Chapter 1: Pista
Ika-tatlo ng Agosto 1750
Carlotta
Ngayon ay pista ng San Leoncio kaya't sandamakmak na tao ang lumilibot at nagsisibilihan sa mga tampok na pasyalan at pamilihan sa bayan. Ang iba'y kasama ang kanilang nga nobyo't nobya; karamihan ay pami-pamilya.
Tuwing pista ng San Leoncio ay talaga nga namang mailaw at maririnig mo ang ingay ng bawat tao kahit gabi na. Sa umaga naman ang bawat kabahayan ay nagluluto ng sandamukal na putahe at malamang na hindi mawawala ang putahe ng mga Leonciano na kalderetang bibe. Nagkakaroon pa nga ng paligsahan kung sino ang magaling at pinakamasarap na magluto sa buong San Leoncio. Ang Inang Martha ang laging nananalo sa paligsahan at walang nakakatalo sa sarap ng kanyang kalderetang bibe.
Kasalukuyan akong naglalakad sa palengke upang bilhin ang mga rekados na kakailanganin niya sa pagluluto. Nagpasama ako sa aking alalay na si Chuchay sapagkat hindi ako papayagan na mamalengke ni Inang ng walang kasama at baka kung mapano pa daw ako sa daan.
Una naming pinuntahan ang tindahan ng mga gulay ni Aling Puring at kinuha ang mga rekados na kailangan at saka ito binayaran.
Hinahanap namin ang aming kutsero na si Mang Kiko nang makarinig kami ng hiyawan sa di kalayuan. Nagsitabihan ang mga naglalakarang tao sa daan ng mahagip ng aking mata ang isang madungis na lalaking tumatakbo at hinahabol ng mga guwardiya sibil.
“Magsitabi kayo!" sigaw ng guwardiya sibil sa mga nakaharang na tao.
"Habulin niyo iyan! Magnanakaw ang hampas-lupa na 'yan!" nanggagalaiting sabi ni Doña Soledad.
Si Doña Soledad ay kilala rin dito sa bayan ng San Leoncio sapagkat may malaki silang negosyo ng Asin. Kilala rin sya dahil sa angkin nyang kalupitan at kasungitan sa mga taong mas mababa sa kanya.
"Sigurado ako! Hinablot niya ang aking pitaka!" paninisi ni Doña Soledad.
"Hindi po totoo ang inyong mga paratang ukol saakin!" tugon naman ng binata na panay pa rin ang takbo.
Hindi ko matiis ang aking sarili 'pagkat alam ko namang nagsasabi ng totoo ang binata. Alam ng lahat ng mamamayan ng San Leoncio ang kawalang hiyaan ni Doña Soledad kaya naman madami ding hindi naniniwala sa ibinibintang niya sa binata. Lagi ko ngang naririnig noon pa man na, " Hindi lahat ng kapus-palad ay magnanakaw". Kaya't iniwan ko si Chuchay at lumapit sa mga guwardiya sibil.
"Mga ginoo, kung maaari'y ipaubaya niyo na lamang sa akin ang binatang inyong hinahabol kapalit ng dalawang piraso ng ginto." alok ko sa mga guwardiya sibil at hindi na sila umangal pa.
Sinabi ko rin kay Doña Soledad na pabayaan na ang binata't babayaran ko na lamang siya ng dalawang piraso ng ginto; sa kalaunan ay napapayag ko naman na siya.
Humahangos na lumapit saakin si Chuchay at saka ako inulan ng sermon. Kasing-edaran ko lang si Chuchay; alalay ko siya ngunit kaibigan ang turingan namin sa isa't-isa.
"Binibining Carlotta! Ano ba't nawala ka sa aking tabi! Kung ika'y napahamak ano na lamang ang masasabi ko sa iyong ina?" nag aalalang sambit ni Chuchay.
" Huwag kang mag-alala Chuchay dahil ayos lang naman ako."
Nilapitan namin ang binatang hinahabol kanina ng mga guwardiya-sibil.
"Alam kong inosente ka at wala kang kinalaman sa pagkawala ng pitaka ni Doña Soledad. Patawarin mo na lamang sana siya't ganon talaga ang ugali ng Doñang katulad niya." paliwanag ko sa binata.
"Maraming salamat sa kabutihang ipinamalas mo sa akin binibini. Ngunit sobra-sobra naman ata ang iyong ibinigay sa mga nanghabol saakin." nahihiyang sambit ng binata.
" Wala lang iyon saakin. Ang kayamanan ay tunay na hindi natin maidadala sa hukay kaya nararapat lamang na lustayin ito sa pagtulong sa nga nangangailangan. Iyon ang bilin saakin ng aking Apong." sagot ko. "Halika't sumama ka sa aming mansion at doon ka na lamang magtrabaho bilang taga-alaga ng aking kabayong si Sinon upang kumita ka ng salapi."
"Nako maraming salamat binibining.. Ano ho ba ang inyong ngalan?" Tanong ng binata.
"Carlotta"
"Maraming salamat po binibining Carlotta!" natutuwang sambit ng binata.
"Ikaw? Ano Naman ang itatawag ko saiyo?" Tanong ko.
" Tawagin niyo na lamang po akong Tonio"
"Kung gayon Tonio heto nga pala si Chuchay ang aking kaibigan at tagapag-silbi." pagpapakilala ko kay Chuchay.
"Nagagalak akong makilala ka Tonio" sambit ni Chuchay.
"Nagagalak din akong makilala ang isang tulad mo Chuchay." sagot ni Tonio ng may ngiti.
Parang may naaamoy akong kakaiba...
Nang makauwi sa bahay ay sinalubong kami ni Inang Martha at kanyang nakita ang aking kasama.
"Ang bilis umabot ng balita dito sa mansion na may tinulungan ka daw? At ang labis kong ikinagulat ay ang nagnakaw ng pitaka ni Soledad?" pagtatanong ni Inang.
"Opo Ina. Kilala niyo Naman po si Doña Soledad." sagot ko. "Ina, si Tonio po. Kung inyo pong mamarapatin ay gagawin ko syang isa sa mga tauhan natin sa hacienda. Aalagaan at papakainin lamang Niya si Sinon at tutulong sa mga gawain sa bukid."
"Ganoon ba?" "Masisigurado ba naming mapagkakatiwalaan ka Tonio?" paninigurado ni Inang Martha.
"Ako po'y dukha ngunit mapagkakatiwalaan Señora Martha" sagot ni Tonio.
"Paalala, Señorita ang itawag mo kay Señorita Carlotta." pabulong na pagpapa-alala ni Chuchay kay Tonio.
Sinabihan ko si Chuchay na samahan si Tonio upang ipakita ang kanyang mga nararapat na gawin.
Samantala, ako naman ay nagtungo sa may azotea sa aking silid upang mamahinga at makalanghap ng sariwang hangin. Kinuha ko ang libro ng medisina sa may lamesita at akin iyong binasa.
Hindi ko alam kung bat bigla na lamang akong nainip at naisipan kong ibalik sa lamesita ang libro at tumingin sa labas. Saktong pagtingin ko sa labas ay may magarang karwahe akong nakitang paparating. Sa karwahe pa lamang ay mahahalata mo nang ang nakalulan dito ay hindi lamang isang simpleng tao, walang iba kundi si Duke Alejandro I. Huminto ang karwahe sa tapat ng aming mansion at bumaba ang isang makisig at may edad na Duke; kasama niya ang kanyang nag iisang tagapagmanang si Señorito Hugo Alejandro Amezquita II.