CHAPTER 1
“Ma!”
Nabitawan ko ang mga librong yakap yakap ko at mabilis na dinaluhan si mama nang matumba ito sa kalsada dahil sa pagkakatulak ni papa sa kanya.
“Aly, pumasok ka na sa loob ng bahay!” Mariing utos ni papa sa akin.
“Pero, pa-“
“Pasok!” sigaw niya habang nakaturo sa aming bahay ang kanyang nanginginig na kamay.
“Ma…” Halos mag makaawa ako kay mama. Gusto kong pigilan n’ya akong ‘wag lumayo sa kanya ngunit nakayuko lang s’ya at kahit isang patak ng luha sa kanyang mga mata ay wala akong nakita.
“Aly!” sigaw ulit ni papa sa akin.
Dahan dahan akong tumayo. Umaasang pipigilan niya ako ngunit bigo ako. Unti unti akong humakbang papasok habang na kay mama pa rin ang mga tingin ko, umaasang titingin rin siya sa akin pabalik ngunit sa ikalawang pagkakataon ay nabigo ako.
“H’wag ka ng umasa, Aly.”
Hilam sa luhang nilingon ko si papa. Napahikbi ako nang makita ko ang sakit sa kanyang mga mata. Nang tuluyan akong makapasok sa loob ng gate ay isinara na rin ni papa iyon. Walang lingon-likod na pumasok si papa sa loob ng bahay. Sumunod ako sa kanya papasok at sa huling pagkakataon ay nilingon ko si mama sa labas.
“Isara mo na ‘yan,” ani papa sa akin.
Nasundan ko na lang siya ng tingin habang paakyat na sa itaas. Isinara ko ang pintuan at nagmamadaling umakyat sa aking kwarto para doon silipin si mama. Nakita kong pinupulot na niya ang mga damit niyang nagkalat sa kalsada.
Maya maya pa ay may humintong sasakyan sa kanyang harapan at bumaba ang isang lalaki. Sumakit ang puso ko at hindi napigilan ng aking mga luhang kusang maglandas sa aking magkabilang pisngi.
Kitang kita ng dalawang mata ko kung paano siya niyakap ng lalaki at yumakap siya pabalik. Doon ko lang din siya nakitang umiyak. Sa bisig mismo ng lalaking iyon.
Kalaunan ay umalis rin ang sasakyan lulan silang dalawa. Ni hindi man lang lumingon si mama sa huling pagkakataon.
Napahawak ako sa aking dibdib at mahigpit na nilamukos ang aking damit. Sobrang sakit ng puso dahil ni hindi man lang niya ako naisip. Parang wala s’yang anak na masasaktan sa ginawa niya. Sarili lang n’ya ang iniisip n’ya!
Napakislot ako sa aking kinatatayuan nang marinig ko ang ingay sa kwarto nila papa. Dali dali akong lumabas ng aking kwarto nang makarinig muli ng pagkabasag.
“Pa!” Sunud sunod ang naging pagkatok ko sa pintuan. “Papa!”
Itinulak ko ang pintuan at laking pasalamat ko dahil bukas naman pala iyon. Parang sinaksak ng paulit ulit ang aking puso nang makita ko sa isang sulok si papa nakayuko habang nanginginig ang magkabilang balikat dahil sa pag iyak.
Nakita ko ang mga basag na pigurin at salamin na nagkalat sa sahig. Nagkalat rin ang mga gamit dahil sa pagwawala niya kanina lang.
“Papa…” Unti unti akong lumapit sa kanya at marahan siyang niyakap. “Kakayanin natin ‘to ‘di ba? Kaya mo ‘to. Kaya nating dalawa ‘to!” Nanginginig ang boses na wika ko.
Wala akong narinig mula kay papa at tanging pag iyak lang niya ang pumuno sa loob ng kwartong iyon.
Ni sa hinagap ay hindi sumagi sa aking isipan na makakakita ako ng ganitong sitwasyon. At sa mismong pamilya ko pa. Sa mismong mga magulang ko pa! Ang masakit pa ay si mama pa ang nagloko sa kanilang dalawa.
Sa araw araw na dumadaan ay kitang kita ko ang malaking epekto ng pagkawala ni mama sa buhay namin. Naging tahimik na ang dating masayahing tatay ko. Natuto na rin siyang uminom na dati naman ay hindi niya ginagawa.
“Pampatulog lang, anak.”
Iyon ang laging sagot niya sa akin sa tuwing makikita ko siyang umiinom. Masakit rin sa akin ang ginawa ni mama kaya sa tuwing nakikita ko si papa na hawak ang bote ng alak ay hinahayaan ko na lang dahil kahit ako ay gusto ko ring makalimot. At alam ko na iyon lang ang alam niyang paraan para kahit paano ay makalimutan si mama.
Isinubsob ko na lang rin ang aking sarili sa pag aaral. Bahay eskwela na ang naging routine ko simula ng mawala si mama. Ako ang nag aasikaso sa bahay at nagluluto. Iyon man lang ay mabawasan ang bigat na pinapasan ni papa.
“Hindi madali ang maging isang ina at ama ng tahanan. Ngunit lahat iyon ay kinaya mo. Itinaguyod mo ako ng mag isa at nararapat lang na akin iyong suklian. Para sa iyo ang medalya at diplomang ito papa. Mahal na mahal kita higit at sobra sobra. Ako po si Fritz Alyjoe Carreon. Validectorian for this school year2023-2024!”
Bumaba ako ng stage at agad yumakap kay papa nang salubungin niya ako. Isinabit ko sa kanyang aking mga medalya at ibinigay ang aking diploma.
“Congratulations, anak!”
“Hindi, pa. Congratulations sa ‘yo. Sa ating dalawa dahil nakaya natin,” wika ko.
Anim na taon na rin ang lumipas. At sa anim na taon na iyon ay parang nakasakay ako sa roller coaster dahil sa mga naging pangyayari sa buhay ko. Naging mahirap kasi para kay papa ang unang taon nang iwanan kami ni mama. Nagtangka pa nga siyang magpakamatay noon. Mabuti na lang at nakaligtas siya, doon rin ako nag break down na naging dahilan rin siguro kaya siya nagising sa reyalidad.
Naging maayos rin ang buhay namin ng paunti unti simula noon. Mas naging maginhawa pa iyon ng ma-promote siya sa trabaho. Mahirap ang magtaguyod ng anak lalo at mag isa ka lang. Ngunit kinayang lahat iyon ni papa.
At ipinangako ko sa aking sarili na kapag nagkapamilya ako sa future hinding hindi ako gagaya kay mama. Hinding hindi ko ipagpapalit ang masaya at buong pamilya ko sa kahit na ano o sa kahit na sino.
Simula rin nang umalis si mama ng araw na iyon ay wala na rin akong naging balita sa kanya. At ayaw ko na ring alamin pa. Hinding hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niyang pagsira sa pamilya namin.