5. Danger

2396 Words
5. Danger   RAMDAM NI SAGE ang matinding pagkahilo nang magising. Sapo niya ang kanyang noo. Tila binabarena ang kanyang ulo dala ng matinding sakit. Ipinikit niyang muli ang mga mata sa loob ng ilang minuto. Kaagad niya ring iminulat iyon nang maging maayos na ang kanyang pakiramdam. Una niyang naulinigan ang pagpalatak ng mga paniki. Pinagmasdan ng binata ang paligid. Sigurado siyang nasa isang kweba sila. Nang subukan niyang makatayo ay may kung ano siyang nasagi na naging dahilan para lumikha iyon ng ingay. Natumba rin siya dahil naramdaman niya ang pagkahilo. Nakakabingi ang naging tunog ng nagsipulasang paniki kaya tinakpan ng binata ang kanyang taynga. Nabulabog yata nang marinig ang ingay niya. Kaagad niyang kinapkapan ang bulsa upang hanapin ang cellphone ngunit hindi niya nakita iyon. Maaring kinumpiska sa kanila nang panahong tulog sila. Nang tumama ang liwanang ng buwan sa kweba ay nakita niya si Blaze. Kaagad niyang ginising ang kaibigan na wala pa ring malay. “Hoy!” paulit-ulit niya itong niyuyugyog. Nang hindi makotento ay sinampal niya kaagad ang pisngi ng kaibigan. Ganoon na lamang din ang pagsinghap nito dahil sa matinding pagkagulat. “The f*ck is that?” reklamo ni Blaze habang hawak ang pisngi na nanakit. Sinapo rin kaagad nito ang ulo. “Sh*t!” “Kailangan nating makaalis dito,” paalala niya sa bunso ng kanilang grupo. Hindi sila ligtas sa loob ng twenty-four hours. May mga asassin na naglipana sa paligid. Sigurado siyang alam ng mga ito ang kinalalagyan nila ngayon at maaring pinaghahanap na sila para patayin. Kasama iyon sa mga pagdadaanan nila para maging opisyal na partisipante sa isla. “Hindi ka na ba nahihilo?” tanong niyang muli kay Blaze. Hindi siya sinagot nito. Ang tingin ng kaibigan ay nasa kabilang bahagi ng kweba. Dala ng pagiging tsismoso ni Sage ay sinundan niya ng tingin ang tinititigan ni Blaze. Ganoon na lamang ang pagkunot ng noo niya matapos makita ang dalagang kasama niya sa pagpasok ng isla. Wala pa rin itong malay at suot ang jacket na ipinahiram niya. Nilapitan niya ito habang naroon pa rin ang pagkakakunot ng noo. Dahan-dahang tinanggal ng binata ang ilang hiblang humaharang sa mukha nito. Napakalayo talaga ng itsura ng dalaga kapag tulog. Tila isang anghel itong ibinaba sa lupa. Ibang-iba kapag gising at masama kung makatingin. Uulitin niya sanang muli ang paghawi ng buhok nito ngunit bago pa man magawa iyon ay may kamay ng pumigil sa kanya. Hinuli ng dalaga ang kamay niya para pagilan. Naroon na naman ang nanlilisik na mata ng dalaga nang titigan siya. “What?” galit nitong tanong bago padabog na binitawan ang kanyang kamay. Napatayo nang wala sa oras si Sage dala ng matinding pagkagulat. Ilang ulit siyang lumunok upang mawala ang bara ng lalamunan. Balak niya pa sanang singhalan ang dalaga, ngunit nang makita ang binti nitong tinamaan ng bala ay nagbago ang isip niya. Walang takip ang sugat nito kaya malayang nakakalabas ang dugo. Maaring bumuka iyon nang inilipat sila sa kweba. Kinapa niya ang bulsa para hanapin ang panyo. Nang makita ay walang sabi-sabing kinuha niya ang binti ng dalaga. Pumalag pa ito ngunit naging mahigpit ang pagkakahawak niya kaya wala itong nagawa. “Kailangan nating makaalis dito,” sabi niya sa dalaga. “Maraming naghahanap sa atin para patayin.” “So, they will haunt us like an animal,” nakangisi nitong saad. “Nice.” “Kaya mong maglakad?” tanong niyang muli. Hindi kumibo ang dalaga. Nakatingin na ito sa ibang direksyon. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Sage. Wala siyang ibang pagpipilian kundi tulungan ang dalaga. Kargo de konsensya niya ito kapag may nangyari rito. Kaagad siyang tumalikod sa dalaga at bahagyang tinapik ang likuran niya. Hindi niya na kailangan pang magsalita. Naiintindihan na nito. Kaagad na kumapit ang dalaga sa kanyang likuran para mabuhat niya nang maayos. Tamang-tama nang makatayo, ay siya namang paglipad ng kung anong matalim na bagay sa kanilang direksyon. Mabilis siyang nakailag dahil natunugan niya na iyon. Naging mabilis kaagad ang naging pagkilos nila ni Blaze. Nagpahuli si Blaze upang bantayan ang blind spot niya. Hindi iyon makikita ni Sage dahil karga niya ang dalaga. Nagpatuloy naman sa pagtakbo si Sage. Hindi siya maaaring huminto sa open area. May kasama siyang sugatan. Hindi siya makakalaban nang maayos. Nang makalabas sa kwebang iyon ay nadaanan nila ang napakalawak na talahiban. Nagpabaling-baling ang tingin ni Sage sa paligid sa pagbabakasakaling may makikitang mapagtataguan. Muli siyang tumakbo na tila wala ng bukas. Bawat paghakbang ay malalaki. Nang nasa kalagitnaan na ay saka lamang nagawa ni Sage na lumingon. Ngunit wala siyang nakitang Blaze na nakasunod sa kanila. Muling kumunot ang noo ng binata. “Blaze!” tawag niya sa bunso ng kanilang grupo. “Naligaw na naman ba?” Nakakita siya ng bulto ng lalaki mula sa malayo. Pinakatitigan niya iyong mabuti sa pag-aakalang si Blaze iyon. Nagpatuloy sa pagtakbo si Sage nang maaninag niyang kalaban pala. Isang assassin na may dala-dalang espada at anumang oras ay maaring tapusing ang buhay nila. Muling nagpatuloy sa pagtakbo si Sage. Tila nakakalimutan niya na namang huminga. Bawat malalaking paghakbang ay mahalaga sa kanya. Iniisip niyang itago muna ang dalagang kasama niya upang makakakilos siya nang maayos. Nakatanaw si Sage ng pag-asa nang makita ang mapunong bahagi ng isla. Mas naging mabilis ang pagtakbo niya. Nang malayo-layo na ay saka lamang siya lumingong muli. Hindi niya pa natatanaw ang humahabol sa kanila. Nagpabaling-baling sa kung saan-saan ang tingin niya habang matindi ang pagkabog ng dibdib at tagaktak ang pawis. Dali-daling lumapit si Sage sa isang puno nang makitang may malaking espasyo roon. Kasya ang butas para itago ang dalaga. “Babalikan kita,” seryoso niyang saad dito. “Magtago ka roon.” Tinitigan lamang siya ng dalaga. Bakas dito ang matinding pagtataka. Ang akala niya'y hindi siya nito susundin ngunit kalaunan ay tumalikod ito at iika-ikang naglakad para makapagtago sa espasyong iyon. Nang makasigurado si Sage na hindi na ito makikita roon ay nakiramdam siyang muli sa paligid. Naging alisto siya sa paglalakad habang papalayo sa dalaga. Bawat sandali ay binabantayan niya. Umatras siya nang limang beses bago bumwelo ng takbo papaakyat sa punong nakayuko. Nang makarating sa itaas ng puno ay muli niyang pinagmasdan ang paligid. Ang kaliwang kamay ay nakahawak sa itaas ng sanga habang ang mata nama’y nasa paligid. Madilim at hindi kaagad makikita ng kahit sino ang ibabang bahagi ngunit nasanay na si Sage sa ganoong paraan ng pagmamanman. Parte na ng sikreto niyang trabaho na masanay na makiramdam. Iyon ang isa sa mga maipagmamalaki niyang talento. Sumingkit ang mga mata niya nang matanaw ang kalaban sa kaliwang bahagi. Sigurado siyang ito ang ang humahabol sa kanila kanina. Tinanaw niya rin ang kabilang bahagi ng lugar. May kalaban din doon at papunta sa kanyang direksyon. Ganoon na lamang ang kanyang pagngisi nang maintindihan ang nangyari. Mabilis na kinapkapan ni Sage ang sarili. Isa lang ang ibig sabihin kapag alam ni Helga ang lugar na kinalalagyan niya—kinabitan siya nito ng tracking device. Hanggang sa kagulo-duluhan ng kanyang damit ay hindi niya pinalagpas. Hindi siya makakapante hangga't hindi niya nakakapkapan ang buong sarili. Doon niya nakita ang isang maliit na bagay na umiilaw. Ito ang tracking device na hinahanap niya. Itinapon niya iyon sa kung saan. “Napaghahalataan ka, Helga. Hindi ako tanga,” mahina niyang bulong. Kilala niya ang kalaban ng mga ate niya. Isa iyon sa mga rason kaya hindi siya nagpapakita kahit alam niya na ang nangyayari sa buhay ng mga kapatid. Kapag alam niyang maaaring magkrus ang landas nila ng mga kapatid ay mabilis siyang umiiwas. Mapangib din ang trabahong mayroon sila ng SAoA o si Six Aces of Ares. Kapag nalaman ng mga ito na nagtatrabaho siya sa organisasyon nila ay maaari siyang patigilin ng mga kapatid, lalo na ng Ate Violet niya. Hindi niya pwedeng iwan ang mga kaibigan. Siya ang tumatayong pinuno sa kanilang grupo. Alam niyang si Helga ang puno’t dulo ng paghihirap niya magsimula noong bata pa lamang. Isa ito sa mga dahilan kaya siya tumakas sa ampunan. Narinig niyang balak siyang ipapatay nito sa isang caretaker doon. Musmos pa lamang siya nang mga panahong iyon at hindi kayang ipagtanggol ang sarili. Ang pagtakas lang ang kaya niyang gawin dati. Ang sumunod naman ay sa isang laburatoryo. Doon niya nakilala sila Blaze. Narinig niya rin ang masamang balak ni Helga noong unti-unti siyang nagkakamalay. Pero katulad nang nauna, bigo siyang makita ang itsura nito. May takip ang mukha ni Helga at boses lang nito ang naririnig niya. Nabigo itong muli sa masasamang balak. Sa tulong ng organisasyong kinabibilangan nila ngayong magkakapatid ay nagawa nila ngayong tapatan ang mga kayang gawin ni Helga. Ang Belancia ang naging kakampi nila para malabanan ang kanyang tiyahin. Maraming tanong na kailangang mabigyan ng kasagutan. Maling-mali na inilapit ni Helga ang sarili sa kanila. Parang ipinain nito ang sarili sa isang malaking lion na nagugutom. Anumang oras, kung gugustuhin, pwede niyang sakmalin ang kanyang tiyahin. Ngunit katulad ng lion, naghihintay rin siya ng tamang pagkakataon. “Anong kailangan niyo sa akin?” tanong niyang muli kahit wala namang sasagot sa kanya. Isinampay ni Sage ang mga binti sa puno. Inipit niya ang mga paa roon upang makalambitin nang patiwarik. Nang malapit na ang kalaban ay dinakma niya ng dalawang kamay ang ulo ng asassin at hindi nagdalawang-isip na balian ito ng leeg. Narinig niya pa ang malakas na paglagutok niyon. Bumagsak ang pobreng kalaban sa lapag nang wala ng buhay. Wala siyang magagawa sa sitwasyon nila ngayon. Kailangan niyang protektahan ang sarili para sa mga taong umaasa sa kanya. Magkamali lang siya ng desisyon ay buhay nilang magkakaibigan ang malalagay sa panganib.  Muli niyang iniayos ang panimbang sa puno. Nang makita ang isa pang kalaban ay kaagad siyang tumalon paibaba. Mabilis ang naging pagkilos niya para sugurin ito. Siya ang unang sumuntok na nagawa naman nitong mailagan. Tumambling ang assassin na iyon papalayo sa kanya. Ganoon na lamang ang gulat niya sa pagbato nito ng dalawang magkasunod na patalim. Mahuli lamang siya nang kaunti ay maaari siyang magilitan ng leeg. Naging mas alisto pa si Sage nang ilabas ng kalaban ang espada na nakasukbit sa likuran. Dali-dali siyang umilag pakanan nang magtangka itong gamitin iyon sa kanya. Paulit-ulit ang naging pag-ilag niya dahil sa bilis ng pagkilos nito. Hindi niya mahulaan ang ibang paraan ng paggalaw nito dahil nag-iiba iyon ng direksyon. Tumagal sila sa ganoong senaryo sa loob ng ilang minuto. Napakaliit ng tyansa niya sa sitwasyong iyon dahil hindi niya maigalaw nang maayos ang kanang kamay. Tumama iyon sa matalim na bato sa may gubat habang patuloy ang pagtakbo niya at karga ang dalaga. Mukhang napasama ang pagtama niya kaya namamaga na ngayon at may sugat. Gamit ang kanang kamay at paa ay sinubukan niyang tisurin ang kalaban. Bahagya itong nawalan ng balanse ngunit hindi nagpatinag. Muli nitong iwinasiwas ang espada at may balak na tapusin na talaga siya. Bago pa man magawa ni Sage ang sunod na galaw ay nahinto na ang espada ng kalaban sa ere. Nanlalaki ang mga ng kalaban habang nakataas ang dalawang kamay. Gulat itong lumingon sa likurang bahagi  kasabay ng pagbulwak ng dugo sa bibig. Habang dahan-dahang bumabagsak ang assassin na iyon ay unti-unti niya ring naaaninag ang dalaga. Sinubukan pang pigilan ng assassin ang pagtumba sa pamamagitan ng pagtukod ng espada sa lupa ngunit dahil vital point nito ang tinamaan ay tuluyan ding bumagsak noong huli. Muling nabaling ang tingin ni Sage sa dalaga. Kumunot na naman ang noo niya nang makita ito. Paika-ika ang paglalakad ng dalaga habang papapalapit sa kanyang direksyon. Tuluyan niyang nakita ang itsura nito nang masinagan ng buwan... May mantsa ng dugo ang jacket na suot nito. Ang mukha ay may tilamsik din ng dugo habang ang mga mata ay lumuluha. Tila isang itong bata na nagpapasaklolo sa kanya nang mga sandaling iyon. “S-sabi mo... magtago ako. Nakita niya ako... nakita niya ako...” tulalang saad nito. Muling tumulo ang luha ng dalaga. Tila may gripong nakakabit doon dahil ganoon na lamang ang sunod-sunod na pag-agos niyon. Pulang-pula ang pisngi nito dahil sa kakaiyak. Napakagulo rin ng buhok nito. “A-anong nangyari?” tila may bara sa lalamunang tanong niya rito. “Napatay ko siya. Hindi ko sinasadya... dinepensahan ko lang ang sarili ko. May gagawin siyang masama sa akin, Sage...” saad nito habang tulala. “Hindi mo kasalanan, Alluka.” Tinatapik pa ng dalaga balikat habang papalapit sa kanya. Kinakausap rin nito ang sarili. Tila iyon ang paraan nito upang pagaanin ang nararamdaman. “Hindi mo kasalanan, Alluka.” “Alluka?” tanong ni Sage rito. Alluka ang pangalan niya? “Hindi ko kasalanan ‘di ba, Sage?” tila bata nitong tanong sa sarili. Puno iyon ng pagsusumamo. “Di ba?” “Hindi mo kasalanan, Alluka,” saad ng binata kahit naguguluhan. Anong mayroon sa mga mata nito? Bakit parang nahihipnotismo siya? Iyon ang kauna-unahanag pagkakataon na binanggit niya ang pangalan ng dalaga. “Ginawa mo iyon para ipagtanggol ang sarili mo, Alluka,” seryosong nakatingin si Sage sa malungkot nitong mga mata. “Natulungan kita ngayon,” iyon na yata ang pinakamalungkot na ngiting nakita niya. Tila wala sa sarili si Alluka. Kausap niya ito ngunit magulo ang isipan nito. “Nailigtas kita. Wala na akong utang...” “Oo,” iyon lang ang tangi niyang naisagot habang hindi inaalis ang tingin dito. Isang malaking palaisipan sa kanya ang dalaga. Hindi niya alam ang dahilan ng tadhana kung bakit siya inilapit dito. Kung anuman ang pinaplano ni Helga ay dapat siyang maging handa. Kailangan niyang malaman sa madaling panahon kung kaaway o kakampi ang dalaga. Hindi siya maaaring mapalapit dito hangga’t hindi niya nalalaman ang sagot sa mga katanungan niya. Nang tuluyang makalapit sa kanya ang dalaga ay ngumiti itong muli... Ngunit iba iyon sa nauna. Umaabot na iyon sa mga mata ng dalaga. Sa tulong ng liwanag ng buwan ay malaya niyang napagmamasdan ang maamong mukha nito na napakailap sa mata ng kahit na sino. Ang kulay kapeng mga mata ni Alluka ang dahilan para lalo siyang malunod sa tingin ng dalaga. Ganoon na lamang ang pagtataka niya nang unti-unti iyong sumasara. Bago pa man ito bumagsak sa lupa niya ay naging mabilis ang pag-aksyon ni Sage. Nasalo niya kaagad ang dalaga. Hindi niya maitatanggi na labis ang pag-aalala niya rito nang mga sandaling iyon...      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD