Chapter 4

703 Words
Florence Hindi ko man lang namalayan na sa tagal na pala ng biyahe ay nakarating na kami ni Jamie sa aming paaralan. Balak ko pa naman sana na sabihin sa kanya ang totoong nangyari sa aming kabataan kung hindi lang huminto ang bus sa entrance ng Zoldiac University, ang paaralan kung saan kami ay nag-aaral ni Jamie. "Anong werewolf?" nakakunot ang noo na tanong sa akin ni Jamie. "Mamaya ko na sasabihin pagkalabas natin dito sa bus. By the way, nakabayad ka na?" tanong ko habang tumatayo na sa aking upuan. "Ay nakalimutan ko! Hindi pa..." akmang kukuha na siya ng pera sa kanyang pitaka para pamasahi ay pinigilan ko siya. Nagtataka ay hinarap niya ako at nagtanong, "Bakit?" "Ako na ang magbabayad, Jamie. Libre ko na." Ngumiti ako pagkatapos kong sabihin ang mga katagang iyon. "Parang bago to ah! Dati ay ako pa ang nanlilibre, ngayon ay ikaw na." Binalik niya ang kanyang pitaka sa bulsa ng kanyang suot na pants habang siya ay tumatayo sa kanyang kinauupuan. "Siyempre ililibre mo rin ako ng pang-almusal. Akala mo hindi ko narinig ang tunog ng sikmura mong gutom?" Tinungo ko ang konduktor at nagbayad ng aming pamasahe. Sa likod ko ay sumusunod si Jamie. "Nagmamadali kasi ako kanina papuntang paaralan. Kaysa hindi ako makakuha ng exam..." Hinarap ko siya nang matanggap ko na ang sukli ng konduktor sa akin. Bakit biglang naputol ang kanyang sinasabi? "Anong problema, Jamie?" "Florence, 8:31 na!" Mula sa kanya ay nilipat ko ang aking tingin sa digital na orasan na nakakabit sa itaas ng bus. Timing naman na pagtingin ko sa dakong iyon ay umabanse pa ng isang minuto ang naka-display roon. Ngayon ay 8:32 na. Hinarap ko si Jamie ulit at nagbalak na itanong kung ano ang kanyang ipinapahiwatig. Ngunit hindi ko pa man naibubuka ang bibig ko para magtanong, nasagutan na niya ang pagtatakang nakaukit sa aking mukha. "Florence, late na ako!" Parang isang bomba na may isang segundo na countdown ang sumabog sa aking kaibuturan dahilan na pati ako ay mag-panic. Dali-dali ay bumaba na kami ni Jamie ng bus at tinakbo ang distansya papasok ng unibersidad. "Anong oras ba ang simula ng exam mo, Jamie?" "Kanina pa, Florence. Noong 8:15 pa!" "Ano?" wika ko sa aking pagkagulat. Kung 8:15 pa ang exam nagsimula, ang palugit na 15 minutes ay matagal nang nakalipas. Ngayon na pasado sa 8:30 na, malaki ang tsansang hindi na siya talaga bibigyan pa ng exam! "Kailangan kong makakuha ng exam, Florence. Bagsak ako sa subject na iyon!" sabi niya habang kami ay tumatakbo. "Ano ba ang exam ninyo ngayon?" "Calcu." "Calculus? Pareho tayo?" "Ewan ko, pareho ba tayo?" "Calculus din ang una naming exam sa araw na ito, Jamie. Ngunit mga 9 pa kami magsisimula!" "Mabuti sa inyo." Dahilan sa nagmamadali ang aking kaibigan ay pinili ko na lang ang manahimik habang sinusundan siya. Pareho kaming Engineering ang kinukuha ngunit sa kadahilanang magkaiba ang aming specialization ay hindi talaga kami nagkikita. Ako ay Chemical samantalang siya ay Electronics. "Florence, 'di ba sa kabilang building ang room mo?" tanong sa akin ni Jamie nang kami ay lumiko sa kanan papasok sa Electronics Engineering Building. "Gusto kong samahan kita, Jamie. Ayaw mo niyon?" Mula sa may mga tumatakbong paa ay huminto si Jamie sa kanyang ginagawang pag-abanse. Dahilan sa kanyang ginawa ay naabutan ko siya. Huminto rin ako at hinarap siya. "Bakit ka huminto?" "Ayaw ko nang abalahin ka pa, Florence. Iba na ito sa ating nakaraan. Malalaki na tayo. Kaya ko na ang aking sarili. Kung ako sa iyo ay pumunta ka na sa room ninyo at mag-aral na." Kahit na mahapong-hapong sinabi niya ang mga salitang iyon sa akin, ramdam ko pa rin ang kanyang pagkaseryoso. Tama siya, malaki ang pagkukulang ko sa kanya bilang isang kaibigan. Kahit na gaano ko pa kagusto ang bumalik sa nakaraan, wala na akong may magagawa, ang nakalipas ay nakalipas na. Hindi na kami ang dating magkaibigan. Hindi lahat ng mga pagkakamali ko noon ay matutumbasan lang ng pagbibigay ko sa kanya isang bakanteng upuan sa bus kanina; hindi rin iyon maaayos ng isang simpleng pag-uusap lang; at higit sa lahat ay hindi rin iyon malilimutan lang dahil sa paglibre ko ng pamasahe sa kanya. Iba na ako sa kanyang pananaw, at iba na rin ang pananaw ko sa kanya: ang matalik ko na kaibigan na si Jamie, tuwing kabilugan ng buwan ay nagiging isang werewolf.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD