Wedding anniversary nina Edda at Alex at isa si Didi sa mga imbitado sa selebrasyon na ginaganap sa bahay ng mag-asawa. Kahit bago pa naging sila ni Lio ay kaibigan na rin niya ang isa pang kapatid ni Lio na si Alex. In fact, mas nauna niyang nakilala si Alex kaysa kay Lio. Si Alex kasi ang mas madalas na nagsusundo kay Ivy noon sa school nila ni Ivy. Kaya naman nang ikasal si Alex kay Edda ay siya ang gumawa ng wedding cake ng mag-asawa. Iyon ang wedding gift niya sa dalawa.
Maaga dapat siyang pupunta sa inihandang party ng mag-asawa. Pero dahil sa hinintay pa niyang dumating customer na um-order sa kanila ng birthday cake at cupcakes na naantala ng dating, lampas eight na ng gabi siya nakarating sa bahay nina Alex at Edda. Isinukbit niya ang shoulder bag sa balikat matapos bayaran ang taxi driver. Coding siya kaya hindi niya dinala ang kotse niya.
Nasa harapan na siya ng gate ng bahay nina Edda at Alex nang mapansin niya ang sasakyan ni Lio na nakaparada sa kanang bahagi ngkalsada. Sa dami ng mga sasakyang nakahilera sa street nina Edda at Alex na hula niya ay sasakyan lahat ng mga bisita ng dalawa ay hindi niya agad napuna ang puting kotse ni Lio. But she should have known that Lio would be there. Kapatid ni Lio si Alex kaya obviously dadalo si Lio sa wedding anniversary na inihanda nina Alex at Edda. Nang ma-realize niyang posibleng naroon din ang mga magulang at dalawa pang kapatid nina Lio at Alex ay bigla siyang nag-alinlangang tumuloy sa loob ng bahay.
Mula nang mag-break sila ni Lio ay hindi niya pa ulit nakakaharap ang mga magulang ng binata. Bagay na isa rin sa mga labis na pinanghihinayangan niya. Dahil naging malapit rin siya sa mga magulang nito. Hindi niya alam kung paano kakaharapin ang ina’t ama ni Lio ngayon. Tulad kaya nina Ivy at Alex ang dalawang matanda na mas kumakampi sa kanya o ayos lang sa mga ito na hiniwalayan na siya ni Lio?
Pero huli na para umatras pa si Didi kahit gustuhin pa niya. Dahil bumukas na ang gate at iniluwa si Alex.
“Didi! Buti nandito ka na. Come in, everybody’s waiting for you!” magiliw na sinalubong at pinapapasok na siya ni Alex sa loob ng bahay. “Let me carry that for you,” anito na kinuha mula sa kanya ang pabilog na red box na hawak niya.
“Bakit may pakiramdam akong iyang cake lang naman talaga ang inaabangan mo at hindi ako?” pagbibiro niya dahil ni hindi na hinintay ni Alex na sabihin niyang iyon ang cake na in-order nito para kay Edda. Binuksan na agad nito ang top cover ng box at sinipat ang vanilla with cookies and cream buttercream cake na nasa loob.
“I invoke my right against self-incrimination, Your Honor,” nakangising tugon naman ni Alex. “Go ahead, pumasok ka na sa loob. Iaakyat ko lang ito sa kwarto namin ni Edda. Dito ako sa side entrance daraan para hindi nila makita ang cake na ito. I have a lot of plans for this icing later so I’m not sharing this with anyone but my wife,” pilyong kindat pa nito na inilahad ang kamay sa direksyon ng nakabukas na double doors ng bahay nito.
Naiiling na ginusutan niya ng ilong ang lalaki bago siya pumasok sa loob ng bahay. Bunso sa limang magkakapatid si Alex kaya sobrang pilyo nito. Pero kakatwang mas naunahan pa nitong mag-asawa sina Lio at Ivy na parehong mas matanda rito. Minsan, hindi tuloy niya maiwasang mainggit sa asawa ni Alex. Dahil kahit may pagkapilyo si Alex, pinatunayan naman nito kay Edda na mahal na mahal talaga nito ang babae at hindi ito natakot na pakasalan ang babae. Samantalang siya, pina-alala lang niya kay Lio na malapit na ang second anniversary nila bilang magnobyo, nataranta na ang binata at hiniwalayan siya na para bang tinutukan niya ito ng shotgun sa ulo at pinwersa itong pakasalan na siya.
Punong-puno ng bisita ang bahay nina Alex at Edda. Naroon din kasi lahat ng miyembro ng malaking pamilya ni Edda. And Edda came from a really big family. Seventy-five percent yata ng mga bisitang naroon ay kapamilya at kamag-anak ni Edda. Twenty-five percent lang ang mula sa side ni Alex o mas tama sigurong sabihing ten percent lang. Iyong fifteen percent kasi ay mukhang mga katrabaho ni Edda.
The wedding anniversary party was semi-casual. Bagamat may kinuhang caterer sina Alex at Edda ay may mga putahe ring iniluto mismo ang pamilya ni Edda. Ang musikang pumapailanlang sa buong paligid ay nagmumula sa stereo na nasa living room at kinabitan lang ng speakers at amplifiers para umabot hanggang sa labas ng bahay ang musika. And all the songs that were playing on the stereo are Edda and Alex’s favorite love songs. May nakalatag na long buffet table sa gitna ng dining room na nag-uumapaw sa iba’t ibang klase ng pasta dishes, breads, seafood, chicken, pork and beef dishes at ng kaisa-isang vegetable dish. Sa patio naman na matatagpuan sa gilid ng dining room ay may nakalatag rin na isa pang long buffet table. Puno naman iyon ng iba’t ibang klase ng desserts at ng ipinaggawa sa kanyang wedding anniversary cake nina Edda at Alex. Suhestyon pa ni Alex ang paglalagay ng ‘1 Year Down, 100 more to go!’ sa gitna ng cake.
Sa gitna ng malawak na hardin at likod-bahay ay may limang pabilog na mesa na tinatakpan ng red and white tablecloth. Sa gitna ng bawat table ay may maliliit na cute vases na mayroong red and white roses. Pero okupado na ng mga kamag-anak pa lang ni Edda ang limang malalaking mesang iyon. Kaya ang ibang bisita ay kanya-kanyang hanap ng mesa, silya o espasyo na pwedeng maupuan at makainan.
Kaya naman matapos batiin ni Didi sina Edda at Alex at iabot sa dalawa ang regalo niyang framed pencil sketch ng isa sa mga wedding photos ng mga ito ay tinangka na niyang umalis agad. Nagpaalam na agad siya sa dalawa. Pero hindi siya pinayagang maka-alis agad ng dalawa. Iginiit ng dalawa na manatili muna siya at kumain. Makihalubilo sa mga bisita at hintayin ang mga kaibigan niyang sina Ginji, Ivy at Cocco na sabay-sabay darating.
Hindi naman niya maggawang sabihin sa mag-asawa na umiiwas siyang makita si Lio kaya gusto na niyang umalis na agad. Malaki man kasi ang bahay nina Edda at Alex, imposible namang hindi sila magkita ni Lio roon buong gabi. Maliban na lang kung magtatago siya sa loob ng bathroom at doon kakain at makikipag-usap sa mga kakilala niya.
Tulad ng kasalukuyang ginagawa niya ngayon. Of course not the eating and talking to her friends part but the hiding inside the bathroom part. Matapos kasi siyang iwan nina Edda at Alex sa harapan ng buffet table ay nahagip ng tingin niya ang nakatalikod na pigura ni Lio. Kaya bago pa lumingon ang binata sa direksyon niya, nagmamadali na siyang lumakad patungo sa bathroom.
Tinitigan niya ang sarili sa vanity mirror sa itaas ng bathroom sink. Dala ng depression niya sa paghihiwalay nila ni Lio two months ago, nadagdagan ng halos apat na kilo ang timbang niya. Kaya naman ang suot niya ngayon na black long sleeved v-neck dress ay nagmistulang wet suit na ang fitting sa katawan niya. Pinagsisisihan niya tuloy ngayon na iyon ang isinuot. Paborito niya iyon dahil sa tuwing nakikita siya ni Lio na suot iyon noon ay halos lumuluwa ang mga mata ng lalaki sa labis na paghanga sa mga kurba ng katawan niyang niyayakap ng malmabot na tela. Pero ngayon, baka dahil sa pagpipigil ng tawa kaya luluwa ang mga mata ni Lio kapag nakita siyang suot iyon ngayon.
Hindi naman siya maaaring magdamag na magtago roon sa loob ng bathroom. Kaya matapos bumunot ng malalim na paghinga ay dahan-dahang binuksan na niya ang pinto ng bathroom. Pero natigilan siya nang marinig niya ang pagbanggit sa pangalan ni Lio ng dalawang babaeng tila nag-aabang sa harapan ng bathroom. Malamang gagamit din ng bathroom ang dalawa at hinihintay na lumabas siya.