyang malaking aparador na may salamin sa harap at nagtungo sa banyo upang maglinis ng katawan. Matapos makapagbihis ay nagwisik siya ng kaunting pabango, pinahidan ng pampaganda ang mukha at nagpahid din ng kung ano sa katawan. Pasalubong ito sa kanya ng kanyang Ama. Sa tuwing umuuwi ang kanyang ama ay binibigyan siya at ang kaniyang ina ng kung ano anong pampaganda tulad na lamang ng ginseng na galing pa daw sa bansa ng mga singkit.
Pagkatapos magawa ang naisin sa katawan ay bumaba na siya at nagtungo sa komedor upang kumain. Alam na alam ni Carlotta ang oras ng kainan. Hindi na siya kailangang tawagin pa. Hindi siya pinalaking tamad ng kanyang ina na kailangan pang tawagin kung kakain ‘pagkat saying daw ang oras at pagod ng mga kasambahay kung ganoon.
Nang makapasok sa komedor ay agad siyang binati ng mabangong amoy ng iba’t ibang klase ng ulam. Umupo siya at sakto namang lumabas ang kanyang ama’t ina sa kusina at may dala dalang kanin at panghimagas. Tumayo siya upang tulungan ang Ina’t ama sa mga dala ngunit pinaupo na lamang siya ulit ng mga ito at sinabihang sila na daw ang gagawa dahil hindi pa naman daw sila uugod ugod upang tulungan.
Sumunod namang dumating ang kaniyang kuya Fidel sa hapag kainan.
Binasag ni Carlotta ang katahimikan sa loob ng silid, “Ama, Ina. Bakit wala po akong nakikitang mga kasambahay?”
“Sapagkat pinauwi namin sila sa kanilang pamilya upang makasama nila ang isa’t isa.” Sagot ng ina nila.
“At siyempre ay para magkaroon din tayo ng oras para sa isa’t isa.” Sagot naman ng kanilang ama.