2

2211 Words
PAGKATAPOS mailagay ni Clinton ang isang malaking pumpon ng bulaklak at isang malaking teddy bear sa harap ng isang bahay ay kaagad na bumalik siya sa loob ng tinted na sasakyang nakaparada sa di-kalayuan.       “Thank you for doing this.”       Nilingon niya si Scott. “Basta ikaw. Ang lakas mo sa akin, eh,” aniya sa magaang tinig.       Nag-iwas siya ng tingin dito. Awang-awa siya sa kaibigan niya at ayaw niyang makita nito ang awa sa kanyang mga mata.       Scott was sick—very sick. Ayaw sana niyang payagang lumabas ito ng bahay nang araw na iyon pero nagpumilit ito. It was very important for him to finish the task. Kahit hinang-hina ito, pipilitin nitong magpunta sa bahay na iyon upang maglagay ng bulaklak para sa babaeng pinakamamahal nito.       Mula nang ma-diagnose si Scott ng laryngeal cancer ay hindi na naalis ang takot sa dibdib niya. Natatakot siyang mawala ito. Natatakot siya sa magiging epekto ng pagkawala nito at alam niyang hindi niya kakayanin iyon.       Scott had always been the source of strength in their group. Kung mawawala ito, paano na sila?       Malaki ang nagbago sa buhay nila mula nang makilala nila si Kuya Ram, ang lalaking bantay ng machine shop na tinulugan nila noon. Napakabait nito. Hinayaan sila nitong manatili sa shop tuwing gabi kahit maaaring mawalan ito ng trabaho. Pinapakain din sila nito. Kahit paano ay nagkaroon sila ng tahanan.       Nang mahuli sila ng may-ari ng shop, ang akala niya ay katapusan na ng maliligayang araw nila. Iyon pala ay umpisa lang iyon ng mas magandang buhay para sa kanilang apat.       Inampon sila ng mabait na mag-asawang Quirino na sina Eustace at Eliza. Nagkaroon na talaga sila ng totoong tahanan at mga magulang. Naging isang tunay na pamilya sila.       Hindi niya akalaing may mga tao pa rin sa mundo na may ginintuang puso. Muntik na siyang mawalan ng tiwala sa kabutihan ng iba. Pero nagbago iyon nang makilala niya sina Tatay Eustace at Nanay Eliza.       Mula nang maging isang Quirino sila, hindi na uli sila nagutom at nahirapan. Naging masagana ang pamumuhay nila. Natupad ang pangarap niyang makabalik sa pag-aaral. Bilang kabayaran sa mag-asawang nag-ahon sa kanila sa lansangan, sinisikap niyang maging mabuting tao sa kanyang kapwa. Sinisikap niyang maging magaling sa lahat ng bagay. Ang nais niya ay maging proud sa kanya ang mga magulang niya. Sinisikap nilang pasayahin ang mag-asawang lubos na mahal nila.       Mahilig sa musika si Nanay Eliza kaya naging normal na sa kanilang mga tainga ang musika. Dati itong propesor sa isang prestihiyosong music school sa US at marunong sa iba’t ibang intrumento. Tinuruan sila nitong apat na tumugtog ng iba’t ibang musical instruments.       Ang impluwensiya nito sa kanila sa musika ang dahilan kaya bumuo sila ng banda: si Scott ang vocalist, si David ang keyboardist, si Teodoro o TQ ang drummer at siya ang bassist. Tinawag nila ang banda nila na “Stray Puppies.”       Sa umpisa ay kunwa-kunwarian lang ang banda nila. Sa bahay lang sila tumutugtog. Nang maging bihasa na sila sa pagtutog ay nag-perform sila sa mga school event hanggang sa sumasali na rin sila sa mga band contest. Minsan ay nananalo sila at minsan ay natatalo.       Hindi nagtagal ay naisip nilang maging propesyonal. Gusto nilang magkaroon ng sariling album upang makilala ng buong bansa ang kanilang musika.       Lubos naman ang naging suporta ng mga magulang nila. Si Tatay Eustace pa mismo ang tumayong manager nila.       Naging maganda naman ang karera nila. Buong pusong tinangkilik sila ng mga tao. Marami ang nakikinig sa mga musika nila.       Ang akala nila ay magtutuluy-tuloy iyon ngunit biglang nagkaroon ng malubhang karamdaman si Scott.       Ang nais sana nila ay tumigil na sila sa pagtugtog ngunit ayaw pumayag ni Scott. Naghanap na lang sila ng bagong bokalista. Nagpa-audition sila.       Nakahanap naman sila ng karapat-dapat na papalit kay Scott: si Mary Kirsten. Napakahusay nito. Si Scott mismo ang pumili rito.       “She looks prettier today,” sabi ni Scott na nakatingin sa bahay na pinaglagyan niya ng mga bulaklak at teddy bear.       Napatingin din siya roon. Halos hindi niya namalayang nakalabas na ang hinihintay nila. Ngiting-ngiti ang babae habang dinadampot ang mga bulaklak at teddy bear. Palinga-linga pa ito habang sinasamyo nito ang mga bulaklak.       Tama si Scott, mas maganda ito nang araw na iyon. Mas gumaganda ito dahil sa ngiti nito. Dahil doon ay nasilayan uli niya ang dimple nito sa kanang pisngi.                 Naka-pajamas lang ito at magulo pa ang buhok. Marahil ay kababangon lang nito ng higaan. Gayunman, ito pa rin ang pinakamagandang babaeng nasilayan ng kanyang mga mata.       “God, I–I love her so much,” pahayag ni Scott sa gumagaralgal na tinig habang pinapanood nilang pumasok ang babae sa bahay. Kahit hirap na hirap ay pinipilit nito ang sariling magsalita.       Napatingin siya rito. There were tears in his eyes. “Bakit hindi ka na lang magpakilala sa kanya? Bakit kailangan mong ilayo ang sarili mo kung maaari naman kayong magsama? Bakit hinahayaan mong mahirapan ang sarili mo, Scott?”       Hindi talaga niya ito maintindihan. Madalas na magpadala ito ng mga bulaklak at teddy bear sa babae ngunit hindi naman nito hinahayaan ang sariling mapalapit dito. Kontento na itong nakatingin sa malayo at nagmamahal nang tahimik. Kung siya ang nasa kalagayan nito, hindi niya hahayaang magkalayo sila ng babae. Palagi itong nasa tabi niya. Hindi niya hahayaan ang kanyang sariling malungkot dahil magkalayo sila ng minamahal niya.       Umiling ito. “Nasabi ko na sa `yo dati pa ang dahilan ko, Clint. Ayokong guluhin ang lahat sa buhay niya. I want her to be happy for always. Sapat nang kaya ko siyang mahalin kahit malayo kami sa isa’t isa, kahit hindi niya ako nakikita. Masaya na akong napapangiti ko siya kahit paano.”       “I still don’t understand, bro. Ilang taon mo na itong ginagawa. Hindi ka pa ba nagsasawa?”       “She’s okay as she is. Ayokong masira ang magandang buhay niya. Ayokong magpakilala sa kanya—lalo na ngayon. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin. Hindi ko alam kung bukas-makalawa ay makakabalik pa ako rito para bigyan siya ng bulaklak at teddy bear. Natatakot ako.”       “Saan?”       “Natatakot akong kapag nakilala niya ako ay mahalin din niya ako. Natatakot ako dahil baka iwan ko lang siya. Ayokong maging malungkot siya dahil nawala rin ako kaagad.”       Tinapik niya ito sa balikat. “All right. Hindi na kita pipilitin. Don’t talk. Nahihirapan ka na.”       Ngunit hindi ito nagpaawat. Kahit halos wala na itong tinig ay nagpatuloy pa rin ito. “When I’m gone—”       “That would never happen,” agap niya sa sinasabi nito.       Huminga ito nang malalim. “When I’m gone, take care of her. Love her. Make her happy. Always make her smile. Give her flowers and teddy bears. Don’t let anyone hurt her. Promise me, Clint. You have to give me your word.”       “I promise,” sabi na lang niya upang tumigil na ito sa pagsasalita. Mas hahaba pa ang usapan kung makikipag-argumento pa siya rito. Handa naman siyang gawin ang lahat para dito. Gagawin niya ang lahat ng gusto nito. Kung sakali mang...       Umiling siya. Ayaw niyang isipin ang posibilidad na iyon. Gagaling ito sa sakit nito. Hindi cancer ang magpapatumba kay Scott Quirino. Kapag magaling na ito ay magagawa na nitong magpakilala sa babae. Magiging masaya ito.       DISMAYADO si Charlotte nang paglabas niya ng bahay ay wala siyang nakitang anuman sa doorstep. Iyon na ang ikalawang linggo na wala siyang natatanggap na bulaklak at teddy bear.       Tuwing araw ng Linggo ay palagi siyang may natatanggap na bulaklak at teddy bear mula sa isang hindi kilalang tao. She started receiving them when she turned fifteen. Sinubukan niyang alamin at hulihin ang taong nagpapadala sa kanya ng mga iyon ngunit hindi siya nagtagumpay. Kasalanan din niya dahil mantika siya kung matulog. Hirap na hirap siyang gumising sa umaga upang manmanan ang labas ng bahay nila. Kapag may naaabutan siyang naglalagay ng mga bulaklak sa harap ng bahay nila, palaging deliveryman ang nagpapakilala sa kanya.                Dalawang linggo na siyang hindi nakakatanggap ng mga flower at teddy bear. Nadidismaya na siya.       Umupo siya sa doorstep nila. Ano kaya ang nangyari sa taong nagbibigay sa kanya ng mga flower at teddy bear? Nagsawa na ba ito sa kanya? Naubusan na ba ito ng perang pambili? May nangyari bang masama rito?       Ang sabi ng Ate Viola niya, ang nakatatandang kapatid niya, may secret admirer daw siya. Pero secret admirer nga ba iyon? Base sa mga sulat na nakalakip sa mga bulaklak, wala namang nakasaad sa mga iyon na indikasyon na nanliligaw ito. She felt that the person sending her the flowers and teddy bear loved her, but not in a romantic way.       Ang madalas na naroon sa mga sulat nito ay pampalakas ng loob, mga papuri sa anumang bagay na na-accomplish niya, at pagmamalasakit. Kaya hindi siya naniniwalang secret admirer niya ang nagbibigay sa kanya ng mga bulaklak at teddy bear. Mas nais niyang tawagin ito na “guardian angel.” Hindi niya ito nakikita ngunit alam niyang palagi itong naroon at nakagabay sa kanya.       Matindi ang kagustuhan niyang malaman kung sino ang taong iyon. Ngunit sa isang sulat nito sa kanya, hiniling nitong hayaan na lamang niya ito sa ginagawa nito. Hindi raw ito masamang tao at wala itong masamang hangad sa kanya. Hayaan lamang daw niya ito sa pagbibigay ng mga bagay na makakapagpasaya sa kanya. Huwag na raw niyang alamin kung sino ito dahil hindi ito magpapakilala sa kanya.       Totoong nasisiyahan siya sa bulaklak at teddy bears, ang dalawang bagay na paborito niya sa mundo. Kaya naman nalulungkot siya ngayon dahil dalawang linggo na siyang walang natatanggap na mga iyon.       Sa loob ng maraming taon ay hindi nagsasawa ang nagpapadala ng mga iyon. Wala itong palya. Nagpapadala rin ito ng regalo sa mahahalagang okasyon ng buhay niya tulad ng birthday. Oo, alam nito ang araw ng kapanganakan niya.       Minsan ay nalulula siya sa mga regalong ipinapadala nito. Ang ilan sa mga iyon ay mamahaling alahas. Nais sana niyang ibalik ang mga iyon dito ngunit hindi niya alam kung paano.       Kahit hindi niya kilala ang taong iyon, pakiramdam niya ay attached siya rito. Tila alam nito kung kailan siya malungkot at alam nito kung paano siya pasasayahin. Ang mga sulat nito ay paulit-ulit na binabasa niya kapag bumababa ang self-confidence niya.       Her Ate Viola once told her that she should freak out. Baka may stalker daw siya at mapahamak pa siya.       Hindi siya naniniwala rito. Malakas ang pakiramdam niyang hindi masamang tao iyon. Ni hindi nga niya alam kung lalaki o babae ang taong iyon. Her Ate Viola just pressumed that it was a “he” because he was sending flowers.       May mga pagkakataon sa gabi na iniisip niya kung lalaki nga ba ito. Iniisip niya kung ano ang hitsura nito. Labis na nagtataka siya kung bakit ito nag-aaksaya ng panahon sa kanya.           Kilala ba niya ito? Bakit hindi ito nagpapakita sa kanya? Bakit ito nagtatago?       Nais niya itong makilala, ngunit sa tingin niya ay nagawa na niya ang lahat ng paraan upang alamin kung sino talaga ito. Inuusisa niya ang mga deliveryman ngunit palaging tikom ang bibig ng mga ito. Paiba-iba rin ang mga deliveryman. Kapag sumusubok siya ay kaagad na nakakatanggap siya ng sulat mula rito at nakikiusap na huwag na niyang alamin kung sino ito. Hayaan na lang daw niya ito sa ginagawa nito.       Ang sabi ng mga kaibigan niya ay abnormal daw siya. Hindi raw niya dapat hinahayaan ito sa gusto nito. Bakit daw kapag sinabi nitong huwag na lang siyang mag-exert ng effort upang alamin ang identity nito, pumapayag naman siya? She should be in control. She shouldn’t tolerate that person. Hindi raw niya ito kilala. Hindi raw niya alam kung normal o may sayad ang pag-iisip nito.       Hindi na lang niya pinapansin ang mga  sinabi ng mga ito. Kompara sa mga bagay na ibinibigay nito sa kanya, bale-wala ang hinihiling nito. It wasn’t about the material things; but he sent her the happiness these things brought her.       Ito ang tanging nilalang na nagpaparamdam sa kanya na espesyal siya, na siya ang numero uno sa listahan ng priorities nito. Iba ang idinudulot na kaligayahan sa kanya ng mga bulaklak at teddy bear. Hinahayaan niya ito dahil natatakot siyang kapag nagpumilit siyang malaman ang mga bagay-bagay tungkol dito ay bigla itong mawala at tumigil sa pagpapadala sa kanya ng mga bulaklak at teddy bear.       At ayaw niyang mawala ito.       Bumalik siya sa loob ng bahay at kumuha ng papel at ball pen. Lumabas uli siya, umupo sa doorstep, at nagsulat.   Dear Angel,           What happened to you? Bakit hindi ka na nagpaparamdam sa akin? May sakit ka ba? May nangyari bang masama sa `yo? O sinukuan mo na ako? Nagsawa ka na ba sa pagbibigay ng flowers at teddy bear? Sana hindi.       I miss you.                                                             Charlotte       Iniwan niya ang sulat sa tabi ng mailbox kung saan niya palaging nakikita ang mga bulaklak at teddy bear. Kung maligaw man ito sa bahay nila, sana ay mabasa nito iyon.       Pumasok na siya sa loob ng bahay at naghanda para sa pagsisimba nilang mag-anak.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD