Nakapikit nang mariin ang mga mata at sapo ang sintido na bumangon si Blaire sa kaniyang kama. Hindi niya alam kung anong oras ba siya nakatulog. Kinailangan pa niyang uminom ng alak kagabi para lang makatulog. Iniyakan niya ang mga sinabi ni Bryce kagabi habang mag-isang tinutungga ang whiskey matapos niyang makapagpalit ng damit pangtulog. Sanay na siyang makatanggap ng masasakit na salita lalo na galing pa mismo sa sarili niyang ina. Pero ibang usapan na kapag sa binata na nanggaling. Nakilala niya ito na laging palangiti at gentleman sa kaniya. Pero ibang-iba na ito ngayon. O sadyang siya lang ang hindi nito tinatrato nang maganda? “Bakit girl, alam ba niya na ikaw yung nakilala at niligawan niya noon?” puno ng pait na tanong niya sa sarili. Napapangiwing inalis niya ang kumot.

