Kabanata 2 ✓

1646 Words
Kabanata 2: Hurt Pavian’s POV Taong 1997 PITONG TAONG GULANG palang siya ngunit pakiramdam niya ay isa na siyang binatilyong nagmahal sa mga napapanood niya sa palabas sa telebisyon. Hawak-hawak niya ang harmonica ng kaniyang Tatay Pablo habang nakatulala. “Hijo, kumain ka na,” saad ni Aling Risa ngunit hindi niya ito pinansin. “Magkakasakit ka niyan at mas lalong malulungkot si Mang Pablo sa pinaggagawa mo, Pavian. Ginagaya ka na rin ni Blacky at hindi na kumakain,” singit naman ni Ate Rosa, ang anak ni Aling Risa. Napatingin naman siya rito at nakita niya ang awa sa ekspresyon nito. “Iwan ninyo na lang po. Salamat po,” mahinang turan niya at tumulala na naman. “Hijo, dalawang linggo na ang nakakalipas. Sana’y ipagpatuloy mo ang ‘yong buhay. Huwag mong sayangin lalo na’t bata ka pa,” saad ni Aling Risa. Napaluha siya nang maalala muli si Tatay Pablo at ang huli nitong sinabi bago mamaalam. “Mabuhay ka, Pavian. . .” Hindi niya napigilang humagulhol na ikinabahala naman ng dalawa. Agad siyang niyakap ni Ate Rosa at umiyak siya dibdib nito. Hinimas naman nito ang kaniyang buhok. Muli niyang naalala ang mga panahong ginagawa ‘yon ni Tatay Pablo sa kaniya. Sa tuwing nandito sila ni Blacky sa barung-barong ay pinipiga ang kaniyang puso. “Shhh. . . Dapat mong labanan ang ‘yong lungkot. May dapat ka pang gawin sa buhay at kailangan mong maging matatag.” Tama ang sinabi ni Ate Rosa. May gagawin pa siya sa buhay at tutuparin niya ‘yon para kay Tatay Pablo. Sisiguraduhin din niyang makakamtam ni Tatay ang hustisya. Tandang-tanda niya ang pagmumukha ng pulis na ‘yon. Napayukom siya kamao at abot langit ang galit niya ro’n. Ipaghihiganti niya ang kamatayan ng nag-iisang taong umaruga sa kaniya. Isinusumpa niyang gagantihan niya ang pulis na ‘yon at ni-hindi man lang nito sila tinulungan na isugod sa pagamutan ang kaniyang Tatay. KINAGABIHAN, bitbit niya ang supot na naglalaman ng kaniyang damit at suot din niya ang sombrero ng Tatay Pablo niya. Nang makita siya ni Blacky na paalis ay agad itong tumayo. “Huwag ka nang sumama sa ‘kin. D’yan ka na lang, ah?” bulong niya ngunit umungot-ungot lamang ito at mas lalong nagsumiksik ito sa kaniya. Napabuntonghininga naman siya. “Halika na nga. Basta huwag kang maingay, ah?” Umuungot-ungot ito. Dahan-dahan silang lumabas. Wala na rin kasing silbi kung mamalagi lang sila. Napatingin siya sa labas ng barung-barong kung saan matatagpuan ang kaniyang masasayang alaala kasama si Tatay Pablo. Napaluha siya at hinimas ang ulo ni Blacky. “Paalam po, Tatay. Tutuparin ko po ang mga pangarap niyo sa ‘kin. Mabubuhay po ‘ko at lalaban sa buhay. . .” Ilang mga araw siyang naging palaboy kasama si Blacky. Lumayo siya sa lugar na naging tahanan nila. Pumuslit siya at nakikisabay sa mga sumasakay sa mga bus at ang iba nama’y sinasama na lang sila. Napatakbo silang dalawa ni Blacky nang bumuhos ang malakas na ulan. Nagtago sila sa isang basurahan. Nagyakapan silang dalawa. “Titila rin ang ulan at makakahanap tayo nang mas maayos na masisilungan. Kapit lang,” usal niya at umuungot-ungot ang kasama niya habang siya nama’y nakatingin sa pagbuhos ng ulan. Wala silang maayos na ligo at panay ang pagkain nila mula sa nagmagandang loob ngunit hindi niya nagawang magnakaw. Tumutugtog siya ng harmonica ngunit lagi lamang siyang napapaluha dahil mag-isa na lang siyang tumutugtog. Ang iba’y nadadala sa kaniyang pagtugtog at napapaluha ro’n. Ngunit nang sumapit ang isang gabing nagpabago ng kaniyang buhay. Habang natutulog sila ni Blacky sa isang karton malapit sa basurahan ay nagulat siya nang may kumarga sa kaniya. Idinilat niya ang kaniyang mga mata at natakot siya. “Huwag kang sumigaw dahil walang tutulong sa ‘yo,” usal nito at mas lalo siyang napaluha dahil wala naman talagang tutulong sa kaniya kundi ang sarili niya. Ngunit ano’ng magagawa ng isang tulad niya? Agad namang nagising si Blacky at dali-daling inangilan ang dumakip sa ‘kin. “Shoo! Huwag kang makialam dito galising aso!” Mas lalong naging agresibo ito at kinagat ang lalaki sa binti. Dali-dali siyang tumakbo kasama si Blacky. Umiiyak siya habang tumatakbo sila nang mabilis sa madilim na kalsada. “Bilisan natin tumakbo, Blacky!” sigaw niya ngunit nadapa siya at napaigik siya sa sakit. Hilam na hilam na ng luha ang kaniyang mga mata. Agad namang huminto ito at pilit na hinahatak ang kaniyang maruming damit. “Tumakbo ka na’t iligtas mo ang ‘yong sarili! Iwan mo na ‘ko dito, Blacky. . .” Ngunit matigas ang ulo nito at hindi siya sinunod. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang may sumabunot sa buhok niya. “Puta kang bata ka! Akala mo ba’y hindi kita mahahabol? Tatagpasin ko talaga ang lamang loob mo at ibebenta,” saad nito na naghatid ng kilabot sa kaniyang sistema. “Huwag niyo po ‘kong gawan nang masama! Wala po ‘kong kasalanan sa ‘yo,” takot na takot niyang turan ngunit humalakhak lamang ito. Mabilis namang sinakmal muli ni Blacky ang binti nito at nagbuno sila ng lalaki. Nagsumikap siyang tumayo ngunit matindi ang pagkakadapa niya. Napasinghap siya nang suntukin nito si Blacky at binaril. Nanlaki ang kaniyang mga mata at tila nablangko siya. Muling nanumbalik sa kaniyang alaala ang pagbaril kay Tatay Pablo at wala siyang laban. “Halika na!” sigaw ng lalaki at sinabunutan siya. “Humanap ka ng katapat mo, Gago.” Napabaling naman sila sa lalaking nagsalitang may maskuladong pangangatawan. May hawak din itong baril ngunit mas malaki sa hawak ng lalaking dumakip sa kaniya. “Hoy! Huwag ka ngang mangialam dito. Humanap ka ng ibang pupuntiryahin!” sigaw ng lalaking nakasabunot sa kaniyang buhok. Tinignan naman siya ng lalaking bagong dating at walang babalang itinutok sa kanilang direksyon ang labi ng baril at nagpaputok. Napapikit siya at may narinig siyang natumba. Napadilat siya ng kaniyang mga mata. “Ligtas ka na, Bata. Bakit ka nandito sa kalsada? Gusto mo bang mapahamak ka?” Humagulhol siya at napatingin kay Blacky na nakabulagta sa kabilang gilid. Napatingin naman ito ro’n at nilapitan ang kaniyang aso. “Wala na siya, Bata. . .” Si Blacky na lang ang natitirang alaala sa kaniya ni Tatay Pablo ngunit wala na rin. Mag-isa na lang siya sa buhay. Mas lalong lumakas ang kaniyang iyak. “May matutuluyan ka ba, Bata?” tanong nito at umiling siya na ikinabuntonghininga naman nito. “Sumama ka sa ‘kin. Dapat huwag kang manghina dahil talo ka kapag ginawa mo ‘yon,” dagdag nito. Tumingin siya dito. “Paano po ba maging matapang na kagaya niyo?” tanong niya na ikinangisi naman nito. “Gusto mo bang maging kagaya ko?” Hindi makapaniwalang tanong nito. “Opo, gusto ko rin pong maging malakas at matapang para hindi po nila ako masasaktan pati na rin maipagtanggol ko ang mahal ko sa buhay,” sagot niya. “Napakabata mo pa ngunit mapait ang mundo sa ‘yo. Sige, kung gusto mo maging katulad ko’y sumama ka sa ‘kin. Ano nga pala ang pangalan mo?” saad nito. “Ako po si Pavian. Sasama po ‘ko pero may pabor lang po ‘kong hihilingin. Gusto ko po sanang ilibing si Blacky at makuha ko rin po ang aking gamit dahil nando’n po ang harmonica ng aking namatay na Tatay at ang sombrero niya.” “Sige, huwag kang mag-alala. Gagawin ko ang pabor na hinihiling mo at magiging malakas ka. Napakaganda ng ‘yong pangalan. Ako pala si Onyx.” Kagaya ng kaniyang sinabi ay tinupad nito ang kaniyang munting kahilingan. Yakap-yakap niya ngayon ang sombrero at harmonica ng kaniyang Tatay Pablo habang nakasakay sila sa isang sasakyan. Nakatingin siya sa labas ng bintana hanggang sa makatulog siya. “Mabuhay ka, Pavian. . .” Iyon ang mga kataga na laging umiikot sa kaniyang isipan. Panghahawakan niya ‘yon ay sisiguraduhin niyang magiging malakas at matapang na siya. NAALIMPUNGATAN siya nang may marahang yumugyog sa kaniyang katawan. Idinilat niya ang kaniyang mga mata at nakita niya ang isang bodega na may mga batang nakapalibot sa kaniya. “Sino ka?” tanong ng batang lalaki sa kaniya. Agad naman siyang umupo. “Ako si Pavian,” sagot niya. “Bagong salta na naman. May kahati na naman tayo sa lalamunin natin,” saad naman ng matabang bata. “Oo nga, eh. Napakautu-uto ni Onyx. Madaling maloko sa konting awa lang,” segunda naman ng isang lalaking binatilyo. “Hoy! Ano’ng kaguluhan ‘yan? Magsipuntahan na nga kayo sa trabaho ninyo,” sigaw ni Onyx at mabilis naman nagsisunuran sila. Napatingin naman siya rito at ngumiti ito sa kaniya habang may hawak na isang mangkok ng lugaw. “Kumain ka na muna.” Agad naman siyang tumango dahil gutom na gutom na siya. Agad niyang sinunggaban ang pagkain na halos ikapaso ng kaniyang dila. Napapailing na lang sa kaniya ito ngunit pinabayaan lamang siya. “Maligo ka pala. Mayro’ng mga damit dito. Simula ngayon ay ikaw na si Pavian, ang batang malakas at matapang. Tuturuan kita kung paano lumaban at gumamit ng baril. Isa kaming sindikato. Kagaya mo’y mga mula rin kami sa kalsada at pinursigi ang aming mga sarili na lumaban sa buhay. Ang mahina ay talo kung kaya’t alamin mo rin kung saan ka kakampi. Walang mapagkakatiwalaang iba kundi ang sarili mo,” dagdag nito at tumango naman siya. “Dapat din po bang hindi ko kayo pagkatiwalaan?” inosenteng tanong niya na ikinangisi naman nito. “Puwedeng oo at puwede ring hindi. Hindi lahat ng may mabait ay gano’n sa ‘yo hanggang sa dulo. Mapanlinlang ang mundo, Pavian. Mamamatay ka kung tatanga-tanga ka,” sagot nito at tinandaan naman niya ‘yon. Kailangan kong sundin ang sasabihin nito para makamit niya ang kaniyang nais.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD