Chapter 2

1544 Words
Elise Huli na ang lahat nang makarating ako sa ospital. Tila nanlambot ang aking tuhod nang makita ko ang nakatakip na mukha ni daddy. Lahat ng sakit at kalungkutan ay bumalot sa aking puso, hanggang sa hindi na maawat ang pagpatak ng luha sa aking mata. "Dad, bakit? Bakit mo naman ako iniwan." Kahit nanginginig, marahan akong humakbang palapit sa higaan na kinaroroonan ni daddy. Mahigpit kong niyakap ang kanyang katawan at doon binuhos ang aking paghihinagpis. Naramdaman ko naman ang paghagod ni Bryan sa aking balikat at pilit na pinapagaan ang aking kalooban. Ngunit kahit anong gawin ko, wala nang mas sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon. *** Mahigpit ang aking pagyakap sa litrato ni daddy habang sunod-sunod ang pagpatak ng luha sa aking mata. Habang binababa ang kanyang ataol, hindi ko maiwasang hindi maalala ang nakaraan kung saan siya lang ang nag-iisang nag-alaga sa akin hanggang sa pagtanda. Napakasakit maulilang lubos sa mga mahal mo sa buhay. Napakasakit na hindi ko na sila muling mahahagkan. Sa paglibing kay daddy, pakiramdam ko ay nilibing din ang kalahati ng aking puso. Naramdaman ko ang mainit na yakap ni Bryan sa akin. Kahit paano, nagbigay ito ng kapanatagan sa aking puso. Mabuti na lang at nandito ang aking asawa, dahil hindi ko kakayanin lagpasan ang lahat ng ito. *** Sa paglipas ng araw, unti-unting naibsan ang sakit ng pagkawala ni daddy. Sa tulong ni Bryan, tuluyang nabalik ang ngiti sa aking mga labi. Ngunit nang tuluyan kaming nakapagpatayo ng sariling bahay at iwan ang mansion kung saan ako lumaki, tila may nagbago sa aking asawa. Hindi na ganoon kadalas ang kanyang pag-uwi. Hindi na rin kami ganoon kadalas mag-usap. Lagi akong mag-isa sa aming bahay dahil hindi rin ako kumuha ng katulong. Ngunit ang mga pagbabagong ito ay pilit kong binalewala, dahil baka nga naman pagod siya sa trabaho. Kinabukasan, minulat ko ang aking mga mata at sumilay ang ngiti sa aking labi. Katabi ko ang aking asawa at naalala kong wala nga pala siyang pasok ngayon. Dahan-dahan ang aking paggalaw paalis sa aming kama upang makapaghanda ako ng umagahan. Ngayon ko naisip na sa wakas ay makakasama ko na siya sa buong araw. Nagtungo ako sa kusina at nagluto. Humuhuni pa ang aking labi na parang ibon, ganito kasaya ang aking nararamdaman habang nag-aasikaso. Wala akong nais sa buhay kung hindi ang maging mabuting asawa. Ang pagsilbihan ang lalaking pinakamamahal ko. "Anong amoy 'yun? Ang baho!" Agad akong napalingon sa hagdan nang marinig ang tinig ni Bryan. Nakatakip ang ilong nito at nababakas ang pagka-iritable sa kanyang mukha. "S-Sandali lang! Nagluluto kasi ako ng adobo," nauutal ko pang tugon. "Ha? Hindi mo ba alam na ayoko ng amoy ng suka?" galit niyang saad. "Kailan pa? Kumakain naman tayo nito noon, hindi ba?" "Elise, ano ba? Matagal ko nang ayoko niyan. Ikaw lang ang pumipilit sa 'kin!" Marahas siyang nagtungo sa kusina at lumapit sa aking kinaroroonan. Sinadya niyang tabigin ang kawali kung saan nandoon ang kumukulong ulam. "Aaah!" sigaw ko nang madilaan ng kumukulong sabaw ang aking kamay. Nakita ko ang pailalim na tingin ni Bryan. Animoy wala siyang pakialam sa nangyari sa akin. Hindi man lang niya ako tinulungan, bagkus, lumakad lang siya palayo at sinabing sa labas na lang siya kakain. Sunod-sunod ang patak ng aking luha habang hinahayaang dumaloy ang malamig na tubig sa aking kamay nang itapat ko ito sa gripo. Ano ba ang nangyari sa kanya? Hindi naman siya dating ganito. Ano bang nagawa ko at ginaganito niya ako? sunod-sunod kong wika sa sarili. Matapos kong gamutin ang namumula kong balat, inayos ko ang natapong ulam at kinain mag-isa ang natira. Siguro ay may dahilan kung bakit ganito sa akin si Bryan. Kailangan ko lang intindihin ang lahat dahil baka pagod lang siya sa trabaho. Mapait akong ngumiti habang nasa hapagkainan. Napakatahimik ng paligid, madalas namang ganito ngunit tila hindi na ako nasanay. Maya-maya lang, naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cell phone sa bulsa. Kinuha ko ito at nakitang naka-flash sa screen ang pangalan ng best friend kong si Ericka Bermudez. Mariin kong pinahiran ang aking luha, saka sinagot ang tawag na iyon. "Hello?" pagsagot ko sa telepono. "Hello, Bestie! Pwede ba akong bumisita riyan?" wika niya mula sa kabilang linya. "Oo naman," tugon ko sabay sa mapait kong ngiti. Matapos ang pag-uusap na iyon, maya-maya lang ay dumating na rin si Ericka. Sa pagbukas ko ng pinto ng aming bahay, nabasa niya agad ang lungkot sa aking mata, maging ang paso sa aking kamay ay napansin niya. "Anong nangyari sa 'yo?" tanong niya. Hindi ko napigil ang aking sarili. Mabilis na pumatak ang luha sa aking mga mata at humagulgol ng pag-iyak sa kanyang bisig. Kunot-noo at animoy may pagtataka sa kanyang mukha. *** "Nagawa niya 'yon sa 'yo? Ang hayop na iyon! Akala mo ang bait-bait demonyo pala!" galit na galit na wika ni Ericka. Kasalukuyan kaming nakaupo sa sofa sa may sala at doon nag-usap. Niyuko ko lang ang aking ulo dahil hindi ko mahanap ang itutugon sa sinabi niya. "Hay... naku! Noon palang hindi ko na gusto 'yang asawa mo, eh. Ewan ko ba kung anong nakita mo diyan sa lalaking iyan at patay na patay ka." "Baka pagod lang si Bryan sa trabaho kaya hindi niya napigilan ang sarili kanina." "Kahit gaano pa siya kapagod, hindi ka niya hahayaang matapunan ng kumukulong sabaw." "Intindihin mo na lang, Eka. Ako bilang asawa, naiintindihan ko siya dahil mabigat ang trabaho sa opisina," pilit kong pagpapaliwanag sa kanya. "Hay... naku! Ewan ko lang, ha!" iritable niyang wika. "Oo nga pala, bakit napabisita ka yata?" pagbago ko sa aming pinaguusapan. "Ah, oo nga pala. Muntik ko nang malimutan." Kinuha ni Ericka ang dala niyang paper bag na nakalapag sa sahig, saka niya nilabas ang isang pulang dress. "Gift ko sa 'yo. Tingin ko bagay sa 'yo 'yan." Napangiwi ako dahil sa kanyang sinabi. Tiningnan kong mabuti ang dress at sleeveless ito. May mataas na slit at hindi ganito ang tipo kong damit. "Ano ba 'yan, Eka? Alam mo namang hindi ako nagsusuot ng ganyan, hindi ba?" wika ko na animoy nandidiri. Hindi naman lingid sa kanyang kaalaman na hindi ako mahilig sa revealing na damit. Kahit anak mayaman ako, pinalaki ako ni daddy na conservative. Halos takpan ko na nga ang buo kong katawan dahil hindi talaga ako sanay magpakita ng kilikili at legs. Kung ako ay lalabas, madalas akong mag-t-shirt at pantalon. Mas gusto ko ang simple. Kung minsan ay sinasabihan akong manang ngunit wala na akong pakialam doon, ang mahalaga ay komportable ako. Minahal naman ako ni Bryan nang ganito, kaya wala akong kailangang baguhin sa sarili. "Ang KJ mo talaga, ano? May ganito rin akong damit, Elise. Binili ko nga ito para couple dress tayo, eh," pagtatampo niyang wika sa akin. Natatawa naman ako dahil sa ekspresyon ng kanyang mukha, kaya bilang pampalubagloob, tinanggap ko na lang ang dress na ito. "Sige na, sige na. Salamat, Eka. Pinasaya mo na naman ako," wika ko saka sumilay ang ngiti sa aking labi. "Ikaw pa ba?" tugon niya. Niyakap ko siya nang mahigpit. Ito ang pinakamamahal kong kaibigan. Simula college, kami na ang magkasama. Tulad ko, ulilang lubos na rin si Ericka kaya labis kaming nagkaka-intindihan. Siya lang ang nasasabihan ko ng problema. Siya lang ang tinatakbuhan ko sa tuwing ako ay lumuluha. Napuno ng kwentuhan ang buong oras na kami ay magkasama, hanggang sa maya-maya lang, kailangan na rin niyang umuwi at magpaalam na sa akin, sakto naman sa pagdating ni Bryan ang pag-alis ni Ericka. "Bakit ngayon ka lang, Hon?" tanong ko kay Bryan nang buksan ko ang pinto ng aming bahay. Tinapunan niya lang ako ng matalas na tingin saka dirediretsong naglakad palayo sa aking kinaroroonan. Naaamoy ko ang alkohol sa kanyang katawan at pagewang-gewang din ang kanyang paglakad. Uminom na naman siya. Agad akong lumapit saka kinuha ang kanyang braso at inalalayan ang kanyang paglalakad. Tulad ng dati, pinahiga ko siya sa aming kama at pinunasan upang mabawasan ang amoy ng alak. Inasikaso at inalagaan ko siya. Binihisan upang maging komportable ang kanyang pakiramdam. Nang matapos ko ang aking ginagawa, hinayaan ko na siyang matulog. Hindi ako nagtanong kung bakit siya nag-inom, sinong kasama niya, o saan siya nanggaling. Ayoko nang magalit pa siya sa akin dahil nasasaktan ako sa tuwing sisigawan niya, kaya pilit kong iniiwasan ang makipag-away sa aking asawa. Anong magagawa ko? Mahal ko, eh. Maya-maya lang, isang ilaw ang kumuha sa aking atensyon. Napalingon ako sa isang bagay na nasa tabi ng kamay ni Bryan. Noon ko lang napansin ang kanyang cell phone. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip dahil kinuha ko ang telepono niya. Nanginginig pa ang aking kamay nang pindutin ko ang read sa mensahe na kanyang na-receive. Nanlaki ang aking mga mata at agad na bumagsak ang cell phone sa kama nang mabasa ko ang mensahe sa aking asawa. Hindi ko napigil ang paggapang ng luha sa aking pisngi at pagsikip ng aking dibdib dahil sa bagay na ito. Sa tingin ko ay galing ito sa isang babae. Muli kong binasa ang mensahe sabay sa sunod-sunod na pagpatak ng aking mga luha. Thank you for this wonderful night, babe. Ito ang nakalagay sa screen na labis na dumurog sa aking puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD