03

1058 Words
Marahan niyang hinaplos ang manipis na labi na kanina lamang ay masuyong dinampian ng mga labi ni Manolo. Sa edad niyang disi-otso, ang binata ang first boyfriend niya at ipinagdadasal niyang ito na rin ang huli. Sa tingin niya ay wala na siyang balak pang maghanap ng iba. Dahil lahat ng gusto niya at kailangan sa makakatuwang sa buhay ay nasa nobyo na. Huwag nga lang itong manawa sa kanya. "Nasa langit ka na naman, nahalikan ka lang ng boyfriend mo sa labi talo mo pa ang nasa cloud nine," wika sa kanya ng kaibigang si Millet. Katabi niya ito sa pwesto niya. Dalagang ina si Millet at may dalawang maliliit na anak. Hanga siya sa katatagan at kasipagan nito dahil kaya nitong buhayin ang dalawang anak na hindi naghahabol ng sustento sa nobyo nitong tumakbo sa obligasyon. "Ang sweet niya talaga Millet, alam mo ba dahil sa kanya saglit kong nalilimutan ang mga problema ko sa buhay. Siya ang nagiging lakas at sandalan ko ngayon. Masaya ako na may Manolo ako na masasabi kong akin." Lumapit sa kanya ang kaibigan at hinawakan ang magkabila niyang pisngi pagkatapos ay tinitigan siya sa mga mata. "Lahat ng lalaki ay sweet sa umpisa, alalahanin mo na ganyan rin ang ama ng mga anak ko. Akala ko nga siya na ang anghel na pinadala ng langit. Ang siste, isa lang pala siyang satanas na nagbalat-kayo. Matapos akong anakan ng dalawang beses, nasaan na ba ang gago? Ayon, nasa kandungan ng iba at hindi na kami kilala ng mga anak niya." Mahabang litanya nito. "Millet, iba siya, iba si Manolo." Pagtatanggol niya sa kaibigan. "Sana nga, dahil sa sitwasyon mo ngayon sa pamilya mo. Alam kong hindi mo kakayanin na mabundat ng di-oras. Tapos bigla ring maglaho ang nobyo mo. Ingatan mo ang monay at huwag mong hahayaan na mapalaman ng hotdog at itlog dahil baka madisgrasya ka. Payong kaibigan, sana huwag mong kakalimutan." Dagdag nitong sabi bago siya iwanan sa kinatatayuan. Patay malisya itong nagtungo sa table nito habang sinusuri ang mga tela na nasa lamesa. Tumatak sa isipan niya ang sinabi ng kaibigan ngunit para sa kanya hindi si Manolo ang tipo ng lalaking gagawa ng hindi maganda. Kalahating taon siya nitong niligawan bago nito nakuha ang matamis niyang oo. At sa ngayon ay magli-limang buwan na silang magnobyo. Ni minsan ay hindi ito gumawa ng hindi maganda sa kanya. Sa katunayan ay wala pa ring nangyayari sa kanila. Tanging halik at yakap palang ang napagsasaluhan nila at dahil doon ay mas lumaki pa ang tiwala at pagmamahal niya rito. Bente singko na si Manolo, ang trabaho nito ay isang grab driver. Hindi kalakasan ang kita nito ngunit madalas itong mag intriga sa kanya ng pera. Laking Maynila si Manolo, nakatira ito sa bahay ng lola nito habang ang iba nitong kaanak ay nasa Zamboanga. Kilala niya na rin ang lola nito dahil ipinakilala na siya noong nagkaroon sila ng oras para magliwaliw. Mabait ang lola ni Manolo ngunit halata na hindi siya nito gaanong kursunada. Pinapakisamahan lang yata siya dahil na rin sa apo nito. Tahimik siyang naupo sa upuan niya at tahimik na nagsimula sa trabaho. Kailangan niyang makahabol sa kota para hindi siya mabungangaan ng amo nilang si Venus. Panay pa naman ang dakdak nito kapag hindi sila nakakakota. Ang ginagawa nila ay mga tshirt na ibinebenta sa Divisoria na tag 150 kada isa, mga kobrekama, kurtina at mga basahan. Madalas ang disenyo ng mga tshirt nila ay ang mga trending sa social media, mga imitation ng mga kilalang brand at kung anu-ano pa. Malakas ang bentahan ng imitation sa mga palengke kaya malakas rin ang kita ni Venus. Kung may pera nga lang siya, gusto rin niyang pasukin ang ganoong negosyo. Kaya lang sa panahon ngayon, wala pa siyang magagawa kung hindi maging isa munang empleyado. Malaki ang paniniwala niya na balang araw ay magtatagumpay rin siya sa buhay sa tulong ni Manolo. Habang nahuhulog sa malalim na pag-iisip si Maya, si Manolo naman ay tahimik sa trabaho. Naaawa siya kay Maya sa totoo lang. Gusto niya itong ilayo sa pamilya nitong palaasa sa pinaghirapan ng kasintahan pero hindi niya alam kung papaano. Mahal niya si Maya at wala siyang ibang hangad kung hindi mabigyan ito ng maalwan na buhay. Malayo sa abusado nitong pamilya na ginawa lang itong gatasan. Ang problema niya ay hindi rin niya masosolo si Maya dahil hindi rin nito matitiis ang pamilya. "Ano ang problema natin, utol?" baling sa kanya ng kasamahan na si Third. Sa sampung kasama niya sa trabaho, tanging si Third ang kavibes niya. "Iniisip ko lang si Maya, naawa ako sa kanya pero hindi ko alam paano ko siya matutulungan. Nakikita ko kung paano siyang nahihirapan at pilit na kinakaya ang trabaho at hirap ng buhay." "Ano ba sa tingin mo ang pwede mong maitulong sa kanya?" "Pera, suporta, yong alalayan siya palagi sa bawat araw." "Mahirap iyan pare, baka sa palagian mong pagbigay ikaw naman ang maubusan." "Ano ang ibig mong sabihin?" "Girlfriend mo siya ngayon at kung papalarin sigurado akong magiging mag-asawa kayo. Ang tanong kaya mo bang buhatin ang extra baggage niya? Ngayon pa lang nakikita mo na ang sitwasyon niya at nakakatiyak ako na kahit ikasal kayo walang magbabago sa dalahin niyang iyan. Maswerte si Maya kasi nandiyan ka at makakatuwang, ang tanong ikaw ba ay maswerte rin?" mahabang sabi nito. Alam ni Third ang sitwasyon ni Maya dahil naikwento niya rito. "Maswerte naman ako kay Maya, mabait, maganda at mabuti siyang tao." "Wala naman akong kuwestiyon kay Maya. Ang tinutukoy ko nga ang pamilya niya. Hindi lang si Maya ang papapasukin mo sa buhay mo. Maging ang pamilya niya, kaya mo ba?" Naihilamos niya ang palad sa mukha. Nakukuha niya ang ibig sabihin ng kaibigan. Lalo tuloy na sumakit ang ulo niya. Kung sakali man na papakasalan niya si Maya, kailangan niya ring tanggapin ang tatlo pa nitong kaanak. Kayanin niya kaya? Paano kung magkaanak sila kaagad? Ano ang gagawin niya? "Pag-isipan mong mabuti ang gagawin mong hakbang, hindi sa nanghihimasok ako utol. Pero mahirap ang pagpapamilya lalo na sa panahon ngayon. Buti sana kung ang kargo mo lang ay ang mapapangasawa mo. Kaso hindi dahil alam mo na kay Maya lang din nakadepende ang pamilya niya. At sa oras na maging mag-asawa kayong dalawa... ang pasanin niya ay pasanin mo rin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD