6. Falls
ISA LAMANG ang nasa isipan ni Sage nang mga sandaling iyon. Kailangan niyang madala ang dalaga sa ligtas na lugar. Hindi pwedeng mawala ang atensyon niya rito. Maaaring maulit ang nangyari kanina nang subukan niyang iligaw at itumba ang mga kalabang nakasunod sa kanila.
Yakap-yakap niya ang dalaga na walang malay. Nakahilig ito sa kanyang balikat. Humihigpit ang pagkakahawak niya rito. Kung sakaling nadamay rin ito sa mga palabas ni Helga, hindi niya na alam ang magagawa niya sa kanyang tiyahin. Hindi na makatarungan ang ginagawa nitong paglalaro sa buhay ng tao.
Nang mga sandaling iyon, tila ibang tao ang binata. Nawala bigla ang mahangin at mabungangang Sage. Hindi niya man aminin sa sarili, alam niyang nakuha na ng dalaga ang atensyon niya sa loob pa lamang ng bar. Nag-aalala siya nang malagay ito sa alangin habang nasa biding sa loob ng napakalaking salamin.
Nahinto si Sage sa paglalakad nang makarinig ng kaluskos. Balak niya sanang ibaba ang dalaga sa isang tabi ngunit ganoon na lamang ang pagtataka niya nang masundan iyon ng malakas na pagbagsak.
Mula sa talahiban ay lumitaw si Blaze. Nginisian siya nito habang hawak ang isang balisong na may dugo. Nilalaruan pa nito iyon sa at pinapaikot-ikot sa daliri. Maaring may itinumba ito gamit ang patalim na iyon.
“Nahanap din kita,” puno ng pagmamalaki nitong saad.
Si Blaze ang isa sa mga kagrupo niyang maasahan sa maraming bagay. Hindi rin mabilang ang talento nito. Ngunit katulad ng iba, hindi perpekto ang kaibigan niya. Parati itong naliligaw. Minsan, kapag napalayo ito ng pinupuntahan ay nagpapasundo pa sa kanila kahit may dala naman itong sasakyan. Bawal ang GPS sa kanilang trabaho. Maaaring matunton sila ng kalaban kung mobile phone ang gagamitin nila. Marami ng naglipanang bagong labas na cellphone pero hanggang ngayon ay di-pindot pa rin ang gamit nila.
Kaya naman, kulang na lang ay lagyan nila ng palatandaan ang dadaanan ng bunso. Hangga't maaari, hindi nila ito pwedeng iwan mag-isa. Iba ang takbo ng utak ni Blaze at dapat na parati nila iyong bantayan. Sa kabila ng inaasta ni Blaze, hindi nila masisisi kung bakit ganito ang kaibigan.
Limang taon ang agwat niya sa bunso ng kanilang grupo. Ngunit hindi iyon naging hadlang upang hindi ito maging malapit sa kanya. Magsimula pagkabata pa lang kase ay kasa-kasama na siya nito. Ganoon din ang ibang kagrupo niya maliban kay Xenus na huli sa nakilala niya. Pamilya na ang turing niya sa mga ito. Kung anuman ang mayroon sila ngayon ay malaking papel ang kanilang kahapon.
Bahagyang natawa si Sage. “Ginagamit mo lang kase ngayon ang utak mo. Sinundan mo ang mga humahabol sa akin para mahanap mo ako.”
Hindi ito kumibo. Madilim na naman ang mukha ng bunso sa kanilang grupo.
“Hala!” gulat na saad ni Sage nang may lumitaw na tatlong aso sa tabi ni Blaze.
“Binigyan ko ng pagkain, sumama na sa akin. Binubugaw ko pero ayaw ng umalis,” blangkong ekspresyong saad nito.
Pinagmasdan ni Sage ang tatlong aso. Mukha iyong asong-gubat.
“Aalagaan mo?” nakangiwi niyang tanong. Hindi nga marunong si Blaze na mag-alaga ng sarili, mag-aalaga pa ito ng aso.
“Ewan ko,” saad nito at hinimas ang ulo ng isang aso. “Ewan ko rin kung bakit sumusunod sila sa akin. Binigyan ko lang naman ng pagkain."
“Binigyan mo ng pagkain kaya ka nga sinusundan. Kapag iyan nangagat, ako ang kakagat sa ‘yo!”
Ipinakita ni Blaze ang gitnang daliri at hindi pinansin ang sinabi niya. “Sino iyan?” nakataas pa ang kaliwang kilay na tanong nito.
Natawa siyang muli. Dahil sa pakikipag-away nito parati kay Goldee kaya naa-adopt na nito ang mga mannerism ng nabanggit.
“Hindi ko rin kilala. Napulot ko sa kanal.” Tumatawang niyang sagot dito. “Mukha bang taong grasang maganda, Blaze?”
“Tss...” nakasimangot nitong sagot at nauna sa paglalakad. Sinisipa-sipa pa ni Blaze ang maliliit na bato na nakaharang sa daan. Ngunit nang mapansin nitong hindi siya naglalakad ay huminto kaagad ito. “Ano na? Tutunga ka na lang?”
Muli siyang natawa. Paborito niya talagang asarin si Blaze. Minsan, ginagawa niya na iyong libangan. Mabilis kase itong mapikon.
“Anong gagawin natin sa babaeng iyan?” tanong nitong muli at patuloy sa pagsipa ng mga bato.
“Ipapaanod natin sa kanal para maging pataba sa mga daga,” nagpatiuna na siyang maglakad kahit hindi niya rin naman alam ang pasikot-sikot sa lugar.
“Kailan kaya ako makakakuha ng magandang sagot sa ‘yo, Sage?”
“Kapag natuto ka ng gumalang sa nakakatanda at tumawag ng kuya sa akin.” Tumatawang saad ni Sage.
Muli itong pumalatak sa kanya. Nilakasan din nito ang pagsipa ng bato. Umaabot pa ang iba sa kanya kaya natatamaan siya. Alam niyang sinasadya iyon ni Blaze. Pailalim ito kung gumanti minsan na hindi na bago sa kanya.
“Tawagin mo akong kuya,” paalala niyang muli kay Blaze.
“Ang kulit. Tatawagin kitang kuya kapag hindi ka na utak talangka.”
“Irereto kita kay Ginto.” hindi siya huminto sa pang-aasar dito kahit alam niyang tila biyernes santo na ang mukha ni Blaze. “Kapag naunahan ka, walang iyakan ha?”
Hindi na muling sumagot si Blaze kaya ganoon na lamang ang malakas niyang pagtawa. Napakabilis talaga nitong mapikon. Nakasunod pa rin dito ang mga aso at hindi umaalis kahit binubugaw na ni Blaze. Siguro’y walang makitang pagkain ang mga iyon, at nang bigyan ni Blaze ay malaki ang pasasalamat ng mga ito sa kaibigan kaya kahit saan magpunta ay nakasunod.
Balak niya pa sanang ituloy ang pang-aasar dito nang makita ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan na sinabayan ng malakas na pagkulog. Wala rin siyang nakitang mga bituin. Senyales na uulan nang gabing iyon.
Mas naging mabilis ang paglalakad nila ni Blaze. Kung maabutan sila, paniguradong magiging basang-sisiw sila.
“Sage.” Itinuro ni Blaze ang isang talon.
Hindi na ito nagpaalam sa kanya. Nagmadali kaagad si Blaze sa pagpunta roon.
Tinanaw niya lang ang kaibigan habang karga pa rin ang dalaga.
Ilang minuto rin ang hinintay niya bago ito makabalik sa pwesto niya. Itinaas ni Blaze ang kamay at nag-thumbs up pa sa kanya. Kung ganoon, totoo ang sinabi ng agent ni Xenus na may sikretong kweba nga sa likuran ng tubig ng talon. Kakaunti lang ang nakakaalam ng lugar na iyon kaya sigurado siyang magiging ligtas sila roon.
Muling nagmatyag si Sage at Blaze sa paligid upang makasiguradong walang makakaalam ng sikretong lugar na iyon maliban sa kanila.
Lumuhod si Blaze upang makapantay ang mga sumusunod ditong aso. “Hindi kayo makakatulay, mahuhulog kayo sa tubig,” sabi ni Blaze habang seryosong kinakausap ang bagong mga kaibigan.
Ilang segundong nakatingin ang mga aso kay Blaze. Matapos iyon ay tumalikod ang mga ito at umalis.
“Weird,” nakakunot ang noong saad ni Sage. Tila naiintindihan ng mga ito ang sinasabi ng kaibigan.
Kaagad na naging mabilis ang paglalakad nila nang maramdaman ang maliliit na pagpatak ng ulan. Kailangan nilang tumulay sa makipot na pagitan ng bato dahil nasa likuran ng tubig sa talon ang kweba. Dahan-dahan ang naging paglalakad nila sapagkat maaari silang mabasa at mahulog sa ibaba ng talon.
Nang tuluyang makapasok sa looban ng talon ay naramdaman kaagad niya ang matinding pagkahapo. Ilang oras din siyang tumatakbo at nakikipaglaban kanina. Ngunit dahil mas inisip ang kaligtasan nila ay hindi niya iyon pinansin kanina.
Dahan-dahan niya inilapag ang dalaga sa malamig na semento ng lugar na iyon.
Mayamaya pa’y naramdaman niya ang matinding pagtagaktak ng pawis. Wala siyang ibang pagpipilian kun ‘di hubarin ang suot na damit.
“Saan punta mo?” tanong niya kay Blaze na biglaan na lang tumayo mula sa pagkakahiga.
“Maghahanap ng pangsiga.”
“Alam mo bumalik?” Tumatawang niyang tanong dito.
Nahinto naman si Blaze sa paglalakad kaya lalo siyang natawa. Ngunit nagpatuloy itong muli sa paglalakad at iniwan siya.
Nagsunod-sunod ang naging pag-iling ni Sage. Wala talagang makakapigil kapag ito na ang nagdesisyon. Noong huli ay isang malalin na bungtonghininga naman ang pinakawalan niya bago pagmasdan ang ang dalagang natutulog sa tabi niya. Inayos niya ang damit na hinubad sa lapag bago ilipat doon ang dalaga. Sa ganoon paraan ay hindi ito direktang mahihiga sa lapag.
Pagkatapos ng mga nangyari kanina, ngayon lamang niya nagawang pagmasdan ang nasa kanyang paligid.
Napakadilim sa kabilang bahagi ng kwebang iyon. Dahil kulang ang impormasyon na nalaman nila kaya hindi niya tiyak kung ano ang naroon. Aabot ng pitong metro kung susukatin ang lapad ng ilalim ng talon. Ang haba ay hindi niya sigurado sapagkat wala na siyang maaninag.
Muli niyang pinagmasdan ang dalaga. Naalala niya ang takot na nakita sa mga mata nito nang may mapatay na assassin. Nakita niya ang iba’t ibang emosyon sa mga mata ni Alluka noong mga sandaling iyon.
Habang naghihintay sa pagbabalik ni Blaze ay kung saan-saan nakakarating ang malalim niyang pag-iisip. Hanggang sa maramdaman niya ang matinding antok. Ilang sandali pa ay unti-unti na siyang nagpapagapi roon. Ngunit bago pa man mangyari iyon ay nakarinig siya ng mahinang paghikbi na unti-unting lumalakas.
“Mama...” mahinang bulong ni Alluka.
Nakakunot ang noong nagmulat ng mata ang binata. “Nanaginip siya?”
“Wala akong kasalanan... hindi ko siya pinatay. Pinagtanggol ko lang ang sarili ko—hindi ko siya gustong patayin!” malakas nitong sigaw.
Dali-daling lumapit ang binata sa dalaga. “Hoy!” tawag niya rito at bahagyang tinatapik ang pisngi ng dalaga. “Gising...”
“Hindi ko sinasadya!” sigaw muli ng dalaga at iminulat ang mga mata.
Ganoon na lamang ang gulat niya sa biglaang pagbangon ni Alluka. Napakalapit din nito sa kanya kaya sa pangatlong pagkakataon ay malaya niyang napagmasdan muli ang mukha nito.
“Alluka...” nag-aalala niyang turan kahit hindi naman dapat.
“Hindi ko sinasadyang mapatay siya...” Umiiyak nitong saad habang hawak ang magkabilaan ng kanyang pisngi. “Maniwala kayo. Hindi ko siya pinatay...”
Katulad kanina... naramdaman muli ng binata na narito na naman bangungot na pilit tinatakbuhan ni Alluka. Bago pa man siya makasagot sa sinasabi nito ay muling nawalan ng malay ang dalaga. Naging maagap ang kilos niya upang masalo ito.
Yakap niya sa kanyang bisig si Alluka kaya ganoon na lamang ang gulat niya nang malamang napakataas pala ng lagnat nito. Nakakapaso ang balat ng dalaga, ngunit ang mga kamay naman ay napakalamig...