[Ella's POV]
“Ella! Akyat ka muna rito!” sigaw ni tita Janine mula sa taas.
Mabilis akong nagtungo roon upang tingnan kung ano iyon.
“Bakit n'yo po ako tinawag, tita. Nagwalis lang po ako sa baba masyado na kasing maalikabok roon at may mga bahay na rin ng gagamba,” sambit ko rito.
“Aalis muna kami, may pupuntahan kami ikaw na muna ang bahala kay papa. Pakainin mo na lamang siya,” bilin nito.
“Okay po, ako na ang bahala sa kanya, tita,” pag sang-ayon ko rito.
Umalis sila tita at ang asawa nito. Umupo ako sa sofa at nanood ng tv.
Psssst.. Pssst.. Tanging narinig ko at lumingon ako sa hagdanan dahil doon nanggaling ang sutsot. Pagtingin ko ay wala namang tao roon. Bigla ko na lamang naalala ang sinabi ni ate Vina.
Hindi kaya iyon ang babae na sinasabi niya?
Binigyan ko ng pagkain si Tito Ben at dali-dali akong bumaba. Nakasalubong ko naman si Karyl.
“Bakit tila nagmamadali ka yata, Ella?” nagtatakang tanong nito habang sinisindihan ang sigarilyo.
“Ahh.. Ehhh.. Wala titingnan ko 'yong wallet ko sa kuwarto naiwan ko yata dito,” pagsisinungaling ko rito.
“Ang mabuti pa samahan mo na lang ako, may pupuntahan tayo.”
“Sige ba, wala rin naman akong gagawin dito.”
“Okay, sige kunin ko lang 'yong sling bag ko.” at tumalikod na ito.
Paglabas nito ay hinawakan ako nito sa braso upang sabay na kaming bumaba sa hagdanan.
“Dito tayo, sakay tayo ng tricycle.” Pumara ito ng tricycle at sumunod naman ako rito.
“Saan pala tayo pupunta?” tanong ko rito.
“Sa bahay ng ex-boyfriend ko. Pinapapunta kasi ako ng ate nito may ibibigay raw sa akin. Galing kasi ito ng Dubai,” sabi nito.
Hindi na ako sumagot pa rito. Tahimik lang ako na tumitingin sa dinadaanan ng tricycle.
“Manong, sa kanto lang po,” ani Karyl.
“Hi, sexy!” bati ng isang babae.
Batid kong ito ang sinasabi ni Karyl na ate ng Ex niya. Kulay light brown ang buhok nito. Bukod sa maputi ay maganda rin ito.
“Hello, Ate!” sabay yakap ni Karyl dito.
Ako naman ay nagmano sa matanda na wari ko ay ina nito.
“Pasok kayo, tuloy. Upo muna upo at kukuha ako ng maiinom,” ani nito.
“Halika, Ella, upo na tayo,” ani Karyl.
“Kumusta ka naman, hija?” tanong ng matanda habang nakatingin kay Karyl.
“Okay naman po ako, tita. Si Bryan po kumusta?” tanong nito na ang tinutukoy ay 'yong ex-boyfriend niya.
“Hinatid pauwi ang girlfriend. Kakaalis lang din nila bago kayo dumating,” sagot ng babae habang papalapit at bitbit ang pitsel ng juice.
“Inom muna kayo nito. At napaka-init ng panahon.” Sabay abot sa amin ng baso.
Iniabot ng babae ang isang paper bag kay Karyl. Tuwang-tuwa ito nang makitang lotion, sabon at chocolates ang laman nito. Ilang sandali pa ay nagpaalam na ito upang umuwi na. Ngumiti rin naman ako at nagpaalam na sa mga ito.
“Ella, doon muna tayo sa mall may bibilhin lang ako.”
“Sige, sige. Ano pa nga ba'ng magagawa ko?” sabay iling ng ulo ko dito. Napatawa naman ito sa sinabi ko.
“H'wag kang mag-alala bibigyan rin naman kita nitong dala ko.” Sabay nguso sa paper bag na dala nito.
Sabay pa kaming nagtawanan. Bumili ito ng headset. Ayon dito ay naapakan niya ang headset niya kaya nabasag ito.
“Halika na, Ella,” tawag nito sa akin at hinawakan ang kamay ko at sabay na kaming tumakbo upang tumawid sa kalsada. Sumakay kami ng jeep pauwi sa bahay.
“Ella, dito ka muna sa kuwarto at wala akong kasama. Si Jessa ay nasa bahay nila auntie.”
“Saan nga pala ang mga magulang mo?” tanong ko rito. Hindi ko pa kasi nakikita ang mga ito.
“Nasa palengke, nagtitinda sila roon ng karneng baboy. Maaga pa lamang ay umaalis na sila at gabi na kung makauwi,” paliwanag nito.
“Ahh, ganun ba?” sagot ko.
Iniabot nito sa akin ang isang sabon, isang lotion at isang dairy milk chocolate. Nagpasalamat ako rito. Nanood muna kami at nagkwentuhan. Ikinuwento nito sa akin kung bakit sila naghiwalay ng kanyang boyfriend.
Pagkatapos n'on ay nagpaalam na ako upang maglinis ng kuwarto.
Dumating na sina tita at sumabay ako dito na umakyat sa taas. Namili na rin ang mga ito ng grocery. Iniabot nito sa akin ang isang paper bag.
“Para sa iyo ito, Ella, ingatan mo lamang iyan ha?” ani tito Philip.
Binuksan ko ang laman ng kahon. Tumambad sa harapan ko ang isang cellphone.
“Wow! Cellphone! Talaga akin po 'to?” tanong ko rito na hindi ko maipaliwanag ang tuwang nararamdaman ko.
“Binilhan ka namin ng cellphone dahil naaawa na kami sa cellphone mo na kampanahon pa ni kupong-kupong.” Sabay tawa ng mga ito. Pati ako ay natawa na rin.
“Papasok ka na bukas kay sister. Ayusin mo roon, huwag mo kaming ipapahiya,” paalala nito sa akin.
“Opo, tita, salamat talaga dito sa cellphone na bigay niyo sa akin,” sabi ko rito.
“Maghain ka na, Ella, at nang makakain na tayo. Bumili kami ng lechon'g manok para may ulam tayo.”
Inilapag ko ang paper bag at sinimulan ko nang maghain sa mesa. Hinanda ni tita ang pagkain ni tito Ben at iniabot nito iyon sa matanda.
“Magtitimpla ba ako ng juice o bibili ako ng RC?” tanong ko kay tito Philip. Mahilig kasi ito na RC ang iniinom nito kapag kumakain.
“Juice na lang,” sagot nito.
“Sige magtitimpla muna ako.” Kinuha ko ang pitsel at kumuha ng yelo sa ref.
Pagtapos namin kumain ay bumaba na ako at si tita naman ay naghugas ng plato.
Kinabukasan maaga akong naligo. Alas otso ng umaga ang pasok ko sa grocery ni sister.
“Tita, aalis na po ako. Sa bahay na ako ni sister di-diretso kasi sabay na raw kami nito sa pagpunta roon.”
Agad naman akong umalis at sumakay ng jeep.
“Hija, andito ka na pala. Papainitin lang ni brother Levi mo ang sasakyan at mayamaya pa ay aalis na tayo,” sabi nito.
Mukha naman itong mabait at mahinahon pa kung magsalita.
Ipinarada nito ang sasakyan at bumaba na kami sa tapat ng gusali. Sa katabi nito ay may isang hindi kalakihang grocery ang P. M General Merchandise.
Binuksan ni brother Levi ang padlock nito. Nagsimula si sister na turuan ako sa mga gagawin doon. Agad naman akong natuto.
Lumipas ang isang buwan, nasanay na ako na gumising ng maaga.
Araw-araw din ay nagpupunta roon si brother Levi upang hatiran ako ng pagkain. Tuwing miyerkules at biyernes ay maaga kaming nagsasara ng tindahan upang mag attend ng pagtitipon. Umaangkas lamang ako sa motor ni brother patungo sa bahay nila. Doon kasi ginaganap ang pagtitipon. Si brother Levi ang tapagsalita dito. Naroroon din sina tita at tito.
Kinabukasan ay sabay kami ni brother na dumating sa tindahan. Binuksan nito iyon. Tanghali na ay naroon pa ito.
“Ella, magkano na ang benta?” tanong ni brother.
“Saglit lang ho at bibilangin ko,” sagot ko rito.
“Pahingi ng tatlong libo.” utos nito. “Pitong libo at dalawang daan'g piso po,” sabi ko rito at kumuha ako ng tatlong libo at iniabot ko rito.
Tumunog ang cellphone sa bulsa niya. Agad naman nitong sinagot iyon.
“Hello, ohh. Oo nandito pa ako. Wala masyadong tao e. Apat na libo lang ang benta alas dos na,” sabi nito sa kausap sa kabilang linya.
Bigla akong napaisip sa sinabi nito. Hindi ko maintindihan kung bakit ito nagsinungaling. Pagkababa ng telepono ay nagsalita ito.
“I'm doing this for a good cause,” sambit nito.
“Anong good cause naman kaya ang pinagsasabi nito?” sabi ko sa isip ko.
“Kain ka na Ella,” alok sa akin ni tita pagkauwi ko ng bahay. Alas otso na kasi ako nakakauwi sa bahay.
“Siya nga pala, tita, gusto ko na po umalis sa pinapasukan ko baka po meron naman iba na bakante d'yan,” naka kunot-noo kong sabi rito.
“Bakit naman?! Sayang naman kung aalis ka na agad. Magaan lang naman ang trabaho mo roon,” nagtatakang sabi nito.
Ikinuwento ko sa kanila ang natuklasan ko na ginagawa ni brother kaya naman pumayag na sila na umalis na lamang ako bilang tindera.
Kinabukasan ay nagpaalam ako sa kanila sister na isang linggo na lang ako papasok sa tindahan nito.
Noong una ay ayaw pumayag ng mga ito kaya naman sinabi ko na lamang na babalik na ako sa probinsya kaya pumayag na rin ang mga ito.
“Sayang ka talaga, hija. Saan na naman kaya kami kukuha ng ipapalit sa ‘yo?”
“I'm sure makakahanap rin po kayo agad sister,” sagot ko naman.
“Bueno, hija. Ito na ang sahod mo,” sabay abot ng sobre.
“Aalis na ho ako sister. Maraming salamat po.”
“Ella, ang tita Mary mo nga pala ay tumawag kung gusto mo raw sa pinapasokan n'yang department store. Ipapasok ka raw niya kung gusto mo.”
“Sige ho, tita. Kailan daw po ba ako pupunta roon?” tanong ko rito.
“Sa makalawa ay pupunta tayo roon, doon ka muna sa kanila kaya ayusin mo na ang mga gamit mo.”
Maaga pa lamang ay naglaba na ako ng aking mga damit. Inayos ko ang mga ito upang wala akong makalimutan.
Maaga pa lamang ay bumiyahe na kami papunta sa Pasay.
“Tita!” bati ko sa tita Mary ko.
“Oh, Ella, pumuputi ka na dito, ha!” natatawang sabi nito.
“Medyo nagkalaman na nga ‘yan ng konti, e,” ani tita Janine.
“Eh paano puro lamon,” sabi naman ni tito Philip.
Ilang sandali pa ay tumunog ang cellphone ko.
“Hello, ‘Ma. Kumusta na po kayo? Bakit po kayo napatawag?”
“Anak, okay naman kami. Ikaw, kumusta ka na? Umuwi ka muna dito anak. Nami-miss ka na namin, e,” sabi nito sa kabilang linya.
“Sige ho, Mama, pero babalik din ho ako dito dahil may papasokan akong trabaho,” sabi ko rito. Masaya nitong binaba ang telepono.
“Anong sabi mo Ella, uuwi ka sa Bicol? Aba'y sayang naman may mapapasokan ka na dito,” naka kunot-noong sabi ni tita Mary.
“Opo, tita, pero babalik naman po ako agad. Bukas po ay bibiyahe na ako pauwi,” sabi ko rito.
Nagpaalam na rin sina tita Janine upang umuwi na. Nagpasalamat rin ako sa mga ito bago umalis. Sinabi ko rito na babalik rin ako.
“So paano tita Mary aalis na po ako. Baka maiwan na ako ng bus. Mag taxi na lamang ako papuntang terminal,” paalam ko rito.
Iniwan ko na rin ang ibang gamit ko sa kanila dahil saglit lang naman ako sa Bicol. Excited na rin akong makauwi dahil na miss ko rin ang mga ito. Hindi na ako nagdala ng pasalubong.
(6:00 in the morning)
Pagbaba ko ng bus ay nasa tabi ng kalsada na sina mama at papa.
“Oh, anak inumaga ka na,” sabi ni mama.
“Kasi mama natagalan po kasi kami sa Naga, marami po kasi ang bumaba roon,” sagot ko rito.
“Ate, anong pasalubong mo sa amin?” tanong ni bunso.
“Ahh, ehhh.. Hindi ako bumili e. Pasensya na. Eh kain na lang tayo sa bahay. Siguro naman may almusal na,” sabi ko sabay tawa.
“Wala ka talaga, ang kuripot mo talaga ate,” pagmamaktol ni Mara.
“Sige sa susunod na uwi ko bibitbitin ko dito 'yong KFC,” at sabay-sabay silang nagtawanan habang naglalakad pauwi.
Kinabukasan ay nagpunta kami ni mama sa bayan. Nakasalubong namin roon ang mama ni Jerome.
“Hi, auntie!” bati ko rito. Auntie na kase ang tawag ko rito dahil noong high school ay madalas akong isama ni Jerome sa bahay nila.
“Ella! Ikaw pala 'yan ang ganda-ganda mo na. Kumusta ka na?” tanong nito.
“Okay naman po ako,” sabi ko at nagmano pa ako sa mga ito.
“Saan kayo galing?” tanong pa nito kay mama.
“May binili lang kami ate Mercy,” ani mama.
“Auntie, puwede ho ba ako makahingi ng cellphone number ni Jerome. Para naman makapag kumustahan man lang kami.”
“Sige Ella. Nasa Laguna nga pala si Jerome. Doon siya nagtatrabaho,” ayon dito.
“Ganun po ba? Sige ho at tatawagan ko na lamang siya mamaya pag-uwi sa bahay.”
“Paano, mauna na kami ni tito June mo at may dadaanan pa kami,” pagpapa-alam nito.
“Sige mag-ingat po kayo,” sabay pa kami ni mama.
Pagkatapos namin mamili ni mama ay naglakad kami papuntang terminal ng mga tricycle at doon na kami sumakay pauwi. Mabilis naman kaming nakarating sa bahay dahil sa mabilis magpatakbo ang driver.