BUNSO

2245 Words
CHAPTER 4  (DALAWA ANG NAGKUKUWENTO, DOON SA TATLONG UNANG BAHAGI, POINT OF VIEW IYON NI BREANA AT DITO AY KAY ARWIN PARA HINDI MALITO, MAINAM NA TIGNAN MUNA KUG KANINONG POINT OF VIEW) Arwin's Point of View   "P're, parang namumukhaan na kita." lakas-loob kong tanong kahit pa nagdadalawang isip ako. Paano ko ba kasi makakalimutan ang bakas ng mukhang iyon? Dahil bagong salta sa team namin kaya mas may karapatan akong kilatisin siya. Kailangan kasi namin ng isang posisyon bilang guard pagkatapos magresign ang isa naming kasamahan sa aming koponan sa Philippine Basketball League. Kaninang ipinakilala sa akin ng aming Coach ay hindi sumagi sa isip ko na siya na nga iyon. Nang pangalawang tinitigan ko siya ay medyo naghinala na ako at nang tumagal pa ang patagong pagtitig ko sa kanya nang malayuan ay sigurado na ako, hindi ako puwedeng magkamali. Siya nga ito. "Nakikilala mo na ako?" tanong niya. Halata sa mukha niya ang halong saya at pagtataka. Ngunit may dating ang boses niya na parang binabaan lang niya. Hindi naman ako palapintas sa boses ngunit iba kasi sa kanya, halatang modulated. Tumango lang muna ako habang mas inigihan kong titigan siya. Ang mga mata niya, ang ilong at ang ngiti. Nagbago man ng bahagya ang lahat ng ito ngunit iyon pa rin kasi yung dating hitsura ng musmos na bata na kahit kailan ay hindi ko makalimutan na siyang dahilan ng aking mga paghihirap. Bumunot muna ako nang malalim na hininga bago ko sinagot ang unang tanong niya. "Oo kilala kita, p're." Yumuko ako. Gusto kong mawala yung kakaibang kabog sa dibdib ko. Napalunok muna ako saka ko muli siya tinignan sa kaniyang mga mata. "Brent... ikaw si Brent hindi ba?"   Kahit pa sigurado na ako na siya nga ang batang iyo  noon pero humiling pa rin ako sa Diyos na sana hindi siya. Gusto kong linlangin sana ang sarili ko. "Ako nga 'to! Natatandaan mo pa rin nga ako. Ikaw si Kuya Ar-ar, hindi ba?" Akmang yayakapin niya ako. Umatras ako. Pianaramdam kong hindi ko gusto, na umiiwas ako sa kaniya. Maamo ang kaniyang mukha, kung babae nga lang siguro siya, maganda. Wala kasing bigote at balbas. Makinis ang maputi niyang kutis at maayos ang panlalaki niyang gupit. Kaya lang hindi iyon ang aking nakikita. Nakadikit sa mala-anghel na mukhang iyon ang simula ng kalbaryo ng aking buhay. Siya ang dahilan ng mga mahihirap na pagsubok na pinagdaanan ko at ng aking pamilya. Aksidente man marahil ang nangyari ngunit hindi ko pa rin kayang tanggalin sa isip ko na siya ang puno't dulo ng malaking pagbabago ng aking buhay. Sa pagligtas ko ng kaniyang buhay ay buhay ko naman ang dumanas ng paghihirap. Kapalit ng pagtulong ko ay ang kamuntikan ding dahilan ng hindi ko pag-abot sa aking mga pangarap. "Kumusta na?” Buntong-hininga lang ang tugon ko. “Idol, antagal kong hinintay ang pagkakataong muli tayong magkita. Idol kaya kita noon pa.” “Talaga? Salamat,” maikli kong sagot. Nagsisimula nang kumulo ang dugo ko sa kanya. “Napakalakas kasi ng paniwala kong ikaw yan eh! Kahit nang napapanood pa lang kita sa TV, kahit noong madalas kitang makita habang naglalaro.” “Mabuti naman at naalala mo pa pala ako.” “Oo naman. Hindi lang kasi kita malapitan at matanong. Natatakot kasi akong mapahiya. Paano kung hindi nga ikaw 'yan?” “Paano mo nalamang ako nga ito?” “Yan,” itinuro niya ang balat ko, “Nang makita ko yung balat na korteng puso diyan sa baba ng dibdib mo, alam ko, sigurado akong ikaw nga si Kuya Ar-ar,” Hindi ako nakangiti. Seryoso ako. Malayo sa kanyang masayang mukha. "Sige, maghanda ka na p're. Mag-eensayo na tayo mamaya." pabulong iyon kasunod ng pagtalikod ko sa kaniya. "Pagkatapos ng laro natin baka puwedeng makapag-bonding din tayo. Kahit kape o kaya dinner kuya," pahabol niya sa akin. "Hindi mo ako kapatid. Huwag mo akong tawaging kuya." suplado kong baling sa kaniya. Sandaling naglaho ang ngiti sa kaniyang labi. "Eh, di idol! Hayon! Idol na lang!" "Ayaw kong tinatawag ako ng idol ng kasama ko sa team. Hindi kita fan. Kasamahan kita." Hindi ko na siya nilingon. Nanatiling kunot ang aking noo, salubong ang kanyang kilay. "Eh, ano? Anong gusto mong itawag ko sa’yo?" pahabol niyang sigaw. "Ano bang tawag ko sa'yo kanina?" "Pare?" Huminto ako. Nilingon ko siya. "Oo, pare." "Binata pa naman ako't walang anak at wala din akong inaanak na anak mo? Bakit pare?" Alam kong diskarte lang niya iyon para humaba pa ang usapan. "Pare kasi ang tawagan naming lahat sa team. Iyon din ang gusto kong itawag mo sa akin." Malamig kong litanya bago ko binalikan ang locker ko para magsuot ng sapatos. “Ngayon, kung may problem aka sa pare, pwede kitang tawaging mare. Kung bakla ka?” “Bakla? Ako? Bakla? Hindi uy!” “E, di pare?” napailing ako. “Ayusin mong boses mo, tumataas e.” Namula siya. Napalunok. Naglakad na ako palayo sa kanya. Kung tutuusin wala naman siyang direktang kasalanan sa nangyari noon. Aksidente ang lahat. Iniligtas ko ang buhay niya dahil alam kong iyon naman talaga ang tama at dapat kong gawin ng mga pagakakataong iyon. Hindi ko kasi alam na hanggang ngayon kung bakit nangyaring napakagaan ang loob ko sa kaniya nang aksidenteng tinamaan namin siya ng bola habang nag-eensayo kasama ng mga ka-team ko. Naisip ko, marahil dahil na rin sa naghahanap ako ng pampuno sa kakulangan sa buhay ko nang pumanaw ang mahal kong kapatid. Maagang namatay ang kapatid kong sumunod sa akin. Kalaro ko siya ng basketball nang bata pa kami ngunit dahil sa dinapuan siya ng sakit ay bigla na lang nanghina ang kaniyang katawan hanggang sa pinanonod na lang niya ako sa paglalaro ng kinahiligan naming basketball. Pangako ni Bunso sa akin noon, pagbalik ko galing school, malakas na siya. Magpapagaling daw siya at sabay na kaming maglalaro muli. Kaya lang pag-uwi ko, nagkakagulo na sila noon sa bahay. Kitang-kita ko pa noon kung paanong binawian ng buhay si Bunso at ang pagkabitaw niya sa maliit na bola ng basketball na ginagamit namin kung naglalaro kami sa likod-bahay. Tumalbog-talbog muna iyon hanggang sa pinulot ko at nang ibinalik ko sa nanghihinang kamay niya ang bola ay hindi na niya maitaas pa ang mga ito para mahawakan. Nakatingin siya noon sa akin. May luha sa kaniyang mga mata. Pilit lumalaban dahil nakikita ko sa kaniyang mukha kung paano niya gustong abutin at hawakan ang bola. "Sabi mo maglalaro tayo pag-uwi ko?" wika ko sa kaniya habang inilalagay ko ang bola sa kaniyang kamay. Bumubuka ang labi niya ngunit wala akong maintindihan dahil walang boses ang lumalabas doon. Pilit ko pa ring pinahawak ang bola sa kaniya. Umaasang hindi pa siya babawian ng buhay. Na kaya pa niyang lumaban tulad ng mga nakaraang araw na inaatake siya ng kaniyang sakit. Nang sumisinghap siya ng hangin ay hinila ako ng Lolo ko palayo sa kapatid ko. Napalingon ako sa kaniya nang narinig ko ang pagkahulog ng bola sa kamay ni Bunso at kasabay ng pagtigil ng pagtalbog-talbog ng bola sa sahig ay ang tuluyang pagkaputol na din ng kaniyang paghinga. Mahal na mahal ko si Bunso. Siya lang ang tangi kong kalaro. Kaya siguro nang makita ko si Brent sa school na kasinlaki lang niya at halos kahawig si Bunso nang binawian ito ng buhay ay naging malapit kaagad ang loob ko sa kaniya. May kaliitan, payat at mapusyaw. Mukhang lampa. Gano'n na gano'n si Bunso noon. Ang pagkakaiba lang nila ay mas may angking kapogihan si Brent. Dahil sa malungkot ako sa pagkawala ni Bunso kaya naisipan kong kay Brent ko ibaling ang atensiyon ko. Gusto kong maging buhay na alaala siya ni Bunso. Makalaro ko siya ng basketball. Maturuan sa mga bagong natutunan kong techniques. Mga bagay na hindi na namin nagawa pa nang namatay kong kapatid. Magsisimula pa lang sana ang parang magkapatid naming turingan nang nangyari ang isang aksidenteng tuluyang bumago sa aking buhay. Nang nakita ko siyang mabubundol ay sinikap ko siyang iligtas kahit pa kapalit ng aking buhay. Hindi na ako nagdalawang isip pa noon. Kung hindi ko nagawang iligtas sa kamatayan si Bunso, kay Brent may magagawa ako. Hindi ako nagsayang ng sandali. Mabilis akong tumakbo at niyakap bago siya tuluyang mabundol ng rumaragasang sasakyan. Bumagsak ako sa sementadong daan na nauna ang aking ulo. Nang una, nakaramdama ko ng hilo ngunit pinilit kong labanan iyon para lang masiguradong ligtas si Brent na noon ay yakap ko't nakapatong ang ulo niya sa aking dibdib. Ligtas nga siya. Hindi siya nasaktan. Hanggang sa naramdaman ko ang pag-agos ng dugo mula sa aking noo hanggang sa dumaan pa iyon sa aking labi. Dumilim ang aking paningin hanggang sa tuluyan na akong binalot ng kawalan.   Bago pa nangyari ang aksidenteng iyon ang tuluyang pagbagsak ng negosyo ni Papa. Dahil sa pagkakautang at ang magastos na pagpapagamot sa akin sa iba't ibang espesyalista ay tuluyan kaming naghirap at nalubog sa utang. Naging palagian ang aking concussions. May ilang araw din akong hindi makakita. Ayon sa mga magulang ko, tumulong din sa gastusin ang mga magulang ni Brent ngunit iyon lang ang kaya nilang ibigay. Pera sa pagpapagamot ko. Hindi ang dating buhay ko o ang tuluyan kong paggaling sa head injury na natamo ko. Hindi nila ako makabalik sa mundong dati ay ginagalawan ko. Hindi ko na nakita pa si Brent. Hindi ko nakausap. Ni hindi siya sa akin nakahingi ng pagpapatawad. Napilitan kaming umuwi sa Genaral Santos dahil naroon ang pamilya ni Papa at ilang mamanahin niyang kabuhayan. Hindi na raw niya kami kayang buhayin pa sa Maynila at patuloy din siyang hinahabol ng kaniyang mga napagkakautangan. Ilang buwan akong nakakulong lang sa bahay noon sa GenSan. Hindi pinapayagang magkikilos o kahit maglakad-lakad lang sa bakuran. Naging sobrang protective ni Mama sa akin. Ngunit sa kabila ng kanilang pag-aalaga, palagi pa ring sumasakit ang aking ulo. Parang binibiyak ito sa sobrang hapdi. Sa sobrang sakit noon, may nanaisin ko pang mamatay na lang. Hanggang dumating ang pasukan at nagdesisyon si Mama na ituloy ko ang aking pag-aaral sa High School. Hindi naman talaga sila ang nagdesisyon, ako ang nangulit sa kanila. Boring makulong sa bahay. Hindi ako makatatagal sa buhay probinsiyang bukid, alagang hayop at mga puno lang ang nakikita. Pati nga internet at signal pahirapan pa. Pinagbigyan nila ang aking kahilingan. Mas mamatay kasi akong nasa bahay lang. Hindi ako yung tipong puwedeng ikulong. Hindi ko natapos ang Third Year ko noon sa Manila dahil sa aksidente kaya kailangan kong bumalik muli. Edukasyon na lang daw kasi ang tanging paraan para mapabuti ko ang aking buhay. Iyon na lang ang tanging maipapamana nila Mama at Papa sa akin ngunit kahit sa paaralan, kung inaatake ako ng matinding sakit ng ulo ay hindi ako maka-concentrate kaya naging palagian pa rin ang pag-uwi ko ng bahay at pagliban sa aking mga klase. Hanggang sa nagdesisyon muli sila Mama at Papa na dalhin ako sa isang kilalang espesyalista. Bumuti naman ang aking kalagayan kapalit ng pagbenta ni Papa sa lupang kaniyang minana. Hanggang sa pakiramdam ko, wala nang mali sa akin. Normal na muli ako. Walang kahit anong sakit na nararamdaman o kahit katiting na pagkirot lang. Pinagbawalan din muna ako ng Doctor na maglaro ng basketball at mag-ingat na muling mauntog. Mahirap daw kasing ipagkatiwala ang utak. Ito ay bahagi ng katawan na mahirap ihanapan ng siguradong lunas. Nagpatuloy ako sa aking pag-aaral ngunit sa tuwing nakakakita ako ng mga naglalaro ng basketball ay sobrang tinatablan ako ng pagka-inggit sa kanila. Iyon kasi sa akin ang buhay ko. Iyon ang gusto kong gawin. Pangarap kong maging propesyonal na manlalaro ngunit paano pa iyon mangyayari kung bantay-sarado ako ni Mama at Papa. Ayaw ko ng ganoong buhay. Yung hindi ko magawa ang gusto kong gawin. Yung laging natatakot sa isang bagay na baka naman puwede pa pero dahil hindi sumusubok ay tinatanggap na lang ang kabiguan. Hanggang sa huminto na si Mama sa paghahatid at pagbabantay sa akin sa school. Nahihiya na din kasi ako sa mga ka-eskuwela ko. High School na ako, binatilyo pero parang kinder lang na inihahatid at binabantayan. Nagsabi akong huwag na lang papasok sa school kung gano'n at gano'n din lang ang kahigpit nila sa seguridad ko. Laking tuwa ko nang pinagbigyan na naman nila ako. Nang una, patago akong sumubok sa paglalaro. Pa-dribble-dribble ng bola hanggang pa-shoot shoot lang na walang kalaro sa gym ng aming school. Hanggang sa sumabak na ako ng double kasama ng mga mapagkakatiwalaang kaibigan ko. Wala ring nangyari sa akin. Hindi na sumasakit ang ulo ko. Pakiramdam ko nga, mas lumusog pa at lalong bumuti ang pakiramdam ko. Nakita ng isang Coach ang galing ko sa paglalaro. Bumilib at nahusayan siya sa akin. Gusto niya akong kunin sa team. Kailangan daw niya ng kagaya ko sa PRISAA. Nang una, nakapuslit pa ako sa mga magulang ko sa paglalaro. Naging matunog ang pangalan ko sa campus namin. Naging sikat muli akong basketbolista. Muli kong tinatamasa yung popularidad na minsan ay naranasan ko sa school ko noon sa Manila. Bumalik ang sigla ko sa pagpasok ngunit kasabay ng pagtunog ng aking pangalan ay ang hindi na maitago pa ang lahat ng kinahiligan kong iyon kay Papa. "Saan ka galing?" dumagundong ang boses ni Papa pagpasok na pagpasok ko sa aming bahay. Galit si Papa at hindi ko alam kung paano ko itatago ang pinagbabawal niyang aking kinahiligan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD