Prologue

1092 Words
Year 20xx   Naalimpungatan ako nang maramdaman kong tumunog ang cellphone ko. Kunot-noong nagmulat ako ng mata at tinignan ang oras—5:04am. Lalong lumamlim ang gitling sa noo ko nang makita ko kung anong oras pa lamang. "Sino naman kaya ang tatawag nang ganitong oras? Bwisit." Mahinang bulong ko. Pasado ala-una na nang matulog ako kanina. Ibig sabihin ay halos higit tatlong oras pa lamang ang naitutulog ko. Padabog kong kinuha ang cellphone ko na patuloy pa rin sa pagtunog at sinagot iyon. “Hello.” Pabalang kong sabi. “Steven.” Bahagya kong inilayo ang cellphone ko sa mukha ko at tinignan kung sino ang tumatawag. “Ma.” “Paalis na kami ng papa mo.” “Ma, katutulog ko lang.” Reklamo ko rito. “Sige, balik ka na sa pagtulog. Tumawag lang ako para sabihin sa’yo na babyahe na kami. Bye.” “Bye po.” Pagkatapos no’n ay ibinaba na nito ang tawag. Inipit ko na ang cellphone ko sa may ilalim ng unan at saka dumapa. Pagkatapos ay ipinikit kong muli ang mga mata ko at sinubukang ituloy ang naputol na tulog ko. Subalit lumipas na ang ilang minuto ay hindi na ako muling dinalaw pa ng antok ko. Binabagabag ako ng inasal ko kanina kay Mama. Dahan-dahan kong hinugot ang cellphone ko sa ilalim ng unan at tinawagan si Mama. Pagkalipas lamang ng ilang ring ay sinagot na nito ang tawag. “Asan na po kayo, Ma?” “Nasa byahe na kami. Bakit hindi ka pa natutulog?” “Hm, matutulog na po ako. Mag-ingat kayo sa byahe.” “We will, salamat. Go back to sleep. Tatawagan kita pagkarating namin do’n.” Anito. “Okay, Ma.” “Ikaw wala ka bang sasabihin sa anak mo?” Tumahimik ako nang marinig kong kausap ni Mama si Papa. “Wala. Dumaan na lang tayo sa dorm niya pag-uwi natin kung gusto mo siyang makita.” Narinig kong tugon ng ama ko. “Mabuti pa nga— Tatawagan ka na lang namin anak pagbalik namin. Magdadala ako ng fresh na isda galing doon tapos ipagluluto kita pagdating namin d’yan.” Baling ni Mama sa akin. “Okay po. Ingat po.” Pagkababa ko nang tawag ay inilapag ko na ang cellphone ko sa may gilid at muli ko nang ipinikit ang mga mata ko.   ************   Nanatili akong tulala at balisa habang pinagmamasdan ang kabaong kung saan nakaratay ang mga magulang ko. Nasa unibersidad na ako at mag-uumpisa pa lang ang klase nang matanggap ko ang balita na nabangga ang sinasakyan ng mga magulang ko at sila’y binawian ng buhay mismo sa lugar kung saan nangyari ang aksidente. Ang pagkakaalam ko ay papunta dapat sila sa beach para sana doon ipagdiwang ang anibersaryo nila ngunit bago pa sila makarating roon ay nabangga ng isang nawalan ng preno na ten-wheeler truck ang kotseng sinasakyan nila. “Steve, kumain ka muna do’n. Ako na muna ang magbabantay sa Mama at Papa mo.” Nag-angat ako ng tingin nang marinig kong nagsalita ang Tita Geraldine ko. Ito ang nag-iisang kapatid ng ama ko. Ito at ang pamilya nito ang tanging natawagan ko nang mabalitaan ko ang pagpanaw ng mga magulang ko. Dahil kagaya ko, nag-iisang anak lang din ang ina ko. Dagli kong pinunasan ang pinsgi ko nang biglang may tumulong luha roon. “Hindi po ako gutom, Tita.” Garagal na tugon ko rito sabay yuko. Nang mapagtanto nitong hindi na ako nito mapipilit pa ay iniwan na muna ako nito roon. Muli na namang nangilid ang luha sa mga mata ko, subalit hindi na ako nag-abala pang punasan iyon. Nang sandaling iyon ay pakiramdam ko nilalamon ako ng dilim. Hindi pa rin ako makapaniwala na simula ngayon ay wala na sila. Wala nang magtatanong sa akin kung kamusta ba ako. Wala nang mag-aalala sa kalagayan ko. At wala na ang mga taong masasandalan ko. Noong araw bago sila bumyahe ay hindi ko akalain na iyon na pala ang magiging huling paguusap namin ng mga magulang ko. Sana mas kinausap ko pa sila nang mas matagal. Nanginginig ang mga tuhod kong tumayo at lumapit sa harapan. Pinagmasdan ko ang malamig nilang katawan sa loob ng kabaong na payapang nakapikit at hindi humihinga. Sinapo ko ang dibdib kong parang mabibiyak ngayon sa sobrang sakit. Tuloy-tuloy lamang ang pagpatak ng luha ko sa pisngi hanggang sa tuluyan na akong napahagulhol ng malakas. Bakit niyo po ako iniwan?   ***********   “Anong balak mo Steve?” Kasalukuyan akong nasa tahanan nila Tita Geraldine para sa padasal, dahil ito ang ika-apatnapung araw nang kamatayan ng mga magulang ko. Pagkatapos ng padasal ay inaya ako nang mag-asawa sa may hapag-kainan para kausapin. Tuliro akong tumingin kay Tita Geraldine at sa asawa nitong si Tito Joseph. Wala akong naintindihan ni isa sa mga sinabi nilang dalawa. Ang tanging naalala ko lang na sinabi nilang mag-asawa ay may pinagkakautangan daw ang mga magulang ko at kailangan iyong mabayaran agad. “Kung ano po ang dapat gawin Tita.” Sagot ko rito. Kinuha ko ang dokumento sa harap at sinubukan muling basahin iyon ngunit kagaya noon una ay wala pa rin akong maintindihan. Hindi ako makapaniwalang lubog ang mga magulang ko sa utang dahil hindi naman nila ipinahahalata iyon kapag nakakausap ko sila. Ang buong akala ko pa nga ay maalwan ang buhay namin dahil nakaya nila akong pag-aralin sa isang mamahaling unibersidad. Kaya kahit hindi ko intensyon ang magduda ay may kaunti akong agam-agam sa sinabi sa akin nila Tita Geraldine at Tito Joseph. “Pinagdududahan mo ba kami, Steve?” Namutla ako at mabilis na umiling. “Hindi po, Tita. Iniisip ko lang po kung saan nila ginamit ‘tong pera na inutang nila.” “Hindi lang nila sinasabi sa’yo dahil natatakot silang magbago ang tingin mo kay Kuya.” Sandaling tumahimik si Tita Geraldine, wari’y nag-iisip kung aamin ba ito o hindi. Kapagkuwan ay huminga ito ng malalim at sinabing, “Lulong sa sugal si Kuya Gilbert.” Natulala ako. Wala sa loob na naikuyom ang mga palad ko. Pagkatapos ay muling bumalintanaw sa isipan ko ang mukha ng ama kong pumanaw. Nakaramdam ako nang mariing pagtutol sa kaibuturan ng damdamin ko. Malaki ang paghanga ko sa yumao kong ama. Ito ang idolo ko. At buo ang paniniwala ko na hindi ito ang tipo nang tao na ipapahamak ang sarili niyang pamilya nang dahil lang sa bisyo. Sinulyapan ko sila Tita Geraldine at Tito Joseph. Malaki ang hinala kong nagsisinungaling ang mga ito pero wala akong pruweba. Ano ang gagawin ko, Ma? Pa?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD