Chapter Three

2461 Words
          “WHEN ARE you planning to come home, hija?” tanong ng Mommy ni Lady.           “I don’t know, Mom. Ayokong magsabi kung kailan ako uuwi. Gusto ko munang libangin ang sarili ko. I want some time to breathe from all the intrigues. Maloloka na ako kapag hindi ako lumayo,” paliwanag niya sa Ina.           “Eh saan ka nga pupunta?” tanong ulit nito.           “I can’t tell you. Mas mabuti nang hindi n’yo rin alam. Para kapag may naghanap sa akin. Hindi n’yo kailangan pang magsinungaling.”           “Anak, hindi mo kailangan gawin ‘to. Nandito kami ng Daddy mo.”           Nangilid ang luha niya sa mga mata sa sinabing iyon ng Ina.           “Since when, Mom? Kailan pa kayo nandiyan ni Dad. Hindi ko po yata matandaan,” masama ang loob niyang sabi.           “Alam namin na malaki ang pagkukulang namin sa’yo ng Daddy mo. Pero lahat naman ay ginawa namin para sa’yo.” Paliwanag nito.           “Narinig ko na po ‘yan.”           Sinarado na niya ang maleta niya saka dinampot ang bag niya sa ibabaw ng kama. Bago siya tuluyang lumabas ng kuwarto ay niyakap pa niya ang Mommy niya.           “Mag-iingat po kayo ni Daddy. Bye Mom, tawagan po ninyo ako kung magka-problema kayo dito,” paalam niya dito. Lumabas na siya ng silid niya hila ang maleta na may trolley. Sinalubong siya ng maid nila at ito na ang nagdala ng ibang bitbit niya.            “May taxi na ba?” tanong niya dito.            “Meron na po, Ma’am.” Sagot naman ng kasambahay nila.           “Joselyn, ikaw nang bahala kay Mommy ha? Alam mo naman ang number ko. Text mo ako o kaya tawagan kapag may problema dito.” Bilin niya.           “Sige po, makakaasa po kayo.”           “Salamat.”           Tinulungan pa siya nitong ilagay ang maleta sa compartment ng taxi bago siya sumakay. Habang papalayo siya ng bahay nila. Dalangin niya na sa kanyang gagawin na biglaang pagkawala sa mata ng publiko. Sana’y matigil na ang lahat ng pangungutya sa kanya. At sana, matagpuan na niya ang katahimikan at maghilom na ang mga sugat sa puso niya na dulot ng mapait na nakaraan.                     “WHAT?!” gulat na tanong ni Humphrey. “Anong ibig mong sabihin? Hindi pa puwedeng matulog doon sa bahay ni Chacha si Lady?”           Parang balewalang tumango lang si Panyang.           “Oo eh. Biglang nagkaroon ng problema doon sa kuwartong ookupahin niya. Pinagawa ni Chacha ‘yung kisame kasi nabutas. Baka mamaya umulan, tapos natutulog si Lady eh tapos malay mo nakanganga siya. Eh di pumasok pa ‘yung tubig ulan sa bibig niya,” mahabang paliwanag nito.           Naghagalpakan ng tawa sina Madi, Adelle, Myca, Allie, Abby at si Chacha na kalong ang cute na cute na baby nitong si Chinchin. Naroroon sila     sa tapat ng tindahan ni Olay at nagpapalipas ng oras habang hinihintay ang mga kanya-kanyang mga asawa at fiancé nito. Tanging siya lang at si Vanni ang lalaki na naroon. Hindi na niya sinama sa bilang si Olay dahil alam niyang babae ito sa puso at diwa.           “Naku Anak, cover your ears. Huwag kang makinig sa baliw mong tiyahin. Masamang impluwensiya siya sa’yo,” ani Chacha sa walang malay na anak.           “Hoy, huwag mong i-brainwash ang pamangkin ko. Tingnan mo, paglaki n’ya. Sa akin magmamana ‘yan,” pagmamalaki pa nito.           “Diyos na mahabagin, huwag po ninyong pahintulutan.” Sabad ni Olay sa usapan.           “Tse! Bakla!” pasigaw na biro ni Panyang dito.           “Alam ko!” ganti at pakikisakay naman nito sa pang-aasar ng maliit na babae. “Echosera!”           Tawanan na naman sila.           “Teka, totoo ba ang sinasabi nitong isang ito?” paniniguro niya saka tinuro si Panyang.           “Yup. That’s true. Buti nga nasabi agad ni Myca sa akin at naipagawa ko na agad. Kung nagkataon, nakakahiya naman sa kaibigan mo.” Sagot naman ni Chacha.           “Eh saan ko patutuluyin si Lady?” namomroblemang tanong niya.           “Kailangan ba talagang problemahin ang hindi naman problema?” ganting-tanong naman ni Vanni.           “Tama! Ang laki-laki ng bahay mo. Eh di doon mo siya patuluyin. I’m sure may guest room ka naman,” dagdag pa ni Madi.           Napakamot siya ng ulo. Mukhang wala siyang choice kung hindi doon patuluyin ang dalaga. Hindi naman siya puwedeng umatras na sa usapan. Nangako siya dito na tutulungan niya ito. At iyon ang hindi maintindihan sa sarili niya. Simula nang makita niyang malungkot ang mga mata nito. Nagkaroon siya ng pakiramdam na kailangan siya ng dalaga at hindi niya dapat itong iwan.           “Looks like, I don’t have a choice.”           Nagkibit-balikat lang si Panyang. Ilang sandali pa ay nagsidatingan na isa-isa ang mga kaibigan niya. Binati nito ang mga asawa at fiancé ng mga ito. At gusto niyang mag-walk out sa mga oras na iyon. Dahil sa kanilang sampu, tatlo na lang silang single. At hindi niya maintindihan kung bakit bigla ang paglagay ng mga ito sa tahimik. Wala sa plano niya ang sumunod sa yapak ng mga ito.           “Ano Pare? Kumusta na ang sikat?” nang-aasar na tanong ni Darrel pagbaba nito ng kotse.           “Wala! Hindi ako apektado.”           “Weh! ‘Di nga? Kaya pala lagi kang nakasimangot simula pa kahapon.” Pambubuking ni Abby dito.           “Maganda naman si Lady ah,” sabi naman ni Myca.           “It’s not that. Kaya lang, siya rin ang iniisip ko. Siya ang babae. Mas kawawa siya. Kung ako lang, ano bang pakialam ko kung ma-tsismis ako,” paliwanag niya.          “Uy, concern siya.” Panunukso pa ni Panyang sa kanya habang nakalingkis itong parang sawa sa braso ng asawa nito.              Ilang sandali pa ay may humintong taxi sa tapat nila. Mayamaya ay bumaba doon si Lady.           “Humphrey!”           “O? Anong ginagawa mo dito? Ngayon ka na ba lilipat?” gulat niyang tanong.           Tumango lang ito.           “Bakit pare? Anong problema? Nakabuntis ka?” nanunudyong sunod-sunod na tanong ni Justin.           Hindi niya inintindi ang pang-aasar nito. “You need help?” tanong niya sa bagong dating na dalaga.           “Yeah. My luggage. It’s at the back.” Sagot nito.           Agad siyang tumalima. Binuhat niya palabas ng compartment ng taxi ang malaking maleta nito. Kunot-noong nilingon niya ang dalaga.           “May balak ka pa bang umuwi sa inyo?” pabirong tanong niya.           “Oo naman. Hindi ko nga lang sigurado kung kailan,” nakangiting sagot nito.           Nang maibaba na ang gamit nito. Pinakilala muna niya ito sa mga kaibigan niya.           “Guys, I would like you to meet Miss Lady Castillo. Lady, sila ang mga kaibigan ko.”                             NARAMDAMAN ni Lady ang magaan at mainit na pagtanggap sa kanya ng mga kaibigan ni Humphrey. Isa-isa siyang ipinakilala sa mga ito. Ang ilan sa mga kalalakihan doon ay pamilyar sa kanya. Alam niyang karamihan sa mga ito ay pawang mga negosyante.           “This is Panyang, siya ang hardinera dito. Si Allie, ang sekretarya naman. Si Madi, ang kusinera. Si Abby, ang serbidora. Si Chacha, ang ilaw ng tahanan. Si Myca, ang saleslady. At si Adelle, ang labandera. Sila ang mutya ng Tanangco,” pagpapakilala nito.           “Tama!” sang-ayon ni Panyang.           “Huwag kang mahihiyang lumapit sa amin kung may kailangan ka.” ani Abby.           “Korek! Huwag kang mag-alala, wala kaming mga rabies.” Sabi pa ni Allie.           “Itong si Panyang lang ang nauulol dito lalo na kapag kabilugan ng buwan.” Pang-aasar ni Adelle.           “Uy! Hindi lang ako. Pati itong si Madi!” turo pa nito sa fiancé ni Vanni.           “Ambot sa imo!” ganti ni Madi dito.           “Eh dangdang shi dangdang shi!” sagot naman ni Panyang.           Napakunot-noo sila sa sinabi nito.           “Ano naman ‘yun? Saang planeta mo napulot ang salitang ‘yun?” kunot-noong tanong ni Chacha.           “Wala naman. Kay Carmela, my pet.” Sagot nito.           Napangiti siya. “Really? May pet ka?” natutuwang tanong niya.          “Ay oo ‘neng, mabait ‘yung si Carmela. Pramis! Hindi pala kibo ‘yun. Shy type pa nga siya eh.” Sabi pa nito.           “Paanong kikibo ‘yun? May salagubang bang kumikibo?” sagot naman ni Madi.           Napuno ng tawanan ang buong kahabaan ng kalyeng iyon. Pati siya tuloy ay nahawa sa kakatawa ng mga ito. Pinagmasdan niyang maigi ang mga bagong kakilala niya. Alam ni Lady na kagaya niya, hindi ordinaryo ang katayuan ng mga ito sa buhay. Halos lahat doon ay may mga sinabi. Malalaking negosyo. Pero bakit tila kuntento ang mga itong nakatira doon sa lugar na iyon? Parang kay saya ng buhay ng mga ito. Tila kuntento sila sa kung ano man mayroon sila. Simple man iyon o marangya. Hindi gaya ng nararanasan niya ngayon na parang sa isang iglap ay tinalikuran siya ng mga taong noon ay nakasandal sa kanya.           “Okay ka lang?” may bahid ng pag-aalalang tanong ni Humphrey sa kanya.           “Ha? Ah… Yes, I’m okay.”           “Parang ang lalim kasi ng iniisip mo eh.” Sabi naman ni Justin.           Kiming ngiti lang ang sinagot niya dito.           “Look, we all knew whatever you’re going through right now. But life doesn’t just end there. You have to move forward.” Payo ni Dingdong sa kanya.           “And if ever na hindi mo na kaya. We’re all here for you.” dagdag ni Chacha.           Nangilid ang mga luha niya sa mata. Bakit nga ba ganoon? Mas mabuti pa ang ibang tao. Kahit na hindi siya personal na kilala ng mga ito. Pero hayun at tinanggap siya ng buong puso.            “Lahat ng nagiging girlfriend ng mga kaibigan namin. Kaibigan na rin namin.” Sabad ni Panyang.           “Tama!” sabay sabay na sang-ayon ng mga ito.           Nagulat siya. Ano bang sinasabi nitong mga ito? Napatingin siya kay Humphrey. Napapikit ito at naihilamos ang palad sa mukha nito. Base sa reaksiyon nito, parang napipikon na ito.           “No. It’s not what you think.” Kontra agad niya.           “Ah okay,” tanging sambit ni Panyang. Tapos ay nagpaalam na ito. “So, paano? Diyan ka na muna. Mauuna na kami nitong aking esposo at kailangan ko naman maging asawa sa asawa ko. Right, My Love?” malambing na sagot nito tapos ay sumulyap pa kay Roy.           “Right.”           “Wait, Saan pala ‘yung tutuluyan ko?” pahabol na tanong niya.           “Si Humphrey nang bahala sa’yo.” Si Chacha ang sumagot. Binalingan nito ang asawa nito. “Let’s go, Babe. Mahamog na. Baka sipunin pa si Chinchin.”           “Bye guys,” paalam pa ni Dingdong.           Pagkatapos noon ay isa-isa nang nawala ang iba pang mga kaibigan nito. Napakamot ng batok si Humphrey.           “Anak ng… talagang pinabayaan ako dito.” Reklamo nito.          “May problema ba?” tanong niya.           “Wala naman. But there’s a little change of plans. Nagkaroon kasi ng aberya doon sa bahay ni Chacha, lalo na doon sa tutuluyan mong kuwarto.”                            “Ano ‘yon?”           “Basta, sumunod ka na lang sa akin.”           Nagkibit-balikat siya. Wala naman problema kahit saan siya matulog. Lumaki man na maalwan ang buhay niya. Hindi naman siya kagaya ng iba na matapobre at akala mo kung sinong malinis. Wala naman siyang magagawa kung hindi ang sumunod dito. Hindi naman siguro siya nito ipapahamak.                     HINDI MAINTINDIHAN ni Lady kung ano ba ang dapat niyang maging reaksiyon. Hindi niya inaasahan na doon siya sa mismong bahay ni Humphrey tutuloy. Nagsimula siyang makaramdam ng pagka-ilang. Ngunit sa kabila niyon, tila naroon ang mumunting saya sa kanyang puso. Parang gusto ng puso niya ang ideyang magkasama sila nito sa iisang bubong.           Lihim niyang pinilig ang ulo saka binura sa kanyang isipan ang ideyang iyon.           Mahiya ka nga sa tao, Lady… Kung anu-anong naiisip mo. Saway niya sa nanunudyong bahagi ng isip niya.           “Hey, kung hindi mo gustong dito tumuloy sa bahay ko. Then, hindi na kita matutulungan pa.” narinig niyang sabi ni Humphrey.           “Ha? W-what did you say?” kandautal na tanong niya.           Napailing ito saka bahagyang hinilot ang sentido. “Hindi ka pala nakikinig sa sinasabi ko. Kanina pa ako daldal ng daldal dito eh.” Reklamo pa nito.           Nahihiyang napatungo siya saka napakamot sa batok niya. “Pasensiya ka na, ha? May naalala lang ako kaya medyo na nawala ako sa sarili.” Hinging paumahin niya.           “Anyway, uulitin ko.” Anito. Pinihit nito ang seradura ng pinto ng kuwarto na nasa tapat nila at niluwagan ang bukas niyon. “Ito ang magiging pansamantalang kuwarto mo. In case you need anything, narito lang ang kuwarto ko sa tabi. That room.” Paliwanag nito saka tinuro ang isang kuwarto na malapit sa hagdan.           “That is my dark room. Huwag ka basta papasok diyan. Nakita mo naman ang studio ko. Nasa right side ng sala.”           Tumango lang siya sa lahat ng sinasabi nito. “Para hindi naman masyadong makabigat sa’yo. Tutulong na lang ako sa mga gawain dito sa bahay.” Aniya.           Kunot-noong tinitigan siya nito. Parang may kakaiba sa sinabi niya.           “Tama ba ang narinig ko?” tanong nito.           “Oo naman. Bakit? May problema ba?” ganting-tanong niya.           “Wala naman. Hindi lang kasi ako makapaniwala na may alam ka sa gawaing bahay.”           Bahagya siyang napasimangot sa sinabi nito. Ano bang palagay nito sa kanya? Wala alam sa bahay. Dahil lumaki siyang kasama lang ang mga katulong nila. Partikular na ang Yaya Curing, na siyang nagpalaki sa kanya.          Kaya wala siyang ginawa noon kung hindi ang panoorin ito sa paglilinis at kung anu-ano pang gawain sa bahay.          “Excuse me, laki ako sa yaya. Kaya may alam ako.” depensa niya.           Nagkibit-balikat lang ito. “Sabi mo eh,” sambit nito.          “Kung may tanong ka, kumatok ka lang sa dark room.” Dagdag pa nito.          “Sige,” usal niya.          Hinayaan na nitong nakabukas ang pinto ng kuwartong ookupahin niya. Nakatalikod na ito nang tawagin niyang muli. Huminto naman ito saka humarap ulit sa kanya.           “Maraming Salamat. You don’t know how much it means to me.” Wika niya.           “Don’t mention it. Ang importante, makapagpahinga ka emotionally. You’ve had enough.” Sagot nito. Hindi na nito hinintay pang makapag-salita ulit siya. Dumiretso na ito ng pasok sa loob ng dark room nito.           She smiled. Hindi nga siya nagkamali ng nilapitan. Ramdam niya sa puso niya. Isang mabuting tao si Humphrey. Napatunayan niya iyon noong gabi mismong makilala niya ito. Wala itong pakialam sa kanya kung tutuusin. Kahit na ano pang mangyari sa kanya, pero hindi pa rin siya nito iniwanan sa kabila ng lahat. At hindi nito sinamantala ang pagkalasing niya. Instead, he stayed to be her crying shoulder. Kahit na nadawit ito sa mga tsismis tungkol sa kanya, tila balewala ang lahat dito.           Kaya nangako siya sa sarili na tatanawin niyang isang napakalaking utang na loob ang ginawa nito para sa kanya.           Pumasok na siya sa loob ng ookupahin kuwarto. Huminga siya ng malalim bago siya naglakad sa buong paligid. Ramdam niya ang kapanatagan ng loob. Natawag ng pansin niya ang tanawin sa labas mula sa binatana. Tinanaw niya ang kahabaan ng lugar na iyon. Nasa kalsada ang mga batang nagsisipaglaro.           Sa tapat ng isang tindahan ay ang ibang mga kaibigan ni Humphrey. Pawang mga ngiti sa labi ang nakikita niya sa mga ito. Pati siya ay napangiti.           Sana’y hilumin ng lugar na iyon ang sugat na dulot ng mga taong nangutya at nanghusga sa pagkatao niya. Sana’y tulungan siya ng lugar na iyon para mapunan ang matagal nang puwang sa kanyang puso. Sana’y doon sa Tanangco Street niya matagpuan ang katahimikan na matagal na niyang inaasam-asam sa buhay niya.                  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD