"Saan ba tayo pupunta Dak?" tanong niya kay Dak dahil hila-hila siya nito. Talagang ginising pa siya nito. Nakita niya sa orasan niya kanina na alas dose na kaya gusto niyang sampalin si Dak dahil bigla na lang itong pumasok sa kwarto niya. Ano na naman ba ang binabalak ni Dak sa kanya. Mukhang kadarating lang ng binata. Nagpaalam kasi itong may pupuntahan lang saglit kanina sa kanya kaya hindi na niya ito nahintay. Dapat nga ay sa bubungan sila matutulog ngayon kaso sabi ni Dak sa kanya ay baka sa susunod na lang dahil nga baka hindi ito makauwi ng maaga. Ayaw rin naman ni Dak na matulog siya ng mag-isa sa bubungan dahil hindi ito mapapakali kapag siya lang ang matutulog doon. "Kadadating mo lang?" tanong niya habang nagkukusot ng talukap ng mga mata niya dahil nga inaantok na siya.

