CHAPTER 1 - ANG SIMULA

2034 Words
Hindi ko napigilang mapangiti nang nakita ko ang pangalan ni Pablo sa screen ng phone ko. Nakangiting ibinaba ko na muna ang ibinabalot kong regalo para kay Pablo at sa bawat miyembro ng pamilya niya, bago ko dinampot ang phone ko na nakapatong sa center table sa tapat ko. "Sweetheart? Napatawag ka?" [“Sweetheart, pupunta kami mamaya nila Mama at Papa dyan sa inyo."] Napakunot ang noo ko. "Dito? Sa amin?" ["Sweetheart, inulit mo lang 'yung sinabi ko..."] Dinig ko pa ang mahinang pagtawa ni Pablo sa kabilang linya. Binibiro lang ba ako ng lalaking 'to? Araw ng Pasko ngayon, kaya parang imposibleng bigla na lang sila pupunta dito. At mag-anak pa sila. "Bakit naman kayo pupunta dito?" ["Balak naming diyan na makipag-celebrate ng Christmas sa inyo.”] Napatuwid ako ng upo nang marinig ko iyon kay Pablo sa kabilang linya. Aaminin kong kinilig ako sa ideya ni Pablo. Pero nag-alala ako sa magiging reaksiyon na naman ni Papa. Nung malaman nga lang ni Papa na may relasyon na kami ni Pablo ay katakut-takot na masasakit na salita ang narinig ko mula sa kanya. “Ha? Bakit?” [“Wala lang. Gusto ko lang na mas lalong magkakilalang mabuti ang mga parents natin.”] Natakot ako sa ideya na ito ni Pablo. Istrikto si Papa. Dala siguro ng pagiging nasa pulitika nang humigit-kumulang sa dalawampung taon, kaya siguro ganun siya. Pero istrikto man si Papa, hindi naman niya napapabayaan ang bayan namin bilang Gobernador. Napapansin ko lang, bukod sa pagiging istrikto niya sa akin, malayo rin ang loob niya sa akin simula nung bata pa ako. Kakaiba ang trato niya sa akin, kumpara sa dalawa ko pang kapatid, na sila Angelica at Fritz Ivan. “Sweetheart, kinakabahan ako sa idea mo na ’yan. Alam mo namang istikto si Papa. Baka mamaya—“ [“Shhh… masyado kang nerbiyosa. Ayaw mo nun? Mapapatunayan ko sa Papa mo na totoo ang hangarin ko sa’yo kasi dadalhin ko diyan ang mga magulang ko.”] “Nandoon na ako, kaya lang--“ [“Shhh… no buts and ifs, sweetheart. Actually, nasa biyahe na kami papunta riyan. Kaya lang ako tumawag sa’yo ngayon para maabisuhan mo sila, at hindi naman sila magulat sa pagdating namin mamaya.”] “Ano??” Hindi ko napigilang hindi mapatayo sa narinig ko. Ano pa bang magagawa ko, nasa biyahe na pala sila Pablo at ang mga magulang niya? Limang oras din ang biyahe mula Maynila papunta dito sa San Clemente. "Sweetheart, ako naman ang ginulat mo." Narinig ko uli ang pagtawa ni Pablo. ["Sorry... mapilit din kasi itong si Mama. Nami-miss ka na yata."] Mabait ang mga magulang ni Pablo. Ramdam ko iyon sa una ko pa lang pagpunta sa bahay nila sa Maynila, at nakilala sila nang personal. “Sweetheart naman... parang may magagawa pa ko... Sige na. Mag-ingat kayo sa biyahe, ha.” [“Yup! Don't worry. Maingat po itong future husband mo."] Napaangat ang isang kilay ko sa narinig ko mula kay Pablo. "Future husband ka riyan..." As usual, tawa na naman ang sagot sa akin ni Pablo. ["Bye, sweetheart. See you later…”] Nang pinatay na ni Pablo ang tawag ay tanging paghinga nang malalim na lang ang nagawa ko. Nakakahiya namang hindi namin sila patuluyin dito. Isa pa, sobrang bait ng mga magulang ni Pablo sa akin. Hindi ako itinuring na ibang tao ng mag-asawang De Guzman, pati na ng kapatid na babae ni Pablo na si Roselle. Agad akong tinanggap ng mga ito sa pamilya nila nang ipakilala ako ni Pablo sa kanila nang maging opisyal na ang relasyon namin. Magkaklase kami ni Pablo sa College. Business Administration Major in Marketing ang course namin pareho. Sa isang sikat na Kolehiyo sa Maynila ko kasi napagdesisyunang mag-aral. Hindi naman sa minamata ko ang nag-iisang pang-Kolehiyong paaralan dito sa San Clemente, pero ang pag-aaral ko sa Maynila ay nakita ko ring pagkakataon para mawala muna ako pansamantala sa paningin ni Papa. Hindi kasi ako komportableng kasama siya dito sa bahay, dahil simula sa pagkabata ay pansin ko na ang kakaibang pagtingin niya sa akin, kumpara sa dalawa kong nakababatang mga kapatid. Tila ba lagi na lang mainit ang ulo niya sa akin, kahit wala naman akong nagagawang kasalanan. Kabaligtaran sa mga kapatid ko, lalo na si Angelica, na kahit may nagawang pagkakamali ay pinagsasabihan lang nang mahinahon ni Papa. Simula sa unang taon sa kolehiyo ay magkaklase na kami ni Pablo. Hanggang sa mga sumunod na taon ay hindi kami nagkahiwalay ng sectio, palibhasa lagi kaming magkasama sa block section. Sa mga taon na iyon ko nakita ang ugali ni Pablo. Mabait ito. Ano bang ikakapagtaka ko, eh ganun din ang mga magulang at kapatid niya. Naturalesa na ng pamilya nila ang pagiging mabait. Si Pablo iyong tipikal na mabuting estudyante na hindi nahuhuli at uma-absent sa klase. Hindi nagbubulakbol. Iyong kapag tinawag ng professor para mag-recite ay paniguradong laging may isasagot. Kapag sa exams naman, hindi pa yata bumaba sa tatlong mali ang mga score niya. Sa katunayan, Magna c*m Laude si Pablo nang magtapos na kami. Hindi naman ako magpapahuli. Dahil c*m Laude naman ang naabot ko. Naalala ko na nasa ikatlong taon na kami sa Kolehiyo nang simulan akong ligawan ni Pablo. Kahit pa na pinagbabawalan ako ni Papa na magka-boyfriend muna, hindi naging hadlang 'yun para hindi ko sagutin si Pablo, bago matapos ang ikatlong taon namin. Paniguradong hindi naman ako mapapahiya kay Pablo kapag ipinakilala ko na siya kay Papa at Mama. Kay Pablo lang kasi ako nakadama ng totoong pagmamahal. Kay Pablo ko lang nakita na may halaga ako dito sa mundo, na hindi ko kailanman naramdaman sa pamilya ko, maliban kay Mama. Kay Pablo, tanggap niya ang mga pagkakamali at kapintasan ko, at hindi niya ako hinusgahan. Kay Pablo, tila ako isang mamahaling diyamante na kailangang ingatan. Kaya bago pa man matapos ang ika-apat na taon namin sa pag-aaral, napagdesisyunan kong ipakilala na si Pablo sa mga magulang ko, sa kabila ng takot ko at konting agam-agam. Ang sabi kasi ni Pablo, ayaw niyang patago-tago kami, dahil malinis naman daw ang intensiyon niya sa akin. Pwede kaming paglayuin ni Papa. Pwede niya akong utusang makipaghiwalay kay Pablo. Pwede niya kaming pagbawalang magkita pa uli. Pero hindi ko na inisip 'yun. Handa akong ipaglaban si Pablo, ang taong unang nagmahal sa akin ng totoo. Kagaya ng inaasahan, sukdulan ang galit ni Papa nang una kong isama si Pablo sa bahay namin sa San Clemente, nung sem-break ng ika-apat na taon namin. “Ano’ng ibig sabihin nito, Jazerine?” mahinang tanong ni Papa pagkakita sa akin, samantalang nasa likuran ko naman si Pablo. Napangiwi ako nang marinig ko ang pagtawag ni Papa sa buong pangalan ko. Sa totoo lang, ayaw na ayaw ko sa pangalan ko. Hindi naman sa napapangitan ako. Pakiramdam ko kasi, parang may kaakibat na galit nang ipangalan iyon sa akin. Merong kung anong pakiramdam sa tuwing tatawagin ako ni Papa sa buo kong pangalan. Naramdaman ko ito mula pa nang nagkaisip ako. Para bang kapag binigkas niya ang pangalan ko ay punong-puno ito ng galit. Galit sa akin? Hindi ko rin alam. Pero iyon ang talagang nararamdaman ko sa tuwing bibigkasin niya ito. Matiim ang pagkakatingin sa akin ni Papa, na para bang sinasabi niyang alam na niya ang sagot sa tanong niya. Mahina lang ang pagkakatanong niya, pero bakas sa mukha niya ang galit. Sinulyapan ko si Pablo sa likuran ko, at saka tiningnan ang mukha niya. Baka kasi pagkakita niya kay Papa ay magbago na ang isip niyang magpakilala na boyfriend ko siya. Tumingin rin sa akin si Pablo, pero saglit lang iyon dahil ibinaling na niya uli ang tingin kay Papa. “Magandang gabi po, ako po si Pablo. Boyfriend po ni Jazz.” Nahigit ko ang aking hininga. Inihanda ko na ang aking sarili sa galit ni Papa. "So, hindi ka rin nakatiis na babae ka? Inuna mo pa ring makipaglandian sa Maynila, kaysa ang mag-aral? Hindi ba't sinabi ko sa 'yo na wala munang pakikipagrelasyon habang nandoon ka?” Nakagat ko na lang ang ibabang labi ko. Kung wala lang sana dito sa tabi ko si Pablo, at hindi niya narinig ang sinabi ni Papa, okay lang sana sa akin na pagsalitaan niya ako nang ganoon. Pero ngayon, hiyang-hiya ako kay Pablo sa narinig niya, at nakikita niyang trato sa akin ni Papa. "Hindi naman po sa ganun, Sir. Jazz is not that kind of woman. Nagmamahalan po kami ng anak ninyo. Kaya nga po ako sumama sa kanya dito sa bahay ninyo, para po ipaalam sa inyo ang malinis kong hangarin sa kanya,” sagot ni Pablo. Dahil sa pagsagot ni Pablo kay Papa ay sa kanya nabaling ang atensiyon nito. “Hindi ko hinihingi ang opinyon mo, lalaki,” may diin na sagot ni Papa kay Pablo, na may kasama pang pagduro ng kamay. “Agustin, sino ba ang kausap mo diyan?” Nabuhayan ako ng loob nang marinig ko ang boses ni Mama. Iyong pakiramdam na bigla kang nagkaroon ng kakampi. “Jazz? Dumating ka pala—sino ‘yang kasama mo?” Pero bago pa ako makasagot ay sumagot na si Pablo. “Pablo po, Mam. Boyfriend po ni Jazz.” Pagkasabi ni Pablo nun ay lumapit siya kay Mama, at saka nagmano dito. Naguguluhang tumingin si Mama kay Papa. Marahil nahulaan ni Mama na galit sa akin si Papa ngayon nang dahil kay Pablo. Pero saglit lang iyon dahol pagkatapos ay ibinaling ni Mama ang tingin sa akin. “Eh, ano bang ginagawa n'yo dito labas? Bakit ba dito kayo nag-uusap sa pintuan, Agustin? Hindi mo muna sila papasukin sa loob ng bahay. Tara na, Jazz. Pumasok na kayo dito sa loob.” Tiningnan ko muna ang reaksiyon ni Papa. Bahagya itong ngumiwi. “Bahala kayo sa buhay n’yo,” sabi niya, at saka tumalikod na para iwanan kami dito sa labas ng pintuan. NASA sala kami nila Pablo at Mama, nang bumaba si Angelica mula sa second floor ng bahay namin. Naroon kasi ang mga kuwarto namin. Tanghali na talaga kung magising ang kapatid kong ito, kahit noon pa. Normal na lang sa kanya ito. Pupungas-pungas pa ito habang bumababa ng hagdanan, kaya hindi nakakapagtakang nagulat ito nang makita kami doon. “Oh? May bisita tayo?” “Boyfriend ng Ate mo.” Si Mama ang sumagot sa kanya. Tumingin sa akin si Angelica. Akala ko ay may sasabihin ito sa akin, pero wala naman. “Hi! I'm Pablo,” pagbati ni Pablo sa kanya. Hindi ko alam kung anong ekspresyon ba ‘yung dumaan sa mukha ni Angelica nang tumingin siya kay Pablo. Malamang mamaya kapag umalis na si Pablo, katakut-takot na pang-iinis na naman sa akin ang gagawin niya sa akin. “Hi,” walang emosyong sagot ni Angelica kay Pablo. Binalingan ako nito. “Himala? Pinayagan ka ni Papa na mag-boyfriend?” Kitang-kita ko ang pagtataka at pagkagulat sa mukha niya. "Tama na, Angelica. Huwag ka nang mag-umpisa ng pag-aawayan ninyo ng Ate mo." Tumahimik lang si Angelica, at hindi na sumagot kay Mama. Binalingan naman kaming dalawa ni Pablo ni Mama. "Jazz, titingnan ko muna kung ano’ng niluluto nila dun sa loob." "Opo, Ma." "Pablo, dito ka na kumain ng tanghalian, ha?" nakangiting sabi ni Mama kay Pablo. “Naku, huwag na po, Mam. Aalis na rin po ako para makapagpahinga na si Jazz.” "Ano ba'ng Mam? Itong batang 'to. Tita na lang ang itawag mo sa akin." Napangiti naman si Pablo. "Sige po, Tita. If that's what you prefer." “Oh, dito ka kakain ha? Huwag kang tatanggi. Mabuti na ‘yung nakakasalamuha mo ang Papa ni Jazz lagi, para masanay siya sa ‘yo. Lalambot din 'yun pag tagal-tagal,” pamimilit pa ni Mama kay Pablo. “Pumayag ka na…” singit naman ni Angelica. “Para naman may ibang mukha naman sa mesa mamaya. Nakakasawa nang sila lang lagi-lagi at araw-araw na nakikita ko.” “Angelica…” bigay-babala ni Mama sa kanya, na pinagkibit-balikat lang ni Angelica. Pagkatapos ay tumingin si Angelica sa akin, at saka ngumiti nang pagkatamis-tamis. Himala! Kailan pa siya natutong ngumiti sa akin nang ganun? ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD