PINANONOOD ni Celestine ang kanyang papa
habang nag-aayos ng iba't ibang armas nito sa loob ng
kuwarto. Ito ang mga gagamitin laban sa mga Lycan,
tulad ng mga explosive device at wolfsbane na isang
uri ng halamang bulaklak na kulay lila at may
kakayahang pumaslang ng isang Lycan.
Buntong-hiningang sumandal siya sa may
pintuan habang pinag-ekis ang mga braso sa tapat ng
dibdib. Nakita niyang ipinasok ng ama ang isang silver
knife bago tuluyang isinara ang bag na dadalhin nito.
Buntong-hiningang humarap ito sa kanya.
“May mga Lycan daw na nakapasok sa kabilang bayan
at kailangan nila Tata Bernan ang tulong ko,”
pagpapaalam nito na halatang hindi magpapapigil.
Sinukbit na nito ang bag sa balikat at naglakad palabas
ng kuwarto.
“Do you really need to go?” Hindi niya
maiwasang makaramdam ng takot sa tuwing aalis ito
para sumabak sa laban.
Tipid itong ngumiti. “Ito ang dahilan kung
bakit ayokong sabihin sa `yo kung ano talaga ang
trabaho ko.”
“Hindi mo ako masisisi kung mag-aalala ako sa
`yo, `Pa.”
Bahagya itong ngumiti. “Alam ko, hija. Don't
worry, mag-iingat ako para sa `yo.”
Ngumuso siya. “Promise?”
“Promise…” sagot nito. Hindi pa rin
makuhang maging panatag ni Celestine. Mula nang
malaman niya ang tunay na pagkamatay ng kanyang
ina ay hindi na niya makuha pang maging panatag.
Idagdag pa ang tungkol sa trabaho ng kanyang ama.
Parang wala nang ligtas sa bayan ng Atheia laban sa
mga Lycan.
“Full moon ngayon. Mag-iingat ka.” Nag-
aalalang yumakap ang dalaga rito.
“Ikaw ang mag-iingat, hija. Huwag mong
kalilimutan `yong mga bilin ko sa `yo, at huwag mong
pagbubuksan kung sinoman ang kakatok at…”
Ibinigay nito sa kanya ang isang 45 ACP na baril.
Mula sa baril ay nag-angat siya rito ng tingin. “Kapag
kinakailangan.”
“Pa…” padabog niyang sambit. Kahit tinuruan
siya nitong gumamit ng baril at ng ibang sandata ay
hindi pa rin niya magustuhang gamitin iyon.
“Sige na. Matatagalan ako bago makauwi.
Kunin mo na para mapanatag ako,” giit nito. Buntong-
hiningang tinanggap na lang niya iyon. “Aalis na
ako…” Hinalikan siya nito sa noo, pagkakuwa‘y
sumakay na sa jeep. Sumenyas pa ito na isara na ang
pintuan pati na ang mga bintana. Agad niya rin naman
iyong ginawa. Nang maisara na ang mga dapat isara ay
saka niya lamang narinig ang papalayong ugong ng
sasakyan lulan ang kanyang ama. Dali-dali siyang
pumunta sa kusina at gumawa ng isang tasa ng kape.
Sa tuwing umaalis ang kanyang papa para
makipaglaban sa mga Lycan ay inaabala niya ang sarili
sa pamamagitan ng pag-aayos sa loob ng kanilang
bahay para hindi masyadong mag-isip at mag-alala.
Pero kung minsan hindi talaga niya maiwasang
mangamba dahil alam niyang hindi ordinaryong tao
ang nakakalaban ng ama. Wala naman siyang
masyadong alam tungkol sa mga Lycan maliban na
lamang sa palaging itinatatak ng ama sa isipan niya na
sila ay mga halimaw na mapanganib sa lahat.
Walang ibang alam na gawin ang mga ito kundi
ang pumatay at kumain ng mga inosenteng tao. Kahit
hindi pa man siya nakakakita ng tulad nila ay ramdam
niya ang panganib na dala ng mga ito sa mga tao.
Nang ubos na ang laman ng tasa niya ay
nagpasya ulit na magtimpla ng kape. Mabilis siyang
bumaling ng tingin sa may pintuan nang may
kumalabog mula sa labas. Agad niyang dinampot ang
baril na ibinigay kanya ng ama. Matapos ang ilang saglit,
muli siyang nakarinig ng kaluskos at kalabog ng kung ano sa labas.
Kinasa niya ang baril at marahang
lumakad palapit sa pinto. Nang wala nang marinig na
kaluskos ay marahan niyang hinawi ang kurtinang
tumatakip sa bintana at maingat na sumilip doon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita
ang isang duguang lalaki na hirap sa paglalakad. May
tama ito sa kanang dibdib pati na sa tiyan nito.
Napasinghap siya nang matumba ito sa lupa.
Kinakabahang tumalikod siya at sumandal sa
pinto. Isa ba `yong Lycan? O isang tao na biktima ng
isang Lycan? Ano'ng gagawin ko? Dapat ko ba siyang
tulungan?
Pero kabilin-bilinan sa akin ni Papa na huwag
magbubukas ng pinto at magtitiwala o magpapapasok
ng hindi kilala.
Maaatim ba ng konsensya ko ang hindi
tumulong gayong alam ko na kailangan ng lalaking ito
ang tulong ko?
Celestine, tumigil ka! Paano kung isa siyang
Lycan? palitang saway ng iba't ibang bahagi ng isip
niya. Muli siyang sumilip sa labas pero wala na roon
iyong lalaki. Napapitlag na lang siya nang may biglang
kumatok sa pinto.
What should I do? muling tanong niya sa sarili.
Pero kahit ano'ng kumbinsi niya ay hindi niya
maiwasang makipagtalo sa isipan. Kuyom ang
kamaong humarap siya sa pinto at buo ang loob na
binuksan ito habang nakahanda pa rin ang hawak na
baril. Ngunit sa pagkagulat niya ay bigla na lang
bumagsak sa kanyang harapan ang estrangherong
lalaki.
This is not good! sabi ng isip niya. Luminga-
linga muna siya sa paligid bago isinuksok ang baril sa
likod ng pantalon at malakas na hinila papasok sa
bahay ang mahinang katawan ng estrangherong lalaki
at agad muling kinandado ang pinto.
Kapag nalaman ito ng kanyang ama ay tiyak na
magagalit ito. Pero hindi niya naman maaatim na
pabayaan ang lalaki.
Dinukot niya ang baril mula sa likod at itinapat
sa walang malay nang lalaki. Marahan niyang kinalabit
ang binti nito gamit ang kanyang paa, ngunit hindi ito
gumalaw. Hindi pa siya nakuntento at muling kinalabit
ang lalaki at doon ito hirap na umungol. Naging alerto
siya nang bahagyang gumalaw at malakas na umubo
ang kaharap.
“S-s**t! W-wolfsbane…” garalgal na ungol ng
lalaki.
Natigilan siya. Ibig sabihin…isa itong Lycan!
Nanigas siya mula sa kinatatayuan nang dumilat ang
mga mata nito at tumingin sa kanya. Mahigpit niyang
hinawakan ang baril at mariin itong itinutok sa
kaharap. “S-sino ka?”
Imbes na sumagot ay marahan itong bumangon
at isinandal ang sarili sa pader. Nahantad sa kanyang
mata ang buo nitong hitsura. Marami itong galos sa
mukha na napupuno ng pawis. Sumisigaw ng panganib
ang kabuuang anyo ng lalaki ngunit ang mukha nito'y
kakikitaan ng kaguwapuhan.
“S-sino ka? Tinatanong kita!” sigaw niya.
Nagtaas ito ng tingin at sa pagtataka niya ay hirap na
tumawa ang estranghero nang pagak. “Ano'ng
nakakatawa?” kunot-noong tanong niya.
“You.”
“A-anong ako?”
“You helped me, so I won't eat you. Put it
down…” anito na ngumiwi. Siguro ay dahil sa mga
natamo nitong mga sugat sa iba't ibang bahagi ng
katawan.
“Bakit ko naman paniniwalaan ang sinasabi
mo?”
He irritably stared at her. “When I say I won't
hurt you, I mean it,” anito na sinapo ang malalim na
tama sa tiyan. “Damn hunters…” he murmured.
Nang makita niya kung gaano kalala ang tama
nito ay hindi niya maiwasang makaramdam ng awa.
Ano ka ba? Hindi ka dapat maawa sa katulad
niya! saway ng kanyang isip.
“H-hindi mo pa sinasagot ang tanong ko sa—”
“Scoth…” putol nito sa iba niya pang
sasabihin. “That's my name. Damn it!” nakangiwing
sagot nitong tila aburidong mawala ang
nararamdamang sakit.
“Saang distrito ka? B-bakit ka may tama ng
baril?” usisa niya pa.
"Do I really need to answer your useless
questions?” sarkastikong balik na tanong nito.
Napamaang siya sa tinuran ng estranghero.
“Ikaw na nga ang tinulungan, ikaw pa mayabang.
Hindi ka man lang nagpasalamat!”
Tumaas ang kilay nito. “Alpha never owes
anyone especially to someone like you,” anito kasabay
ng matinding pagngiwi ng guwapong mukha nito.
Natigilan siya. Tama ba ang pagkakarinig niya
na isa itong Alpha? Sa pagkakaalam niya, Alpha ang
tawag sa pinuno ng mga Lycan. Ang pinakamalakas sa
lahat. Ang pinakakinatatakutan.
Naputol ang paglalakbay ng isipan niya nang
malakas itong umungol. Nanginginig ang mga kamay
niya habang nakatingin sa sugat nitong hindi tumitigil
sa pagdurugo.
Napamura itong umungol. “Hoy! Mayro’n ka
bang kutsilyo?” maya-maya'y tanong nito.
“P-para saan?” Lalong umigting ang pagkabog
ng kanyang dibdib.
“Just give me a knife!” He snapped.
Hindi niya dapat sundin kung ano ang gusto
nito pero kusang humakbang ang mga paa niya na
pumunta sa kusina at kumuha ng kutsilyo. Inilapag
niya sa counter ang baril bago bumalik kay Scoth para
iabot dito ang matalim na bagay.
Pinunit nito ang duguang damit at ang sunod
nitong ginawa ay hindi niya inaasahan. Hiniwa nito
ang sariling balat sa mismong tama sa kanang dibdib at
pagkatapos ay ipinasok nito ang daliri doon. Hirap
itong sumigaw sa sakit habang ipinagpapatuloy ang
ginagawa.
“Ano ba kasing ginagawa mo!” natatarantang
tanong niya. She hated blood.
Hindi na siya pinansin nito at ipinagpatuloy na
makuha ang bala sa dibdib at pagod na ibinagsak ang
kamay sa sahig kasama ng balang nakuha. Kitang-kita
niya ang pagtaas-baba ng dibdib ni Scoth. Hindi pa
man din nagtatagal ay muli itong kumilos para
tanggalin ang bala sa may tiyan niya.
“D-do you need anything?” hindi niya
mapigilang tanong. Mukha namang hindi ito gagawa
ng ikapapahamak niya. Sa tingin niya'y tutuparin
naman nito ang sinabi na hindi siya nito kakainin.
“No…” mahina nitong usal, at sa pagkakataong
iyon at naging kalmado na ang boses ng lalaki.
“Maupo ka lang sa tabi ko,” he added.
“S-sa tabi mo?” nangunot-noong tanong niya.
Bakit? Para saan?
“Just sit…”
Kagat ang ibabang labing ginawa niya ang utos
ng lalaki. Para bang may sariling isip ang katawan niya
na kahit anong pigil ay ito ang masusunod. Naupo siya
sa tabi nito tulad ng utos ni Scoth. Pagkatapos niyon ay
hindi na siya nakarinig pa ng salita mula sa lalaki.
Mukhang nakatulog na yata siya? Bumaba ang
tingin niya sa mga sugat nito at marahang umangat sa
kanyang mukha. Marahan siyang lumunok. Kahit
na nakatatakot ang katotohanan na isang Lycan ang
kaharap ay hindi pa rin maitatanggi ang taglay nitong
kaguwapuhan.
Hoy! Celestine. Hindi ito ang oras para
pagpantasyahan ang tulad niya! saway ng isip niya.
Hindi makapaniwalang tinitigan niya ito. Isang
Alpha ba talaga ang kaharap ko ngayon?
Ang sabi ng mga taga-Atheia, malupit at mapanganib
ang mga katulad nitong Lycan. Pero bakit hindi niya
iyon maramdaman sa lalaking ito?
Napahawak siya sa kanyang dibdib nang
bumilis ang tahip ng kanyang dibdib. Ano ito? Bakit
ganito na lang kabilis ang t***k ng puso ko?
Mula sa mukha nito ay muling bumaba ang
kanyang tingin sa sugat nito. Ganoon na lamang ang
pagkabigla niya nang makitang unti-unting humihilom
ang mga sugat nito.
Nagitla siya nang impit na umungol si Scoth at
bahagyang gumalaw mula sa kinauupuan.
“I-iyong sugat mo…” hindi makapaniwalang
sabi niya habang nakatuon pa rin ang mga mata sa
sugat.
Tumawa ito nang pagak. “You
are…no…impossible…” he murmured as if dismissing
something in his mind.
Nangunot ang kanyang noo. Ano ba ang
sinasabi nito?
Naningkit ang mga mata ni Scoth na tumingin
sa kanya. “Alam mo ba kung ano ang isa sa mga ayaw
ko?”
Napalunok siya. “A-ano?”
“Iyong tinititigan ako.”
Hindi niya maiwasang makaramdam ng takot
sa mga tinging ipinupukol ni Scoth sa kanya ngayon.
Hindi. Hindi takot ang nararamdaman niya ngayon
bagkus ay pagkamangha.
“But I like the way you look at me right now.”
Bahagyang lunamlam ang mga mata nito at
pagkakuwa'y muli itong tumawa nang pagak. “Like
what I've said earlier, I won't eat you. But…” Nagulat
siya nang hawakan nito ang braso niya at hinila
papalapit sa lalaki. Bahagya itong yumukod palapit sa
kanyang tainga at ramdam niya ang paghinga nitong
nakakakiliti. “As my thank you, I'll give you my
mark.”
“M-mark? What mark?” Pinigilan siya nito sa
akmang paglayo niya sa lalaki.
“This…” Bago pa niya mahulaan ang gagawin
nito ay nanlaki ang kanyang mga mata nang mariin na
siyang napahawak sa braso nito. Kinagat siya nito sa
pagitan ng kanyang leeg at kaliwang balikat. Hindi na
siya nakapalag. Bahagya pa siyang napakislot sa sakit
at unti-unting nawawala na parang may itinurok na
anesthesia sa kanyang katawan. Biglang umikot ang
paningin niya at napasandal siya sa balikat ng lalaki.
Ramdam niya pa ang paghaplos nito sa kanyang
mahabang buhok. Unti-unting nanlalabo at
naglalaho ang lahat sa kanyang paningin.
“Hasta la proxima vez…” Iyon ang huling
katagang narinig niya bago tuluyang lamunin ng
kadiliman.