EPISODE 2:
"Seryoso?! Naka-usap mo si Senyorito Benedict?! For real?!"
"Oo nga. Ito naman, sampung beses ka na yatang nagtanong ngayong gabi," natatawang sagot ko kay Cha habang nagpupunas kami ng mga plato.
Dalawa pa lang sa mga amo ko ang nakita at nakilala ko. Sina Donya Alessandra at Don Arturo na mga anak ng may-ari ng mansiyon na 'to. Hindi ko pa nga lang nakikita ang anak nila na sinasabi ni Cha na si Sir Hadji.
Marahan namang hinawakan ni Cha ang magkabila kong balikat at niyugyog na ako. "Ang swerte mo naman, Rose. Kung alam ko lang kanina na may nahulog na frisball? Ano nga 'yon?"
"Frisbee golf," pagtama ko sa kaniya sabay ngiti.
"Ayon, frisbee golf kung ano man 'yan, edi sana hindi na ako umalis kanina sa garden."
"Nako, hindi ako swerte at sobrang arogante ng lalaking 'yon. Ang bastos ng ugali," pangangatwiran ko pa.
Tama naman kasi na hindi ko talaga nagustuhan ang ugali kanina ng Senyoritong Arogante na 'yon. Hindi porket mga katulong lang kami ay puwede niya nang hindi respituhin.
"Kahit na, pogi pa rin naman siya, Rose..."
Inilagay ko na sa cabinet ang huling pinggan at humarap sa kaniya. "Alam mo, magpahinga na lang tayo at maaga pa ang trabaho bukas," pahayag ko sabay tapik sa kaniyang kanang balikat.
Kinaumagahan, alas-tres pa lang ng umaga ay gising na ako. Hindi sa nagpapakitang-gilas lang ako dahil unang araw ko rito pero ayoko lang talagang mawalan ako ng trabaho kaya kailangan kong magsipag.
"Oh, the new katulong is punctual."
Tumingala ako nang wala sa oras nang mayroong nagsalita sa harapan ko habang naglilinis ako ng mga higanting picture frame na nandito. "Ah, hello. Ako nga pala si Rose. Ikaw?"
"I'm Marie and you better fix your work or else..."
Medyo nagulat ako kung paano niya ako kausapin pero kaagad ko namang naalala ang sinabi sa akin ni Cha tungkol sa kasama namin dito sa mansiyon na ang pangalan ay Marie. Likas daw talaga itong masungit at masama ang ugali kaya iwasan ko na lang.
Tumango na lang ako sa kaniya sabay ngiti. "Opo, aayusin ko ang pagtatrabaho."
"Anyway, why did you apply to be a maid in this mansion? Para makita si Baby ko Hadji? Is that it?" sunod-sunod nitong tanong sa akin.
"Hindi po," maikling tugon ko na lang.
Napansin kong medyo naiirita na siya sa akin pero hindi pa rin ako kumibo. Sana naman ay mapansin niyang ayaw ko siyang kausap dahil unang pagkikita pa lang namin ay hindi ko na bet ang pagkikipag-usap niya sa akin.
Hinawi nito ang buhok niya at tumalikod na rin sa akin. "As if namang hindi paglalandi ang pinunta mo rito."
Napayukom ako ng basahan na hawak-hawak ko dahil sa narinig ko na sinabi nito. Pero kahit ganoon ay pinilit ko na lang na tapusin ang ginagawa ko dahil ayoko namang pumasok sa gulo sa unang araw ko pa lang dito sa mansiyon.
Dahil nga sobrang lawak nitong buong bahay ng mga Calixto, hindi halos kami nagkikita ni Cha dahil nasa kusina ang kaniyang trabaho kasama ng mga Chef habang ako naman ay nasa labas ay sa living room naglilinis.
"Rose, may chika ako!!"
Halos masakal na ako ni Cha nang lapitan niya ako rito sa swimming pool. Naglilinis kasi ako dahil dalawang linggo na raw na hindi nagagamit.
Bahagya na akong napatigil. "Ano 'yang chika mo?" pagtatakang tanong ko pa sa kaniya.
“Uuwi raw rito mamaya si Senyorito Hadji! Excited na akong ipakilala ka sa kaniya!!”
Para siyang bata na excited sa kaniyang laruan habang tumatalon kaya hindi ko mapigilang mapatawa kay Cha. Nakisama na lang ako sa kaniya kahit hindi naman ako ganoon ka-intresado sa anak ng amo namin.
“Hindi halatang excited ka Cha, ah,” nakangiting sabi ko pa. “Saan ba tumitigil iyan si Senyorito Hadji kapag hindi siya umuuwi rito?”
“Ay bakla, may sariling condo ‘yang si Senyorito Hadji na malapit sa paaralan niya dati. Alam mo naman na busy person siya kaya hindi mo masyadong mahagilap dito.”
Tumango-tango na lang ako kay Cha bilang tugon. Pagsapit ng hapon, panay ang pagbabantay ni Cha kay Senyorito Hadji sa pagdating nito kaya naki-usap siya sa akin na siya na lang ang magtatapos ng paglilinis sa harden sa tapat ng bahay at ako naman sa bandang likuran. Sumang-ayon naman ako at alam ko kung gaano ka-excited si Cha na makita ang kaniyang amo.
Habang abala ako sa pagwawalis ng mga nahulog na dahon, napansin kong mayroong gumagalaw malapit sa likurang bakod kaya napasulyap na ako roon. Dahan-dahan akong lumapit dahil baka may malaking ahas na nakapasok pero masyadong malaki ang aninong nasa likuran kaya impossible na ahas ito.
“Fvck, why did I even think of doing this?!”
May narinig akong magandang boses ng lalaki na nasa bandang likuran kaya alerto kong iniharang ang walis sa harapan ko at baka akyat-bahay ang taong ito.
“Sino ‘yan, magpakita ka?!” diin kong tanong habang pinagmamasdan pa rin ang lalaking gustong pumasok sa mataas na bakuran.
“Okay, now I’m caught,” bulong nito pero narinig ko pa rin.
Pagkatapos kong marinig ang sinabi niya ay ipinikit ko na lang ang mga mata ko at itinapat sa kaniya ang walis na handa ko nang ihampas. Wala namang matinong tao ang dadaan dito sa bandang likuran maliban na lang kung may masamang balak ito rito sa mansiyon.
“Aaahh!!” Buong pwersa kong inihampas ang walis para depensa sa sarili ko.
Ngunit wala pang isang segundo, naramdaman kong mayroong pwersang pumipigil sa akin dahilan para mapamulat ako ng mga mata ko. Saktong-sakto na mayroong tumambad sa akin na mala-anghel sa kapogian na lalaki habang may dala-dala itong bouquet ng bulaklak.
Pero dahil hindi ako marupok, hindi ako nagpatinag at itinapat pa rin sa kaniya ang walis. “Huwag na huwag kang magkakamaling umalis sa kinatatayuan mo, baka hindi mo alam na isa akong karatedor—”
“Wait, do I know you? Who are you?”
Napahawak na ako sa beywang ko. “Baka ikaw dapat ang dapat kong tanungin? Ano’ng ginagawa mo rito sa likurang bahagi ng mansiyon ng amo ko at ano ang pakay mo sa kanila?”
Hindi ko inasahan na ang seryoso niyang mukha ay napalitan ng isang mala-anghel na ngiti ngayon. Nakatingin lang siya sa akin habang marahang tumatawa.
“I see, I think you’re new here kaya hindi mo ako kilala,” usal pa nito.
Unti-unting pumapasok ang mga impormasyon sa utak ko kaya dahan-dahan ko nang ibinaba ang walis at seryosong humarap sa kaniya. “Ay teka lang, sino ho ba kayo?”
“My name is Hadji Emmanuel Calixto, I am the son of the owner of this house and if I’m not wrong, I’m your Master,” nakangiting pahayag niya sa akin.
Nakakaloka!