3

1650 Words
HINDI maipaliwanag ni Clinton ang kanyang nadarama nang mabasa niya ang sulat na iniwan ni Charlotte sa tabi ng mailbox. Siniguro muna niyang nakaalis na ang buong mag-anak upang magsimba bago siya bumaba ng kanyang sasakyan. Kanina pa niya pinagmamasdan ang bahay mula sa malayo. Nakita niya ang paglabas ni Charlotte kanina at ang pagkadismaya sa mukha nito nang wala itong nakitang mga bulaklak at teddy bear. Hindi niya alam kung bakit siya naroon. He guessed he just missed Scott so much. Scott died last week. Iyon ang dahilan kung bakit walang bulaklak at teddy bear si Charlotte. Hindi na nito mabibigyan pa ng mga iyon si Charlotte. Nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata. Nais niyang mahabag para sa kanyang kaibigan. Nilisan nito ang mundo na hindi man lang ito nakikilala ni Charlotte. Matigas naman kasi ang ulo nito. Ilang ulit na niyang isinuhestiyon dito na magpakilala na ito sa dalaga. Malaki na si Charlotte. Maiintindihan na nito ang lahat. Wala man lang kamalay-malay si Charlotte na wala na si Scott. Wala na ang taong lubos na nagmamahal dito. The cancer cells metastasized to Scott’s brain. He died two days after Mary Kirsten made her official debut as the new lead vocalist of Stray Puppies. Nais niyang isiping tahimik na si Scott kung saan man ito naroroon. Na hindi na ito makakaramdam ng anumang sakit. Ngunit hindi niya iyon lubusang magawa. Sa kanila nina TQ at David, sa kanya lang sinabi ni Scott ang sekreto nito. Sa kanya nito ipinagkatiwala si Charlotte. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Hindi niya alam kung ipagpapatuloy niya ang ginagawa nito dati. Alam niya ang hirap nito noon sa ginagawa nitong pagtatago. Hindi lamang iisang flower o gift shop ang sinusuhulan nito upang manahimik at magsinungaling kay Charlotte tuwing magtatanong ang dalaga kung sino ang nagpapadala ng mga flower at teddy bear. Hindi niya kayang gawin iyon. Hindi siya si Scott. Ngunit sa nakita niyang pagkadismaya sa mukha ni Charlotte, nais niyang magsisi kung bakit hindi siya bumili ng mga bulaklak at teddy bear. Hindi niya nakita ang magandang ngiti nito nang araw na iyon. Tila hindi siya matatahimik sa kaisipang nalulungkot ito. Dali-daling nagmaneho siya patungo sa paboritong flower shop ni Scott. Halos kabubukas lamang niyon. Nagpaayos siya ng isang malaking bungkos ng rosas na may iba’t ibang kulay. Habang hinihintay iyon ay sinulatan niya ang isang card. Nang matapos ay ipina-deliver niya iyon sa address ni Charlotte. “You know what to do and what to say,” aniya sa manager. Kilala siya nito dahil minsan ay siya ang umaayos ng mga ipapadalang bulaklak kay Charlotte. Tumango ito. “Yes, Mr. Quirino. And I’m so sorry for your loss.” Tumango siya. “Make sure she doesn’t know.” “Opo.” Umuwi na siya sa kanilang bahay pagkatapos. Sigurado siyang magiging masaya na si Charlotte. Hindi na siguro ito madidismaya. Marahil ay mali ang nais ni Scott ngunit pagbibigyan na niya ito sa hiling nito. Hindi ito matatahimik sa langit kung hindi niya ito pagbibigyan. Ayaw niyang magtampo o magalit ito sa kanya. Aalagaan niya ang babaeng pinakamamahal nito hanggang makakaya niya. Sisiguruhin niyang magiging masaya ito. Hindi niya ito pababayaan. I’m doing this for Scott, aniya sa kanyang sarili ngunit may maliit na parte ng puso niya na nais na magprotesta. LABIS ang tuwa ni Charlotte nang mai-deliver sa kanilang bahay ang isang malaking pumpon ng bulaklak. Wala iyong kasamang teddy bear ngunit ayos lang sa kanya. Ang mahalaga ay hindi nakalimot ang kanyang guardian angel. “Masaya ka na?” masuyong tanong ng kanyang ama. Hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa mga bulaklak na sa tingin niya ay dalawang dosena. Maganda ang pagkaka-arrange niyon at alam niyang hindi biro ang halaga niyon. “Opo naman,” sagot niya. “Akala ko, hindi na siya magpapadala pa ng mga `yan,” anito sa munting tinig na tila sa sarili lamang nito sinasabi ang mga katagang sinabi nito. Nagtatakang napatingin siya rito. Minsan ay pinagtatakhan niya ang reaksiyon ng kanyang papa tuwing may nagpapadala sa kanya ng mga bulaklak at teddy bear. Ni minsan ay hindi man lang ito nabahala. Hindi rin ito gumagawa ng paraan upang alamin kung sino ang taong iyon. Ang sabi ng Ate Viola niya minsan, dapat daw ay inaalam ng kanilang ama ang tungkol sa mysterious guy na iyon dahil baka hindi nito alam, iba na pala ang balak ng stalker sa kanya. Kampanteng sinabi naman ng papa niya na hindi masamang tao ang nagpapadala ng mga iyon sa kanya. Sa tono ng pananalita nito, tila kilala nito ang guardian angel niya. Hindi naman ganoon kakampante ang kanyang ama sa mga taong napapalapit sa kanilang magkapatid, lalo na sa mga lalaking sa tingin nito ay may intensiyong manligaw. Her father was over-protective. Kinikilatis nitong maigi ang mga manliligaw nilang magkapatid. Inignora niya ang obserbasyon ng ate niya. Tutal, ito lang naman ang maraming manliligaw sa kanilang dalawa. May mga lalaking malapit sa kanya ngunit hindi naman siya nililigawan. Plain friendship ang habol ng mga ito sa kanya. Siguro, kumbinsido ang kanyang ama na lalaki nga ang nagpapadala sa kanya ng mga bulaklak at naiisip nitong dapat niyang maranasan ang mga ganoong bagay upang hindi siya gaanong naiinggit sa kapatid niya. Ayaw man niyang aminin sa sarili, talagang naiinggit siya minsan sa kapatid niya. Sa kanilang dalawa, ito ang ligawin. Napakaganda kasi nito. Matangkad ito, maputi, at maganda ang hubog ng katawan. Matangkad din naman siya ngunit may kapayatan siya. Maputi rin siya ngunit mas maputi ang Ate Viola niya. Hindi siya naiinggit dahil maganda at ligawin ito. Naiinggit siya dahil espesyal ito. Minsan, nais din niyang maramdaman na siya ang nangunguna sa puso ng lahat ng tao. Kahit sa mga magulang niya ay hindi niya maramdaman iyon. Mula pagkabata ay palaging inuuna ng mga ito ang Ate Viola niya. Lahat ng taong itinuturing niyang best friend, may ibang itinuturing na best friend. Lahat naman ng tao, nais na maging espesyal para sa ibang tao. “Bakit n’yo po nasabi `yon?” tanong niya. Nagkibit-balikat ito. Bago ito nag-iwas ng tingin ay napansin niyang naging malikot ang mga mata nito. “Wala lang,” sagot nito. “Hindi ka kasi nakatanggap noong isang linggo kaya ang akala ko ay tumigil na siya. Dati kasi ay hindi siya pumapalya sa pagpapadala, `di ba?” Hindi na niya gaanong pinansin ang reaksiyon nito. Baka masyado lamang niyang binibigyan ng kulay ang lahat. Kung kilala man ng kanyang ama ang kanyang guardian angel, bakit hindi nito sinasabi sa kanya? Kung sakali man, magiging kampante na rin siya dahil nakakasiguro siyang hindi ito masamang tao. Darating din siguro ang araw na makikilala niya ang taong iyon. Hihintayin na lamang niya ang araw na iyon. Nagtungo siya sa kanyang silid upang doon basahin ang card na kalakip ng mga bulaklak. Medyo malaki ang card sa pagkakataong iyon. Kumabog ang dibdib niya nang makitang nakasulat-kamay ang mensaheng nakapaloob sa card. Dati-rati ay typewritten iyon. May isa pang kakaiba sa card ngayon. May nakalagay nang pangalan ng sender! My dearest Charlotte, I’m so sorry if I wasn’t able to give you flowers last week. Something bad happened. Gusto kong malaman mo na palagi akong narito para sa `yo. Kahit hindi mo ako nakikita, mananatili akong nakabantay sa `yo. Hindi kita iiwan. Huwag kang malulungkot kapag hindi ako makakapagparamdam sa `yo. Kahit walang mga bulaklak, I’ll always care for you. I’ll always love you. Magbabago ang lahat ng bagay sa mundong ito ngunit hindi ang pagmamahal ko sa `yo. Always be happy. Always smile. Someday, we’ll be together. Darating ang araw na malalaman mo rin ang tungkol sa akin. Always loving you, Scott Napalunok siya nang sunud-sunod. Hindi niya maipaliwanag ang eksaktong nadarama niya. Iyon ang pinakamahabang mensahe na natanggap niya mula rito. Pakiramdam talaga niya ay minamahal siya nang tunay ng sender. Sa mga nakaraang card, maikli lamang ang mga sulat nito. Naroong pinapaalalahanan siya nitong laging ngumiti at maging masaya. Lagi rin nitong sinasabi sa kanya na may isang tao na labis na nagmamalasakit sa kanya. Those simple messages always brought her happiness. They always made her feel good. Pakiramdam niya ay hindi siya iniiwan ng guardian angel niya na “Scott” pala ang pangalan. Pakiramdam niya ay magiging maayos ang lahat dahil naroon at nakabantay ito. Hinaplos niya ng daliri ang nakasulat na pangalan. “Scott...” usal niya. Tama nga ang kanyang kapatid, lalaki ang nagpapadala sa kanya ng mga bulaklak at teddy bear. Bakit nito naisip na sabihin na sa kanya ang pangalan nito? Bakit biglang nagbago ang lahat? Malapit na ba itong magpakita sa kanya? Isa pa, tila nagbago ang tono ng mensahe nito. Tila nagkaroon iyon ng romantic notion. Dati ay hindi niya nararamdaman iyon. Napapaisip tuloy siya kung ito pa rin ba ang taong nagpapadala niyon o iba na. “Scott,” usal uli niya. “Sino ka? Kailan ka magpapakita sa akin?” NAPAPABUNTONG-HININGA si Ricardo habang binabasa niya ang card na ipinabasa sa kanya ng kanyang anak na si Charlotte. Napatingin siya rito na masiglang tinutulungan ang ina nito sa paghahanda ng merienda sa kusina. Abot hanggang tainga ang ngiti nito. Halatang masayang-masaya ito dahil sa natanggap nitong mga bulaklak. Hindi nito karaniwang ipinapabasa sa kanya ang mga card na natatanggap nito mula sa mystery sender nito. Ngunit dahil may nakalagay nang pangalan ng sender sa pagkakataong iyon, excited na ipinabasa nito iyon sa kanya. Sa loob daw ng maraming taon ay noon lamang ito naglagay ng pangalan. Hindi niya alam kung matutuwa o manlulumo siya sa nangyaring pagbabago. Ayaw niyang masaktan si Charlotte sa sandaling malaman nito ang katotohanan tungkol sa pagkatao nito at sa pagkatao ng lalaking nagpapadala rito ng mga bulaklak at teddy bear. Inabot niya ang isang CD sa shelf at pinakatitigan ang isang lalaki sa cover. Kung sino man ang binilinan mong ipagpatuloy ang ginagawa mo, sana ay magsawa rin siya at tumigil. Maigi nang masanay si Charlotte na walang natatanggap na anuman mula sa `yo. Masasaktan lang siya kapag nalaman niyang wala ka na at hindi ka na babalik. Sa mga nakalipas na taon, hinangaan ko nang husto ang pagmamahal mo para sa kanya. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ka nagpakilala sa kanya. Bakit hindi ka pumasok sa buhay niya nang magkaroon ng taning ang buhay mo? Hindi mo ba siya gustong makasama? Masaya ka ba nang lisanin mo ang mundong ito? Ni hindi mo man lang siya nayakap o nakaharap uli. I want to tell her everything but you always refused. Mas pinili mong manahimik at lihim na magmahal. Alam niyang hindi ang totoong Scott ang nagpadala ng mga bulaklak. Nasa balita pa rin ang pagkamatay ng bokalista ng isang sikat na banda dahil sa cancer. Isinalang niya ang CD sa player. Pumailanlang sa kanilang bahay ang magandang tinig ni Scott Quirino. Nakangiting nilapitan siya ni Charlotte. “Stray Puppies na naman?” “Gusto ko ang musika nila,” tugon niya. Hindi ito mahilig sa mga rock band. Sayang dahil hindi nito alam na “Scott” ang pangalan ng dating bokalista ng banda. Inakbayan siya nito. “Nalulungkot pa rin kayo dahil namatay ang bokalista nila? Ano ba ang pangalan n’on?” “Scott,” sagot niya. Saglit na natigilan ito. “Magkapangalan sila ng guardian angel ko.” Malungkot na napangiti siya. Marahil ay anghel na ngayon ang batang iyon. Totoong guardian angel na ito ni Charlotte.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD