Prologue

618 Words
Elise Hanggang ngayon, sariwa pa rin sa aking alaala kung paano binago ng isang trahedya ang aking buhay. Kung paano dinilaan ng apoy ang aking balat hanggang sa unti-unti itong masunog. Tuluyang nasira ang minamanehong sasakyan ng aking kaibigan na kasama ko. Nawalan ako ng pag-asang mabuhay dahil sa mga nangyari sa aking nakaraan. Ang mga pangyayaring ito ay tila kahapon lang sa aking pakiramdam. Ilang araw na nga ba? Ilang buwan na nga ba ang nakalipas mula nang araw na iyon? Hindi ko na alam. Pakiramdam ko ay ilang taon na akong narito sa ospital at hinihintay maghilom ang mga sugat na aking natamo. Maingat at marahan akong lumakad patungo sa isang salamin. Tinanggal ko ang balabal na nakatakip sa aking mukha upang makita ang resulta ng aksidenteng iyon. Nagsimulang gumapang ang mapapait na luha sa aking pisngi dahil sa aking nakita. Kulubot at sunog ang kalahati ng aking mukha at halos hindi ko na makilala ang sarili, wala na ang ganda na noon ay aking iniingatan. Napalingon ako sa newspaper na nakapatong sa aking kama rito sa loob ng silid ng ospital. Muli kong dinampot ang newspaper na iyon at nakita sa isang article ang aking asawa – si Bryan Fortalejo, ang CEO ng EMadison Corporation. Inanunsyo niya sa publiko na patay na ako, na isang car accident ang nangyari at doon ako nabawian ng buhay. Ngunit ang totoo, heto ako at humihinga. Wala man lang siyang ideya na may isang tao ang tumulong sa akin mula sa aksidente na iyon. *** Kinabukasan, suot ang balabal na tumatakip sa aking mukha, tumakas ako sa ospital at nagtungo sa kompanya ng aking asawa. Ngunit hindi pa man ako nakapapasok, nakita ko na ang paglabas ni Bryan mula sa gusali. Palingon-lingon ito sa paligid na animoy may tinataguan. Mabilis akong nagtago at lihim siyang sinundan, hanggang sa makarating sa isang restaurant. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ang isang babae na naghihintay sa kanya. Hindi ako maaaring magkamali, siya ang kabit ng aking asawa. Sinadya kong umupo 'di kalayuan sa kanilang kinaroroonan, sapat lang upang marinig nang bahagya ang kanilang usapan. "Mabuti naman at nawala na sa landas natin ang babaeng iyon." "Samantha, hinaan mo ang boses mo! Baka may makarinig sa 'yo," pagsuway ni Bryan sa babaeng nasa kanyang harapan. "Masaya lang ako, Bryan. Malaya na nating maisisigaw sa mundo ang pagmamahalan natin. Wala na si Elise." Isang malaking pagngisi ang sumilay sa labi ng aking asawa. "Tama, mabuti na lang at malinis trumabaho ang inupahan ko." Hindi kinaya ng aking puso ang mga bagay na narinig ko. Tuluyang pumatak ang luha sa aking mga mata dahil sa kademonyohan ng aking asawa at kabit niya. Agad akong tumayo at mabilis na lumabas sa restaurant na iyon. Hindi ako makapaniwala na sila ang dahilan kung bakit ako naghihirap ng ganito, na sila ang dahilan kung bakit muntik na akong mamatay. Tulala ang mga mata nang muli akong bumalik sa ospital at pumasok sa aking private room. Walang gana akong umupo sa kama habang pinipigilan ang pagluha ng mga mata. Hindi pa rin pumapasok sa aking isip ang mga bagay na nalaman ko at hanggang ngayon, nasa loob pa rin ng aking dibdib ang sakit mula sa kanilang sinabi. Kahit nanginginig sa galit ang aking katawan, pinilit kong tumayo at muling humakbang patungo sa salamin, saka muling tiningnan ang aking mukha. Tanging awa sa sarili ang aking naramdaman. Naalala ko ang mga araw na labis akong nagpakamartir para sa lalaking iyon. Mariin kong kinuyom ang kamay at tuluyang nabalot ng puot ang aking puso. Isinusumpa ko, darating ang araw na babalik ako at babawiin kung ano ang dating sa akin. Muli akong babangon at ipatitikim ang aking paghihiganti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD