Chapter 4

2474 Words
Ipinarada ni Li ang sasakyan sa isang cozy restaurant. “Dok, Bakit po tayo nandito?” nagtatakang napatingin si Jas kay Li. “Mag-uusap lang tayo, Jas.” wika ni Li habang tinatanggal ang seatbelt ni Jas. Nagulat man sa ginawa ng lalake ay umiwas na lamang ng tingin si Jas. Hindi siya makatagal sa mga titig ng lalaki, nakakaramdam siya ng kaba na di niya maintindihan. Bumaba si Li ng sasakyan, binuksan niya ang passenger side at iniatang ang kamay sa dalaga. “Jas, please.” Nagulat pa ang dalaga dahil hindi niya napansin na nasa labas na pala si Li at nakaatang ang kamay sa kanya. Wala sa loob na inabot niya ang kamay nito. Nakahawak si Li sa kanyang siko hanggang sa loob ng restaurant. Pinili ni Li ang mesa na pang two-persons sa isang sulok. Panay ang palihim na paglunok ng laway ni Jas dahil sa pagkaasiwa sa lalake. Tumingin si Li kay Jas habang hawak ang menu booklet. “Jas, what do you wanna eat?” “I-kaw na po ang bahala,” tensiyonadong wika ng dalaga. Iba pala ang pakiramdam kapag silang dalawa lang. Pag kasama nila si Sam ay may iba siyang napagtutuunan ng pansin. “Jas, wag mo naman akong sagutin ng may po at opo. Nagmumukha akong matanda,” wika ni Li na may kasabay na tawa. Pinagagaan niya ang kalooban ng dalaga. Habang nagbibigay ng order si Li sa waiter ay nakatingin lang si Jas sa mga kamay niya sa mesa. Napapitlag siya ng hawakan ito ni Li. “Jas, are you okay?” “Ha? O-okay lang po,” gulat na wika ni Jas. Hindi niya talaga magawang tumingin ng deretso kay Li. “No more Po or Opo, Jas.” Binitiwan ni Li ang nanlalamig na mga kamay ng dalaga. “Jas, sana kalimutan na natin ang nangyari,” malumanay na pahiwatig ni Li. “G-Gusto kong kalimutan, pp-ero ang hirap.” Nagbabadya ang mga luha sa mga mata ng dalaga. Nanatili siyang nakatungo. Nakita ni Li ang namumuong luha sa mga mata nito. “Jas, please don’t cry.” “Pag nakikita kasi kita nanliliit ako. Pakiramdam ko napakababa ko.” Kumawala ang kanina pa pinipigilang mga luha ng dalaga. “Please don’t cry.” Kinuha ni Li ang kanyang panyo at pinunasan ang mga luha sa pisngi ng dalaga. Hinaplos niya ang makinis na pisngi nito at ang mga labi. ‘How I missed these lips’ sabi ng isip niya. “Let’s leave the past behind and let’s start a new chapter, Jas.” Muling hinawakan ni Li ang kamay ng dalaga. “A-anong ibig mong sabihin?” napatingin ng diretso sa kaharap si Jas. “Gusto kong maging magka-ibigan tayo, Jas.” nakangiting wika ni Li. Parang iba ang gustong bigkasin ng kanyang bibig. Tanging isang nahihiyang ngiti ang naging tugon ni Jas. Kung paano sila magsisimula bilang magkaibigan ay hindi niya alam. Excited si Jas sa araw ng kanyang graduation. Napatingin siya sa isang nakabalot at nakapatong na box sa kanyang lamiseta. “Nay, para kanino po itong box?” tanong niya sa kanyang ina na namamalantsa ng damit na gagamitin para sa kanyang graduation. Nilingon siya ng ina at muling ibinalik ang atensiyon sa ginagawa. “Ay, galing kay Dok yan. Graduation gift daw niya sa’yo. Ang aga nga niya kanina. Wag ka na raw gisingin. Mukhang nagmamadali eh,” kuwento ni Aling Gloria habang patuloy sa pamamalantsa. “Anak, nanliligaw ba sa’yo si Dok?” “Po?" Nagulat ang dalaga sa tanong, "H-hindi po," mabilis niyang sagot. “Anak, mabait si Dok kaya lang - “ Hindi itinuloy ni Aling Gloria ang sasabihin at itinuloy uli ang ginagawa. Pumasok si Jas sa kuwarto at tiningnan ang kahon. Binasa niya ang mensahe na nasa loob ng maliit na envelope. ‘Jas, Congratulations and thank you for making Sam happy’ - Li. At may kasama pang smiley sa dulo. Binuksan niya ang box at nagulat siya sa nakitang laman. “Laptop?” “Bakit ako binigyan ni Li nito, ang mahal ng brand na ito,” usal ni Jas habang inilalabas ang laptop sa kahon. Naunawaan ni Jas ang ibig sabihin ng kanyang nanay. Nasa itaas si Li at nasa ibaba sila. Ano ba ang panama nila sa yaman ni Li? Major stockholder ito ng sikat na drug stores chain. Kamay-ari ng isang malaking hospital at doktor pa at kung anu-ano pa sigurong investment mayroon ito. Samantalang siya ay dukha. Posible bang ma-inlove ang isang mayaman sa isang mahirap? Isang buntonghininga ang pinawalan ni Jas at iwinaksi ang iniisip. ‘Imposible’ sabi ng isip niya. Naghanda ng kaunting salu-salo para sa kanilang pamilya sa bahay nila Jas. Napadungaw si Aling Gloria sa bintana ng may marinig na busina ng sasakyan. “Kotse ni Dok,” wika nito. Makahulugan ang tingin ng ina kay Jas bago ito lumabas para pagbuksan ang bagong dating. “Hi everyone,” bati ni Li sa mga nasa hapag. Ngumiti ang mga kapatid ni Jas at niyayang kumain ang doktor. “Tay, good evening po.” Lumapit si Li kay Mang Omeng at nagmano. “Timing po pala ang dating ko,” pabirong wika nito kasabay ng mahinang tawa. “Heto po Nay,” wika nito at iniabot ang bitbit na mga pagkain kay Aling Gloria. “Naku! Nag-abala pa kayo. Salamat Dok. Halikayo, sumalo ka sa amin,” yaya ni Aling Gloria. “Dok, upo kayo.” Ipinaghatak ito ni Mang Omeng ng silya na nagkataon sa tabi ni Jas. Biglang na-concious si Jas sa presensiya ni Li lalo pa’t nasa tapat niya si Ellen na nakakaloko ang ngiti. Nagulat pa siya ng magsalita ang kanyang ina. “Jas, ikuha mo ng pinggan at kubyertos si Dok,” utos nito habang inilalabas ang mga dalang pagkain ni Li. Tumayo si Jas para kumuha ng pinggan at kubyertos at inilapag sa harap ng lalake. Tumingala si Li at nagtama ang kanilang mga paningin. “Salamat,” wika ni Li sabay ngiti. Lumakas lalo ang t***k ng puso ni Jas. Ngumiti din siya at sabay iwas ng tingin. “Ang haba ng hair mo Ate.” Humahagikhik na kantiyaw ni Ellen habang naghuhugas at nagliligpit sila ng pinagkainan. “Tumigil ka nga,” pagigil na saway ni Jas sa kapatid at pinandilatan niya ito. “Obvious na may tama sa’yo si Dok. At tatay-nanay pa talaga ha. Wagas, ha ha ha,” patuloy ni Ellen sa pangangantiyaw. “Tama na nga, baka marinig ka,” naiiritang saway uli ni Jas. Nasa sala kasi si Li at kausap ang mga magulang nila. “Ate, type mo ba si Dok?” pabulong at seryosong tanong ni Ellen. Hindi si Jas makasagot sa tanong ng kapatid. Ano nga ba ang nararamdaman niya para kay Li? Lumalakas lang naman ang t***k ng puso niya. Nako-conscious siya kapag tinititigan siya nito. Parang may kuryente ang bawat dantay nito. ‘At naangkin ka na niya,’ sabi ng kanyang kunsensiya. “Ewan ko, di ko alam,” paiwas niyang sagot sa kapatid. “Echos. Kita ko kaya kung paano kayo magtitigan.” Ginaya pa ni Ellen ang sinasabi nitong titigan. Narinig ni Jas ang ugong ng papaalis na sasakyan ni Li. Lumabas siya ng kusina ng marinig ang tawag ng kanyang ina. “Jas,” ang tatay niya. “Pormal na humingi ng permiso si Li sa amin para umakyat ng ligaw sa’yo. Ang sa amin ng nanay mo ay walang problema kung kanino ka masaya. Ikaw ang nakakaalam sa sarili mo at nakakakilala sa kanya. Ang importante sa amin ay huwag kang masasaktan, Anak.” “Anak,” ang nanay niya naman. “Mabait si Dok pero masyado silang angat sa buhay. Baka matahin ka lang ng mga kamag-anak niya.” May himig ng pag-aalala ang salita ng nanay niya. Hindi makapagsalita si Jas. Mabait ang pamilya ng kapatid ni Li na si Jelyn pero ang mga magulang ng doktor ay hindi pa niya nakikita. Tanggapin kaya siya kung sakali? Hindi na nagawang magkomento pa ni Jas sa tinuran ng kanyang ina. Hindi makatulog si Jas kinagabihan. Tinitimbang ang nararamdaman para kay Li. Naisip niya ang mga sinabi ng kanyang ina. Malayo nga ang agwat nila hindi lang sa edad pati na sa estado sa buhay. Napatingin siya sa laptop na nasa lamesita, para sa kanya ay sobra-sobra ang halaga nito para sa isang regalo lamang. Kayang-kaya ni Li na bumili ng kahit anong materyal na bagay. Nag-vibrate ang kanyang cellphone. Pangalan ni Sam ang naka-register. “Hello Sam,” pabulong niyang bati. “Hello Jas,” malambing na bati ng nasa kabilang linya. Nakilala niya agad kung sino ang nasa kabilang linya. “Li?” napalakas ang boses niya sa gulat. Hinagilap at ikinabit niya ang earphone ng cellphone at tumalikod sa katabi niyang natutulog na si Ellen. Nagtakip pa siya ng kumot at nakaplaster sa mukha ang ngiti. Hindi na niya napansin ang nakangising kapatid at nakadilat ang isang mata. “Sorry, hindi na ako nakapagpaalam sa’yo kanina, may emergency lang kasi. Bakit nga pala gising ka pa? Gabi na ah,” paninita ng kanyang kausap. Pambihira, tinawagan siya tapos magtatanong kung bakit gising siya? “Siyempre, tumawag ka kaya nagising ako,” napangiti siya sa pagsisinungaling niya. “Sorry, gusto ko kasing marinig ang boses mo,” paumanhin na wika ng kausap niya. “Aw talaga?” pabirong sagot ni Jas subalit nagreregodon ang puso niya sa kilig. “True, no kidding.” wika ng doktor. “Nasa hospital ka pa din ba?” tanong ng dalaga sa kausap. “No. Pauwi na ako.” sagot ni Li. Naisip bigla ni Jas si Sam. Nakaramdam siya ng awa sa bata. Gabi na wala pa si Li sa bahay at siguradong pagod din ang lalake pagdating nito. “Salamat nga pala sa regalo pero sana wag mamahalin.” wika ng dalaga para maiba ang topic ng kanilang usapan. “Jas, it’s my pleasure to give the best for you. Just accept it,” malumanay na wika ng kausap niya. “Hindi ako sanay at saka nakakahiya,” sagot ng dalaga. Ayaw niya na isipin ng iba na oportunista siya. “Jas, masanay ka na mula ngayon.” wika pa nito. “S-sige, ingat sa pagmamaneho and thank you ulit.” Parang ayaw pa niyang putulin ang kanilang pag-uusap kaso naramdaman niyang naalimpungatan si Ellen. “Bye, dream on me,” malambing na wika ng nasa kabilang linya. “Bye,” sagot ni Jas. Nakaplaster ang ngiti sa labi ng dalaga hanggang makatulog ito. Muling ipinatawag si Jas ng Dean of Education ng University. “You have a very good credentials Jasmine,” wika ng Dean. “The reason why I requested you to come is because I am recommending you to La Bethania School. I would be glad if you would consider my recommendation. I am a part owner of the school.” “Talaga, Ma’am.” Gustong tumalon ng dalaga sa saya. Kahit maganda ang scholastic records niya ay marami pa rin siyang kalaban sa pag-apply ng trabaho. Kapag may recommendation ay mas ungos na siya sa iba. “Thank you very much po. Very much willing po akong tanggapin ang recommendation ninyo.” “Well, here’s my letter of recommendation. Present it to the principal, Mr. Rafael Buenaventura. He’s my brother.” Nakangiting iniabot ni Dean Patrice ang LOR sa dalaga. “Ma’am, thank you po talaga.” labis ang kasiyahan ng dalaga na inabot ang sulat. Magsisimula na ang katuparan ng kanyang pangarap. Ang maging isang mahusay na guro. Napatigil si Jas sa pagpasok ng bakuran at napatitig sa sasakyan na nakaparada. Tumuloy na siya sa pagpasok at pagbungad niya sa sala ay naroon si Li at si Sam. Kausap ng nanay niya si Li at si Sam naman ay nakikipagkulitan sa mga kapatid niyang sina Bong at Mark. “Teacher Jas!!!” malakas na sigaw ni Sam at tumakbong payakap sa kanya. “Hi,” bati niya sa paslit at hinagod niya ang ulo nito. Lumapit siya sa nanay niya at nagmano. “Nay, mano po.” “Jas, mabuti naman dumating ka na." wika ni Aling Gloria. "Kanina pa sina Dok dito. May sasabihin daw sa’yo si Dok.” Tumayo si Li at nakangiting lumapit kay Jas. “Gusto ka sanang isama ni Sam sa pamamasyal.Kasama natin sina Bong at Mark.” “We’re going to EK!” masayang sigaw ni Sam. ‘Kinakapital talaga nito ang mga bata para hindi ako makatanggi,’ komento ng isip ni Jas. Lihim din siyang humanga sa rugged look ni Li dahil sa suot nitong maong jeans at collared shirt at sneakers ay mas bumata itong tingnan. “Uy, sige na at ikaw na lang ang hinihintay,” puna ng nanay niya. Noon niya napansin na nakabihis na pala ng panlakad ang dalawa niyang kapatid. Katulad ng dati, sa driver side si Jas at sa backseat si Sam at mga kapatid niya. Bago pinaandar ni Li ang sasakyan ay bumaling muna ito sa kanya, nakangiting tinitigan siya at pabulong na nagsalita. “You looked simple but beautiful.” Nagsimula na namang magregodon ang puso ni Jas. Ngumiti lang siya at itinuon ang mga mata sa paligid. Samantalang si Li ay masayang nagmamaneho at pasulyap-sulyap sa dalaga. Tanging ingay ng tatlong nakaupo sa backseat ang maririnig. Excited si Sam at ang dalawang teenager ng pumasok sila ng EK. Ride all you can ang tickets nila. Unang sinakyan ng tatlong bata ang carousel, sumakay na rin siya pati rin si Li. Habang umiikot ang carousel ay hawak ni Li ang video cam na nakatutok sa kanila. Nagsimula ng maging hyper si Sam, sumisigaw ito sa tuwa. Bawat makita ni Sam ay gustong sakayan kung wala nga lang restrictions sa mga bata. Ang dalawa niyang kapatid, bawat rides pinipilahan palibhasa malalaki na, humiwalay pa ito sa kanila at naiwan tuloy siya sa mag-ama. Sumakay ang mag-ama sa bump car at siya ay mag-isang nakasakay. Para silang mga batang nagpapaligsahan sa karera at nahuli pa niya si Li na kumindat sa kanya ng magtama ang kanilang mga paningin. Kunwari hindi niya ito napansin pero lihim siyang kinilig. Hindi niya mawari sa sarili kung bakit ganoon ang epekto ng lalake sa kanya. Walang kapaguran si Sam, sa huli nakita nito ang Ferris wheel at hinatak siya nito. “Come, Teacher Jas, let’s ride.” May phobia siya sa heights kaya hindi siya sumasakay sa matataas na rides at kasama ang Ferries Wheel dito. “No Sam, sorry I can’t,” mariing tanggi niya. “Com’on, Daddy is with us,” pamimilit ng bata at nakipaghatakan pa sa kanya. “Sige na Jas, join us,” pangungumbinsi ni Li. Wala siyang panalo kay Sam kaya nagpatianod na lang siya at kung ano man ang mangyari sa kanya sa itaas ay bahala na si batman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD