“ANO ba’ng meron ang fried prawns at wala kang kasawa-sawa?” amused na tanong ni Jay-Jay sa kasintahan habang pinapanood ito sa sarap na sarap nitong pagkain ng fried prawns. Lunchtime nang magtungo siya sa opisina ni Kate at may dala nang takeout food mula sa Amelia’s kaya hindi na sila lumabas pa.
“I’ve missed this. Ilang taon din akong hindi nakatikim nito.”
“Why? Nawala ba sa menu ng Amelia’s ang friend prawns?” kunot-noong tanong niya.
Nilunok muna ni Kate ang kinakain bago sumagot. “When we broke up, I stopped eating this and all of my favorite foods because it reminded me of you,” honest nitong sagot.
Sandaling natigilan si Jay-Jay bago hinawakan ang isang kamay ng dalaga. “I’m sorry again about the past, Kate. Nang malaman ko noon na naapektuhan ang pag-aaral mo, muntik na akong umuwi rito at bawiin ang sinabi ko.”
“Bakit hindi mo ginawa?”
“I almost did. Pero laging nagbabago ang isip ko. Alam ko kasi na kapag umuwi ako rito, gagawin ko ang lahat para mapatawad mo ako at magkabalikan tayo. Pero alam ko rin na babalik lang tayo sa dati. Hindi ko kaya ang isang relasyon na puno ng selosan, Kate.”
“Bakit hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataong magbago? Alam mo bang muntik na akong masanay na wala ka?”
“I’m so sorry,” ani Jay-Jay at mabilis na tumayo upang yakapin ang dalaga.
“I’m glad you’re finally back,” tugon nito habang mahigpit ding nakayakap sa dalaga.
“Hindi na tayo maghihiwalay, ha? I lost you once. I’ll never let you go again.”
“Hindi na,”pangako ni Kate.
Later in the afternoon, sinamahan ni Kate ang kasintahan sa Manila South Cemetary para dalawin ang daddy nito. Sa isang araw na ang birthday at death anniversary ni Papa Jason ngunit hindi siya makakadalo dahil may event siya sa Tagaytay. Tulad ng mga nakaraang taon ay magkakaroon ng misa na dadaluhan ng mga pamilya nila at malalapit na kaibigan ng ama ni Jay-Jay.
Pagdating nila sa museleo ng Familia Monteclaro ay ipinatong ni Kate ang dalang flower basket sa ibabaw ng marmol na nitso at nagsindi naman ng kandila si Jay-Jay. Pagkatapos ay tinabihan siya sa pagkakayo ng nobyo at ipinatong nito ang kamay sa balikat niya. Nagulat siya nang bigla itong magsalita.
“Papa, meet my girlfriend, Kimberly Kate Alegre. You already know her actually. She is the daughter of your friends Kurt and Kim. Kami na po ni Kate ang magpapatuloy ng love story n’yo ni Tita Kim,” nakangiting sabi ni Jay-Jay habang nakatingin sa portrait ng papa nito sa itaas ng nitso.
Napangiti rin si Kate. “Hello po,” sabi naman niya habang nakatingin din sa portrait.
Natigilan siya nang biglang makaramdam ng hangin na nagdaan sa harapan nila, tila sumagot si Papa Jason nito sa kanila. Gayumpaman ay hindi naman siya nakaramdam ng takot.
Mayamaya ay umupo na sila sa monoblock na naroon at nagkuwentuhan. Sandaling iniwan siya ng nobyo para kunin ang baon nilang tubig sa kotse nito.
Nagulat siya nang biglang tumunog ang cell phone ni Jay-Jay na nakapatong sa inupuan nitong monoblock.
Dinampot niya ang cellphone. Napakunot-noo siya nang mabasa sa screen ang pangalang Caroline. Noon pa man ay ugali na niyang makialam ng cell phone ni Jay-Jay kahit na magkaibigan pa lang sila kaya walang pagdadalawang-isip niyang sinagot ang tawag.
“Hello?”
“Hi, honey,” anang masigla at may American accent na tinig.
Napatuwid ng upo si Kate sa narinig. “This is not Jay-Jay. He’s not here. Who’s this?” kunot-noong tanong niya.
“Oh. But this is his number, right?”
“Right. Who’s this?” muling tanong niya.
“I’m Caroline. I suppose you’re Jay-Jay’s cousin.”
“No. I’m his girlfriend.”
Natahimik ang babae sa kabilang linya.
Loka, natauhan ka bigla. Hinintay niyang muling itong magsalita ang babae hanggang sa naputol na ang linya.
Hawak pa rin ni Kate ang cell phone nang bumalik si Jay-Jay.
“May tumawag ba sa akin?” kunot-noong tanong nito.
Ibinigay ni Kate ang cell phone sa nobyo. “It was Caroline. I told her, I am your girlfriend and the line went dead.”
“I see,” ani Jay-Jay at walang anumang ipinamulsa ang hawak na cell phone.
“Bakit honey ang tawag sa’yo ni Caroline?”
“Ganoon lang talaga ‘yon. Don’t mind her, Kate.”
“Okay.” Tinanggap niya ang bottled water na iniabot ng nobyo at kaagad na uminom. Mahigit isang oras pa silang nagtagal sa museleo bago siya nito inihatid pauwi sa bahay.
MAAGANG umuwi si Kate nang araw na iyon. Nitong mga nakaraang araw ay hatid-sundo siya ng nobyo sa opisina. Kumakain sila sa labas at pinapalipas muna ang traffic bago siya nito ihatid sa bahay. Ngunit hindi ngayong araw. Unang araw kasi ni Jay-Jay sa trabaho at lubos itong naging abala sa buong maghapon. Pero sa bahay nila ito magdi-dinner kasama ng buong pamilya niya. Batid niya ang pag-uwi ng kuya niya mula sa Davao nang hapong iyon.
Ang Kuya Ken pa lang ang nasa bahay nila nang dumating si Kate. Ayon sa maid ay kasalukuyan itong nagpapahinga sa silid. Sandali siyang sumilip sa kusina upang tignan kung niluluto na ng kusinera ang mga pinaluto niya para sa hapunan. Nang makitang abala na ito at ang mga maid sa pagluluto ay dumiretso na siya sa sariling silid. Pagkapos maibaba ang bag sa ibabaw ng kama ay nag-text siya sa nobyo at tinanong kung nasaan na ito.
I’m on my way, sweetheart, mabilis na tugon nito.
Nag-“OK” siya at nagtungo na sa banyo at mabilis na nag-shower. Isang simple at komportableng floral house dress ang isinuot niya. Nagpapatuyo na siya nang buhok nang maulaningan niya mula sa bintana ang ingay na tila may nag-aaway na nagmumula sa garahe nila. Nangingibabaw ang mataas at galit na boses ni Kuya Ken. Kaagad siyang kinutuban at dali-daling lumabas ng silid at nagtungo sa garahe.
Huling-huli niya nang undayan ng suntok sa mukha ng kuya niya si Jay-Jay at napasubsob ito sa gilid ng kotse niya. Napatili siya at mabilis na lumapit sa mga ito.
“How dare you to do this to him, Kuya! I hate you!” galit na galit na sigaw ni Kate habang tinutulungang makatayo ang kasintahan.
“Shut up, Kate. Tinuturuan ko lang ng leksyon ang traydor na ‘yan!”
Akma pa sanang muling lulusubin ni Kuya Ken si Jay-Jay nang pumailanlang ang mataas na tinig ng daddy nila.
“Ano’ng nangyayari rito?” tanong nito habang pumapasok sa gate kasunod ng mommy nila.
Mabilis na nagsumbong si Kate sa mga magulang.
“Pumasok muna kayo sa loob, Kate at gamutin mo si Jay-Jay,” utos ng kanyang ama.
Tumalima sila. Pinaupo ni Kate ang nobyo sa sofa at pinakuha ang medicine kit sa maid.
“Hindi ko talaga mapapatawad si Kuya sa ginawa niyang ito sa ‘yo,” nagngingitngit sa galit na sabi niya habang ginagamot si Jay-Jay. May blackeye ito sa kaliwang mata at putok din ang ibaba ng kaliwang bahagi ng mga labi.
“It’s okay, Kate. Concerned lang sa ‘yo ang kuya mo. May kasalanan naman talaga ako sa kanya, eh.”
Hindi siya kumibo at idiniin ang bolsa de hielo sa blackeye nito.
Pagkalipas ng ilang minuto, magkakasunod na pumasok sa living room ang mga magulang ni Kate at si Kuya Ken.
“Let’s fix this, Kate, Jay-Jay,” anang mommy niya.
“Kung hindi matatanggap ni Kuya ang relasyon namin ni Jay-Jay, hindi ako makikipagbati sa kanya,” nakahalukipkip at nakasimangot na tugon niya.
Nabaling ang tingin ng lahat kay Kuya Ken. “Mahal mo ba talaga si Kate, Jay-Jay?” walang kangiti-ngiting tanong nito habang nakatingin sa kaibigan.
“More than anyone else. And I’m sorry, hindi kita sinabihan nang ligawan ko ang kapatid mo. But I promise you, I will never make her cry and I’ll take care for her for the rest of my life.”
Tumango-tango si Kuya Ken. Humugot pa ito ng malalim na hininga bago nagsalita. “Okay, you’re forgiven,” anito at ngumiti na. Lumapit pa ito kina Kate at Jay-Jay at naglahad ng kamay.
Napangiti rin si Jay-Jay at nakipagkamay at nakipagtapikan ng balikat sa kaibigan. Pagkatapos ay binalingan ni Kuya Ken si Kate.
“I’m sorry, sis.”
“Heh! Hangga’t hindi gumagaling ang sugat sa mukha ni Jay-Jay, hindi kita kakausapin,” anang dalaga at hinila na ang nobyo patungo sa komedor.
Napakamot na lang sa ulo si Kuya Ken sa narinig.
LINGGO ng hapon, pagkatapos magsimba ni Kate kasama si Jay-Jay ay dumiretso sila sa bahay nito. May schedule kasi sila ni Jane ng video call kay Trisha. Isang nang published cookbook writer, restaurant owner at international chef na kasalukuyang nagtatrabaho sa San Francisco, California ang best friend nila.
Ang mga pinsan lang ni Jay-Jay na sina Jane at BJ ang nadatnan nila sa bahay. Ayon kay Jane ay dumalaw sa mga kaibigan ang mga lolo at lola nito kasama sina Tita Kim, Tito Kurt, at Janine. Si Justin naman ay kasalukuyang nag-aaral ng medisina sa Portland, Oregon.
Kauupo pa lang nila sa living room nang tumunog ang cell phone ni Jay-Jay.
“Caroline?” ani Jay-Jay nang sagutin ang tawag. Nag-excuse ito at naglakad palabas ng front door.
Sandaling nagtaka si Kate kung bakit kailangan pang lumayo ng nobyo niya. Gayumpaman ay pinagwalang-bahala na lang niya iyon.
Pagkalipas ng ilang minuto, dala ang laptop ni Jane ay nagtungo sila sa lanai at doon hinintay na mag-online si Trisha sa Skype. Doon na natanaw ni Kate si Jay-Jay at may kausap pa rin sa cell phone.
Nasa lanai rin si BJ at naglalaro ng dart. Nakisali sila habang paminsan-minsan ay sinusulyapan ni Kate ang kasintahan.
Nagsimula siyang mainis nang mahigit tatlumpung minuto na yata ang nakalilipas ay nasa telepono pa rin si Jay-Jay.
Gaano ba kaimportante ang pinag-uusapan nito at ni Caroline at tila hindi na matatapos ang phone call? To think na long-distance call pa iyon.
“I’m sorry I took so long,” ani ni Jay-Jay nang lumapit sa kanila nang sa wakas ay matapos ang pakikipag-usap nito sa telepono.
“Yeah, mukhang na-miss n‘yo ang isa’t-isa, ah.” Nilangkapan ni Kate ng biro ang sinabi kahit na ang totoo ay nagseselos siya.
Nagkibit-balikat ang binata. Kumuha rin ito ng pin at nakisaling mag-dart. Ilang sandali lang ang lumipas nang lumapit ang maid kay Jay-Jay dala ang cordless phone.
“Sir Jay-Jay, may long-distance call ka, Caroline daw.”
Sandali namang nagulat ang binata at pagkatapos ay napabuntong-hininga. Tinanggap nito ang cordless phone at nag-excuse sa kanila.
Salubong ang mga kilay na sinundan ni Kate ng tingin ang nobyo habang naglalakad pabalik sa garden.
So, hindi pa pala tapos ang pag-uusap ni Jay-Jay at Caroline.
“Madalas bang tumawag dito ang Caroline na ‘yon?” baling niya sa mga kaibigan.
“Ewan ko. Madalas akong wala rito sa bahay,eh,” tugon ni Jane.
“Naku, Ate Kate, alam mo bang Caroline din ang pangalan ng ex ni Kuya Jay-Jay sa Seattle?” halatang nang-aasar na singit ni BJ.
“Correction, hindi naging girlfriend ni Jay-Jay ang Caroline na ‘yon. Namis-interpret lang ng mga relative n’yo sa Seattle ang closeness nila kaya inakala ng lahat na naging sila,” mataray na paliwanag ni Kate, ayon na rin sa sinabi ni Jay-Jay sa kanya.
“Iba yata ang pagkakaalam ko,” nakangising sabi ni BJ bago inihagis ang hawak na pin sa dartboard.
“Shut up, BJ. Huwag ka ngang mag-asar d’yan, kapag napikon si Kate lagot ka kay Kuya,” saway ni Jane.
Natawa lang si BJ at hindi na umiimik.
Nagngingitngit ang kalooban na inihagis niya ang hawak na pin sa dartboard.
Mabilis na lumipas ang tatlumpung minuto at nakikipag-usap pa rin si Jay-Jay sa telepono. Hindi na naitago ni Kate ang pagkainis kahit kausap na nila sa Skype si Trisha.
Nang magpaalam si BJ para magtungo sa bahay ng pinsan ni Kate na si Gabe sa Pasig, nagdesisyon si Kate na sumabay na pauwi. Tinangka pa siyang pigilan ni Jane at ni Trisha subalit hindi siya nagpapigil at nagpatiuna nang nagtungo sa kotse ni BJ na nasa garahe at hindi na nagpaalam pa sa nobyo.
NAKAHIGA sa kama si Kate at nakatingin sa kawalan nang biglang may kumatok sa pinto kasunod ng pagsungaw ng mukha ng mommy niya.
“Nasa ‘baba si Jay-Jay, gusto ka raw makausap.”
Nagulat siya sa narinig. Hindi niya akalain na susunod pa si Jay-Jay sa bahay nila.
“Magkasama lang kayo kanina, ah. Nag-away ba kayo? Bakit may dala pa siyang mga bulaklak ngayon?” nakakunot ang noong sunod-sunod na tanong ng mommy niya.
“Hindi naman po,” tugon niya habang bumabangon. “Pero nainis ako sa kanya kasi ang tagal niyang kausap sa phone ang Caroline na ‘yon. Kaya hindi na ako nagsabi sa kanya na umuwi na ako.”
“Sino naman si Caroline?”
“Close friend ni Jay-Jay sa Seattle.”
Napailing ang mommy niya. “Kate, ang mapapayo ko lang sa ’yo, ngayong may boyfriend ka na, be matured enough to handle the relationship and learn to trust Jay-Jay. Sa palagay mo ba tama ang ginawa mo?”
Mabilis na umiling habang nakakaramdam ng guilt. Ang akala talaga ng pamilya niya ay unang pagkakataon pa lang siyang nagka-boyfriend. Hindi niya ginustong maglihim sa kanyang pamilya. May mga pagkakataong gusto na niyang ipagtapat sa mga ito ng tungkol sa nakaraan nila ni Jay-Jay kahit man lang sa kanyang ina. Subalit sa bandang huli ay nagbabago ang isip niya. Baka kasi maguluhan lang ang isip ng mommy niya at sumama pa ang tingin nito kay Jay-Jay.
“Makikipagbati po ako kaagad sa kanya,” ani Kate. Habang nasa biyahe sila kanina ni BJ pauwi sa bahay ay sinubukan siyang tawagan ni Jay-Jay subalit hindi niya sinagot ang tawag. Nag-text din ito at nag-sorry pero binale-wala lang niya iyon. Nang nasa kanyang silid na siya at makapag-isip nang husto ay saka lang niya na-realize ang pagkakamaling nagawa.
Hindi siya dapat na basta na lang umuwi at hindi nagpaalam kay Jay-Jay. Na-realize niya na bumalik na naman siya sa dati. Nagpaka-immature na naman siya na dati na nilang naging problema. Nagdesisyon siyang bukas na bukas din ay hihingi siya ng tawad sa nobyo. Subalit hindi na pala niya kailangang maghintay dahil pupunta pala ito sa kanya.
Magkasunod silang mag-ina na lumabas ng silid. Nagtungo sa indoor swimming pool si Kate kung saan naroon si Jay-Jay. Nadatnan niya itong nakaupo sa isa sa mga lounge chair at kaagad na tumayo nang makita siya.
“I’m so sorry, Kate. Let’s talk. Ayokong matapos ang araw na ito na may misunderstanding tayo,” anito nang makalapit siya.
Tila hinaplos ang puso niya sa narinig. “Ako rin naman, eh. I’m sorry, Jay-Jay, nag-asal bata na naman ako.”
Relieved na napangiti ang binata. Kinintalan siya nito ng mabilis na halik sa mga labi at niyakap. “Sorry din, sweetheart. Caroline is having a hard time now. Kailangang-kailangan lang niya ng makakausap kaya natagalan ang pag-uusap namin.”
Bahagyang inilayo ni Kate ang sarili at tinignan ang mukha ni Jay-Jay. “Ano’ng problema ni Caroline?” curious na tanong niya.
Napabuntong-hininga ang binat, inakbayan siya nito at iginaya paupo sa lounge chair. Kinuha muna nito ang dala nitong mga bulaklak na nakapatong sa lounge chair at ibinigay sa kanya bago naupo sa tabi niya.
Nagsimulang magkuwento si Jay-Jay. Nakilala raw nito si Caroline ilang taon na ang nakararaan noong bisitahin ng babae ang daddy nito na professor ni Jay-Jay sa masters’. “We became friends. She resembles you, Kate dahil kamukha rin niya si Kate Beckinsale.”
Hind siya kumibo. Batid na naman niya ang tungkol doon dahil narinig niyang sinabi iyon ng kuya niya nang mag-inuman ito at si Paolo.
“Until I learned that Caroline is sick. May stage two leukemia siya. Supposedly, last year pa dapat ako nakabalik dito dahil kinailangan ni Caroline at ng daddy niya ng presensya ko kaya hindi ako nakabalik kaagad.”
Napakunot-noo si Kate. “Hindi mo naman siya girlfriend para damayan mo siya nang ganoong katagal,Jay-Jay.”
Sandali muna itong natigilan bago nagpatuloy. “You don’t understand, Kate. Bukod sa kahawig mo s’ya, namatay rin ang mama ko sa leukemia kaya alam ko ang paghihirap niya.”
Napamaang siya narinig. Hindi niya alam ang tungkol doon dahil wala naman siyang natatandaang naikuwento ni Jay-Jay tungkol sa mama nito.
“Please huwag mong pagselosan si Caroline sa tuwing tatawagan niya ako, Kate. Magkaibigan lang talaga kami at ikaw lang ang mahal ko.”
Ngumiti siya at tumango siya. “Naiintindihan ko na.”
Ngumiti rin si Jay-Jay at niyakap siya.