Kabanata IV - Tinig Ng Isang Angel

2929 Words
Hindi pa man nangangalahati ang araw ay isang malakas na sigaw ang bumalot sa opisina ni Xenon dahilan upang mamutla sa takot ang kaniyang mga empleyado. Habang tuloy-tuloy naman ang pagbagsak ng luha ng kaniyang sekretarya at tila ba hindi alam kung ano ba ang dapat nitong gawain. Nababakas din ang panginginig ng sekretarya dala siguro ng takot nito sa harap ng binatang nagpupuyos pa rin sa galit. Bagamat nahalata ito ni Xenon na nanginginig tila ba walang pakialam dito ang binata at patuloy lamang sa kaniyang panenermon sa nakayuko niyang sekretarya. Sapagkat ang ayaw niya sa lahat ay ‘yong tatamad-tamad sa trabaho kagaya na lang ng sekretarya niya.   Kung tutuusin ay noong isang linggo pa niya nasabi sa kaniyang sekretarya na kailangan nitong gumawa ng report para sa kliyente nila. Kaya naman hindi maiwasan ni Xenon na hindi magpuyos sa galit dahil sa hinaba-haba ng oras ay hindi man lamang ito nagawa ng kaniyang sekretarya. Isama mo pa rito na buong akala niya ay tapos na ang report na ipinapagawa niya rito.    Matatanggap sana ni Xenon ang palusot ng sekretarya niya na kaya hindi nagawa ang pinapagawa niyang report ay dahil sa na-ospital ang ina nito. Ngunit ang isa pa sa pinakaayaw ni Xenon ay iyong nagsisinungaling sa kaniya kagaya na lamang ng palusot ng sekretarya niya na pati ang ina nito ay idadamay pa. Kahit ang totoo naman ay nakita niya ang sekretarya niya kagabi na nagpapakasaya sa isang club habang may kalandian itong lalaki.   Kung pagmamasdan ang sekretarya niya hindi maitatanggi na may taglay itong kagandahan na siyang hinahangaan ng iba nitong katrabaho. Isama mo pa ang maputi at makinis nitong balat na para bang mahihiyang kumapit ang peklat sa sobrang kinis ng dalaga. Ang matangos nitong ilong na bumagay sa mamula-mula nitong labi at ang balingkinitan nitong katawan na siyang kina-iinggitan ng ibang katrabaho nitong babae. Ngunit, kahit na ganoon hindi man lang humanga si Xenon sa sekretarya niya sapagkat para sa kaniya wala man lang siyang maramdaman dito na kahit na katiting na paghanga.   “What the hell? I told you to make a report to our biggest client!” nanggagalaiting pahayag ni Xenon sa harapan ng sekretarya niya.   “Pasensiya na po hindi na mauulit ang kapalpakan ko.” Lumuluhang saad ng sekretarya ni Xenon habang nakayuko naman ang iba niyang empleyado.   Dahil sa sinabi ng sekretarya niya mas lalong nag-init ang kaniyang ulo sa narinig dito. Tila ba isang simpleng bagay lamang ang nagawa nito, kung kaya’t kulang na lang ay umusok ang ilong ni Xenon sa tindi ng galit para sa sekretarya niya. Bukod dito, alam ni Xenon na gagahulin sila sa oras sapagkat labing-limang minuto na lang ay magsisimula na ang meeting nila sa malaking kliyente ng kompanya nila.    “Talagang hindi na mauulit dahil tanggal ka na sa pagiging sekretarya mo!” nanlilisik ang matang sambitla ni Xenon sa sekretarya niyang wala pa ring tigil sa pagluha.   Dahil sa sinabi ni Xenon mas lalong napaiyak ang kaniyang sekretarya at napasalampak ito sa sahig. Habang humahangos namang pumasok ang isa niyang empleyado. Sa hitsura pa lamang nito mapapansin mong daig pa nito ang hinahabol ng isang daang kabayo dahil sa nababalot ito ng pawis. Bukod dito, mapapansin din dito ang pamumutla na tila ba natatakot kay Xenon. Para bang alam na nito ang kalalabasan ng ihahatid nitong balita para sa among si Xenon kung kaya’t hindi nito maiwasang matakot para sa kahahantungan ng trabaho nito.   “S-Sir. Nalaman po namin na may nagnanakaw ng pera sa kompanya,” tila natatakot na saad ng isa niyang empleyado.   Dahil sa sunod-sunod na problema hindi mapigilan ni Xenon na magwala sa sobrang galit dulot ng kaniyang mga empleyado. Ang mga papeles na nakapatong sa kaniyang lamesa ay kaagad na ipinagtatapon ng binata at kaagad niyang sinuntok ang lamesa niya ng ubod nang lakas. Kung kanina ay galit na si Xenon para bang mas lalong nadagdagan pa ang galit niya na kulang na lamang ay tubuan na siya ng sungay dahil sa natatakot ng tumingin sa gawi ng binata ang kaniyang mga empleyado. Isama mo pa rito na kahit isa sa mga empleyado niya ay wala man lang nagtatangkang magsalita sa harapan niya.   “Napaka-inutil ninyong lahat ang simple-simple lang ng trabaho ninyo hindi pa ninyo magawa! All of you, tanggal na kayo sa trabaho ninyo! Ayokong makita ang pagmumukha ninyo simula ngayong araw!” Malakas namang sigaw ni Xenon sa mga empleyado niyang puro nakayuko na para bang kasalanan ang tumingin sa kaniya.   Ngunit hindi nakaligtas sa mata ni Xenon ang isa niyang empleyado na bagamat tahimik alam niyang maaasahan niya ito. Dahil sa hitsura nitong karaniwan hindi mo kaagad mapapansin ang kagandahan nito dahil sa suot nitong pormal na damit. Hanggang sa napansin niya na tahimik na rin itong lumuluha na mababakas sa mukha nito ang matinding pagkalumo kaya naman hindi natiis ng binata na pati ito ay tanggalin niya sa trabaho.   "Except for Miss Santos. Maaari mo nang ipagpatuloy ang trabaho mo," mahinahon namang pahayag ni Xenon kay Miss Santos.   Ang kaninang lungkot sa mukha ni Miss Santos ay parang bula na lamang na nawala. Wala naman itong sinayang na oras at magalang na nagpaalam kay Xenon upang ipagpatuloy ang hindi pa nito natatapos na trabaho. Ang totoo niyan ay dapat wala na rin trabaho si Miss Santos kung hindi lamang naalala ni Xenon na may dalawa itong anak na binubuhay.   Dahil sa sinabi niya mas lalong nag-iyakan ang kaniyang mga empleyado habang ang iba ay nagmamakaawa sa kaniya. Ngunit para bang wala siyang naririnig sa mga ito sapagkat sarado na ang kaniyang utak para intindihin pa ang mga ito. Bukod pa rito ang iilan niyang empleyado na lumuhod pa talaga sa harapan niya upang magmakaawa na huwag silang tanggalin sa trabaho nila. Para bang kung pagmamasdang mabuti ang binata ay daig pa niya ang isang santo dahil sa ginagawang pagluhod ng iilan niyang empleyado sa kaniyang harapan.   “P-Parang awa ninyo na po, huwag ninyo po kaming tanggalin. Kailangang-kailangan lamang po namin ang pera para sa aming pamilya,” muling pagmamakaawa ng kaniyang sekretarya.   “Manahimik ka kung ayaw mong kaladkarin kita ngayon mismo!” galit namang sambitla ni Xenon sa sekretarya niyang lumuluha pa rin.  Hanggang sa lumuhod ang sekretarya ni Xenon habang nakahawak sa binti ng binata at kaagad na nagmamakaawa sa kaniya. Sa halip na maawa mas lalo lamang nakaramdam ng galit si Xenon para sa sekretarya niya ng maramdaman niya na para bang sinasadya nitong idikit ang dibdib nito sa parte ng binti niya. Akmang tatanggalin na niya ang kamay na nakahawak sa binti niya nang biglang bumukas ang pinto ng kaniyang opisina. Iniluwa roon ay ang kaniyang kaibigang si Silver na gulat na gulat sa nabungaran nito. Kasunod ang babaeng nagpapagulo ng kaniyang isipan. Kaagad namang napansin ni Xenon ang pagkabigla sa magandang mukha ni Aurora kasabay nito ay ang mabilis na paglapit sa kaniya ng dalaga.   “Hala ka! Xenon, anong nangyari sa kamay mo? Bakit nagdurugo ‘yan? Bakit din sila lumuluha?” pag-aalala namang tanong ng dalaga sa harapan ni Xenon.   Sa tindi ng galit ni Xenon hindi na pala niya namamalayan na dumudugo na ang kamay niya dulot ng nabasag na baso at pagsuntok ng binata sa lamesa. Bagamat may galit pa rin na nararamdaman si Xenon pinili niyang manahimik na lamang, sa halip na sagutin pa ang katanungan ng dalaga. Sapagkat sa oras na ‘yon ang tanging nasa isip lamang ni Xenon ay ang parusahan ang mga pabaya niyang empleyado. Samantalang tanging pag-iling na lamang ang nagawa ni Silver sa isang tabi habang pinapanood ang kaibigan nitong sumasabog na naman sa galit. Sa halip na magulat tila ba normal na lamang kay Silver ang ganitong senaryo sapagkat para rito wala rin naman pinagbago.   Bukod dito, alam ni Silver ang ugali ng kaibigan nitong si Xenon, hindi ito basta-basta na lamang magagalit kung simpleng bagay lamang ang naging pagkakamali ng mga empleyado nito. Sa halip na maawa si Silver sa mga ito pinili na lamang ni Silver na huwag nang makialam pa sa desisyon ng kaibigan nitong si Xenon. Kapagkuwan ay sinenyasan na lamang nito ang ilang empleyado ni Xenon na magsitayo na sa pagkakaluhod ng mga ito. Wala namang sinayang na oras ang mga ito at mabilis pa sa kidlat na nagsitayuan buhat sa pagkakaluhod ng mga ito.   “Tsk! Don’t tell me dude nagwala ka na naman o baka naman sinesante mo na naman sila!” bungad na tanong naman kaagad ni Silver sa kaibigan nitong si Xenon.   “Shut up Silver! Dapat lang ‘yan sa kanila ang simple ng pinagagawa ko hindi pa nila magawa nang maayos,” may halong galit namang pahayag ni Xenon sa kaibigan niyang si Silver.   Halos walang nagsasalita sa kaniyang mga empleyado at tanging hikbi lamang ng mga ito ang siyang maririnig sa loob ng opisina ni Xenon. Hanggang sa nagulat na lamang sila nang biglang magsalita si Aurora na siyang nakapukaw sa atensyon nilang lahat. Nang marinig ng mga empleyado ni Xenon na magsalita si Aurora sabay-sabay ang mga itong tumunghay mula sa pagkakayuko na tila ba umaasa na matutulungan sila ng dalaga sa amo nila.    “Maaari na kayong lumabas, ako na ang bahala kay Xenon ikaw rin Silver labas ka muna saglit,” mahinahon namang sambitla ni Aurora sa mga empleyado ni Xenon pati na rin kay Silver.   Nag-aalangan man ngunit wala silang nagawa kung ‘di sundin ang dalaga na ngayon ay abala na sa pagtingin sa sugat ni Xenon. Tila ba ang pag-asa ng mga empleyado na matutulungan sila ng dalaga ay bigla na lamang nawala na parang bula, dahilan upang manlumo sila habang papalabas sa opisina ni Xenon. Isama mo pa rito na hindi nila alam kung paano ipaliliwanag sa pamilya nila na wala na silang trabaho na babalikan pa. Samantalang hindi naman maiwasang magalit ng ilang empleyado ni Xenon sa sekretarya niya sapagkat kung tutuusin ay nadamay lamang naman sila sa galit ng amo nila. Habang ang iba namang empleyado ay hindi nilubayan ng masamang tingin ang sekretarya ni Xenon. Hanggang sa tanging si Xenon at Aurora na lamang ang natira sa loob ng opisina ng binata.   “Tsk. Bakit mo sila pinalabas? Hindi pa ako tapos sa kanila!” nagsusungit namang pahayag ni Xenon sa harap ni Aurora.   “Huminahon ka nga Xenon, hindi makabubuti kung paiiralin mo ang galit diyan sa puso mo,” kaagad namang tugon ng dalaga sa kaharap nitong si Xenon.   Samantalang hindi naman mawari ni Xenon kung bakit madali lang siyang napapasunod ng dalaga sa kagustuhan nito. Hanggang sa namalayan na lang niya na inaakay na pala siya ng dalaga papaupo sa sofa sa loob ng opisina niya. Kung kaya’t tahimik lamang si Xenon habang pinagmamasdan na gamutin ng dalaga ang kaniyang sugat. Tila ba ang kaninang galit niya ay unti-unti ng nawawala dahil sa presensiya ng dalaga. Idagdag mo pa ang malambing na pag-aasikaso sa kaniya ng dalaga na siyang nagpataba ng puso ng binata.   “Bakit mo ba ito ginagawa sa akin? Anong pinaplano mo?” nagtatakang tanong ni Xenon sa dalaga.   Dahil sa pagtataka hindi na maiwasa ni Xenon na magtanong dahil sa ipinapakitang kilos sa kaniya ng dalaga. Sapagkat sa tanang buhay niya ngayon niya lang naramdaman na walang halos pagpapanggap ang ipinapakita sa kaniya ni Aurora. Hindi kagaya ng ibang lumalapit sa kaniyang babae na nagpapanggap lamang na mabuti sa harap niya pero kapag nakatalikod na siya alam niya na pera lamang ang habol ng mga ito sa kaniya. Bukod dito, napansin niya rin na tila ba walang pakialam sa pera niya ang dalaga sapagkat kahit isa ay wala man lamang ito hiniling o ipinabili man lang sa kaniya.   “Hindi ko alam, basta ang alam ko lang nakikita ko siya sa iyo,” mahinahong sagot ni Aurora.   Hindi man aminin ng dalaga sa sarili nito ang katotohanan ngunit hindi maipagkakaila na kahawig na kahawig talaga ni Xenon ang taong tinutukoy nito. Ang kaibahan lamang ng dalawa ay mas matapang si Xenon 'yon tipong handa siyang makipagpatayan makuha lamang ang ninanais niya. Samantalang, 'yong taong tinutukoy naman ng dalaga ay ubod ng duwag na kahit maging sunod-sunuran pa ito sa iba ay ayos lamang dito.   “What do you mean?”   Sa halip na sagutin ng dalaga ang tanong niya pinahiga siya nito sa sofa habang nakadantay ang kaniyang ulo sa hita ni Aurora. Doon pa lang sa posisyon na ‘yon kaagad na nakaramdam ng kakaiba si Xenon sa hindi malamang dahilan bigla na lamang kumabog ang puso niya na tila ba may milyon-milyong kabayo na nagkakarera sa puso ng binata. Badoy mang isipin pero ganoon talaga ang nararamdaman ni Xenon kaya hindi niya maiwasan na mailang sa naging posisyon nila ng dalaga.   “Hindi ko alam kung bakit nagagalit ka sa kanila pero, maaari ko bang itanong kung ano ang problema mo?” mahinahong pahayag ng dalaga habang marahan na hinahaplos ang buhok ng binata.  “Tsk! Huwag mo nang itanong lalo lang sumasakit ang ulo ko sa kapalpakan nila,” nagsusungit namang sagot ng binata.   Ilang minutong natahimik ang dalaga dahil sa sinabi ng binata at hindi nito alam kung papaano pakalmahin si Xenon. Hanggang sa maalaala ng dalaga kung paano nito pakalmahin ang taong lubos na mahalaga rito. Akmang babangon na sana si Xenon ng pigilan ito ng dalaga na tila ba nagsasabi na huwag muna siyang bumangon. Hanggang sa nagsimulang umawit ang dalaga na siyang nakapagpatigil kay Xenon. Sapagkat hindi akalain ng binata na kakantahan siya ng dalagang si Aurora.   Sa hindi malamang dahilan tila naguluhan ang binata sapagkat pamilyar na pamilyar sa kaniya ang awiting kinakanta ng dalaga. Kaya naman hindi niya lubos maisip na kakantahin ito sa kaniya ng dalaga. Aminin man niya o hindi umaasa si Xenon na may koneksyon talaga sila ni Aurora sapagkat kung tatanungin ang binata ay ayaw na niyang mawalay sa dalaga. Pagiging sakim man kung isipin tila ninanais ni Xenon na sana ay wala ng pamilya pa ang maghanap kay Aurora, sa ganoon ay hindi na sila magkakalayo ng dalaga.    Naguguluhan man pero pinili na lamang niyang manahimik at pakinggan ang malambing na pag-awit ng dalaga. Sapagkat ang pakinggan ang awit ng dalaga ay labis na nakapagdudulot sa kaniya ng kapayapaan. Para bang isang anghel ang dalaga na bumaba sa lupa dahil sa ganda at lambing ng tinig nito habang umaawit. Hanggang sa hindi na namalayan ng binata na unti-unti na pala siyang nilalamon ng kadiliman. Kasabay naman nito ay ang marahan na paghalik ni Aurora sa noo ni Xenon habang matiim namang pinagmamasdan ng dalaga ang gwapong mukha ng natutulog na binata. Tila ba pakiramdam ng dalaga kapag tinititigan nito ang binata ay nawawala ang lungkot na nagkukubli sa puso nito.   “Hindi ko alam ang nangyayari sa akin pero isa lamang ang alam ko. Kawangis na kawangis mo siya,” mahinang saad ng dalaga sa natutulog na binata.   Kasabay nito ay ang pagpasok ni Silver na wari’y nagtatanong kung anong nangyari sa kaibigan nitong si Xenon. Sinabi rin nito na hindi na tuloy ang meeting ni Xenon sa bagong kliyente nito dahil sa biglang pangyayari. Dahil sa narinig ng dalaga kaagad itong nakahinga nang maluwag at pagkatapos ay muli na namang tumingin sa gwapong mukha ng natutulog pa rin na si Xenon. Habang patuloy pa rin ang marahang paghaplos ng dalaga sa malambot na buhok ng natutulog na binata.   “Kumusta ang mga empleyado niya, ayos na ba sila?” kaagad namang tanong ni Aurora kay Silver.   “Oo. Sinabi ko na rin sa kanila na hindi sila mawawalan ng trabaho,” mahinahong tugon ni Silver sa dalaga.   Sa sinabi ni Silver tila nakahinga nang maluwag ang dalaga sapagkat hindi na mawawalan pa ng trabaho ang mga empleyado ni Xenon na kanina lamang ay pinagalitan ng binata. Ngunit pakiramdam ni Aurora ay may gustong itanong ang binata kaya naman ang dalaga na ang unang nagsalita.   “Alam kong may nais kang itanong, ano bang gumugulo sa iyong isipan?”   “That song, paano mo nalaman ang awiting iyon lamang ang tanging nakakapagpakalma sa kaniya?” may pagtatakang tanong ni Silver sa dalaga. Isang matamis na ngiti muna ang isinukli ng dalaga kay Silver bago nito sagutin ang katanungan ng binata. Sa paraan pa lamang ng pagngiti ng dalaga mapapansin mo rito na tila ba may naalala itong masasayang bagay dahil sa ngiting nakapaskil sa labi nito. Bukod dito, hindi rin nakaligtas sa mata ni Silver ang kakaibang kislap sa mata ng dalaga habang inaalala nito ang masasayang bagay na sinasabi nito.   “Ang awiting iyon ay ang awiting madalas kong kantahin sa lalaking una kong inibig,” nakangiti namang tugon ng dalaga kay Silver.   Bakas man ang pagtataka sa mukha ni Silver ay hindi na ito pinansin ni Aurora, sa halip muli nitong sinulyapan ang natutulog na binata. Hanggang sa isang malungkot na ngiti ang pinakawalan ni Aurora habang matiim na tinititigan ang mukha ng natutulog na binata. Hindi alam ng dalaga kung ano bang landas ang naghihintay para sa sarili pero handa itong harapin ang problemang darating para rito. Bagamat nagtataka si Silver wala na itong nagawa kung ‘di ang magpaalam sa dalaga na ngayon ay abala sa pagtitig sa mukha ni Xenon.   Nang tuluyang makaalis si Silver kaagad na namayani ang katahimikan sa loob ng opisina kaya naman walang nagawa ang dalaga kung 'di ang ipagpatuloy na lamang ang paghaplos sa buhok ni Xenon. Ilang minuto pa ang nakalipas hanggang sa naramdaman na lang ng dalaga na unti-unti na rin itong dinadalaw ng antok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD