Isang matamis na halik ang ginawa saakin ni Tiago bago siya umalis sa bahay.
"Mag iingat ka mahal, ubusin mo iyan baon mo, kapag nakita kong may tira diyan talagang magagalit ako, hinding hindi ako papayag na tabihan mo sa kama." Biro ko sa kanya.
"Naku mahal, ayoko ng ganyang biro, kapag ganyan ang parusa mo baka pati lalagyan kainin ko na din." natatawang sagot niya.
"Sige na mahal, aalis na ko, lagi kang mag sasarado ng pintuan, alam mo naman na maraming nag nanasa sayo diyan." Tapos ay hinalikan niya ako sa noo at tuluyan ng nag lakad palayo.
Naisip kong habang wala si Tiago ay pumunta muna ako sa bukid upang samahan sila Lola Nene na mamitas ng gulay sa bukid dahil ngayon ay anihan na, ito ang isa sa pinakamasarap gawin.
Habang nag lalakad ako papunta doon ay napahinto ako ng makita ko si Nanay Greta na nag lalakad at may kasamang lalaki, nakita kong parang balisa ang kanyang itsura, nakita ko din na sumakay siya sa motor at sigurado akong palabas siya ng bukid.
"Sino kaya yung lalaking kasama niya? Mukha naman hindi taga dito sa bukid dahil maganda ang suot ng lalaki at maging ang motor na gamit nito ay mukhang mamahalin." Sabi ko sa aking isipan.
Binaliwala ko na lang ang nakita ko at tumuloy ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa bukid, nakita ko silang nakaupo sa kubo at namamahinga.
"Oh Madison nandiyan ka pala, nasaan si Tiago?" tanong ni Nanay saakin habang nag papaypay.
"Naku umalis po si Tiago, may trabaho po siya ngayon araw kaya wala po siya"
"Ganun ba, mabuti naman at nag punta ka dito para naman hindi ka mainip sa bahay ninyo." Sabi naman ni Tatay habang nag tatalop ng nilagang saging.
"Pero hindi ba po ay anihan ngayon?"
"Naku apo, malapit na pero napansin kasi namin na malilit pa ng bunga ng mga gulay, kaunting araw pa ay pwede na iyan, tiyak akong malaki ang kikitain natin sa mga gulay na yan." Sabi naman ni Lola Nene na abala sa pag higop ng black coffee.
Umupo ako sa tabi ni Lola at kumuha ng nilagang saging, kasama din namin ang ilang magsasaka, naririnig ko ang tawanan at biruan nila, ang mga kwentuhan nila. Masaya sila at nararamdaman ko na hindi iba ang turing nila sakin, nararamdaman kong parte ako ng kanilang pamilya.
Sumapit na ang hapon at pauwi na kami galing sa bukid.
"Oh sige na Madison, umuwi kana baka nandoon na si Tiago sa bahay ninyo." Sabi ni Lola.
"Opo Lola." nakangiting sagot ko.
Naglakad ako papunta sa bahay pero pag dating ko ay wala pa si Tiago..
Naligo muna ako at nag bihis, nagluto na din ako ng pagkain namin para sa hapunan.
Alas siete na ng gabi pero hindi pa din dumadating si Tiago, kaya naman hindi na ako mapakali pa. Gusto ko na siyang tawagan sa kanyang cellphone pero hindi niya alam na mayroon ako nun.
Pumasok na ako sa kwarto namin at nahiga, dahil sa sobrang pagod ko sa bukid ay hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
"Tao po! Tao po!"
Nagising ako ng may narinig akong kumakatok sa pintuan, agad akong lumabas ng kwarto at buksan ang pintuan, nakita ko ang isang lalaki at kasama niya si Tiago.
"Lasing na lasing siya, nadaanan namin siya na nakaupo sa gilid ng daan at ang motor niya nakatumba, mabuti na lang at dalawa kami ng kasama ko kaya pati yung motor niya nadala namin dito."
Inalalayan ng lalaki si Tiago hanggang papasok ng kwarto namin at inihiga ito sa higaan.
"Naku maraming salamat po."
"Walang anuman." Tapos ay umalis na ang dalawang lalaki.
Tinignan ko si Tiago, lasing na lasing siya at halos hindi na makatayo pa.
Naamoy ko din ang mabahong amoy sa kanyang damit ng dahil sa nasukahan niya ito.
"Mahal, papalitan kita ng damit."
Ibinangon ko siya paupo sa higaan para hubarin ang suot niyang sando tapos ay kumuha ako ng planggana na may laman tubig at alcohol, pinunasan ko siya ng bimpo sa kanyang buong katawan.
"Hmmmmm." puro unggol lang ang naririnig ko sa kanya, halos hindi na siya makagalaw pa dahil sa kanyang kalasingan..
Nang matapos ko siyang malinisan ay inayos ko ang kanyang bag na dinadala sa trabaho at nakita ko doon ang hinanda kong baunan para sa kanya, at nang buksan ko iyon ay hindi man lang ito nabawasan.
Hindi ko na inisip kung bakit hindi man lang kumain si Tiago at kung bakit siya umuwi ng lasing na lasing, ang nasa isip ko lang ay baka nagkayayaan lang sila ng mga katrabaho niya na uminom.
Muli akong pumasok sa kwarto, tulog na tulog si Tiago, humiga ako sa kanyang tabi at niyakap ko siya sa kanyang likuran.
SUMAPIT na ang umaga, pag gising ko ay nakita kong nag bibihis na si Tiago.
"Gising kana pala, ipaghahanda lang kita ng makakain mo." Sabi ko pa, pero hindi siya nag sasalita man lang.
"Mahal wag ka muna umalis, kumain kana muna." Sabi ko pa sa kanya.
"Hindi na, busog ako." Tapos ay hindi man lang niya ako tinignan, lumabas na ito ng bahay at diretso nang umalis.
Hindi ko maintindihan kung bakit kakaiba ang kinikilos ni Tiago mula kahapon, inisip ko na lang na baka nag mamadali siya.
Naiwan na naman akong mag isa sa bahay at para malibang ay naglinis ako ng bahay, inayos ang mga gamit at nag laba ng mga damit namin, hanggang sa nakita ko ang lalaking papalapit saakin.
"Miss nandiyan ba si Tiago?" tanong nito.
"Naku umalis na po, maaga po siyang pumasok sa trabaho, ano po ba kailangan ninyo?" Sabi ko sa lalaki.
Simple lang ang lalaki, payat ito at hanggang balikat ko lang ang kanyang laki.
"Di kasi siya pumasok sa trabaho kahapon, tapos ngayon araw e mamaya pa naman makapananghali kami papasok."
Bigla akong kinabahan sa sinabi ng lalaki.
"Miss pakisabi na lang sa kanya o pakitanong kung gusto pa niya mag trabaho para makahanap na ko ng kapalit niya."
Pag tanggo lang ang naisagot ko sa lalaking iyon.
Halos hindi ako mapakali at hindi mawala sa isip ko kung ano ba ginagawa ni Tiago.
Muli kong hinintay ang kanyang pag-uwi ngunit mag didilim na ay wala pa din siya.
Lumabas ako ng bahay para hanapin si Tiago, nag hihintay din ako ng masasakyang motor para makalabas sa bayan, ilang minuto pa ay may dumaan akong masasabayan.
Ilang sandali ay nakarating na ako sa bayan, sinikap kong hanapin ang bar kung saan ako dinala ni Tiago noon dahil nag babakasakali ako na makita siya.
Pag pasok ko sa bar, katulad ng inaasahan ay magulo at maingay, nag palinga-linga ako sa paligid hanggang sa makita ko si Berto.
"Berto nakita mo ba si Tiago?" tanong ko.
"Oo."
"Nasaan siya?"
"Gusto mo ba talagang malaman? Papayag kaba kung sasabihin kong sasamahan kita?" bahagya naman akong nag isip.
"Oo, samahan mo ko kung nasaan siya."
Sinamahan ako ni Berto at dinala niya ako sa isang bahay na halos malapit lang sa bar.
"Pumasok ka sa loob niyan, bukas naman ang pintuan, makikita mo diyan si Tiago." Sabi ni Berto.
Hindi na ako nag duda o nag isip ng masama pa kay Berto, dahil gusto ko lang ay makita si Tiago.
Nakita kong bukas ang pintuan ng bahay na iyon katulad ng sinabi ni Berto, dahan-dahan akong pumasok sa loob. Wala naman tao pero nakita ko ang nag kalat na bote ng alak sa sahig.
May nakita akong kwarto na bahagyang nakabukas at nang silipin ko iyon ay napatakip ako sa aking bibig.
Nanginginig ang aking buong katawan at hindi ako makaalis sa aking kinatatayuan.
Nakita ko si Tiago, nakasandal sa kama at si Leah nakita kong hinahalik-halikan siya sa kanyang dibdib.
Mas pinili ko ang umalis na lang at hindi na gumawa pa ng gulo, pilit kong hinahakbang ang aking mga paa pero hindi ko ito maigalawa hanggang sa hindi sinasadyang matabig ko ang boteng nakakalat sa sahig.
"Sino yan?" narinig kong sabi ni Leah.
Biglang lumabas ng kwarto si Leah at kasunod nito si Tiago.
Nakita ko ang reaksyon ng mukha nilang dalawa na tila gulat na gulat nang ako ay makita.
Pero hindi ko man lang narinig na nag salita si Tiago at nakita ko na lasing na naman siya at wala sa kanyang sarili.
Pinilit kong tumakbo palabas ng bahay na iyon at pag labas ko ay nandoon si Berto.
NAkita ko sa mga mata nito ang awa saakin.
"Ihahatid na kita." Sabi nito.
Hindi na ako tumanggi sa kanya, gusto ko na umuwi at gusto ko nang umalis sa lugar na iyon.
Ilang saglit pa ay nakarating na kami sa bahay, bumaba ako ng motor ni Berto at nag lakad papunta sa bahay, wala na akong kahit na ano pang sinabi kay Berto dahil gulong-gulo na ang isip ko.
Pag dating ko sa bahay ay kinuha ko ang maleta ko at agad na inilagay doon ang mga gamit ko, balak kong umalis na at iwanan na siya, balak kong bumalik sa Daddy ko o kaya basta kahit saan na wala siya.
Palabas na ako ng bahay nang makita ko si Tiago sa pintuan, nakatayo ito at madilim ang mukha.
"Saan ka pupunta?" mahinang sabi nito.
"Aalis na ko! Aalis na ko!"
Lalagpasan ko na sana siya ng bigla niya kong hawakan sa braso at muling ipasok sa loob ng bahay.
Hinagis niya ko sa sofa na dahilan para mapaupo ako, ang mga gamit ko ay binalibag niya kung saan.
"Aalis ka? At saan ka naman pupunta?!" pag tataas ng boses niya habang ang kanyang mga mata ay galit na nakatingin saakin.
Muli akong tumayo at pinuntahan ang gamit ko na hinagis niya sa kung saan, nag pumilit akong lumabas ng bahay pero hinaharangan niya ako.
"Hindi ka aalis!"
Hinawakan niya ako sa braso at hinatak papunta sa kwarto namin, nilock niya ang pinto upang hindi ako makalabas.
Wala akong nagawa kundi ang umiyak, hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lamang nag bago ang ugali niya at ang masakit pa doon ay ang makita ko ang ginagawa niya saakin panloloko..
Hindi na ako nag pumilit pa, maya-maya ay pumasok na din si Tiago sa kwarto namin at tinabihan ako sa higaan, pero natulog siya nang magkatalikod kaming dalawa na ngayon lang nangyari mula ng magsama kami.
"Madison! Madison anak!" nagising ako ng marinig ko ang boses ni Nanay Greta mula sa labas ng bahay. Bumangon ako sa higaan para pag buksan siya ng pinto pero nakita ko si Tiago ang nagbukas kay Nanay Greta.
"Ano kailangan niyo?" tanong ni Tiago kay Nanay Greta at mahahalata mo sa mukha nito na mainit ang kanyang ulo.
"Nay pasok po."
Pumasok naman si Nanay at pinaupo ko siya sa sofa.
"Kukuha lang kita ng maiinom Nanay." ngumiti si Nanay saakin.
Naiwan si Nanay at Tiago sa sofa at narinig kong nag salita si Nanay.
"Ah ee Tiago, ang totoo kaya ako nag punta dito ay para isama si Madison sa mga kamag-anak namin sa manila."
Hindi naman nag sasalita si Tiago, habang ang noo nito ay nakakunot at ang mata nito ay galit.
Lumabas ako at nag panggap na hindi narinig ang sinabi ni Nanay.
"Madison anak, mag bihis ka aalis tayo, isasama kita sa manila."
Mag sasalita pa lang sana ako ng biglang mag salita si Tiago.
"At sino may sabi na pwede mong isama si Madison?!" biglang pinag taasan ng boses ni Tiago si Nanay Greta na labis kong ikinabigla.
Lumapit ako kay Nanay at hinarangan ko siya kay Tiago.
"Bakit ka nag kakaganyan?"
"Hindi ka aalis! Hindi ka sasama sa kanya!"
Bahagya akong hinawi ni Nanay para harapin si Tiago.
"Hoy Tiago! Wala kang karapatan na pag bawalan ako na makasama si Madison! Baka nakakalimutan mong ako ang kinikilala niyang ina at ikaw ano kaba sa kanya? Hindi mo pa siya asawa!" nakita kong galit na din si Nanay Greta.
"Halika na Madison!" hinatak ni Nanay ang kamay ko pero hinawakan naman ni Tiago ang isang braso ko.
"Hindi ka aalis!"
Para matigil na lang ang gulo ay bumaling ako ng tingin kay Nanay.
"Nay, sa ngayon hindi na muna ako makakasama sayo."
Binitawan ako ni Nanay atska lamang ako binitawan ni Tiago.
"Mag isip-isip ka Madison! Alam mong hindi ito ang buhay na dapat sayo!" Sabi ni Nanay Greta bago ito tuluyang lumabas ng bahay habang ako ay humugot nang malalim na pag hinga dahil sa mga nangyari.
Hinarap ko si Tiago dahil sobra na ang kanyang ginagawa.
"Bakit kaba nagkakaganyan? Bakit pati ang Nanay ko pinagsalitaan mo ng ganun at hindi mo na nirespeto!?"
Humarap si Tiago saakin at lumapit.
"Hindi mo siya Nanay! Hindi mo siya kaano-ano! Siya ay katulong lang na nag alaga sayo!" nagulat ako sa sinabi ni Tiago saakin, paano niya nalaman ang tungkol sa bagay na yun.
Nagmadali siyang lumapit sa bag niya at kinuha doon ang diaryo tapos ay hinagis saakin.
"basahin mo!"
Binuklat ko ang diaryo at nagimbal ako sa nilalaman nito.
Madison Ocampo at Rico Saavedra magpapakasal na.
Kahit ako ay nabigla sa nabasa ko, may picture pa kami ni Rico na mag kasama.
Lumapit ako kay Tiago at nanginginig ang mga kamay ko, hindi ko alam kung paano ako magpapaliwanag sa kanya.
Unti-unti akong napauopo sa kinatatayuan ko at tila nawala sa katinuan.
"Bakit?! Bakit?! Niloko mo ko Madi! Pinaglaruan mo ko! Nagsinungaling ka sakin!"
Galit na galit si Tiago sakin. Nakuha pa nitong damputin ang baso sa lamesa at ihagis sa kung saan.
Habang ako ay hindi nag sasalita at patuloy lang sa pag-iyak.
Lumapit sakin si Tiago at hinawakan ako sa magkabilang balikat, madiin ang hawak niya saakin at nakikita ko ang mga mata niya na namumula sa galit habang nakatingin sakin, ang mga mata niya ay nilalabasan na din ng luha.
"Alam mo kung gaano kita kamahal! Paano mo kong nagawang lokohin nang ganito! Magpapakasal ka?! Paano ako?! Itatapon mo lang ba ko na parang basura?!" umiiyak si Tiago na nakatingin sa mga mata ko.
"Hindi! Hindi iyan totoo! Walang katotohanan iyan! Hindi ako magpapakasal sa kanya!"
Niyakap ko si Tiago pero hinawi niya ako.
"Hayaan mo ko magpaliwanag please!" pakiusap ko sa kanya.
Pero tinalikuran niya ako at pumasok sa kwarto namin, pero kailangan ko ipaliwanag sa kanya ang lahat, kailangan kong maging totoo sa kanya.
Sinundan ko siya sa kwarto at nakita ko na nakaupo siya sa gilid ng kama at nakayuko habang umiiyak, lumuhod ako sa harap niya at kinulong ko ng mga palad ko ang kanyang mukha.
"Makinig ka saakin mahal ko, mahal na mahal kita at hindi ko magagawang magpakasal sa iba, kaya ako napunta dito ay dahil tinatakasan ko ang kasal na iyon hanggang sa nakilala kita at mas pinili kita, iniwan ko ang lahat para sayo, para makasama ka." Paliwanag ko sa kanya.
Nakita ko naman sa mga mata ni Tiago na naniniwala siya sa mga sinasabi ko sa kanya.
Bigla niya akong niyakap ng mahigpit.
"Wag mo ko iiwanan please, hindi ko kaya." Sabi pa niya habang nakayakap siya saakin.
Hindi ko akalain na iiyak siya ng ganun, mahal na mahal niya ko at ganoon din ako sa kanya, ngayon ko napag tanto na matatakasan ko ang tunay na ako pero hindi ako makakatakas sa pag mamahal ni Tiago.