Awtomatikong bumukas ang mga mata niya, ganoon yata talaga kapag sanay ang katawan mo. Kahit hindi ka na mag alarm, kusa ka nang gigisingin nito. Nilingon niya ang ina sa kabilang katre, tulog pa ito habang nakatalukbong ng kumot na sako harina na ito mismo ang nagtahi. Pagkatapos ay nilingon niya ang katabing si Mikay na tulo laway pa sa unan nito. Marahan niyang pinunasan ang labi nito. Maingat siyang bumangon at tinungo ang kinalalagyan ng mga balde at drum. Kinuha niya ang dalawang balde ng boyzen at marahang lumabas ng bahay. Muntik niya pang matapakan ang amang si Miguel na nakahiga sa malapit sa may pinto, hula niya ay lasing na lasing ito kaya hindi na nakapasok pa sa loob.
"Itay, gising po kayo, pumasok na po kayo sa loob." Wika niya. Marahan niya itong tinapik sa balikat hanggang sa magising at pumasok sa loob. Napailing na lang siya nang makita itong padaskol na nahiga sa tabi ng ina. Mabilis siyang naglokod patungo sa poso ni Aling Deborah. Mayroon silang linya ng tubig, pero ginagamit lang nila iyon para sa inumin. Ang panligo nila ay galing sa poso na siya pa mismo ang nag iigib kada umaga. Sinasadya niyang agahan dahil sa dami nilang nakikiigib ay tiyak na siya ang pinakahuli sa pilahan kapag tinanghali siya ng gising. Nakahinga siya nang maluwag pagkakitang pangatlo siya sa pilahan. Ibig sabihin hindi siya maghihintay ng matagal.
"Gusto mo bang tulungan kitang mag-igib, Maya?" tanong ni Teroy, ang dakilang tambay sa kanilang lugar na pilit na dumidiskarte sa kanya kahit na alam na may Manolo na siya.
"Salamat Teroy pero okay na ako."
"Nagpakipot ka na naman! Isang kiss lang naman ang bayad sa pagbubuhat ng dalawang timba ayaw mo pa!"
Hindi na niya ito sinagot. Wala siyang mapapala kay Teroy kung papatulan niya ito. Buti na lang at naroon rin ang dalagang si Kiray na nakakakita sa kanila. Kung sila lang dalawa ni Teroy ay baka mas makulit pa ito sa tatay niya kapag lasing.
"Pwede ba Teroy, tigilan mo nga itong si Maya! Ilang taon ka na bang pumoporma sa kanya na lagi kang dinededma! Huwag ka nang umasa dahil may Manolo na 'to, kung gusto mo tayo na lang!" wika ni Kiray sabay haplos sa dibdib ni Teroy.
"Kung sakali man na ikaw na ang huling babae dito sa mundo ay mas pipiliin ko pang maging bakla kaysa mapunta sa iyo!" singhal ni Teroy. Kinuha nito ang dalawang balde at mabilis na lumayas papalayo sa kanila.
Natawa siya dahil sa pang-aasar ni Kiray. Tumitiklop talaga si Teroy pagdating sa dalaga dahil alam nitong may kuya si Kiray na ex-convict. Takot lang nitong magripuhan sa tagiliran. Maganda naman si Kiray lalo na ang katawan nito. Kaya nga lang iniiwasan ito ng mga binata sa lugar nila sa takot sa kuya nito.
"Salamat po, Ate Kiray..." sabi niya.
"Anong salamat? May bayad 'yun! Bigyan mo ako ng mga retasong tela na itatapon na ninyo. Para makagawa ako ulit ng mga pang sexy na damit," sagot nito sabay kindat sa kanya.
"Sige po, Ate!" sagot niya. Minsan ay nag-uuwi talaga siya ng mga retasong tela. Ang iba ay ginagawa nilang basahan. At minsan naman ay binibigay niya kay Kiray dahil hilig rin nito ang manahi.
Nakalimang balik siya bago naupo ang drum nila. Pagkatapos ay mabilisan siyang naligo. Kinuha niya ang isang sachet ng palmolive. Binuksan niya iyon at sa inilagay niya ang kalahati sa tabo na may kaunting tubig. Pinabula niya muna iyon at pagkatapos ay ibinuhos sa hanggang balikat niyang buhok. Mabilis niyang kinuskos ang anit at pagkatapos ay nagbanlaw ng katawan. Kailangan niyang magmadali dahil baka masungitan na naman siya ni Manolo na tiyak niyang nag aabang na sa kanya sa labasan.
"Inay, alis na po ako!" paalam niya sa ina na nasa lamesa na at umiinom ng kape.
"Sige anak, mag iingat ka," sagot nito.
Tumango siya at patakbong lumabas ng bahay. Saglit niyang sinulyapan ang mumurahin niyang relo na nabili niya sa bangketa sa halagang isandaan. Alas sinco y media na. May trenta minutos pa siyang nalalabi para kumain sila ng lugaw ni Manolo sa paborito nilang turo-turo stall.
"Good morning, mahal!" bati niya sa nobyo. Naabutan niya itong nakaupo sa motor nito at matiyagang naghihintay sa kanya.
"Magandang umaga rin, mahal!" sagot nito. Hinawi nito ang buhok niya. Sobra pa iyong basa dahil hindi niya napiga nang mabuti sa kakamadali. Kinuha ng nobyo ang dala nitong morning towel at pinunasan ang buhok niya.
"Sorry mahal, hindi ko napunasan maiigi sa kakamadali ko,"
"Pasalamat ka at mahal kita, kung hindi hahayaan kita na parang basang sisiw na nahulog sa kanal."
Nakurot niya ito sa tagiliran dahil sa pagbibiro nito. Pagkatapos nitong punasan ang buhok niya ay sumakay na siya sa motor ng boyfriend.
"Mahal rin kita!" sambit niya sa punong tenga nito.
Marahan nitong pinisil ang hita niya bago nito pinaandar ang service nila. Kagaya ng inaasahan ay sabay silang nag almusal ng lugaw bago siya nito tuluyang inihatid sa pinapasukang patahian. Pagkababa niya sa motor nito ay binuksan naman nito ang dalang backpack. Inilabas mula roon ang isang supot na may lamang pagkain.
"Heto na ang lunch mo, sigurado akong wala ka na namang pera pambili ng pagkain." Wika nito. Bahagya nitong hinawi ang ilang hibla ng buhok niya na nasa mukha niya.
"Salamat mahal, napakaswerte ko na ikaw ang boyfriend ko..." wika niya habang naluluha.
"Sus ginoo! Sinabi mo pa, swerte ka talaga sa akin. Buti na lang at nabaliw ako sa iyo. Kung hindi baka nahanginan na ang puyo mo sa gutom!" biro nito. Lumapit siya sa kasintahan at mahigpit itong niyakap. Wala siyang paki kung pagtinginan siya ng mga katrabaho. Ang importante sa kanya ay maiparamdam niya sa nobyo ang taos-puso niyang pasasalamat rito.
"Poging-pogi ka na naman sa akin," sabi nito sabay pingit ng tungki ng ilong niya.
"Pogi ka naman talaga, ngayon mo lang ba nalaman?" sagot niya.
Biglang lumawak ang pagkakangiti sa kanya ni Manolo. Alam niyang kilig na kilig na naman ito sa sinabi niya. Hindi sa pagmamayabang, mahitsura rin ang binata. Hindi ito masasabing mala Adonis ang kagwapuhan at kamachohan pero para sa kanya, talo nito ang kahit na sinong lalaki dahil sa taglay nitong ugali.
Napakabait ni Manolo, masipag, maalaga, mapagmahal, malambing, mabait at higit sa lahat ay loyal. Si Manolo ang unang nobyo niya at masasabi niyang hindi siya nagkamali sa pagpili rito dahil talo niya pa ang nanalo sa megalotto.