C02: Paghanga

1974 Words
Chapter 02 Ann Lorraine YUMUKO ako agad at hinawakan ang pulso ng lalaki. Nanginginig pa ang kamay ko habang hinahanap ko kung may buhay pa siya. Ilang segundo akong nakatutok lang sa paghahanap, halos hindi humihinga, hanggang sa may maramdaman akong mahina pero malinaw na t***k. “May pulso pa,” sabi ko agad, medyo lumakas ang boses ko. “Buhay pa siya.” Napatingin sa akin ang mga lalaki sa paligid, naghihintay ng sasabihin ko. “Buhatin niyo siya. Dalhin natin sa kubo namin. Dali.” Wala nang nagtanong. Agad silang kumilos. Maingat nilang binuhat ang lalaki kahit halata sa katawan nito na bugbog at sugatan. Kita ko malapitan ang mga paso sa balat niya, pati ang dugo na natuyo na sa gilid ng ulo niya. Hindi ko alam kung anong nangyari sa kanya. Pero alam kong hindi ito simpleng aksidente lang. Mabilis kaming naglakad pabalik sa kubo. Ramdam ko ang mga mata ng mga tao sa likod namin, may kaba, may curiosity. Hindi naman kasi normal na may ganitong mapadpad sa isla namin. Pagdating namin sa kubo, agad nilang inilapag ang lalaki sa papag na gawa sa kawayan. Huminga ako nang malalim at agad na kumilos. “Kumuha kayo ng tubig. Malinis,” utos ko. “At tela kung meron.” May tumakbo agad palabas. Lumapit ako sa lalaki at tinignan ang sugat niya sa ulo. Malalim. Kailangan linisin agad. “Gagamutin kita,” mahina kong sabi kahit hindi naman siya nakakarinig. “Huwag kang bibitaw.” Pagbalik ng tubig, agad kong nilinis ang sugat niya. Maingat pero mabilis, kahit hindi ako sanay sa ganito. Napapangiwi ako tuwing nakikita ko ang dugo pero pinipilit kong hindi magpakita ng takot. Sunod kong hinanap ang mga bote ng gamot na meron kami. Iilang piraso lang, galing pa sa huling punta namin sa bayan. Inayos ko sila sa tabi ko, pero doon ako napahinto. Hindi ko maintindihan. Nakatingin lang ako sa mga label. Mga letra na hindi ko mabasa nang maayos. Kilala ko lang yung iba sa itsura, sa kulay, pero hindi ako sigurado kung alin ang para sa sugat, alin ang para sa paso. “Isip ka Lora,” bulong ko sa sarili ko, ramdam ang frustration. “Alin dito…” Hindi ako nakapag-aral. Hindi ko naranasan pumasok sa eskwelahan dahil sobrang layo ng pinakamalapit na paaralan halos tatlong oras ang biyahe sa dagat. At hindi iyon kaya ng pamilya namin noon. Hanggang ngayon, hirap pa rin ang buhay dito sa Isla, kahit kuryente at malinis na tubig ay wala kami. Pupunta pa kami sa isa pang Isla para kumuha ng malinis na tubig. Pangingisda ang ikinabubuhay namin, at kung makakapunta man sa bayan, minsan lang sa isang taon kung may sapat na kita. Kaya ngayon, nakatitig lang ako sa mga bote, hindi sigurado kung anong gagawin. “Lora!” Napalingon ako sa boses na iyon na pamilyar. Halos sabay-sabay napalingon ang mga tao sa labas ng kubo. May pumasok at parang tumigil ang lahat. “Tiyo?” mahina kong sabi, hindi makapaniwala. Nakatayo sa may pintuan si Tiyo Ricardo. Limang taon na mula nang huli ko siyang makita. Galing siya sa Maynila, at sa buong isla, siya lang ang marunong magbasa nang maayos. Kaya naman agad siyang pinalibutan ng mga tao, parang matagal nang sabik makita siya. “Tiyo, ikaw ba talaga ‘yan?” lumapit ako agad sa kanya. Ngumiti siya ng bahagya pero halata ang pagod sa mukha niya. Pero napansin ko agad. May sugat siya. Sa braso. Sa gilid ng leeg. Hindi malalim pero halatang sariwa. “Later na ‘yan,” sabi niya agad nang mapansin niyang tinititigan ko ang sugat niya. “Anong nangyari dito?” Tinuro ko ang lalaki sa papag. “May nakita sila sa dalampasigan. Buhay pa pero mahina na. Hindi ko alam kung anong gamot ang gagamitin.” Mabilis siyang lumapit sa tabi ko at tinignan ang mga bote. “Okay, I got this,” sabi niya, kinuha ang isa at binasa. “Ito, panglinis. Ito, para sa paso. Ito huwag mong gagalawin, hindi ‘to para dito.” Napabuga ako ng hangin, parang ngayon lang ako nakahinga nang maayos. “Tiyo, kaya pa ba niya?” tanong ko, hindi maalis ang tingin ko sa lalaki. Saglit siyang tumahimik habang chine-check ang sugat. “Kung hindi siya susuko, kakayanin,” sagot niya, diretso. “Pero kailangan natin siyang bantayan.” Napatingin ako sa mukha ng lalaki. Hindi ko siya kilala. Pero ramdam ko, simula pa lang ito ng mas malaking gulo na hindi namin inaasahan sa isla namin. Sa tulong ni Tiyo Ricardo, mas maayos kong nalinis ang sugat ng estranghero. Siya ang nagbasa ng mga label, siya ang nagsabi kung alin ang gagamitin, at ako taga sunod lang. Mas naging kalmado ang kamay ko habang pinupunasan ang dugo sa ulo ng lalaki, kahit may kaba pa rin sa dibdib ko. “Dahan–dahan lang,” sabi ni Tiyo habang nakatutok ang tingin sa sugat. “Malalim ‘yan. Huwag mong idiin.” Tumango ako at sinunod siya. Nang matapos namin linisin ang ulo at mga sugat sa katawan niya, saka ako kumuha ng malinis na damit na puwede naming ipalit. “Kailangan palitan ‘to,” sabi ko habang hinahawakan ang basang damit ng lalaki. Tumango si Tiyo. “Go. Bilisan mo.” Kumuha ako ng gunting at dahan-dahang ginupit ang damit ng estranghero. Basa pa, sunog sa ilang parte, at may mga bahid ng dugo. Isa-isa kong tinanggal habang pilit kong iniiwasan na masaktan siya kahit wala naman siyang malay. Pero habang ginagawa ko iyon, hindi ko maiwasan mapatitig. Hindi ko napansin agad. Hanggang sa mapansin ko na lang na matagal na akong nakatitig sa kanya. Sa mukha niya. Sa katawan niya. Kahit may mga sugat siya at paso, hindi matatakpan noon kung gaano siya kagandang lalaki. Hindi siya tulad ng mga lalaking kilala ko sa isla. Tan ang balat niya pero makinis, walang marka ng hirap sa pangingisda, walang galos na karaniwan sa amin. Ang katawan niya solid, halata ang muscles kahit hindi niya igalaw, parang sanay sa training, hindi sa paghila ng lambat kundi sa pageehersisyo. Napalunok ako. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng ganitong ka perpekto na lalaki. “Lora.” Napakislot ako sa boses ni Tiyo. Matigas. “Huwag mo siyang titigan nang ganyan,” dagdag niya, hindi man lang tumitingin sa akin. “Focus ka sa ginagawa mo.” “Ah… oo,” mabilis kong sagot, umiwas ng tingin. Pero ramdam ko ang init ng mukha ko. Ilang segundo pa, natapos ko rin tanggalin ang itaas niyang damit. “Tiyo…” mahina kong tawag. “Enough,” putol niya agad, this time tumingin na siya sa akin. “Lumabas ka muna.” Napatigil ako. “Ha? Bakit?” “Ako na sa pantalon at underwear niya,” sagot niya, diretso. “Hindi mo na kailangan makita pa ‘yon.” Mas lalo akong napahiya. “O-okay,” sagot ko agad, sabay tayo. “Magluto ka na lang,” dagdag niya habang inaayos ang damit ng lalaki. “May dala akong kahon. Nasa tabi ng mesa. May delata at noodles doon.” Biglang napunta ang atensyon ko doon. “Talaga?” hindi ko napigilan ang excitement sa boses ko. Bihira lang kami makakain ng ganoon. Madalas isda lang, minsan gulay kung may makuha. Ang delata at noodles, parang treat na iyon sa amin. Tumango si Tiyo pero hindi na ngumiti. “Oo. Bilisan mo.” Agad akong lumapit sa kahon. Pagbukas ko, totoo nga. May ilang lata, mga noodles sa loob at iba pa. “Wow,” bulong ko sa sarili ko, hindi maitago ang saya. Pero may isa pang bagay na bumabagabag sa isip ko. “Tiyo,” tawag ko habang nagsisimula nang maghanda ng lulutoin. “Bakit ka biglang umuwi? Akala ko matagal ka pa sa Maynila.” Hindi siya agad sumagot. Napatingin ako sa kanya. Nakatayo lang siya doon, nakatalikod sa akin, parang nag-iisip. Ilang segundo ang lumipas bago siya nagsalita. “Nawalan ako ng trabaho,” sabi niya, mababa ang boses. “Kaya ako umuwi. Magtatagal ako dito.” Napatigil ako sa ginagawa ko. “Ha? Bakit? Anong nangyari—” “Lora.” Putol niya agad sa tanong ko.Matigas ulit ang tono niya. “Huwag ka nang magtanong ng marami,” dagdag niya. “Magluto ka na. Kailangan nating kumain.” Tahimik akong tumango kahit hindi niya ako nakikita. “Okay,” sagot ko. Pero habang nagluluto ako, hindi mawala sa isip ko ang dalawa. Yung estrangherong lalaki sa loob. At si Tiyo. Pareho silang may sugat. Saan kaya galing ang mga sugat ni Tiyo? HABANG hinahalo ko ang niluluto, narinig kong nagsalita ulit si Tiyo mula sa loob. “Nasaan ang nanay mo?” Hindi na ako lumingon, tuloy lang sa ginagawa ko. “Maagang umalis. Pumunta sa kabilang isla. Mangunguha ng tuyom. Baka mamayang gabi pa makabalik.” Tumango lang siya. Narinig ko ang paggalaw niya, parang naupo siya sa tabi ng estranghero. Hindi ko napigilan ang sarili ko, napatingin ulit ako. Nakahiga pa rin ang lalaki sa papag. Walang galaw. Pero kahit ganoon, hindi pa rin maalis sa paningin ko kung gaano siya kakaiba sa mga taong nakasanayan ko dito. Gwapo talaga siya. Hindi ko alam kung saan nanggaling, pero sigurado ako hindi siya taga rito. Hindi ganito ang itsura ng mga lalaking araw-araw nasa dagat. Hindi ko napansin na matagal na pala akong nakatitig sa lalaki. “Lora.” Napabalik ako sa sarili ko. Nakatayo na si Tiyo, nakatingin sa akin, matalim ang tingin. “Huwag kang tumitig nang ganyan,” sabi niya, diretso. “At huwag kang magkakagusto diyan.” Napakunot ang noo ko. “Tiyo—” “Hindi ka niya magugustuhan,” putol niya agad. Walang preno ang salitang lumabas sa bibig niya. “Tignan mo siya. Sa itsura pa lang, halatang mayaman ‘yan. Educated. Iba ang mundo niyan.” Napahigpit ang hawak ko sa sandok. “Samantalang ikaw,” tuloy niya, malamig ang tono, “kahit kinder hindi mo natapakan.” Parang may malaking kamay na sumampal sa akin. Napatingin ako sa kanya, hindi makapaniwala. “Grabe ka naman magsalita, Tiyo.” “Real talk lang,” sagot niya, walang emosyon. “Mas mabuting malaman mo agad.” “Hindi mo naman siya kilala,” sagot ko, this time mas matigas na ang boses ko. “Kung makapagsalita ka parang alam mo kung sino siya.” Hindi siya sumagot agad, pero hindi rin siya umiwas ng tingin. Huminga ako nang malalim bago ako nagsalita ulit. “At saka, hindi ibig sabihin na hindi ako nakapag-aral, wala na akong alam.” Bahagya siyang napakunot ng noo. “May pumupunta dito sa Isla bago lang,” dagdag ko. “Once a month. Magtuturo daw siya sa mga bata. Kasama ako doon at ngayon interesado na akong matuto, ” Tumahimik siya. Pero hindi pa ako tapos sa gusto kong sabihin. “Hindi porket mahirap kami, wala na kaming kayang gawin,” sabi ko, dire-diretso. “At hindi mo kailangang ipamukha sa akin ‘yon.” Ilang segundo siyang hindi nagsalita. Tapos bigla siyang umayos ng tayo, mas tumalim ang tingin niya. “Sino?” Napakunot ang noo ko. “Ha?” “Sino ang nagtuturo?” ulit niya, this time mas madiin. “Sino ang pumupunta dito every month?” Parang may kakaiba sa boses niya. Hindi lang curiosity. Parang may halong hindi pagsang–ayon. Napatingin ako sa kanya nang mas mabuti. “Bakit?” “Sagutin mo ako, Lora,” sabi niya, mababa pero may diin. Lalong kumunot ang noo ko. Hindi ko alam kung bakit biglang nagbago ang tono niya. Pero isang bagay ang sigurado. May hindi siya sinasabi. At pakiramdam ko, konektado siya sa lalaking nakahiga sa papag. Wala akong pinag–aralan, oo, pero matalas ang pakiramdam ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD