Hindi ko alam kung gaano katagal kaming nagkatitigan ni Father Limuel. Pakiramdam ko'y tumigil ang mundo sa pagitan naming dalawa. Sa loob ng tatlong linggo, ilang beses kong ipinagdasal na makita siyang muli, pero ngayong narito na siya sa harapan ko, gusto ko na lamang umatras. Mas madali palang tiisin ang pananabik kaysa harapin ang katotohanang wala na kaming karapatang maging bahagi ng buhay ng isa't isa. Pilit kong ibinaba ang tingin at nagpatuloy sa paglalakad, ngunit bago pa man ako makalampas sa kaniya, narinig ko ang mahina niyang boses.
"Sister... can we talk?" Napapikit ako sandali. Isang simpleng tanong, pero sapat iyon para guluhin muli ang puso kong pilit ko nang pinapatahimik.
Dahan-dahan akong humarap sa kaniya. Halata sa kaniyang mukha ang pagod at lungkot na tila ilang linggo ring hindi natulog nang maayos. Hindi na siya ang masayahing pari na nakilala ko noon. Para bang pareho kaming tinanggalan ng kulay ng buhay.
"Narinig ko ang tungkol sa paglipat mo." mahina niyang sabi. Bakas ang lungkot sa kaniyang
boses.
Tumango lamang ako. "Bukas na ako aalis."
Ramdam kong nanginig ang boses ko sa pag-amin. Ilang sandali siyang hindi nagsalita bago marahang bumulong.
"I'm sorry, Sister Madeleine."
Napangiti ako nang mapait. Nakakatawa pala. Isang salitang ilang beses kong hinintay marinig, pero ngayong narinig ko na, wala na pala itong kakayahang ayusin ang lahat.
"Hindi kita sinisisi, Father Limuel" sabi ko habang pilit kong pinipigilan ang mga luhang gusto nang kumawala mula sa aking mga mata.
"Pareho tayong nagkamali. Pareho nating hinayaang manaig ang damdamin natin. At ngayon, pareho rin tayong nagbabayad."
Nakayuko lamang siya habang mahigpit na nakakuyom ang kaniyang mga kamao. Nang muli siyang tumingin sa akin, namumula na ang kaniyang mga mata.
"There wasn't a single day that I didn't regret hurting you," halos pabulong niyang sabi.
Napailing ako. "Ang pinakamasakit sa lahat, Father, hindi ang nangyari sa atin. Kundi ang katotohanang sa maling panahon kita nakilala. Kung ordinaryong lalaki ka at ordinaryong babae lang ako, baka hindi kasalanan ang pagmamahalan natin."
Tahimik kaming naglakad patungo sa hardin sa likod ng simbahan, ang lugar kung saan nagsimula ang lahat. Doon kami unang nagkaroon ng mahabang usapan. Doon kami unang naging komportable sa isa't isa. At ngayon, doon din pala magtatapos ang lahat. Humihip ang malamig na hangin habang dahan-dahang nalalaglag ang mga tuyong dahon mula sa malaking puno. Napakaganda ng paligid, pero kabaligtaran naman ng nararamdaman ko. Napakasakit palang magpaalam sa taong hindi mo naman naging karapatan.
"Wala na ba talagang paraan?" tanong niya habang nakatingin sa malayo.
Napahinga ako nang malalim bago ko siya hinarap.
"Meron," sagot ko.
Agad siyang napatingin sa akin na tila may pag-asang sumilay sa kaniyang mga mata. Ngunit bago pa man siya makapagsalita, ipinagpatuloy ko ang sasabihin ko.
"Pero kailangan nating talikuran ang mga pangakong binitiwan natin sa Diyos. Kailangan nating sirain ang bokasyong matagal nating pinanghawakan. At kahit mahal kita..." Huminto ako sandali habang tuluyan nang bumagsak ang mga luha ko.
"ayokong ang pagmamahal natin ang maging dahilan para tuluyan tayong mawala sa landas na pinili natin."
Dahan-dahan kong inalis ang maliit na rosaryong matagal kong itinago sa bulsa ng aking habit. Rosaryo iyon na minsan niyang ibinigay sa akin matapos ang isang outreach program. Simbolo iyon ng pananampalataya namin noon, bago pa namin nalaman na unti-unti na pala kaming nahuhulog sa isa't isa. Iniabot ko iyon sa kaniya. Ilang segundo niya lamang itong tinitigan bago nanginginig na tinanggap mula sa aking kamay.
"Salamat," mahina kong sabi. "Sa lahat ng pagkakataong pinaramdam mong hindi ako nag-iisa. Pero hanggang dito na lang tayo."
Hindi na ako naghintay sa magiging sagot niya. Dahan-dahan akong tumalikod at nagsimulang maglakad palayo. Ramdam kong nakatingin pa rin siya sa akin, ngunit hindi na ako lumingon. Dahil alam kong sa oras na makita ko muli ang mga mata niya, baka mawala ang natitira kong lakas. Baka piliin ko siyang balikan at gustohing manatili na lang sa tabi niya.
At alam kong iyon ang isang bagay na hindi ko na maaaring gawin dahil hindi papayag ang panahon. Sa bawat hakbang na inilalayo ko ang sarili ko sa kaniya, pakiramdam ko ay may bahagi ng puso kong naiiwan sa harding iyon—kasama ng lalaking minsan kong minahal, ngunit kailanman ay hindi maaaring maging akin.