[Ella's POV]
Kinabukasan habang nagluluto si tita ng agahan ay tinanong niya ako.
“Ella, nais mo ba na mag trabaho bilang isang tindera? Naghahanap kasi si brother Levi ng magbabantay sa grocery store nila sa Malabon. Baka gusto mo puwede ka muna roon pansamantala,” ani nito.
“Sige ho, Tita, magkano naman daw ang pasahod nila?” tanong ko dito.
"Ang sabi sa akin ay two thousand five hundred pesos sa isang buwan, libre naman daw ang pagkain at puwede ka rin mag stay-in kung nanaisin mo,” sabi nito habang nagsasandok ng ulam.
“Sige ho, Tita, ngunit hindi ako mag stay-in roon, mag-uuwian na lamang ako total isang sakay lang naman sa jeep,” pag-sang ayon ko dito.
“Sige, bukas na bukas din ay pupunta tayo sa kanila upang makausap natin ng maayos.”
“Sige, Tita, magsasandok na ako ng kanin para makakain na tayo,” sagot ko rito at nagsandok na nga ako ng kanin at inayos na ang hapag kainan.
Tinawag ko si Tito Philip upang sabay-sabay na kaming kumain.
“Ang bango naman ng luto mo, Tita, mukhang mapaparami ako ng kain nito!”
Pagkatapos kumain ay naghugas na ako ng plato at maya-maya pa ay tinawag ako ni Tita.
“Ella, punta tayo sa mall mamaya para bumili tayo ng mga damit mo. Napapansin ko kasi na halos luma na ang mga damit mo, dapat ay maiba na ang pananamit mo rito para hindi ka naman mag mukhang probinsiyana,” natatawang sabi nito.
“Talaga ho, Tita?” nasisiyahang tanong ko rito.
Binilisan ko ang paghuhugas ng pinggan upang makaligo na agad ako. Excited na kasi ako sa aming pag-alis. Ito kasi ang first time na makakapasok ako sa mall.
Pagkatapos ko maghugas ng pinggan ay naligo na agad ako. Sumunod naman sa pagligo si Tita.
Nang matapos na akong magbihis ay nanood muna ako ng tv. Hinintay ko na lamang na kumatok si Tita sa kuwarto ko.
Pagkalipas ng tatlumpu'ng minuto ay tinawag na ako ni Tita upang umalis na kami.
Sumakay kami ng jeep papuntang Malabon Citi Square. Masaya akong bumaba ng jeep. Pagpasok namin sa mall ay agad kaming umakyat sa second floor. Pumasok kami sa isang boutique at doon ay namili kami ng damit ko. Pinilian niya ako ng mga pang sexy na damit. Uso pa noon ang bistida na tube style. Bagay na bagay daw sa akin dahil sa slim ang katawan ko.
Kumain muna kami ni Tita sa Jollibee bago kami umuwi.
Habang nasa jeep kami ay nagpasalamat ako sa Tita ko. Marami-rami din kasi ang pinamili nito.
Pagdating sa bahay ay agad akong pumasok sa kwarto. Isinukat ko iyon at tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Parang naaasiwa ako ng makita ko ang sarili ko. Feeling ko kasi ay nakahubad ako. Itinago ko muna ang mga iyon. Naisip ko kasi na 'tsaka ko na lamang isusuot ang mga iyon kapag may pupuntahan kami.
Umakyat ako sa taas upang makipag-kwentuhan sa kanila Tita.
Nabanggit nito na may uupa raw sa katabi ng kuwarto ko. Natuwa naman ako dahil may makakasama na ako sa second floor. Masyado kasing tahimik roon kaya naman excited na ako sa pagdating ng mga ito.
“Kailan pala sila lilipat sa kabilang kuwarto?” tanong ko kay Tita.
“Bukas na bukas daw ay lilipat na sila. Sa kabilang kanto lang naman sila nakatira ngayon. Mamayang gabi ay lilinisin na nila ang kuwarto.”
“Hay, salamat! May makakasama rin ako,” pa tawa-tawa kong sabi rito.
Alas singko ng hapon, nagsaing na ako at si tita naman ay abala sa niluluto niyang bulalo. Dumating kasi ang pinsan ni Tito Philip at may dala itong karne ng baka galing pa sa Tagaytay. Dinamihan ko na ang niluto kong kanin dahil alam ko na marami na naman akong makakain.
Pagkatapos namin kumain ay bumaba na ako sa kuwarto. Nanood muna ako ng tv nang may narinig akong ingay mula sa labas. Dumating na pala ang uupa sa kabilang kuwarto upang maglinis rito. Alas nuwebe pa lamang ay nakatulog na ako. Kinabukasan maaga akong naligo. Naalala ko na may pupuntahan nga pala kami ng Tita ko.
“Tita, mauna na ako sayo maligo,” sabi ko rito dahil nag-uusap pa din naman ito at si Tito Philip.
“Sige, Ella, pagkatapos ay mag almusal muna tayo,” sagot nito.
Naligo na rin si tita upang maaga kaming makabalik. Pumunta kami sa bahay ng may-ari ng grocery na papasukan ko.
“Hello, Janine!” bati ng matandang babae kay tita.
“Magandang umaga po, sister Paz. Kasama ko po ang pamangkin ko na sinasabi ko sa iyo. Gusto niya na mag trabaho sa tindahan niyo.” nakangiti nitong sabi.
Nagmano muna ako sa matanda at ngumiti rito. Inikot ko ang paningin ko sa buong kabahayan.
“Umupo muna kayo, nag almusal na ba kayo?” tanong nito.
“Tapos na kami kumain, sister,” sagot naman ni Tita rito.
“Ahh.. ganun ba? Sige, hija, sa makalawa ay puwede ka na magsimula isasama ka namin roon ni brother Levi mo. Magaan lang naman ang trabaho mo roon magbabantay ka lamang ng tindahan,” ani nito.
“Sige ho, sister, masipag naman po ako at mabilis akong matuto,” sagot ko rito.
“Siya nga pala, two thousand five hundred pesos ang sahod mo sa isang buwan libre na ang pagkain. Okay lang ba sa 'yo?” tanong nito.
“Okay naman po sa akin, sister,” sagot ko agad rito.
Maya-maya pa ay nagpaalam na kaming uuwi. Pagdating sa bahay ay dumiretso ako sa kuwarto ko at nagbihis. Si tita naman ay umakyat na sa kuwarto nila. Pagkatapos ko magbihis ay pumunta muna ako sa terrace.
“Hi!” bati sa akin ng dalawang dalaga. Nasa edad bente anyos ang isa. At ang isa naman sa wari ko ay bente tres anyos. Magaganda ang mga ito at magaan ang pakiramdam ko rito.
“Ako nga pala si Karyl, at ito naman si Jessa ang pinsan ko.”
Si Karyl ang mas matanda sa kanilang dalawa. Chubby ito at kahit nasa bahay ay nakamake-up ito. Sexy rin ito manamit ngunit napansin ko na naninigarilyo ang mga ito. Si Jessa naman ay slim at makinis ang katawan. Sexy rin ito manamit katulad ni Karyl.
“Hello, ako pala si Ella. Pamangkin ako ni Tita Janine.” Pagpapakilala ko sa mga ito. Nagkamayan kaming tatlo. Masaya kaming nagkwentuhan. Hanggang sa napansin ko na nakatingin si Karyl sa suot ko.
“Ella, huwag mo sanang mamasamain ha? Maganda ka ngunit makaluma ka manamit. Halika, may ibibigay ako sa 'yo.”
Hawak nito ang braso ko at pinapasok ako nito sa kuwarto nila. Pinasukat nito sa akin ang kanyang mga damit at shorts. Magaganda pa ang mga ito.
“Isukat mo, Ella, 'yan 'yong mga damit ko dati noong payat pa ako. Sa 'yo na ang mga 'yan dahil hindi na 'yan kasya sa akin,” sabi nito sa akin habang humihithit ng sigarilyo.
Sinukat ko ang isang tube na damit at kulay blue na shorts. Maikli ang short na ito at kita ang hita ko.
“Game ka ba, Ella?” tanong nito sabay kindat sa pinsan. Sabay nagtawanan ang mga ito.
Nakatitig lamang ako na may pagtataka.
“Magbibihis tayong tatlo, tapos maglalakad tayo papuntang palengke. Kung sino ang may naunang may magpakilala ay 'yon ang panalo,” sabi nito sabay tapon ng sigarilyo at sinimulang mag-ayos ng sarili.
Pumayag ako sa gusto nila dahil natuwa rin ako na may mga kasama na ako at kakwentuhan.
Nagtali ako ng buhok ko at nilagyan ako ng lipstick at blush on ni Karyl.
Nang matapos ang mga ito sa pag-ayos ay agad na kaming lumabas papunta sa palengke. Hindi na ako nagpaalam kay tita dahil baka makita pa nito ang suot ko.
“Ella, nagyoyosi ka ba?” tanong nito sa akin.
“Hala! Hindi,” sagot ko rito.
“Try mo, one time lang naman.” Sabay abot sa akin ng sigarilyo.
Sinindihan niya ito at itinuro sa akin kung paano ito hithitin.
Mabilis ko naman natutunan kung paano manigarilyo.
Sabay-sabay kaming naglalakad sa kalsada habang naninigarilyo. Sa di kalayuan ay may makakasalubong kaming binata na may dalang pack bag. Naka-uniporme ito at sa palagay ko ay college student na ito. Nang makalapit ito sa amin ay dumiretso siya sa akin at binigay ang ballpen sa akin.
“Miss, puwede ko ba makuha ang number mo?” tanong nito.
Nagkatinginan kaming tatlo, sa takot ko ay tinapon ko ang sigarilyo at kumaripas na ako ng takbo. Sa gulat ay napatakbo na rin ang dalawa at sumunod sa akin. Lumingon ako dahil sa akala ko ay wala na ang lalaking iyon ngunit tumatakbo rin pala ito at hinahabol kami. Sobrang takot ang nararamdaman ko at sa takot ko ay nagkahiwa-hiwalay kaming tatlo.
Kanya-kanya kaming takbo at hindi na namin alam kung saan kami lulusot. Mabuti na lamang ay nakadaan na ako roon noong isinama ako ni tita na namalengke. Pagdating ko sa bahay ay hingal na hingal ako. Maya-maya pa ay dumating na rin sina Karyl at Jessa. Tawang-tawa ang mga ito.
“Grabe, Ella, ang lakas mo! Di namin akalaing mas mauuna ka pang mabenta kaysa sa amin,” tawang-tawa ang mga ito at hingal na hingal din sa kakatakbo.
“Sobrang natakot ako, guys. Akala ko ay katapusan ko na hahaha,” sabi ko sa mga ito.
“Kaya nga, natalo mo kami, ahh. Dapat talaga matuto ka mag-ayos ng sarili mo hindi 'yong mukha kang probinsiyana. Maganda ka naman, e. Ganda pa ng buhok mo virgin pa yan o rebonded?” tanong ni Karyl sa akin.
“Hindi ko ito pina-rebond. Natural lang ito,” sagot ko rito.
Kinuha ko ang mga damit na bigay sa akin ng mga ito at pumasok na ako sa kuwarto ko. Kahit nasa loob na ako ay hindi pa rin maalis ang kaba sa dibdib ko at nakikita ko pa rin ang mukha ng lalaki sa isipan ko.
“‘Di na mauulit iyon,” sabi ko sa sarili ko.
Isinukat ko ang mga damit na bigay sa akin ni Karyl. Magaganda ang mga ito, pagkatapos ay inilagay ko ito sa labahan upang malabhan ko muna. Nanood muna ako ng tv at saka pa lang ako umakyat sa kuwarto nina tita. Pinapaliguan ng mga ito si tito Ben. Amoy na amoy ang mapanghi na ihi nito kaya naman ay nagpasya akong bumaba. Bumili ako ng coke sa tindahan na katapat mismo ng bahay namin.
“Hi, miss, anong pangalan mo?” tanong ng isang lalaki sa akin na wari ko ay nasa edad na trenta y dos.
Nakatira ito sa bahay na katapat din mismo ng bahay namin. Parehas kasing tatlong palapag ang taas ng mga ito. Nakikita ko na ito na nakasilip sa akin kapag nag-iipon ako ng tubig sa terrace doon sa 3rd floor. Pakiwari ko ay may gusto ito sa akin.
“Ella po,” sagot ko rito.
Tahimik naman itong ngumiti. Pagkakuha ko ng soft drinks ay agad naman akong umakyat sa kuwarto ko.
Humiga muna ako at nanood ng tv.
Nagising ako ng alas tres ng hapon. Nakatulog pala ako. Nakaramdam ako ng gutom kaya naman umakyat na ako sa taas upang kumain. Sila tita ay tulog din. Dahan-dahan akong kumuha ng pagkain at dinala ko na lamang iyon sa kuwarto ko upang doon na kumain.
Beef tapa ang ulam, luto ito ni tita Janine. Masarap talaga itong magluto. Pagkatapos ko kumain ay hinugasan ko sa terrace ang plato at inilagay ko muna iyon sa ibabaw ng mesa sa kuwarto ko.
Lumabas muna ako sa terrace upang magpahangin.
“Oh, Karyl, nandito ka pala.” Hindi ko namalayan na may kausap ito sa telepono.
Wala akong sariling telepono noon. Kaya ang tanging libangan ko lang ay manood ng tv. Kinuha ko na lamang ang walis at nilinis ko ang hagdanan sa ibaba. Medyo madilim dito kahit na nakabukas pa ang ilaw. Walang pintura ang dingding nito at hindi rin naka-tiles ang hagdanan. Habang nagwawalis ako pababa ng hagdanan ay tumayo sa may pintuan ang isang babae. Sa pakiwari ko ay ito ang tinutukoy ni tita na si Vina ang nakakuha sa pagkakasanla ng kuwarto sa ibaba. Maganda ito at may mga suot itong ginto sa leeg, kamay at daliri nito. Napakaganda rin ng gintong hikaw na suot nito.
“Ganda, ikaw ba iyong pamangkin ni Janine?” tanong nito.
“Oho, Ate,” sagot ko rito.
“Ang sipag mo naman, akala ko nakaraan kinalabog niyo ang dingding namin kaya nabasag ang mga frame ko. Siguro ‘yong babae ‘yon,” sabi nito habang palinga-linga sa paligid.
“Sinong babae?” tanong ko rito. Agad naman itong nagkuwento.
“Alam mo sabi kasi ng mga kapit-bahay may nakikita silang babaeng nakaupo sa hagdanan. Nakaputi raw ito. Kaya naman lagi namin isinasara ang pintuan dito kapag nariyan kayo sa taas.” kwento nito.
Bigla rin akong kinilabutan sa sinabi nito. Pagtapos ko magwalis ay pumasok na ako sa kuwarto at nilinga-linga ko ang paligid.