“MAGBABAKASYON lang ba sina Lola Amelia rito?” tanong ni Kate habang magkatabi silang nakaupo ni Jay-Jay sa arrival area ng NAIA at hinihintay nila ang pagdating nina Lolo Frank at Lola Amelia.
“I’m not sure. But every year, on the first week of March, umuuwi talaga sila rito sa Pilipinas para sa birthday at death anniversary ni Papa. Pero nabanggit ni Lola noong nasa Seattle pa ako na pipirmi na sila nina Lola Frank sa Palawan kapag nagretiro na si Daddy Randall,” tugon ni Jay-Jay.
Matagal nang naikuwento ng mga magulang ni Kate sa kanilang magkakapatid kung paanong nasawi ang Papa Jason ni Jay-Jay noon sa Palawan sa mismong araw pa ng kaarawan nito halos tatlumpung taon na ang nakararaan. It was a traumatic experience for Kate’s dad. Ang daddy niya ang kasama ng papa ni Jay-Jay sa yate nang masawi ito. Kasama rin doon si Tito Vincent, daddy ni Paolo, subalit nauna na itong nabaril ng mga tulisan at nahulog sa dagat bago pa man mabaril ang daddy ni Jay-Jay at ang daddy niya. Pinakiusapan lang ng daddy niya ang mga tulisan na huwag patayin ang mga ito kaya iniwan silang buhay pagkatapos pagnakawan. Subalit hindi rin nakaligtas si Papa Jason, dead on arrival ito sa ospital. Halos wala na ring buhay noon ang daddy niya nang makarating sa ospital. Si Tito Vincent naman ay inakalang patay na nang mahulog sa dagat at nang hindi makita ang katawan nito. Ngunit makalipas ang isang taon ay natuklasan na buhay pa pala ito at nagka-amnesia.
Ilang minuto pa ang pinaghintay nila nang sa wakas ay dumating na ang mag-asawa kasama ng lalaking assistant.
“Is that you, Kate?” nakangiting tanong ni Lola Amelia nang batiin ito ni Kate.
“Ako nga po, Lola,” nakangiting tugon niya bago nagmano at yumakap sa matanda. Tatlong taon na ang nakalilipas nang huli niyang makita ang mga ito. Parehong seventy-eight years old ang mag-asawa at masasabing malakas pa rin sa kabila ng katandaan. Nagmano at yumakap din siya kay Lolo Frank.
Humalik at yumakap din si Jay-Jay sa lolo at lola nito at pagkatapos ay inakbayan siya. “‘La, ‘Lo, I just want to say na kami na ni Kate. Girlfriend ko na po s’ya,” nakangiting pagbibigay alam nito.
Sandaling rumehistro ang pagkagulat sa mukha ng dalawang matanda na kaagad din naming napalitan ng kagalakan. Masaya silang binati ng mga ito muling niyakap.
Habang nasa biyahe patungo sa Monteclaro Mansion ay hindi binibitiwan ni Lola Amelia ang kamay ni Kate na pinapagitnaan ng dalawang matanda sa backseat. Nasa nasa unahan naman si Jay-Jay at ang assistant.
“Masayang-masaya talaga ako dahil kayo na pala ni Jay-Jay, Kate,” hindi nawawala ang ngiti sa mga labing wika ni Lola Amelia. “Noon pa man ay may pakiramdam na ako na kayo ang magpapatuloy ng love story ng mga magulang n’yo,” patuloy pa nito.
Napakunot-noo si Kate sa narinig.
“Ano pong ibig mong sabihin, ‘La?” tanong ni Jay-Jay na nakikinig din pala sa usapan habang nasa harap ng manibela.
“Hindi ko ba nasabi sa’yo, Jay-Jay?”
“Ang alin, ‘La?”
“Naging girlfriend ng papa mo ang Tita Kim mo noon. In fact, engaged na sila nang masawi ang papa mo.”
“Talaga po?” gulat na bulalas ni Kate. Hindi niya alam ang tungkol doon. Ang alam lang niya ay naging magkasintahan noon ang mommy ni Jane at daddy ni Paolo. Iyon pala, pati ang Daddy Jason ni Jay-Jay at mommy niya ay dati ring nagkaroon ng relasyon.
Nagtagpo ang mga mata nila sa rearview mirror. Nakalarawan din sa mukha ng binata ang pagkagulat, tanda na hindi rin nito alam ang bagay na iyon.
“Maybe, kaya hindi nagkatuluyan ang mommy mo, Kate, at si Jason ay dahil kayo talaga ni Jay-Jay ang nakatadhana sa isa’t-isa,” nakangiting singit ni Lolo Frank.
Binalingan ni Kate si Lolo Frank. “Siguro nga, po,” nakangiting tugon niya.
Naikuwento rin noon ng mga magulang niya na nahirapan ang mag-asawang Monteclaro na tanggapin ang biglaang pagkamatay ng nag-iisang anak ng mga ito. Mabuti na lamang ay may naiwan palang anak sa pagkabinata si Papa Jason na nagpabalik sa sigla ng dalawang matanda.
“Jay-Jay,” tawag pansin ni Lolo Frank. Tumingin naman si Jay-Jay sa rearview mirror. “Alagaan mo si Kate, ha. Huwag mong hahayaang mawala siya sa ‘yo,” anito.
“You can count on it, ‘Lo,” nakangiting tugon ni Jay-Jay.
Muling nagtagpo ang mga mata ni Kate at ng nobyo sa rearview mirror at nagpalitan sila ng ngiti.
INABOT na ng gabi si Kate sa Monteclaro Mansion. Alas-siyete ng gabi nang dumating ang mga magulang niya kasama si Kirsten. Dumating din si Paolo kasama ng mga magulang nito at iba pang kaibigan ng mga magulang nila na malapit din kina Lolo Frank at Lola Amelia.
Sinamantala naman nina Kate at Jay-Jay ang pagkakataon upang ipaalam sa lahat ang relasyon nila. Naging masaya ang lahat para sa kanila, lalo na ng mga magulang ni Kate.
“Welcome to the family, Jay-Jay. Love Kate and don’t you ever make her cry,” nakangiting sabi ng daddy niya.
“Thanks, Tito. Hinding-hindi ko po gagawin ‘yon,” nakangiti ring tugon ni Jay-Jay.
Mahigpit na yakap naman ang ipinagkaloob ng mommy niya sa binata.
Pagkatapos ay naggrupo-grupo na sila at humiwalay sa mga matatanda.
“Nagpaalam ka ba kay Ken na manliligaw ka kay Kate, bro? I’m sure magiging warfreak na naman ‘yon kapag nalaman n’yang kayo na,” sabi ni Paolo.
“Subukan lang niyang saktan si Jay-Jay, magagalit talaga ako sa kanya,” tugon ni Kate bago pa man makasagot si Jay-Jay. Nagkasundo sila na pagbalik na lang ng kuya niya nila sasabihin dito ang relasyon nila.
“It’s fine, Kate. Nakahanda akong harapin ang galit ng kuya mo at tanggapin ang suntok niya. Papatunayan ko rin sa kanya na mahal talaga kita.”
Napangiti siya at mas lalo pa niyang isiniksik ang sarili sa nobyo. Mabilis naman siya nitong kinintalan ng halik sa ulo.
Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan at paminsan-minsang asaran. At nang pauwi na ang mga magulang ni Kate ay nagdesisyon siyang sumabay na at hindi na magpahatid sa nobyo.
“Call me when you get home. Sa bahay n’yo ako magbi-breakfast bukas, ha? Ako ang maghahatid sa ‘yo sa office,” anito.
“Okay,” nakangiting tugon niya. At sa harap ng lahat ay nagsalo sila sa matagal at malalim na halik bilang pamamaalam. At masaya na siyang lumulan sa sasakyan.
PAGKATAPOS magpalit ng pantulog ay nagtungo si Kate sa kusina upang magtimpla ng warm milk. Hindi na siya nagulat nang madatnan doon ang mommy niya na kasalukuyang inilalabas ang mga ingridients na gagamitin sa pagbe-bake. Ugali na talaga ng mommy niya na mag-bake ng alanganing oras o kahit anong oras maisipan kahit gaano pa ito ka-busy sa trabaho.
In her eyes, her mother was a superwoman. Ito ang idolo niya pagdating sa kasipangan. Batid niya na hindi madali ang maging katuwang ng daddy niya sa pagma-manage ng construction company at mag-alaga ng pamilya. Lumaki siya kasama ng mga yaya at ni Papa Angelo pero kailanman ay hindi naging absentee mother sa kanilang magkapatid o asawa sa daddy nila. At the same time, nagawa pa nitong magmintini ng mga kaibigan sa loob ng ilang dekada. Ganoon din naman ang daddy nila kaya ang tingin niya sa mga ito ay perfect couple. She wanted to be like her mother someday. At si Jay-Jay naman ay magiging katulad ng daddy niya. They may not be a perfect couple, but they could stay together and love each other for the rest of their lives.
“Magbe-bake ka, Mom?” obvious naman na tanong ni Kate habang patungo sa cupboard.
“Gagawa ako ng meat pie. Miss na raw kasi ng Lolo Frank mo. Nag-request siya sa akin kanina kaya padadalhan ko siya bukas.”
Napangiti siya sa narinig. Magaling mag-bake ang mommy niya at gustong – gusto ni Lolo Frank ang meat pie nito. Bata pa lang siya ay tinuruan na siya ng mommy niyang mag-bake pero cupcake at lasagna lang ang natutunan niya. Mas gusto kasi niyang magluto kaysa mag-bake. Pero magmula ng magdalaga siya ay iniwasan na niyang maglagi sa kusina at naging health conscious na. Namana kasi niya ang genes ng ina na tabain. May sinusunod lang silang mag-ina na at regular silang laman ng mini-gym na nasa rooftop ng bahay kaya hindi sila tumataba.
“Natutulog na ba si Daddy?”
“Hindi pa, nasa pool side siya kausap sa phone ang kuya mo. Malapit nang umuwi ang kuya mo, may ipabibili ka ba sa kanya sa Davao?”
Umiling si Kate. “Gusto mo ng warm milk, Mom, magtitimpla ako.”
“Okay, sige.”
Tumalima siya. Habang nagkakanaw ng gatas ay naisipan niyang itanong ang natuklasan kanina. “Mommy, totoo ba na naging boyfriend mo ang Papa Jason ni Jay-Jay? And you were engaged to him before he passed away?”
Halatang nasorpresa ang mommy niya sa tanong. Gayumpaman, kaagad din itong sumagot at itinigil ang ginagawa.
“That’s true. We were friends for a long time before Jason courted me. Apat na taon din kaming naging mag-steady at engaged na kami nang nawala siya.”
“Gaano naman po katagal bago kayo nagkaroon ng understanding ni Daddy?” curious na tanong pa ni Kate.
Halatang sandaling nag-isip pa itong nag-isip bago sumagot. “Bago pa man sila magpunta ng Palawan noon, nagkakaproblema na kami ni Jason. He was always busy at laging nasa out of town. At dahil sa closeness namin ng daddy mo at magkasama pa kami sa trabaho, one day na-realized na lang namin na in love na kami sa isa’t–isa and we were having an affair.”
Nagulat siya sa narinig. “You cheated on Jay-Jay’s dad?”
Alanganing tumango ang mommy niya.
“Oh!”
“Supposed to be makikipaghiwalay na rin ako noon kay Jason at sasabihin na namin sa kanya ang relasyon namin ng daddy mo pagkagaling nila sa Palawan. Pero nangyari nga ang trahedyang iyon. Noong mawala si Jason, pareho kaming na-guilty ng daddy mo at sandali kaming naghiwalay. Pero sadyang matibay ang pagmamahal namin sa isa’t-isa kaya nagkabalikan din kami. That’s my and your dad’s little secret. Ang akala ng lahat, nagka-develop-an lang kami nang mawala si Jason.”
“Don’t worry, Mommy, hindi ko po ipagsasabi ang secret n’yo ni Daddy,” nakangiting sabi ni Kate nang maunawaan ang pinagdaanan ng relasyon ng mga magulang niya.
Ngumiti rin ang kanyang ina. “Masayang-masaya talaga kami ng daddy mo dahil si Jay-Jay ang pinili mong mahalin, Kate. Alam mo namang parang anak na rin ang turing namin sa kanya. He’s a good person like his father. Nakasisiguro ako na mamahalin at aalagaan ka niya habang-buhay kaya sana alagaan mong mabuti ang relasyon n’yo. Kayo na ni Jay-Jay ang magtuloy ng love story namin ni Jason.”
Tumango si Kate. “You can count on it, Mommy,” pangako niya.
Nang matapos siya sa pagtitimpla ng warm milk at mailagay sa tabi ng mommy niya ang isang baso ay hindi muna siya umakyat sa silid. Tumulong pa sa pagbi-bake.