Noong una ay iniisip ni Asta na nakakatawa naman ang last will ng parents niya. Hindi niya alam kung bakit naisipan ng mga itong maglatag ng ganoong desisyon bago ibigay sa kanya ang mana niya.
Siguro ngayon ay hindi pa niya naiintindihan ang mga magulang, pero kung siya na ang may sariling pamilya, diyan na siguro niya maiintindihan ang lahat.
Ngunit magkakaroon pa kaya siya ng sariling pamilya? Ngayong wala na siyang rason para mabuhay, kakayanin ba niyang gumawa ng pamilya?
Marami siyang kinakatakutan.
Nakakatakot mabuhay dahil hindi mo alam kung anong susunod na mangyayari sa'yo o sa mga taong mahal mo. Nakakatakot mabuhay dahil alam mong hindi lamang puro kasiyahan ang aatupagin mo. Nakakatakot mabuhay dahil sa mga responsibilidad na hindi mo alam kung kakayanin mo.
Marami siyang kinakatakutan sa buhay, marami siyang agam-agam na kinikimkim at iniisip tuwing gabi.
Sa kamatayan ba, makakapagpahinga na siya?
Takot siyang mabuhay, ngunit takot rin siyang mamatay.
Hindi niya alam kung saan siya mapupunta kapag lilisanin na niya ang mundo. Totoo bang may paraiso? Totoo bang ang mga masasamang tao ay sinusunog sa impyerno? O sadyang ginawa lamang ito ng imahenasyon ng mga tao, upang bigyang dahilan kung bakit may buhay at kamatayan?
Minsan iniisip niya, kapag ba namatay siya, maglalaho nalang siyang parang bula? May makakaalala pa kaya sa kanya? May mag-iisip pa rin ba sa pangalan niya?
Mga katanungang hindi niya alam kung may kasagutan ba. Hindi naman siya atheist, lumaki siya sa pamilya ng mga katoliko at paminsan minsan ay nagsisimba siya, ngunit ganito talaga siguro ang mga taong hindi matatag ang paniniwala sa Panginoon. Maraming agam-agam sa buhay at puno ng katanungan ang isipan.
Napabuntong hininga na lamang si Asta habang hinihintay si Patricia na lumabas. Hindi niya maintindihan kung paano nito nakuhang maging kalmado kahit may lalaking nakakita sa katawan nito.
Hindi siya bulag, noong maabutan niya itong nakahubad sa loob ng banyo ay nagkatinginan pa sila nito bago niya naisara ang pinto. Nagawa pa nitong magpangap na walang nangyari at lumabas na naka-tuwalya lang!
Hindi ba ito tinutubuan ng hiya sa katawan? Kung ibang babae pa siguro ang aksidente niyang nasilipan, baka kanina pa siya pinasakay sa police car at hinahatid sa kulungan.
Bumukas ang pintuan ng kwarto nito at lumabas itong nakabihis na. Dress na naman ang suot ng dalaga, kulay puti ngunit pareho lamang ang design noong nauna nitong suot. Bigla niya tuloy naalala ang t-shirt at jeans nito, naubusan na kaya ito ng damit kaya dress ang sinusuot?
"Tara," aya nito sa kanya at nauna pang maglakad.
Sinundan niya ito habang iniisip kung talaga bang walang kamuwang muwang ang babae o sadyang wala lang itong pakealam?
Ang akala niya ay kakausapin siya nito at tuturuan ng leksyon na huwag basta bastang pumapasok sa kuwarto ng mga babae, ngunit kalmado lamang itong naglakad pauna sa kanya.
Weirdo.
Pumunta sila sa food court ng resort para doon kumain. Wala sana siyang planong libutin ang resort dahil ang original naman na pinunta niya dito sa Mindanao ay iyong Jarden de Señorita, ngunit maganda rin pala dito sa D'fortress Nature Park and Inland Resort.
Mas malawak ang sakop ng inland resort. Maraming magagandang puno at halaman, naka-organize ang mga ito at halatang inalagaan.
Mga triangle shaped ang bawat kwarto at sa likod nito ay may maliit na pool. Gabi na kaya iyong mga tuorist na nag-overnight lang ang nandito. Iilan lang rin sila kaya hindi crowded sa food court.
Siya na ang pumila para bumili ng pagkain dahil dumiretso ang babae sa mga mesa. Kung hindi lang siya mabait ay hindi na niya ito binilhan ng makakain. Kaso, ang pangit naman tignan kung siya lang ang kakain tapos nakatitig lang sa kanya ang babae.
Magmumukha siyang walang puso. At saka nandito na rin naman sila, sulitin na lang nito ang pangli-libre niya. Bitbit ang mga nabiling pagkain ay lumapit siya sa pwesto nito.
Siya na ang nagkusang ilagay ang mga pagkain sa mesa at binigay rito ang inorder niyang beefsilog with fried rice para rito. Hindi niya alam kung anong gusto nito, kaya yung unang nakitang pagkain nalang ang inorder niya.
Pareha lang sila ng pagkain, may tig-iisang bowl rin sila ng sabaw na medyo mainit pa. Magsisimula na sana siyang kumain ngunit napahinto siya nang biglang mag sign of the cross ang kasama.
Natulala lamang siya rito habang nagdadasal ito ng pasasalamat sa biyayang natangap. Hindi siya sanay na nakakakita ng taong nagdadasal. Oo nga at Katoliko sila pero ni minsan hindi niya nakitang mag dasal ang mga magulang niya sa hapag.
Naibaba niya ang kubyertos at ginaya ito. Nag sign of the cross din siya at ipinikit ang mata. Wala siyang partikular na ipinagdasal, hindi niya naman alam kung ano ang sasabihin kaya hinintay niya na lamang itong matapos. Nag sign of the cross muli sila hudyat ng pagtatapos sa dasal at nagsimulang kumain.
Wala na silang ibang ginawa matapos kumain. Bumalik kaagad sila sa kanya-kanyang kwarto para magpahinga. Pagod siya kaya naman hindi siya nahirapan sa pagtulog.
Malalim ang kanyang tulog, kaya hindi niya namalayan ang isang presensya na nakatayo sa paanan ng kanyang kama. Nakatitig lamang si Patricia sa bawat pag angat baba ng dibdib ni Asta.
Hindi na mabilang ni Patricia ang mga gabing binabantayan niya ito sa pagtulog. Natatakot siyang kitilin nito bigla ang sariling buhay habang hindi siya nakatingin.
Hindi pwedeng magpakamatay si Asta. Hindi nito pwedeng patayin ang sarili dahil masisira ang lahat ng pinaghirapan niya.
Ang kaluluwa nito ang pang-limampung kaluluwang kailangan niyang iligtas. Konting tiis nalang, konting tiis nalang at makakapagpahinga na siya ng matiwasay.
Kinaumagahan ay maagang nagising si Asta. Maganda ang gising niya kaya ganado siyang naligo para maglibot sa lugar. Kung hindi niya lang nakita kagabi kung gaano kaganda rito, hindi niya talaga maiisipang maglibot.
Kinatok niya ang kwarto ni Patricia para ayain itong lumabas, ngunit ilang minuto na siyang kumakatok ay wala pa ring naging tugon mula sa loob.
Hindi pa rin siya maka move-on sa nangyari kagabi kaya hindi na niya pinasok ang kwarto nito.
Napag-pasyahan na lamang niyang maglibot ng siya lang.
Hindi kagaya kagabi na madilim kaya hindi niya masyadong naaninag ang lugar, ngunit ngayong nag-umaga na ay kitang kita ang magandang tanawin. May iilan pang mga turista na nagjo-jogging sa paligid.
Wala siyang balak mag jogging kaya naglakad lakad na lamang siya sa paligid.
May natanaw siyang man-made river at may mini bridge pa sa harap nito habang sa ilalim ng tulay ay ang malinaw na tubig. Natutuwa siyang sumampa sa tulay at tinignan ang mga koi fish na lumalangoy.
Hindi siya napipisikan ng tubig kaya malakas ang loob niyang magtagal doon. Nakakatuwa tignan ang mga isdang lumalangoy. He found peace by just looking at how the fishes wags its tails to swim.
Bahagya nang nakasilip ang haring araw kaya nasisinagan ng araw ang mga isda. Kumikinang sa ilalim ng tubig ang mga kalislis nito sa tuwing nagagawi sila sa parting may init.
This place is too peaceful. Tinignan niya ang tubig na hangang binti lang. Sasampa na sana siya sa tulay para tumalon pababa ngunit may boses na nagpatigil sa kanya.
"Enjoying yourself so far?"
Nilingon niya sa Patricia na naglalakad patungo sa pwesto niya. Nakatago sa likuran nito ang mga kamay. Naka-dress na naman ang babae ngunit iba na ang style. Mahaba ito na hangang sakong sa paa, spaghetti strap ngunit conservative ang sa bandang dibdib. Nagmamalaki ang colar bones nitong nakakaakit at kumikinang sa ilalim ng sinag ng araw ang balat nito.
Para itong diwata sa suot na puting bestida, nakalugay lamang ang buhok nitong sing itim ng gabi, wavy ang buhok nito at sumasabay sa sayaw ng hangin.
Naalala niya ang dagat sa buhok ng dalaga. Bigla niya ring tuloy naalala ang una nilang pagkikita. Sa dagat rin iyon at inis na inis siya sa babae dahil sa pangingialam nito.
"Kung nahuli siguro ako ng dating, palutang lutang na iyang bangkay mo sa tubig," walang ekspresyon na dugtong nito.
Napasimangot na lamang siya at umiwas ng tingin. Sinamaan niya ng tingin ang mga isdang matiwasay na lumalangoy.
"Paano ako malulunod diyan, eh ang babaw naman ng tubig?"
"Makakahinga ka pa ba kung hahayaan mo lang ang sarili mong nakabaon ang mukha sa tubig?" balik na tanong nito sa kanya.
Hindi siya nakasagot. Bakit sa lahat ng oras doon pa ito sumusulpot kapag may pinaplano na siya? Talunan siyang umalis doon at humanap ng bagong pwestong pagkakaabalahang tignan.
Parang buntot na nakasunod lang naman sa kanya ang babae. May nakikita siyang iilang turista na napapalingon sa gawi nito, ngunit tila hindi napapansin ng babae na nakakaagaw na ito ng atensyon.
Ang hirap talaga kapag maganda. Sinulyapan niya ang mukha nito at napatango, sobrang ganda. Bumaba ang tingin niya sa dibdib nito, umiling na lamang siya at binalik ang atensyon sa harap.
Maganda nga, flat naman.
Hindi ibig sabihin na pumayag siya sa kundisyon ng mga magulang ay kinalimutan na rin niya ang sariling plano. Napagisip-isip niya kasi na bakit hindi muna niya lasapin ang salitang 'pahinga' bago literal itong tutuhanin.
Tama naman ang mga magulang niya, magisip-isip muna siya at irelax ang sarili bago tangapin ang mabigat na responsibilidad na naghihintay sa kanya.
Ang kaibahan nga lang, wala siyang planong tangapin ang responsibilad na sinasabi nila. Dahil sino namang tatangap sa responsibilad, kung bangkay nalang ang maabutan nila?