NAPAKUNOT-NOO si Kate nang makitang nakasandal sa pinto ng kanyang kotse si Jay-Jay paglabas niya mula sa kanyang opisina nang hapong iyon.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya nang makalapit.
“Sinusundo ka.”
“Sinusundo? At bakit mo naman gagawin ‘yon?”
“Well, nasabi naman siguro ni Ken sa ’yo bago siya umalis na ako ang magbabantay sa’yo para hindi ka malapitan ng Gilbert Chua na ‘yon.”
“Sineryoso mo ang inutos sa’yo ni Kuya?” hindi makapaniwalang sambit niya.
Her brother was being unreasonable again. Bilang lalaki at panganay na apo sa father side, kawawa silang magpipinsan kay Kuya Ken kapag umatake ang pagiging istrikto at overprotective nito. Miski sina Jane at Trisha at iba pa nilang mga kaibigang babae ay nararanasan din ang kapraningan ni Kuya Ken, which was actually good pero kung minsan ay nakakairita na.
She had no problem with Gilbert, may pagka-mama’s boy nga lang pero mabait naman. Hindi siya naniniwala sa mga negatibong sinasabi ng kuya niya tungkol dito. Kaya niyang protektahan ang sarili at wala siyang balak na sumunod sa inuutos nito. At isa pa, kasalukuyang nasa Hongkong si Gilbert kaya walang umaaligid sa kanya. Ang akala niya, sa pagpunta ni Kuya Ken sa Davao ay matitigil na ang OA na pagprotekta nito sa kanya. Ngunit nagkamali siya. Bago ito umalis ay sinabing si Jay-Jay ang magbabantay sa kanya. Tinawanan lang niya ang sinabi ni Kuya Ken. Iyon pala ay talagang seseryosohin ni Jay-Jay ang inutos ng kuya niya.
“Of course,” kampanteng tugon ni Jay-Jay.
“Well, I have my own car,” paalala ni Kate. Nilagpasan niya ang binata at binuksan ang pinto ng driver’s side.
“Alam ko kaya nga hindi ko na dinala ang kotse ko.” Lumigid si Jay-Jay sa passenger’s side.
Nakaupo na siya sa driver’s seat nang katukin ni Jay-Jay ang salamin ng kotse. Sandali siyang nagdalawang-isip kung pasasakayin ang binata. Hanggang sa hindi na siya nakatiis at in-unlocked ang pinto. Nakangiting mabilis namang sumakay si Jay-Jay.
“I’m hungry. Can we take an early dinner first at Amelia’s o kahit saang resto mo pa gusto bago umuwi?” tanong ni Jay-Jay nang nagbibiyahe na sila.
“No. I’m tired. Gusto ko nang makauwi kaagad. Tiisin mo na lang muna ang gutom mo. Sa bahay ka na lang kumain.”
“Okay, sweetheart,” nasisiyahang sabi nito.
Sandaling natigilan si Kate nang marinig ang endearment ni Jay-Jay noon sa kanya. Pero pinagwalang-bahala niya iyon at piniling manahimik.
Pagdating sa bahay ay naroon na ang mga magulang niya. Pagtapos humalik sa pisngi ng mga ito ay nagkulong na siya sa silid. Nang katukin siya ng maid para maghapunan ay nagdahilan siya na busog pa siya. Hindi niya gustong makasalo sa hapunan si Jay-Jay. Kung anong oras ito umalis at kung saan sumakay para makauwi ay hindi niya alam dahil hinila na siya ng antok.
NANG sumunod na araw, paglabas ni Kate sa kanyang opisina ay nadatnan uli niya si Jay-Jay na naghihintay sa tabi ng kotse niya sa parking lot. Dala ang isang bungkos ng red roses ay nilapitan niya ang binata. Pagpasok niya kaninang umaga ay nadatnan na niya ang mga bulaklak na iyon sa opisina niya. At ayon sa card na nakaipit doon ay nanggaling iyon kay Jay-Jay.
“What are these for?” tukoy ni Kate sa hawak na mga bulaklak.
“Uhm…my way of saying I’m courting you,” tila nahihiya pang tugon nito. “What?” gulat na bulalas niya. “Pinaglalaruan mo ba ako, Jay-Jay?”
“Of course not,” mabilis na deny nito. “Hindi ko magagawa sa ‘yo ‘yon, Kate.”
“How could you say you’re courting me when you have a girlfriend in Seattle?” sumbat niya.
Tila nahahapong sumagot ito. “Caroline is not my girlfriend. Magkaibigan lang kami.”
“What?” naguguluhang sambit niya. Mali ba ang narinig niya sa kuya niya o break na si Jay-Jay at si Caroline?
Napabuntong-hininga ang binata. Inilahad nito ang kamay. “Give me your key,” utos nito.
“Why?”
“Just give me your key, Kate,” muling utos ni Jay-Jay. “Marami tayong dapat pag-usapan.”
Bantulot na iniabot niya ang susi ng kotse. Nang buksan ng binata ang pinto ng driver’s side at sumakay, pumuwesto naman siya sa passenger seat.
Walang salitang nag-drive si Jay-Jay. Inihimpil nito ang kotse sa isang park malapit sa opisina ni Kate. Pinatay nito ang engine at humarap sa kanya. “Inuulit ko Kate, hindi ko girlfriend si Caroline.”
“So what? Hindi mo kailangang magpaliwanag sa akin, Jay-Jay. I stopped caring about you since you dumped me.” She lied again. She never stopped caring about him. Concerned pa rin siya sa lahat ng bagay na naririnig niya tungkol dito.
“But that’s the truth, Kate.” Kinuha nito ang isang kamay niya at inilagay sa tapat ng dibdib nito. “Ikaw ang unang dahilan kung bakit ako nagbalik dito sa Pilipinas.”
Umiling- iling si Kate habang nakatingin kay Jay-Jay. Hindi niya alam kung paniniwalaan niya ang sinasabi nito. Binawi niya ang kamay sa mahigpit nitong pagkakahawak. Bahagya pa siyang umurong palayo.
“I know it’s hard for you to believe me. But I still love you, Kate. Kailan man ay hindi ka nawala sa puso at isip ko,” patuloy ni Jay- Jay. “I’ll court you properly like I’ve wanted to do it for a long time. Nagpaalam na ako sa parents mo kagabi at ibinigay nila ang approval sa akin.”
Napamaang siya sa pagkagulat. Nagpaalam ito sa parents niya para manligaw sa kanya? May kung anong mainit na bagay na humaplos sa dibdib niya dahil sa ginawa ni Jay-Jay.
“Manliligaw ka? Paano kung may iba nang nagmamay-ari ng puso ko?” panunubok niya.
Umiling ang binata. “Alam kong wala pa, Kate. But whatever it takes, I’m going to win you back. Hinding-hindi ako makakapayag na mapunta ka sa Gilbert Chua na iyon o kahit na sinong lalaki.” Iyon lang at umayos na ito ng upo at binuhay ang engine ng kotse at nagdrive.
NANG sumunod na tatlong araw ay walang naging palya sa pagsundo kay Kate si Jay-Jay. Ilang beses na rin siyang sumamang mag-lunch at mag-dinner dito. Gusto pa sana nitong ihatid siya sa pagpasok sa opisina subalit mahigpit niyang tinutulan iyon. Wala rin itong palya sa pagpapadala ng mga bulaklak, regalo at pagkain sa opisina. Lantaran na rin ang ginagawa nitong panliligaw ni Jay-Jay kaya puro kantiyaw ang inabot nito sa mga kaibigan nila nang minsang mag-badminton silang magkakaibigan pagkatapos ng trabaho. At kahapon lang ay halos buong-araw silang magkasama ni Jay-Jay. Sumama kasi ito sa debut na in-organisa niya sa Antipolo. Ipinag-drive siya nito at nakitulong din sa kanila ng mga staff niya.
Nang araw na iyon ay naninibago si Kate. Alas-onse na kasi ng umaga ay wala pa siyang natatanggap na bulaklak mula kay Jay-Jay. Iyon pala ay ito mismo ang magdadala. Mag-aalas-dose na nang dumating ang binata sa opisina.
“Flowers for my beautiful lady,” nakangiting sabi nito.
Nakangiting tinanggap niya ang mga bulaklak. Aminado siyang nagugustuhan niya ang panunuyo ni Jay-Jay at sa pagdaan ng mga araw ay ramdam niyang nahuhulog na naman ang loob niya rito. Natuklasan niyang hindi pa rin ito nagbabago. Sweet pa rin at caring.
“Thanks!” Tinawag niya ang assistant. “What do you want? Coffee, juice or…”
“Don’t bother, Kate,” tanggi ni Jay-Jay habang umuupo sa visitor’s chair sa harap ng desk.
Pumasok ang kanyang assistant at iniabot niya rito ang mga bulaklak. “Pakilagay naman sa base,” nakangiting utos niya. Nakangiting tumalima si Liza at lumabas na ng opisina.
“Busy ka ba today? Puwede ko bang kunin ang oras mo buong magkahapon?”
Napakunot-noo si Kate sa narinig. “Bakit? Saan mo naman ako dadalhin?”
“Mamayang alas-tres kasi ang dating nina Lola Amelia at Lolo Frank mula sa Seattle. Gusto ko sanang magpasama sa ’yo sa pagsundo ko sa kanila sa airport.”
“Talaga?” Na-excite siya sa narinig. Malapit siya sa grandparents ni Jay-Jay. Ang mag-asawang Monteclaro kasi ang itinuturing na pangalawang magulang ng kanyang daddy. Noon pa man ay magkakaibigan na talaga ang mga lolo at lola niya sa father side at grandparents ni Jay-Jay at magkapitbahay din ang mga ito sa Seattle. Ang mommy naman niya ay dati na ring malapit sa mag-asawang Monteclaro.
“Yes. So, puwede mo ba akong samahan?”
Walang pagdadalawang-isip na tumango si Kate. Hindi siya busy ngayong araw. Sa weekend pa naman ang susunod na event niya at maayos na ang lahat. At kung sakaling may dumating na walk-in client, puwede namang si Liza ang mag-asikaso.
Mabilis niyang niligpit ang kanyang mga gamit. Pagkatapos magbilin kay Liza ay lumabas na sila ng opisina. Ang van ni Daddy Randall ang dalang sasakyan ni Jay-Jay. Pasakay na sila nang pumarada sa tabi ng van ang sasakyan ni Gilbert.
Nagulat si Kate sa pagdating ni Gilbert. Hindi niya alam na nakabalik na pala ito mula sa Hongkong. Nilapitan niya si Gilbert pagkababa nito sa kotse.
“Hi, Kate,” nakangiting bati nito at hinalikan siya sa pisngi.
“Hi, kailan ka pa bumalik mula sa Hongkong?”
“Just last night. Paalis ka ba? Can I invite you to lunch?”
“No. Sa akin sasama si Kate,” madilim ang mukhang tugon ni Jay-Jay. Hindi namalayan ni Kate na nasa tabi na pala niya ito.
Napatingin si Gilbert kay Jay-Jay, pagkatapos ay nagtatanong ang mga matang tumingin kay Kate.
Mabilis na ipinakilala ni Kate ang dalawang lalaki sa isa’t – isa. “Gilbert, this is Jason Frank Monteclaro the Third of Monteclaro & Narvantez Group of Companies -”
“Kate’s boyfriend,” dugtong ni Jay-Jay.
“What?” gulat na bulalas ni Gilbert. Bigla nitong naibaba ang kamay na ilalahad sana para makipagkamay kay Jay-Jay.
Maski si Kate ay nagulat. Nanlalaki ang mga matang napatingin siya kay Jay-Jay. Sa halip na sumagot ay possessive na hinapit siya ng binata palapit sa katawan nito.
“Is that true, Kate?”
Ibinalik ni Kate ang tingin kay Gilbert nang marinig ang tanong. Sandali siyang nagdalawang-isip sa pagsagot. “Yes,” tugon niya. Ayaw lang niyang mapahiya si Jay-Jay kay Gilbert kaya nagsinungaling siya.
“I see,” tumatango-tangong sabi ni Gilbert. “Goodluck to the two of you,” halata ang sama ng loob na sabi nito at kaagad nang nagpaalam at sumakay ng kotse.
Nang makaalis ang kotse ni Gilbert ay nagdadabog na nagpatiuna nang sumakay ng van si Kate.
“Bakit sinabi mo kay Gilbert na girlfriend mo ako?” galit na tanong niya pagkasarang-pagkasara ni Jay-Jay ng pinto ng sasakyan pagkatapos nitong pumuwesto sa driver’s seat.
“Para tumigil na siya sa panliligaw sa’yo. Hindi ako makakapayag na mapunta ka sa lalaking ‘yon, Kate. Akin ka lang,” mariing sabi ng binata.
“Ang kapal ng mukha mo, Jay-Jay. Wala tayong relasyon!” inis na sabi niya.
“Bakit hindi mo sinabi kay Gilbert ‘yan?”
Napipilan siya.
Biglang sumilay ang nakakalokong ngisi sa mukha nito. “Why don’t you just admit that you still love me, Kate?”
Nag- iwas siya ng tingin. Biglang umusog si Jay-Jay sa espasyong nasa pagitan nila. Sa isang iglap ay nahila siya nito at nakayakap na ito sa baywang niya.
“Let’s make it official, Kate. Sagutin mo na ako ngayon para masabi ko na kina lola mamaya na girlfriend na kita.”
“No way! Bitiwan mo nga ako.” Tinangka niyang kumawala subalit mahigpit ang pagkakayakap ng binata sa baywang niya.
“Then I’ll help you realize how you really feel about me,” sabi nito at biglang inangkin ang mga labi niya para sa malalim at possessive na halik.
Nanigas sa pagkagulat si Kate ngunit sandali lang. Namalayan na lang niya na tumutugon siya sa halik.
“So, tayo na?” nakangising tanong ni Jay-Jay matapos ang matagal–tagal na sandaling paghihinang ng kanilang mga labi.
“No!” tanggi pa rin niya.
Muling siya nitong hinalikan at buong puso naman siyang tumugon.
“Girlfriend na uli kita, ha?” ani Jay-Jay matapos na muling maghinang ng kanilang mga labi.
“No way!” muling tanggi niya.
Walang babalang muli siya nitong hinalika at muli ay tinugon ang halik.
“Trust me, Kate. Hangga’t hindi mo sinasabing tayo na uli, hindi tayo aalis dito at hindi ako titigil sa kakahalik sa ’yo. Wala akong pakialam kahit mamuti pa ang mga mata nina lola sa paghihintay sa sundo nila,” banta ni Jay-Jay nang muling maghiwalay ang kanilang mga labi.
Umiling siya. Anyong hahalikan sana uli siya ng binata nang magsalita siya. “Oo na, tayo na! Sinasagot na kita!” deklara niya. Para saan pa ang pagtanggi kung bistado na siya? Mahal pa rin nila ang isa’t-isa. They deserves a second chance.
Sumilay ang masuyong ngiti sa mga labi ni Jay-Jay. Muli itong yumuko at itinuloy pa rin ang paghalik sa kanya at buong puso siyang muling tumugon.