Chapter 11: Tawag ng Pera

1610 Words
TONIO Paano ako nagkaroon ng lakas ng loob na halikan ko siya? Dala lang ba ng gigil ko sa kanya o dahil napakaganda talaga niya sa paningin ko? Napasandal siya sa pader. Hindi niya mabuka ang bibig niya. Kitang-kita ko sa nakapikit niyang mga mata na hindi siya sanay sa ganito. Baka nga yata unang halik pa niya ako. Hindi ko na mababawi ang ginawa ko. Nakalapat na ang mga labi ko sa kanya. Paninindigan ko na. Suminghap siya. Hinawakan niya ang mga pisngi ko at pagkatapos ay sinampal ako. Nagulat ako. --- CAMILLA Ganito ba? Ito ba ang sinasabi nilang romantiko sa mga palabas? Ramdam ko ang gaspang ng tumutubo niyang bigote sa ibaba ng ilong ko. Sumisinghap siya at dumadampi iyon sa mga pisngi ko. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Litong-lito ang katawan ko. Mainit. Malamig. Mainit. Ano ba ito? Hindi ko mabuksan ang mga mata ko! Ano ba’ng dapat kong gawin? Hindi ko kaya. Mahihimatay ako sa init. Humawak ako sa mga pisngi niya. Nasisikipan ako sa posisyon namin. Tinutulak ko siya pero lalo niya akong iniipit. Ayun, sinampal ko. Nagulat kaming pareho. Mabilis ang paghinga ko at maiikli. Naamoy ko ang kanyang pabango. Napakalapit ng kanyang katawan sa akin. “T-Tonio, sorry… Cheers.” Nasambit ko. Tumingin siya sa hawak kong beer. Hinimas niya ang batok niya at inumpog ang hawak niyang bote sa alak ko. Humakbang siya palayo sa akin. Nanghina ang mga tuhod ko. Pakuba kong kinapa ang tabla ng bangko para makaupo. Sinundan niya ako at umupo sa kabilang dulo. Hindi ako makapagsalita. Tumingin ulit ako sa kanya at sinalubong niya ako ng pangungusap. “Sorry din.” Pakli niya. Tumango ako. Tumitig ako sa beer. Nilagok ko ito ng wala sa oras. Ang pait! “Nyaaaahhaaa!” Bulalas ko. Natawa siya sa aking reaksyon. “Ganito kasi ang tamang pag-inom. Tignan mo ako.” Utos niya. Tinaas niya ang bote. Inobserbahan ko kung paano niya inumin ang laman. Parang kinontrol niya ang agos ng alak sa kanyang bibig. Sinundan ko ang mabagal niyang paglagok. Dumaloy ito mula sa kanyang nakakaakit na panga, papunta sa kanyang lalagukan hanggang sa ibaba ng kanyang leeg. Bigla akong napayuko. Iba ang naramdaman ko. Nag-iinit ang pisngi ko. “Kuha mo na?” Tanong niya. “Oo, kuy—Tonio.” Sagot ko. Ngumisi siya. “Oh ngayon, lalaki na ang tingin mo sa akin?” Tumango ako ng may hiya. “Ulitin natin kung gusto mo.” “Heee!” Sigaw ko. Tinawanan niya ako. Nag-ring ang cellphone ko. Tinatawagan na ako ni Ma’am Lerma. Napatayo ako ng mabilis. Hindi na ako nakapagsalita at naituro ko na lang ang pintuan sa likod ng bar. Tumayo rin si Tonio at kinuha ang hawak kong beer. “Huwag kang papasok ng may beer. Lagot ka. Akin na ito. Ako na ang bahala.” Wika niya. “Salamat.” Tugon ko. “Saan? Sa halik?” “Hindi! Sa alak.” “Okay. Walang problema. Sige na.” Pagpasok ko sa bar ay kaagad akong pumunta kay Ma’am Lerma. Nakahawak siya sa balakang niya at parang nangawit yata sa kakatayo. “Nagbago na ang isip ko. Ikaw na lang pala ang magkahera. Hindi bagay sa beauty ko. Matanda na kasi.” Biro niya sa akin. Nagpasalamat ako sa pansamantalang pahinga na iginawad niya sa akin. Hinila niya ang isang mataas na upuan at tumabi sa kinatatayuan ko. Pinagmasdan niya ako ng mabuti. “Baligtad ka, ano? Kapag nakakainom ka pala, namumutla ka.” Wika niya. Tumawa ako. “Hindi ito dahil sa alak, Ma’am. Nahalikan lang kasi ako. At hindi ako makapaniwalang ang taong pinagpapantasyahan ng mga kababaihan dito ang nakauna sa akin.” Bulong ng isip ko. --- Nasaid ang utak ko sa dami ng kinita namin ngayong gabi. Ang dami kong binilang na pera. Dumagdag pa ang napakahabang mensahe ni Nanay sa akin. Malapit na daw ang pagsusulit ng dalawa kong nakababatang kapatid at kailangan na nilang magbayad. Medyo malayo pa ang araw ng sahod. Nahihiya naman akong bumale kay Ma’am Lerma at kaka-absent ko lang kahapon. “Camilla, oh paano? Ikaw na ang bahala, ha? Uuwi na ang lola mo. Dumadami na naman ang wrinkles ko sa puyat.” Habilin ni Ma’am Lerma. “Opo, Ma’am. Pasensya na po ulit kahapon. Hindi na mauulit.” Sagot ko. “Hay naku. Ganoon talaga. Hindi naman tayo robot. Basta huwag mong kalimutang uminom ng vitamins tsaka gatas para malakas ang katawan mo kahit na napupuyat ka araw-araw.” Tumango na lang ako. Kulang pa nga sa pang-matrikula ng mga kapatid ko ang hawak kong pera ngayon, bibili pa ako ng vitamins. Ano na lang ang matitira sa akin? Lumapit si Ma’am Lerma sa akin at binulungan ako. “Isara mo ang pintuan mamaya kapag nilagay mo ang pera, ha? Para walang makakita sayo kapag ipinapasok mo na ang kinita natin. Bukas pa darating ang bangko para mag-pick up. Ipinapaubaya ko na ‘yan sayo.” “Opo, Ma’am. Ingat po kayo sa pag-uwi.” Sagot ko. Nagkunwari akong may inaayos sa bar counter nang makalabas na si Ma'am Lerma. Titiyakin ko munang walang nakakapansin sa akin bago ako tutungo sa kuwarto ng lalagyanan ng pera. Nang makapagbihis na ang mga entertainers namin ay kumpulan muna silang nagtsismisan. Nakakuha ako ng tiyempo at palihim akong pumuslit papunta sa vault. Isinara ko ang pintuan. Mabilis kong pinihit ang kumbinasyon ng mga numero ng vault ni Ma’am Lerma. Tumunog ito at bumukas. Ilalagay ko na sana ang kinita naming mahigit sa dalawampung-libong piso nang makita ko ang makapal na basta ng malulutong na tig-sisingkwenta pesos sa loob. Nagkakahalaga ito ng sampung libong piso. Napakadaling isinop sa bulsa. Hinawakan ko ito at hinaplos. Ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko ang magnakaw. Pero kung tutuusin, hindi naman binibilang ni Ma’am Lerma ang kita sa bawat araw. Naghihintay lang ito ng ulat kung magkano ang nai-bangko sa tuwing may nagpi-pick up. Kung kukunin ko man ito ay hindi na niya mamamalayan. Naisip ko ang mga kapatid ko. Naranasan ko ang magbaon ng nilagang okra sa eskwelahan dahil wala kaming sapat na pera. Naglalaro sa isip ko ngayon kung ano ang hitsura ng nanay ko dahil sa problema sa pang-matrikula ng mga bata. Napahawak ako ng mahigpit sa basta ng pera. Abot-kamay ko ang kasagutan sa problema ko. Napakalapit ng tukso. Umiling ako. Pinalaki man akong kapos sa buhay, binusog naman ako ng mga magulang ko ng tamang pag-uugali. Hindi tama ang magnakaw. Binaba ko ulit ang pera. Inayos ko ang kumpol ng mga ito sa loob ng vault. Isasara ko na sana ito nang makarinig ako ng boses sa likuran. “Pssst! Camilla!” Napabalikwas ako sa gulat. Kaagad kong naisara ang vault sa takot ko na baka may makakita sa laman. Buwisit! Nakalimutan kong mag-lock ng pinto. “A-Ate!” Taranta kong tugon. Napako ang mga mata ni Violet sa vault. Nalaglag ang kanyang baba. Tiyak ko na mabilis ko itong naisara pero mukhang nakita niya ang laman ng lalagyan ng yaman. “Ate! Bawal ka dito!” Sambit ko. Takot ako kay Violet. May mga pagkakataong tinatrato niya ako bilang kapatid pero may mga tagpo din akong nakakaranas ng lupit niya sa pagsasalita. Kaya kahit na nanginginig ako ngayon ay pinilit ko ang aking sarili na pagbawalan siya dahil malaki ang tiwala sa akin ng aking amo. “Ano ka ba, wala namang ibang tao dito.” Nakangiti niyang sambit. Humakbang siya papasok at tinulak ko siya palabas. “P-Parang awa mo na ate, labas na tayo. Mawawalan ako ng trabaho!” “Ay—teka—teka lang, Magkano ang laman ng kaha ngayon? Magkano ang kinita natin?” “Ateeee…” Huminto sa paggalaw si Violet. Tinitigan niya ako sa mata. Hinaplos ko ng banayad ang kanyang braso para magmakaawa. Suminghap ito at kumurap. “Okay, okay. Sorry.” Sagot niya. Bumitaw ako sa kanyang braso. “Mauna na ako. Nandiyan na si Roger.” Usal niya. “Sige, ate. Ingat kayo.” Sagot ko naman. Napaupo ako sa semento nang makaliko na siya pabalik sa loob ng bar. Naubusan ako ng lakas. Iba talaga si Violet kung makatitig. Sa tuwing ginagawa niya iyon sa akin, pakiramdam ko ay kinamumuhian niya ako. Pinagpawisan ako ng malagkit doon. Dahan-dahan akong tumayo. Ni-lock ko ang pinto. Sumulyap ako sa kisame. May tatlong CCTV cameras dito. Sana lang talaga ay hindi ito mapansin ni Ma’am Lerma. Ayokong madawit sa gulo. Hindi ako puwedeng mawalan ng trabaho. Kawawa ang mga kapatid ko. Pagbalik ko sa loob ng bar ay sina Tonio at mangilan-ngilang mga bouncers na lang ang nakaupo. Wala na ang mga babae. Nag-iinuman sila dito. Kinuha ko ang bag ko sa counter. Hindi ko alam kung lalabas ba ako sa harapan ng bar o sa likod na lang ako dadaan. Nahihiya kasi akong makipag-usap sa mga lalaki, pero naiisip ko kasi ang sinabi kanina ni Tonio. Ang sabi niya ay sabay kaming uuwi, pero mukhang napasarap siya sa pakikipagkuwentuhan. Sumenyas ako kay Mang Vic para sabihan siyang sa likod ako dadaan. Nilapitan naman niya ako at hinatid. Kailangan kasi niyang i-lock ang pinto doon. Paglabas ko ng bar ay kaagad akong sumulyap sa may waiting shed—nagsi-uwian na ang mga tricycle drivers. “Tsk. Nakakatakot pa man ding maglakad ng mag-isa…” Bulong ko. Humawak ako ng mahigpit sa bag ko. Payapak ako palayo sa bar nang may kumapit sa braso ko. “Ang tigas talaga ng ulo mo. Ang sabi ko kanina ay sabay tayo, diba?” Usal ni Tonio. Napatitig ako sa kanya. May pamumula na ang pisngi at leeg. Mukhang napadami yata ng inom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD