ADVENT SEASON
August 24, 2060
Malalim ang gabi, bilog ang buwan at malamig ang hangin.
Hindi alam ni Sariah kung saan siya pupunta nang gabing iyon. Ang tanging alam lang niya ngayon ay ang tumakbo at tumakbo hanggang wala ng ibang mga taong humahabol sa kanya. Napansin niyang malayo na siya sa siyudad ng Magwayen. Wala siyang pakialam kung saan siya pupunta dahil ang mahalaga lang sa kanya ngayon ay ang maging ligtas siya. Agad siyang huminto sa pagtakbo nang makaramdam siya ng uhaw at paghingal. Pagkatapos ay tumakbo siya muli ng walang humpay at buong lakas. Ilang oras na ba siyang tumatakbo? Dalawa o tatlo? Hindi na niya alam pero nakakaramdaman na siya ng matinding pagod.
Bukod sa kapaguran ay hindi takot ang nararamdaman ngayon kundi kalungkutan. Kung puwede lang sana na mapagod rin ang kalungkutan na nararamdaman niya ay mas magiging madali sana ang buhay niya ngunit wala namang madali sa mundo ngayon ‘di ba? Ang madali lang sa mundo ay ang kamatayan at ito ay nagdadala ng permanenteng sira sa pagkatao ng kahit sino man. May nagsasabi nga na ang simula ng pagkakaroon ng bagong buhay ay ang pagiging miserable. Hindi alam ni Sariah kung hanggang saan siya maniniwala sa ideyang ito o kung totoo ba talaga na nangyayari ito.
Ang alam lang niya ngayon ay miserable siyaa at wala nang iba.
Umupo siya sa isang malaking bato at pinagmasdan niya ang kalangitan. Sa matagal na panahon ay muli niyang tinignan ang mga bituin. Hindi na ito katulad ng dati na namamangha siya dahil nagdaan na ang mahabang panahon at marami na ang nangyari. Binago na siya ng panahon at ang mga dating nakakapagpasaya sa kanya noon ay ngayon ay wala ng halaga o silbi. Ngayon niya napatunayan na ang lahat ng bagay na palamuti sa mga mata ng bata ay hindi panghabang-buhay.
Kung may isang rason kung bakit siya nabubuhay ngayon ay walang iba kundi dahil ito sa anak niyang lalaki. Si Cyran na lamang ang tanging rason niya ngayon kung bakit siya humihinga ngayon at kung bakit siya lumalaban. Kung sakaling wala man siyang anak ngayon, marahil ay matagal na siyang inaagnas sa ilalim ng lupa.
Hinila ni Sariah ang zipper ng kanyang jacket at may kinuha siya sa loob ng bulsa nito. Tatlong mahahabang tinapay na ninakaw niya sa mga sundalo kaninang umaga. Higit pa sana rito ang makukuha niyang pagkain kung hindi lang siya napansin ng ibang mga taga-siyudad. Ilang araw na kaya sila mabubuhay nito? Dalawa o tatlo? Hindi na iyon mahalaga, ang mahalaga ay makakakain na sila mamaya at saka na lang niya ulit pro-problemahin ang kanilang pagkain sa ibang araw.
Inilagay niya muli ang mga tinapay sa loob ng kanyang jacket at pinagmasdan niyan ang kapaligiran kung nasaan siya ngayon. Tanging kapatagan lamang ang nakikita ng kanyang mga mata. Tanging lupa at mga bato na hindi mahayon ng kanyang paningin. Sa kanyang likuran ay ang siyudad kung saan mayroong nagtataasang mga gusali na kahit na ilang kilometro ang layo niya ay natatanaw pa rin niya. Pagtingin niya sa kaliwa ay agad niyang nakita ang kabundukan kung saan siya dapat pumunta ngayon. Walang lamang halaman ang kabundukan na ito. Kahit na malayo siya ay alam niya ang katotohanan na ito dahil doon siya nakatira. Doon sila nakatira ni Cyran. Ilang kilometro pa ang layo nito sa kinatatayuan niya at siguro ay aabutin siya ng ilang oras bago pa man siya makarating sa paaanan nito.
Nagsimula na muling maglakad ng mabilis si Sariah papunta sa bundok. Umaasang walang ibang tao ang makakapansin sa kanya.
Nakahiga sa lupa si Cyran habang ang kanyang kanang braso ang nagsisilbi niyang unan. Sa kuwebang ito siya pinanganak, lumaki at naging binata.
May katabi siyang isang nagniningas na apoy na nagsisilbing tanglaw niya ngayong gabi sa kanyang kaliwa. Habang sa kanyang kanan naman ay isang maliit na teddy bear. May tatlong dangkal lamang ang laki nito at may kupas itong kulay kayumanggi.
“Bakit ang tagal niya, Rilakkuma?” tanong ni Cyran sa kanyang teddy bear.
Si Rilakkuma ang tanging naging kaibigan niya mula sa kanyang pagkabata hanggang sa kanyang pagtanda. Madalas niya itong kinakausap simula pa noon pero ngayon ay dumarating na siya sa punto na nauumay na siya. Kahit kailan ay hindi sasagot sa kanya ang isang bagay na wala namag buhay. Magkagayunman ay minahal niya ang teddy bear at ito lamang ang nag-iisang laruan niya simula pa man noon. Kaya sa palagay niya ay mananatili pa ring importante si Rilakkuma sa buhay niya.
Humarap siya sa kaliwa at pinagmasdan niya ang apoy. Maliit lang ang apoy na sinindihan niya gamit ang mga tuyong dahon at mga maliliit na sanga. Hindi magtatagal ay mamamatay na rin ang apoy at ang ibig sabihin nito ay kailangan na niyang matulog pero imposible ito sa ngayon hangga’t wala pa ang kanyang ina sa tabi niya.
Pinagmamasdan niya ang paligid ng kuweba na nagmistula na niyang tahanan. Walang laman na kasangkapan ang kuweba maliban sa mga magkakasapin na lumang damit, timba, isang malaking tapayan, at dalawang baso. Bukod sa mga iyon ay may isa pang bagay ang mahalaga at delikado na nakatago sa ilalim ng mga damit na iyon. Matagal na rin niyang hindi nakikita at nahahawakan ang bagay na iyon. Minabuti niyang tingnan ito muli habang wala pa ang kanyang ina. Bumangon ang binata at lumapit siya sa mga magkakasapin na mga damit sa bandang kaliwang kanto ng kuweba. Binuklat niya ang mga damit hanggang sa may makita siyang isang mekanismo na gawa sa metal.
Ito ay isang hand gun. Isa itong M83 na kulay itim.
Hinawakan niya ang baril at pinagmasdan. Sa murang edad ay tinuruan na siya ng kanyang ina kung paano gumamit nito. Kahit na noong una ay takot siyang gamitin ito ay wala na rin siyang nagawa kundi tulungan ang sarili upang masanay sa bagay na ito.
“Magagamit ko ito sa oras ng panganib,” sambit ni Cyran sa kanyang sarili habang nakatitig sa baril.
Lagi itong sinasabi ng kanya ng kanyang ina na ‘di kalauna’y tumatak na sa kanyang isipan. Hindi niya alam kung anong panganib ang tinutukoy niya gayong lumaki at lumaki na siya ay kahit kailan hindi siya napalagay sa anumang panganib dito sa lugar na ito. Kahit kailan ay hindi rin niya nakikita ang sarili niya na pumatay.
Madali niyang ipinatong muli ang baril sa lupa at tinakpan niya muli ito ng mga damit.
Bakit ba ang tagal ni Nanay? Nasaan na ba siya?
Nagsisimula na siyang magalala para sa kanyang nanay pero wala naman siyang magawa kundi ang maghintay dahil hindi naman niya alam kung saan niya ito hahanapin. Alam niyang naghahanap ang kanyang ina ngayon ng kanilang pagkain at ang ibig sabihin ng ‘paghahanap’ ay pagnanakaw. Hindi pangkaraniwan na maghanap sila ng pagkain dahil madalas naman ay sa dito sa bundok sila kumukuha ng mga gulay at prutas maging inumin. Ang kaibahan lang sa panahon ngayon ay dalawang buwan sa isang taon ay natutuyo ang lahat ng halaman at ito ay unibersal. Ang panahon na ito ay tinatawag nilang Advent Season kung saan nagsisimula ito sa buwan ng Hulyo at nagtatapos sa Agosto. Ito ang panahon kung saan ipinapanganak ang dalawang klase ng sanggol na nagpabago sa siklo ng buong mundo: ang Akuma at ang Jinzo. Magbabalik lamang sa normal ang lahat o tutubo muli ang mga halaman pagkatapos ipanganak ng dalawang klase ng mga sanggol na ito.
Alam na alam ni Cyran ang sitwasyon nila ng kanyang ina ngayon. Ilang beses na siyang nakiusap kay Sariah na isama siya sa paghahanap ng pagkain sa siyudad ngunit hindi siya pinapayagan nito. Labing dalawang taon nang naninirahan si Cyran sa kagubatan na ito. Labing dalawang taon ang lumipas at tanging si Sariah lamang ang tanging nakikita niyang tao sa lugar na ito. Kahit kailan ay hindi pa siya nakakarating sa siyudad o nakakakilala ng ibang tao. Hindi niya alam kung bakit kailngan nilang lumayo sa siyudad. Ang tanging alam lang niya at laging sinasabi ni Sariah ay delikado ang siyudad para sa kanya at hindi pa panahon para malaman niya ito kung bakit. Noong una ay naniniwala pa siya sa ideyang ito ngunit habang tumatagal ay nagkakaroon siya ngayon ng interes kung bakit ba delikado talaga ang siyudad para sa kanya. Ito rin ang dahilan kung bakit gusto niyang sumama kay Sariah upang magnakaw ng mga pagkain upang makita rin ang mismong siyudad. Upang malaman niya kung ano ba talaga ang siyudad para sa kanya.
Para bang habang tumatagal ang panahon ay pakiramdam niya ngayon ay may kulang sa sarili niya at hindi niya alam kung ano iyon. Hindi naman sa hindi niya alam pero dahil marami siyang katanungan na hindi nasasagot ngayon. Nasa tamang edad na yata siya ngayon upang kuwestiyunin ang reyalidad na mayroon sa paligid niya. Kung hindi ngayon ay hanggang kailan pa siya maghihintay?
Sa sobrang inip ni Cyran ay lumakad siya at lumabas siya ng kuweba.
Magmula nang itinapak ni Cyran ang kanyang mga paa sa labas ng kuweba ay agad niyang naalala ang bilin ng kanyang ina: Naging batas na ni Sariah kay Cyran na huwag siyang lalabas ng kuweba habang wala pa ang kanyang ina. Magmula noon ay ganito na palagi ang ginagawa nila tuwing Advent Season at hindi pa ito nababali maliban sa ngayon.
Pero ano namang masama kung lalabas siya ngayong gabi ‘di ba? Habang buhay na niyang naging pangalawang katawan ang kabundukan kung nasaan siya ngayon. Ang bawat sulok, ang bawat daan na nakikita niya ngayon ay kabisado na niya at imposibleng maligaw siya rito lalo na ngayon. Doon sa matatagpuan ang ilog kung saan sila kumukuha ng inumin. Sa kanluran naman nandoon ang mga halaman na tumutubo ng iba’t ibang prutas na puwede nilang kainin. Sa Timog ang daan papunta sa mas mataas pang kabundukan. Habang sa silangan naman ang daan papunta sa siyudad na tinatawag nilang Magwayen. Kahit pumikit man siya ngayon ay alam na alam niya ang bawat sulok na mayroon sa lugar na ito. Imposible rin na may ibang taong magtatangka sa buhay niya ngayon dahil kahit kailan ay hindi pa siya nakakita ng ibang tao maliban kay Sariah. Kaya paanong ikakapahamak niya ang paglabas sa kuweba ng wala ang kanyang ina?
Maliban na lang kung pumunta siya mismo sa siyudad.
Delikado ang siyudad. Ito ang impormasyon na paulit-ulit na sinasabi ng kanyang ina kung bakit sila nandito sa kabundukan ngayon. Noon ay naniniwala pa siya sa ganitong ideya pero ngayon ay hindi na niya alam. Habang tumatagal ang panahon ay napapansin niyang nauuhaw siya sa impormasyon na tila ba’y ipinagkakait palagi sa kanya ng sarili niyang ina. Pero bakit naman niya gagawin iyon kung alam niya sa sarili niya na mahal na mahal siya nito at wala siyang ibang gagawin kundi ang kaligtasan lamang niya?
Tumingin si Cyran sa bilog na buwan at pinagmasdan niya ang kanyang kanyang kapaligiran. Kahit na malamlam ang liwanag na galing sa buwan ay kitang-kita pa rin niya ang mga tuyong halaman sa paligid niya dahil sa Advent Season. Ang lahat ng mga dahon ay nalaglag at natuyo na. Maging ang mga d**o ay nangamatay na rin at tumatagal ito ng dalawang buwan sa isang taon. Mistulang patay na mundo sa panahon na ito at wala silang magawa kundi hintaying ito ay lumipas. Magmula ng dumating ang mga Akuma at Jinzo sa mundo ay halos lahat ng mga puno ay naglaho na ng tuluyan. Ang kabundukan kung nasaan siya ngayon ay para bang isa na lang na lupain na walang anumang halaman. Pero panandalian lamang ang mga ito dahil pagkatapos ipanganak ng mga salot ay muli ng tutubo ang mga halaman sa kanyang paligid sa pamamagitan ng pagtatanim muli ng mga buto nito.
Isang araw na lang at isisilang na ang Jinzo at Akuma. Isisilang na ang mga salot. Bakit ba hindi na lang sila mamatay lahat?
Isang araw na lang ang kailangang hintayin ni Cyran at unti-unti na muling manunumbalik ang sitwasyon ng kagubatan. Maghihintay pa sila muli ng isang buwan bago mamunga muli ang prutas sa mga halaman. Sa panahong iyon ay hindi na kailangan ng kanyang ina na magnakaw pa muli. Higit sa lahat ay hindi na niya kailangan pang magalala para sa kanyang ina sa tuwing pupunta siya sa siyudad.