CERISE
TATLONG araw na ang lumipas at nasanay na rin ako na si Angelo lang ang nakakausap ko. Alam kong pakana niya ito kaya palagi kong pinapaalala sa sarili na huwag magpahulog sa bitag niya. Kung totoong gusto niya ako, kailangan niya akong ligawan. At ang gusto kong paraan ay ‘yung simple pero may effort. Ayoko ‘yung magarbo dahil alam kong mayaman siya. Ayoko ‘yung maraming taong nakakakita dahil iisipin ko lang na palabas lang ‘yun. Ayoko ‘yung ginigipit niya ang mga tao para mapansin ko. Kung mahal niya ako, kaya niyang iwan lahat makasama lang ako. Alam kong imposible ‘yun pero mahirap na kasi magtiwala.
Si Angelo pa rin ang kasama ko tuwing lunch break pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako sanay na pinagtitinginan kami ng mga tao.
“Huwag mong itago yang maganda mong mukha," inangat niya ang baba ko dahil nakayuko ako.
'Damn you Angelo Cruz,' saad ko sa isip ko, 'huwag mo ako masyadong pakiligin dahil baka hindi ko na makayanan.'
"Ikinahiya mo ba na ako ang kasama mo?" tanong niya.
"Hindi isang katulad mo ang ikinakahiya," saad ko.
"Eh bakit para kang nahihiya?" saad niya sabay pout.
"PDA ka naman kasi. Tignan mo nga? Lahat sila pinagtitinginan tayo," sagot ko.
"Sorry. May alam ka bang nagrerepair ng relos?"
Napakunot noo naman akong sumagot, "wala, bakit?"
"Nasira ata ang relos ko kasi mula noong kasama kita, huminto na ang oras ko," saad niya saka pilyong ngumiti.
"Angelo!" inis akong nagpatuloy sa paglakad.
"What?" sumunod siya sa akin, "what did I do?"
"Tigilan mo nga yang mga korny mong banat," saad ko na hindi tumingin sa kanya.
"Titigil lang ako kapag nasabi mo nang ako na ang nobyo mo," sagot niya habang nakasunod sa akin.
"Ano ba?" hinarap ko siya.
"Ano ang ano?" nagkibit balikat siya pero nakangiti pa rin sa akin.
"Bakit ako? I mean, ang daming mas maganda diyan pero bakit ako?" nahihirapan kong tanong.
"Alam mo kung ano ang meron ka na wala sa kanila?" saad niya.
"Ano?" tanong ko.
"Nasa'yo ang puso ko," saad niya saka ngumiti ng matamis kaya pumihit ako dahil ayokong makita niyang kinikilig ako sa sinabi niya.
"Cerise," sinundan niya ulit ako, "alam mo namang gagawin ko lahat para sa’yo. I can go to the ends of the world for you."
"Really?" saad ko, "sige gawin mo saka huwag ka nang bumalik."
"Talaga? Ayaw mo na akong bumalik?" pilyo niyang tugon.
"Oo," mataray kong sagot pero kinabahan ako nang bigla siyang tumalikod at naglakad palayo sa akin.
Nagtatalo ang isip ko kung susundan ko siya o hindi pero sa huli, tinawag ko na lang siya.
"Angelo!”
Huminto siya pero hindi siya lumingon sa akin. Hindi ko alam kung ano ang balak niya pero noong akma siyang humakbang ay muli akong napasigaw, “Angelo, nagbibiro lang ako.”
Dahil hindi pa rin siya lumingon, ako na mismo ang tumakbo patungo sa kanya.
“Hoy,” tapik ko sa siko niya, “huwag ka nang magtampo. Nagbibiro lang ako.”
"Aminin mo na," saad niya.
“Aaminin ko ang alin?”
“Na kinikilig ka sa akin,” matamis siyang ngumiti.
"Ilang pages ka ba?" tanong ko.
"Huh?" sagot niya.
"Ang kapal mo kase," inirapan ko siya.
"Talaga?" namulsa siya, "alam mo may kamukha ka."
"Sino?" tinaasan ko siya ng isang kilay.
Lumapit siya at inilapit ang bibig niya sa tenga ko, "kamukha mo ang future wife ko."
"Umayos ka nga!" mahina ko siyang tinulak.
ANGELO
NATUTUWA ako dahil naging mas malapit na kami ni Cerise. Nasisilayan ko na siyang ngumingiti sa akin at hindi na rin siya naiilang na kasama ako.
"Hoy Mr. Linta, huwag kang hambog! Paano ka nakakasigurong magiging asawa mo ako?" inis niyang saad.
"Siguradong sigurado, Reyna ko," malambing kong saad.
"Pwede ba? Kinikilabutan ako sa’yo," pumihit siya saka nagsimulang maglakad. Hindi na katulad noon na mabilis siyang maglakad. Tama lang ito na para bang inaasahan niyang sasabay ako sa kanya.
Tulad ng nakasanayan, buong araw kaming magkasama saka hinatid ko siya sa tinitirhan niyang bahay. Tahimik lang kami hanggang sa iparada ko ang sasakyan sa harap ng bahay. Bumaba ako upang pagbuksan siya ng pinto pero nang bumaba siya, tila nawala ako sa sarili dahil humarang ako sa dadaanan niya.
"A-angelo," mahina niyang sambit.
"Cerise," mahina ko ring saad, "alam mo parang nalulungkot ang mga labi mo."
"B-bakit mo naman nasabi?" nauutal niyang saad.
"Para kasing tinatawag nito ang mga labi ko," garalgal kong saad saka yumuko upang halikan siya pero bago ko itinuloy ang balak ko, tinatantiya ko muna ang reaksyon niya. Hinintay kong itulak niya ako pero nang pumikit ang mga mata niya, ‘yun na ang naging hudyat ko halikan siya.
My lips touched hers pero hindi naging sapat ang simpleng paglapat lamang ng mga labi namin. I lightly bit her lower lip, begging for entrance at nang pinagbigyan niya ako, hindi na ako nag-aksaya ng oras. Akala ko magtatagal ang pinagsaluhan naming halik pero bigla na lang niya akong tinulak.
"I- I am sorry," saad niya, "h-hindi ko kaya," patuloy niya saka nagmadaling lumayo sa akin.
"Cerise," hinabol ko siya.
"Stay away from me!" nagulat ako sa inasal niya, "huwag mo akong hawakan."
"Cerise," muli kong sinubukang lapitan siya.
"Lumayo ka sa akin!" sigaw niya, "maawa ka, huwag kang lumapit!"
"Cerise, ano ba ang nangyayari sa’yo?" nagsimula akong mag-alala.
"Aaaaaah! Lumayo ka!" sigaw niya sabay tabon sa kanyang mga tenga.
"Cerise!" lumabas ng gate sina Aling Ella at Manong Borj.
"What is wrong with her?!" hindi ko maiwasang itaas ang aking boses dahil ngayon ko lang nakitang naghysterical si Cerise. Mas lalo naman akong nabahala ‘nung bigla nalang siyang hinimatay kaya agad akong lumapit at kinarga siya.
"Buksan niyo ang pinto!" utos ko kaya agad nilang binuksan ang pinto ng sasakyan ko.
"Sasama na ako sa’yo," saad ni Aling Ella na agad namang pumasok sa sasakyan.
"Ano ba ang nangyari? Bakit siya nagkaganyan?" nalilito kong tanong habang pinapatakbo ang sasakyan.
"Nakalimutan mo bang may Post Traumatic Stress Disorder siya? Baka may nangyari na nagpapaalala sa sinapit niya dati," sagot niya.
"Akala ko ba dumaan siya sa PTSD therapy," saad ko.
"Hindi madaling kalimutan ang lahat, Angelo," sagot niya, "Hindi madaling kalimutan ang ma-gang rape at pagkatapos makunan."
"Ilang taon na ang lumipas," saad ko, "ano bang klaseng doktor ang binabayaran ko bakit may ganyang problema pa rin si Cerise?"
"Anim na buwan nang huminto sa therapy si Cerise," mahinang sagot ni Aling Ella, "mula kasi noong naging busy siya sa pagsusulat, mas pinili niyang manatili sa bahay at magsulat kaysa pumasok sa therapy na pare-pareho lang naman daw ang ginagawa."
"Dapat pinilit niyo!" hindi ko maiwasang pagtaasan siya ng boses.
"S-sorry," mahinang sagot niya, "ngayon lang kasi muling nangyari ito."
"Hindi kayo doktor para masabing okay na siya," agad kong sabat, "Her recovery is my main concern. Aling Ella, ipinagkasundo na ako sa kasosyo ni Daddy sa negosyo. Kailangan ko silang maunahan. Kailangang makasal na ako kay Cerise bago pa ako ipakasal sa iba."
"Pero hindi mo pwedeng pilitin si Cerise," pagsusumamo niya, "nangako ka Angelo. Nangako kang hindi mo siya pipilitin at sinabi mo na kung ayaw sa’yo ni Cerise, kusa mo siyang pakakawalan."
Napahigpit ang pagkahawak ko sa manibela. Hindi ako handang pakawalan siya. Nagsisimula pa lang ako. Nararamdaman kong mahal niya ako at kailangan niya lang aminin ito sa sarili.